CHAPTER 26: LIFE GOES ON

2365 Words
“Kuya huwag po kayong matakot,” sambit ni ate Joana. Napainom agad si tatay ng tubig. Alam kong nagulat siya sa sinabi ni ate Joana. “Sure na ba ‘yon Joana? lung cancer talaga ang sakit ko?” usisa ni tatay. “Hindi pa naman po sigurado kuya. Magpatingin po kayo sa doctor, sasamahan ko po kayo. Ako na po ang bahalang mag ayos ng inyong schedule,” sambit ni ate Joana. “Si-sige,” nauutal na tugon ni tatay. Pinagmasdan ko si tatay at halata ko na nanginginig ang kanyang mga binti. Habang ako naman ay parang wala pa ring lakas. Ang alam ko lang ay may nangingilid na luha sa aking mga mata. “Huwag po kayong matakot, hindi pa naman po sigurado. Mabuti na rin po ‘yon na nalaman na nang maaga,” paliwanag ni Ate Joana. “Dahil kung hindi ay baka lumala pa. Mas nakakatakot na late ng malaman bago naagapan,” dagdag pa ni Ate Joana. Matapos ang ilang minuto ay nahimasmasan na rin si tatay. “Pasensya ka na Joana sa aking naging reaksyon,” sambit ni tatay. “Huwag po kayo mag alala sasamahan ko po kayo,” tugon ni ate. Tinignan ako ni ate. “Ikaw Samantha, huwag kang matakot huh. Magpalakas ka na at sasamahan nating dalawa ang tatay mo,” sambit ni ate. “O-opo,” nauutal kong tugon. Nahalata ni ate na nanginginig ang aking mga binti. Hinawakan niya ito. “Huwag kang matakot, magpalakas ka,” paalala ni ate. Tanging tango na lamang ang naging tugon ko. Ipinaliwanag ni Ate Joana kay tatay kung ano ang sitwasyon ni tatay. “Kuya maupo po kayo at ipaliliwanag ko po sa inyo ang inyong sitwasyon,” sambit ni ate. Naupo si tatay. “Base po sa aking observation, lung cancer po ang aking diagnosis,” sambit ni ate. “Naninigarilyo po ba kayo rati?” tanong ni ate. “A-ah,” nauutal na tugon ni tatay. “Okay lang po kuya, ang importante po ngayon ay magsabi kayo nang totoo para sa mas maayos at accurate na diagnosis,” paliwanag ni Ate Joana. “Ah dati ay naninigarilyo ako pero saglit lamang ‘yon Joana,” pagtatapat ni tatay. “Nakakailang stick po kayo sa isang araw, kuya?” muling pagtatanong ni ate. “A-ah,” nauutal muling sagot ni tatay. “Kuya huwag po kayo mag alinlangan gaya po ng sabi ko ang kailangan ko po ay totoong mga sagot,” paliwanag ni ate. “Ah, nakakasampung stick ako noon kada araw,” tugon ni tatay. Ikinagulat ko ang naging tugon ni tatay. “Sampu?” bulong ko. Habang tinatanong ni Ate Joana si tatay ay isinusulat niya rin ang mga nagiging tugon ni tatay. “Ah, umiinom po ba kayo rati?” ang isa pang tanong ni Ate Joana. “A-ah,” muling nauutal na sagot ni tatay. Sa naging reaksyon ni tatay ay alam ko na ang magiging sagot niya sa tanong ni ate...umiinom siya. “Ah, oo umiinom ako pero may control naman ako,” sambit ni tatay. At hindi nga ako nagkamali. “Nakakailang bote po kayo noon kada araw?” sambit ni ate. “Hindi naman ako araw-araw umiinom noon. Nag-iinom lang ako kapag may okasyon,” tugon ni tatay. “May mga lagi po ba kayong kasama na naninigarilyo?” tanong ni ate Joana. “A-ah,” saglit na nag isip si tatay para alalahanin kung may lagi ba siyang nakakasalamuha na naninigarilyo. “Sa bukid, ang mga kasama ko sa bukid. Ang iba sa kanila’y naninigarilyo,” pagtatapat ni tatay. Patuloy na isinisulat ni Ate Joana ang bawat nagiging tugon ni tatay. “Eh, sa pamilya niyo po kuya, mayroon po bang nagkaroon ng lung cancer?” muling tanong ni ate. “Ah,” saglit na natigilan si tatay, “ wala naman akong naaalalang nagkaroon ng lung cancer sa aming pamilya,” sambit ni tatay. “Ganoon po ba.” Matapos ang pag-uusisa ni Ate Joana ay muli itong nagbigay ng paalala. “Kuya, sana po ay mapaaga ang pagpunta natin sa doctor. Sabihin niyo lang po ako kung kailan po kayo free,” sambit ni ate. “At saka po pala kuya, maari po bang umiwas muna kayo sa mga kasamahan niyo po sa bukid na naninigarilyo. Kapag naninigarilyo po sila ay lumayo kayo,” dagdag pa ni ate. “Sige Joana, susundin ko ‘yang mga sinasabi mo,” tugon ni tatay. “Salamat po kuya,” sambit ni ate. “Hihintayin ko lang muna na magpalakas si Samantha at sasabihin kita para makapunta sa doctor,” tugon ni tatay. “Sige po kuya.” Tumayo na si Ate Joana at kinuha ang kanyang mga gamit. “Mauuna na po ako,” sambit ni Ate Joana. Pinigilan ni tatay si Ate Joana. “Saglit lang Joana,” sambit ni tatay at pumasok siya sa kwarto. May kinuha siya roon at pagkatapos ay lumabas na rin. Lumapit siya kay ate Joana at tipong may inaabot. “Ito, kaunting halaga,” sambit ni tatay. “Naku, hindi na po kuya,” tugon ni Ate Joana at ibinabalik ang pera kay tatay. “Joana, tanggapin mo na ito,” pagpupumilit ni tatay. “Huwag na po, itabi niyo na lang po ‘yon para pampa check up niyo,” tugon ni Ate Joana. “Aba’y salamat napakabait mo talagang bata, bata pa lamang ay mabait ka na,” sambit ni tatay. “Ano po ba kayo, wala po ‘yon. Paano po, mauuna na po ako.” Umalis na si Ate Joana at kaming dalawa na lamang ni tatay ang naiwan sa bahay. “Alam mo anak, nagpapasalamat ako at dahil may kapitbahay tayong katulad nina Eddy at Joana,” sambit ni tatay. “Oo nga po ‘tay eh,” tugon ko. “Sila ang mga tao na tumutulong na hindi naghihintay ng kapalit,” sambit ni tatay. “Sana anak balang-araw ay maging katulad ka rin nila,” dagdag pa ni tatay. Sa pagkakarinig ko noon ay naantig ang aking puso. Sana nga ay maging katulad nila ako. Sana ay balang-araw ay makatulong ako sa mga nangangailangan. “Opo tay, pangako po magiging katulad po nila ako,” sambit ko. “Inaasahan ko ‘yan anak,” tugon ni tatay. “Magiging katulad po nila ako ‘tay tutulong po ako na makamit ang hustisya para po sa mga pinagkaitan ng hustisya,” sambit ko. “Sige anak, ipagpatuloy mo ‘yan,” tugon ni tatay. Matapos ang aming pag uusap ni tatay ay nabalot kami ng katahimikan ng ilang minuto. Binasag ni tatay ang katahimikan. Naupo siya sa aking tabi. “Anak, pasensya ka na at hindi ko talaga alam bakit naging ganito ang aking kalagayan,” sambit ni tatay habang nakatingin sa sahig. Pagkarinig ko noon ay biglang tumulo ang aking mga luha. Pinunasan ko agad ito upang hindi mahalata ni tatay. “Hu-huwag po ka-kayo ma-mag alala tay, sa-sabi naman po ni Ate Joana ay hindi pa po sigurado,” nauutal kong tugon. “Kung alam ko lang ay sana iniwasan ko na ang bisyo noon pa lamang,” sambit ni tatay. “Ano po ba kayo ‘tay, sabi naman po ni Ate Joana ay hindi pa siya sigurado,” pagpapalakas ko ng loob ni tatay. “Natatakot lang ako anak,” sambit ni tatay. “Natatakot ako na baka pati ako ay mawala pa. Natatakot ako na baka wala ng matira sayo,” tugon ni tatay. Habang sinasambit ni tatay ang bawat salita ay halata ko ang nangingilid nitong mga luha. Ako naman ay hindi ko na napigilan at tuluyan ng napaluha. “Ano ka ba ‘tay, walang mawawala,” sambit ko. “Kakayanin natin to tay, magpapalakas lang po ako at pupunta na tayo sa hospital para masigurado kung ano po talaga ang kalagayan niyo,” tugon ko. Sa totoo lang pati ako ay nanlalambot na. Habang pinag uusapan namin ‘yon ni tatay pero pinipilit kong labanan ang aking takot. Gusto ko maging malakas sa harap ni tatay. Gusto ko malaman niyang meron siyang masasandalan. Kahit panibagong takot na naman ito ay pilit ko itong kahaharapin para kay tatay. “Huwag kang umiyak, anak,” sambit ni tatay. “Paano kita magagawang iwan kung ngayon palang ay umiiyak ka na?” dagdag pa ni tatay. “Tay naman eh,” tugon ko at niyakap si tatay. Hindi ko na napigilan at tuluyan na akong napaiyak. Sinalo ng balikat ni tatay ang mga luhang bumubuhos mula sa aking mga mata. “Huwag kang umiyak anak, walang mangyayari kay tatay,” sambit ni tatay habang hinihaplos ang aking ulo. “Oh, magluluto muna ang tatay.” Tumungo si tatay sa kusina habang ako naman ay nanatili pa rin sa sala. Tumayo ako at ika-ikang kinuha ang panlinis ng aking sugat. Base sa aking observation ay medyo naghihilom na ang aking sugat. Nilinisan ko iyon. Medyo nakararamdam ako ng kaunting kirot ngunit hindi na katulad ng dati. “Anak, nalinisan mo na ba ang sugat mo?” usisa ni tatay. “Ah, ito po ‘tay nililinisan ko po,” tugon ko. “Makirot pa rin ba?” tanong ni tatay. “Ah, hindi na po masyado ‘tay. Hindi katulad nakaraan,” tugon ko. “Mabuti naman at baka patuyo na rin ‘yan.” Makalipas ang ilang minuto ay natapos ng magluto si tatay. “Oh anak, dahil malamig ngayon at umuulan ito ang ulam natin,” sambit ni tatay habang inilalagay sa lamesa ang isang malaking mangkok ng ulam. Nilagang baboy ang ulam namin. “Naku ‘tay, masarap nga po ‘yan,” tugon ko. “Halina’t maghapunan tayo,” sambit ni tatay. Tumungo si tatay sa sala para ako’y alalayan. Tumungo kami sa kusina, naupo at nagsimula ng maghapunan. Habang malakas ang buhos ng ulan ay dama ko ang lamig na lalong mas nagiging swak sa mainit na sabaw. Humigop ako ng sabaw. “Grabe ‘tay ang sarap niyo po talaga magluto,” sambit ko. “Naku anak, lagi mo na kong sinasabihan ng ganyan,” tugon ni tatay. “Ibig sabihin po nun, lagi pong masarap ang luto niyo,” sambit ko. “Kung narito po si Anne panigurado po ay pati siya masasarapan sa luto niyo,” dagdag ko pa. “Nasaan nga pala si Anne anak, akala ko ay pupunta siya rito ngayong Sabado,” sambit ni tatay. “Ah, malakas po kasi ang ulan tay kaya baka hindi na rin po siya tumuloy,” tugon ko. “Sayang naman at hindi niya matitikman ang masarap kong luto,” sambit ni tatay. “Oo nga po ‘tay, panigurado po bobolahin po kayo nun kung narito siya,” tugon ko habang natatawa. “Masaya ako anak at meron kang matalik na kaibigan tulad ni Anne,” sambit ni tatay. “Ako rin po ‘tay nagpapasalamat din po ako dahil naging kaibigan ko si Anne. Para ko na po siyang kapatid eh,” tugon ko. “Oo nga anak, bata pa lamang kayo ay para na kayong magkapatid ni Anne. Naalala mo ba rati, ni hindi kayo mapaghiwalay,” sambit ni tatay. “Opo nga po ‘tay eh. Kung nasaan ako ay naroon din si Anne. Kung nasaan naman siya ay naroon din ko,” tugon ko habang sinasariwa ang nakaraan. “Sana ay masamahan ka ni Anne hanggang kolehiyo, sana ay payagan na siya ng kanyang tatay,” sambit ni tatay. “Opo nga tay eh, pinagdadasal ko rin po ‘yan tay,” tugon ko. “Ay hindi po ba ‘tay nasabi niyo po na kakausapin niyo po ‘yong kanyang tatay,” dagdag ko pa. “Ah oo anak kaso ay hindi ko kasi siya natsetsempuhan sa bukid,” sambit ni tatay. “Ah baka po nasa Maynila ‘tay,” tugon ko. “Sa Maynila? ano naman ang gagawin niya sa Maynila?” nagtatakang tanong ni tatay. “Ah, naroon po kasi ang negosyo nina Anne ‘tay. Malakas daw po ang negosyon nila roon. Kaya nga po ayaw na siya pag-aralin ng kanyang tatay ay para lumuwas si Anne sa Maynila at maging katuwang sa negosyo,” pagkukwento ko. “Ganoon pala,” sambit ni tatay. “Kaya pala hindi ko siya matsempuhan nasa Maynila pala siya.” “Pero umuuwi naman daw po ‘yon tay mga tatlong beses kada buwan,” patuloy kong pagkukwento. “Tay, may gusto po sana akong ipakiusap,” sambit ko. “Oh,ano ‘yon anak?” tugon ni tatay. “Maari po bang kausapin niyo ang tatay ni Anne, hindi lang po basta pag uusap ‘tay, yung tipong maiintindihan niya rin po ‘yong side ni Anne,” sambit ko. Habang nagkukwento ako ay pansin kong maiging nakikinig si tatay. “Kasi po ‘tay hindi po mapaliwanag ni Anne ang kanyang side, pero ramdam ko po ‘tay na gustong-gusto niya pong mag-aral. Kaya po kung pwede ay kausapin niyo po ‘yong tatay niya,” pakiusap ko. “Ganoon pala, pakiramdam ko rin ay gustong-gusto mag-aral ni Anne. Nooong nasabi ko noon na kakausapin ko ang tatay niya pinagmasdan ko siya at nasilayan ko ang kanyang mga ngiti,” sambit ni tatay. “Huwag kang mag-alala anak at kapag nakita ko ang tatay niya ay kakausapin ko ito agad,” dagdag pa ni tatay. “Salamat po ‘tay,” tugon ko. “Parang anak ko na rin ‘yan si Anne ang gusto ko lang din ay kung ano ang makabubuti sa kanya,” sambit ni tatay. “At ayoko rin masaktan ka, panigurado kapag hindi ka nasamahan ni Anne sa kolehiyo kapag hindi siya nagpatuloy para sa kanyang pangarap ay ikaw ang unang masasaktan,” dagdag pa ni tatay. Sa sinabing ‘yon ni tatay ay napaisip ako. Totoo ang bawat salita na kanyang binitawan, ako ang unang masasaktan kung hindi nagpatuloy si Anne para sa kanyang pangarap dahil noong bata pa lamang kami hanggang ngayon ay alam ko na ang bawat mithiin ni Anne at ang hindi niya makamit ang mga ‘yon ay tunay na ikasasakit ko.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD