Ilang minuto silang nagtitigan lamang. Iyong tipo na parang mag-aaway. Kaya pumagitna na si Jeron.
Kinuha ni Jeron ang upuan sa corridor at ipinasok iyon sa room.
“Julio, ito oh. Dito ka na maupo,” sambit ni Jeron.
Ibinababa ni Jeron ang upuan sa tapat ni Julio.
Hinila ito ni Julio at ihinalera sa row namin. Si Josias naman ay naupo na sa kanyang upuan. As usual magtutulug-tulugan na naman ito.
Dumako ako sa direksyon kung saan nakaupo si Julio at nakita kong nakatingin ito sa akin.
Sinenyasan ko siya.
“Anong problema?” tanong ko.
Itinuro niya si Josias bilang kanyang sagot.
“Bakit?” tugon ko.
Tinuro niya ang upuan.
Pumasok na ang teacher namin sa first subject.
“Good morning class,” bati ng teacher namin.
“Good morning ma’am.”
“Iho sobra na ang upuan sa row na ‘yan. Ihilira mo na lang ‘yan sa dulong row,” sambit ni ma’am habang nakaturo kay Julio.
“Okay po ma’am.”
Tumayo si Julio at inihilira ang kanyang upuan sa dulong row.
Nagsimula na ang aming klase.
Habang nasa kalagitnaan ng klase. Tumayo si ma’am sa harap ni Josias.
Siniko ko si Josias ng ilang beses.
“Iho, kung matutulog ka lang araw-araw. Sana ay nanatili ka na lamang sa bahay niyo,” sambit ni ma’am.
Tinapik ko si Josias ng ilang beses. “Hoy, hoy!” sambit ko.
Bumangon ito at nagtakip ng panyo sa mukha.
“Iho, can you please answer the first question,” sambit ni ma’am.
Tinanggal ni Josias ang panyo sa kanyang mukha. Tumayo siya at kumuha ng chalk. Sinagutan niya ang number 1 question.
Nag-isip siya ng ilang minuto. Tumayo siya sa harap ng blackboard at nag-iisip habang iniistamp ang kanyang paa.
Matapos ang ilang minuto ay sumagot na siya.
Nagulat kaming mag kakaklase at noong tumingin ako kay ma’am ay nakita ko rin ang pagkakagulat niya.
Matapos sumagot ay naupo na rin siya agad at nagtutulog-tulugan na muli.
“Okay, the answer of Mr. Josias is correct,” sambit ni ma’am.
Nagpatuloy na ang discussion ni ma’am.
Matapos ang dalawang subject ay recess na namin.
Tinawag ko na si Anne para mag recess. Ngunit paglingon ko sa kanyang upuan ay wala na siya. Siguro ito ay nauna na para magtinda.
Lumabas ako ng room.
At habang bumababa ng hagdan ay nagulat ako ng biglang may humawak sa balikat ko.
“Hoy!” sambit ni Julio.
Napalingon ako sa kanya.
“Uy sorry nagulat ka ba?”
“Hi-hindi, halata ba?” sarcasm kong tanong.
“Wala kang kasabay mag recess?” tanong ni Julio.
“Si Anne ang kasabay ko kaso nauna na ata siya, nagtitinda kasi siya sa canteen,” paliwanag ko.
“Oh, dahil wala si Anne. Sasabayan muna kita. Tutal ikaw pa lang naman ‘yong close ko rito,” sambit niya.
“Close?” tanong ko. “Hindi naman tayo close ah,” dagdag ko pa.
“Aray naman,” tugon niya habang nakawak sa kanyang dibdib na akala mo ay sinaksak. “Basta, wala kang kasabay ngayon kaya sasabayan muna kita,” sambit ni Julio.
“Sige, ikaw bahala,” tugon ko. Wala naman na akong magagawa kaya pumayag na rin ako.
“Hala, bakit may pila?” nagtataka at gulat na tanong ni Julio.
“Naku ganyan talaga. Siguro walang ganyan sa dati mong school nuh? Wala bang pila sa Ateneo?” usisa ko.
“Wala eh, kasi kanya-kanyang punta sa cafe ‘yong mga estudyante roon,” kwento ni Julio.
“Cafe? kahit elementary pa lang?” gulat kong tanong.
“Oo, karamihan naman sa mga bata roon ay may yaya kaya sa cafe sila kumakain,” pagkukwento pa ni Julio.
“Sobrang yaman siguro talaga ng mga tao roon,” sambit ko.
“Karamihan,” tugon ni Julio.
“Grabe sa cafe, eh gastos lamang ‘yon,” sambit ko.
“Naku tama na sa kwentong Ateneo, pumila na tayo, gutom na ako,” sagot niya habang nakahawak sa kanyang tiyan.
Naglakad ako at siya naman ay sumunod sa akin.
Ilang pila na rin ang nadaanan namin.
“Hoy saan ka ba pupunta? uuwi ka na ba?” tanong ni Julio.
“Hindi, roon tayo pipila kung saan nagtitinda si Anne,” tugon ko.
“Nasaan na ba si Anne?” tanong ni Julio.
Tumingin ako sa dulong pila at doon ay natanaw ko si Anne.
“Ayun,” turo ko.
Tumakbo ako at si Julio naman ay tumakbo rin. Pumila kami kung saan nagtitinda si Anne.
“Gaanon pala rito, bago makakain ay kailangan pang pumila,” sambit ni Julio.
Lumingon ako sa kanya.
“Nagrereklamo ka ba?” mataray kong tanong. “Kung nagrereklamo ka pwede ka naman bumalik doon sa Manila.”
“Hindi ako nagrereklamo nuh,” tugon niya. “Pero pwede ba bukas? agahan natin pumila, gutom na gutom na kasi ako nang ganitong oras eh.”
“Bukas? hindi na tayo sabay bukas humanap ka na ng kasabay mo. Makipagkaibigan ka roon kina Jeron,” sambit ko.
“Sungit mo naman, sasabay lang eh,” tugon niya.
“Pero sige, kakaibiganin ko si Jeron. Mukha naman siyang mabait,” dagdag pa niya.
“Mabait talaga ‘yan si Jeron,” sambit ko.
“Ayan huh,” tugon niya, kita at halata ko sa mukha niya ang pang-aasar.
“Naku, tigil-tigilan mo ‘yang iniisip mo. Mag kaibigan lang kami ni Jeron. At saka kilala ko kaya crush niya,” sambit ko habang natatawa.
“Bakit defensive ka?” tugon niya.
“Hoy Samantha,” nagulat ako marinig ko ang boses ni Anne.
Pagkalingon ko ay wala na pala ang mga tao na nasa unahan ng pila at turn na namin ni Julio para bumili. Lumapit ako kay Anne.
“Napasarap ata ang kwentuhan niyo,” sambit ni Anne.
“Hindi nuh. Nagrereklamo lang naman ‘tong si Julio,” sambit ko habang tinuturo si Julio.
“Hindi nuh, naninibago lang ako dahil walang ganito sa dating school namin,” katwiran ni Julio.
“Naku tumiigil ka na, ganun na rin ‘yon. Tumigil ka na riyan. Isa ngang tubig Anne saka cheesecake,” sambit ko.
Kinuha ni Anne ang tubig at cheesecake.
“Ako rin Anne, ‘yan na lang din akin,” sigaw ni Julio.
Nilapag ni Anne ang dalawang tubig at dalawang cheesecake.
Pagkatapos, si Julio naman ay biglang pumunta sa harap.
“Ako na magbabayad nito Samantha,” sambit niya habang nilalabas ang pera sa kanyang wallet.
“Anong ikaw?” sambit ko.
“Oh, Anne,” tawag ko kay Anne at inabot ang aking bayad. Pagkatapos ay kinuha ko na rin ang isang tubig at cheesecake at iniwan si Julio.
Nauna na ako sa pagbalik sa classroom.
Habang umakyat ng hagdan.
“Hoy, Samantha!” boses ni Julio.
Lumingon ako at huminto sa pag-akyat ng hagdan.
“Bakit mo ako iniwan?” inis niyang tanong.
“Hindi kita iniwan nuh. Ang bagal mo kasi,” tugon ko.
Noong nasa corridor na kami at malapit na sa room ay nasa labas si Josias, nagkatinginan kami ngunit agad ding itong umiwas ng tingin at pumasok ng room.
Nagpatuloy ako sa paglalakad at noong nakapasok na ako ng room ay umupo ako sa upuan.
“Ay, may nakaupo na sa tabi. Badtrip naman, hindi ba ‘yan nagrerecess?” sambit ni Julio habang nakatingin kay Josias.
Tumingin ako kay Julio at sinenyasan na huwag siyang maingay, baka kasi marinig ni Josias at uminit ang ulo nito. Baka matuloy na talaga ‘yong away nila na naudlot kanina.
“Pumunta ka na roon sa upuan mo,” sambit ko kay Julio.
Si Jeron naman ay nasa tabi ko at biglang nagtanong sa akin.
“Samantha, mabait ba ‘yan si Manila boy?” mausisang tanong ni Jeron.
“Mukha namang mabait,” tugon ko. “Bakit?”
“Wala naman, kanina kasi habang paakyat ng hagdan sabi niya sabay daw kami mag recess bukas,” kwento ni Jeron.
“Ah, sabi ko kasi kaibiganin ka, para naman may close siyang lalaki,” tugon ko.
“Oh, alam mo naman hindi ako bumabarkada sa alam mo na,” sambit ni Jeron.
“Mukha naman siyang mabait, pero syempre kilalanin mo pa rin,” tugon ko.
“Mabait?” nagulat ako ng biglang magsalita si Josias.
Dahil sa pagkakagulat ay nabulunan ako at napainom agad ng tubig.
“Ehem, ehem,” sambit ko habang hinahawakan ang dibdib ko.
“Bakit kilala mo ba siya?” tanong ko kay Josias.
“Hindi,” tugon niya at nagtulog-tulugan na muli.
“Eh, bakit kung makapagsalita ka riyan eh parang kilala mo na siya,” sambit ko.
Natapos ang recess.
Dumating ang adviser namin at tinawag ako.
“Samantha.”
Lumingon ako sa pintuan at naroon ang adviser namin.
“Po?” tugon ko.
Sinenyasan niya ako na lumabas.
Lumabas ako at…
“Samantha, namatayan kasi ‘yong isa kong estudyante sa Section C. Kailangan nila ng kaunting tulong. Aatasan sana kita humingi ng kaunting abuloy sa mga classmate mo,” sambit ni ma’am.
“Sige po ma’am,” tugon ko.
“Ano po palang kinamatay ma’am?” curious kong pagtatanong.
“Cancer,” tugon ni ma’am.
Cancer, base sa mga naririnig ko, Cancer is a worst enemy. Kapag tinamaan ka raw ng Cancer hindi mo alam na bilang na lang ang mga araw. Kaya himala raw ang mga nakaksurvive sa sakit na ito.
“Ito ang death certificate, at ito ang garapon. Nariyan na rin ang mga abuloy mula sa ibang section. Bilangin mo muna at ilista bago mo ilagay riyan.” sambit ni ma’am habang inaabot ang garapon at mga papel.
“Sige po ma’am,” tugon ko.
“Pagkatapos ay ibigay mo sa akin. Nasa Section E ako,” sambit ni ma’am.
“Opo.”
Pumasok ako ng room.
“Maupo muna kayo. Mga nasa likod diyan, maupo muna kayo ng maayos,” sigaw ko.
“May namatayan sa Section C, at humihingi ng kaunting tulong. Kahit gaano kalaki ang ibigay niyo ay napakalaking tulong na wala naman ‘yan kung malaki ba o maliit,” sambit ko.
“Samantha, anong kinamatay,” usisa ni Anne.
“Cancer,” tugon ko.
“Oh treasurer mag-ikot na,” sambit ko.
Nag ikot na ang treasurer sa kabilang row at ako naman ay sa kabilang row.
Habang nangongolekta ay dumating na ang teacher namin sa time na ‘yon.
“Good day class,” bati ni ma’am.
“Good day ma’am.”
“Oh, anong meron?” sambit ni ma’am.
“Ma’am nangongolekta lang po kami ng tulong, may namatayan po kasi sa Section C,” tugon ko.
“Anong ikinamatay iha?”
“Cancer po ma’am,” tugon ko.
“Okay, I will give you five minutes para mangolekta,” sambit ni ma’am.
Nagpatuloy kami sa pangongolekta at matapos ang ilang minuto ay pinagsama na namin ni treasurer ang pera at sinimulan bilangin.
“Oh, idagdag niyo na ‘yan,” sambit ni ma’am habang inaabot ang pera.
“Sige po ma’am, thank you po,” tugon ko.
Nagpatuloy kami sa paagbibilang at nakalikom kami ng 120 pesos. Inilista ko ‘yon sa papel na ibinigay ng adviser namin.
Pagkatapos ilagay ang pera sa garapon ay nagpaalam na ako kay ma’am.
“Ma’am excuse po, ihahatid ko lamang po ito sa Section E,” pagpapaalam ko.
“Sige, Samantha.”
Bumababa ako sa first floor kung saan naroon ang Section E.
Sumilip ako at noong nakita ko si ma’am sa harap ay kumatok ako sa pinto.
May policy kasi sa school namin. Dapat kumatok ka muna ng tatlong beses bago mo buksan ang pinto.
Binuksan ko ang pinto.
“Ma’am excuse po, ito na po,” sambit ko.
Pumunta si ma’am sa pinto at kinuha ang garapon at papel.
“Binilang niyo ba?” tanong ni ma’am.
“Opo, one hundred twenty po lahat ang nalikom namin, ma’am,” tugon ko.
“Salamat, anak.”
Pagkatapos iaabot kay ma’am ay umakyat na rin ako papunta sa room namin.
Naupo ako at nagpatuloy na ang klase namin.
Lumipas ang dalawang subject at uwian na namin.
As usual, naiwan kami ni Anne. Pero hindi ko inakala na pati sa Julio ay magpapaiwan din.
“Bakit ka nandito?” tanong ko.
“Bakit? masama bang magpaiwan?” tugon niya.
“Hindi naman,” sagot ko.
Nagpatuloy ako sa pag-aayos ng upuan at pagkatapos ay isinarado na rin ang mga bintana.
Noong palabas na kami, si Julio naman ay nakaupo pa rin sa upuan. Para siyang si Josias hindi man lang tumulong maglinis.
“Hoy, gusto mo bang maiwan dito?” naiinis kong tanong.
“Hindi nuh, ito na nga eh, lalabas na,” tugon niya.
Lumabas na kami at isinara namin ang pinto.
Bumaba kami ng hagdan at noong nasa gate na kami ay natanaw ko si Josias na parang may hinihintay.
Nakarating na kami sa labas.
May tumigil na sasakyan sa harap namin. Binuksan ni Julio ang pintuan ng sasakyan at pumasok doon. Noong nasa loob na siya ay hindi pa rin umandar ang sasakyan.
Binaba ni Julio ang bintana sabay sabing, “ sabay na kayo.”
Tumingin si Anne sa akin.
“Uy tara na,” sambit ni Anne habang tinutulak ako.
“Ayoko,” tugon ko kay Anne.
“Hindi na, maglalakad na lang kami,” sambit ko kay Julio.
“Sige, kayo ang bahala,” tugon ni Julio at isinara ang bintana.
Umalis na ang sasakyan nina Julio. Noong tumingin naman ako sa pwesto kung saan naghihintay si Josias ay wala na ito.
Nahalata ni Anne na parang may hinahanap ako.
“Hoy, sinong hinahanap mo?” usisa ni Anne.
“Wala,” tugon ko. “Tara uwi na tayo,” pag-aaya ko kay Anne.
At nagsimula na kaming maglakad ni Anne pauwi.