Nalaman kong ang doktor na gumamot kay nanay, ay siyang nakasagasa kay inay.
“Alam mo ba na ang pasyente roon sa Room 24, na nasagasaan ni Doc. Ramir Cruz ay patay na,” sambit ng isang nurse.
“Psssst!” tumingin sa paligid ang isang nurse at tinapik ang balikat ng kanyang kasama, “huwag ka ngang maingay, baka may makarinig sa’yo.”
“Doctor Ramir Cruz?” pagtataka kong sambit, “siya ang nakasagasa kay inay?” tanong ko sa aking sarili.
Binilisan ko ang aking lakad at agad na hinanap ang doktor na gumamot kay nanay.
Napadpad ako sa second floor at wala ang aking pakay roon. Habang umiikot ako sa ospital ay nasaksihan ko kung gaano karami ang kulang na mga kuwarto, kagamitan, mga nurse at doktor para maayos na magamot ang mga pasyente. Dahil ang aming bayan ay malayo sa estado ng mga nasa syudad.
Bumaba ako at lumabas ng ospital at doon ko nakita si Doc. Cruz.
“Doc, doc,” malakas kong tawag para mapigilan ang pagpasok nito sa loob ng sasakyan.
Pagkarating ko sa sasakyan, ay agad kong kinatok ang binatana nito.
“Doc, doc,” sunod-sunod kong tawag.
Binuksan nito ang bintana.
“Ka-kayo po ba ang, nakasagasa sa nanay ko?” hinihingal kong tanong.
Napahawak sa sintido ang doktor.
“Ako nga, bakit? Ginawa ko na ang lahat para masagip ang nanay mo, wala na akong kasalanan doon.” Matalim niyang sagot at agad na sinara ang bintana at pinaharurot sa takbo ang sasakyan.
“Huh? Wala siyang kasalanan kung namatay si nanay? Ang kapal ng mukha ng doktor na iyon.” nanggagalaiti kong sambit sa aking sarili.
Pumasok ako sa hospital at hinanap si Tatay.
Nang matanaw ko ang morge, naroon si tatay at umiiyak.
Lumapit ako at tinapik ang likod ni Tatay. Gusto kong sabihin kay itay na ang doktor na gumamot kay nanay ay ang nakasagasa rito. Ngunit, nararamdaman kong hindi pa iyon ang tamang oras. Ngayon, ang kailangan ni tatay ay masasandalan.
Umuwi kami sa bahay at kasunod noon ay ang pagdating ng kabaong ni inay.
Nanlambot ang aking mga binti ng makita ko si inay.
Dumating agad si Anne nang malaman ang nangyari kay nanay.
“Hi-hindi ko inakalang makikita ko si nanay sa ganitong sitwasyon, ang mapayapang araw ay na-naging bangungot para sa a-akin.” Umiiyak kong kwento kay Anne.
Matapos ang isang linggo ay inilibing na si nanay.
Nakita ko ang hinagpis ni Tatay. “Aking irog!” Umiiyak nitong sigaw.
Nailibing si Nanay at roon ko nakita ang petsang hindi ko makakalimutan.
“February 14, 2002,” araw ng pagkamatay ni nanay.
Nang kami’y makauwi sa bahay, naisip kong ito na ang tamang panahon para sabihin kay tatay ang tungkol doon sa doktor. Ngunit, nagulat ako sa kanyang sagot...
“Tay, alam niyo po bang ang sumagasa kay nanay...,” hindi pa ko tapos sa aking pagsasalita ay kaagad ng sumagot si Itay.
“Ay ang doktor na gumamot sa kanya.” sagot nito.
Ako ay nabigla.
“Po-po?, alam niyo po? Tay bakit wala kayong ginawa?” nagtataka kong tanong.
Hinagis ni Tatay ang basong kanyang iniinuman sa sahig dahilan para ito’y mabasag.
“Wala na tayong magagawa sa pagkamatay ng nanay mo.” sigaw nitong sagot.
“Tay, anong walang magagawa?”
“Dahil sila ay mga Cruz.”
“Ano naman tay kung sila ay mga Cruz?” pasigaw kong tanong.
“Makapangyarihan sila, mayaman at tayo’y mahirap lang. Kahit anong pilit at reklamo natin, balewala lang ang mga iyon.”
“Tay, kampi natin ang hustisya, ang batas!” pasigaw kong tugon habang umiiyak. “Akala ko pa naman ilalaban mo si nanay, dahil nakita ko ang labis mong hinagpis. Mali pala ako, madali mo lang pala siyang isusuko.”
Lumabas ako at padabog na sinara ang pinto.
Habang naglalakad, patuloy na tumutulo ang luha mula sa aking mga mata.
“Akala ko pa naman, ilalaban niya si nanay, bakit? Dahil mayaman sila at kami’y mahirap lang? Kaya madali lang para sa kanya ang sumuko?” aking pagtatanong habang naglalakad.
Narating ko ang ilog at naupo ako sa buhangin.
“Nay! Anong ginawa nila sayo?” sambit ko habang isa-isang tinatapon ang mga bato sa ilog.
“Ang kapal ng mukha niyang hindi panagutan ang ginawa sa’yo, porket mayaman siya at doktor.” patuloy kong pagsasalita habang patuloy din ang pagbato ko ng mga bato, patungo sa ilog.
Nagulat ako sa mga yabag ng paa na tila patungo sa akin.
Nakaramdam ako ng takot, ng biglang...
“Kanina ka pa yata umiiyak dyan.” ang kaniyang biglang pagsasalita.
Napalingon ako…
Pagkalingon ko’y nakita ko ang isang lalake na sa tingin ko’y kaedaran ko lamang.
Maayos ang pananamit nito. Nakapantalon, polo, at mukhang mamahalin ang panlalaki nitong sandals. In short, “anak mayaman.”
Kaagad kong pinagpag ang mga buhangin na nakadikit sa aking mga binti at pagkatapos ay agad akong tumayo.
Pagkatayo ko at pagkaharap sa lalake. Nilabas niya ang kanyang panyo at inalok sa akin.
Napatingin ako sa kaniyang mukha, at tumitig sa kanyang mga mata.
Nagulat ito sa aking ginawa.
Matapos ang tatlong segundo na pagtitig ay siya’y inirapan ko. Tinanggihan ko ang alok niyang panyo at kaagad na umalis.
Nang bumalik ako sa bahay. Kaagad kong nakita si Tatay na natutulog ng mahimbing sa sahig.
“Paano siya nakatutulog ng mahimbing, matapos ng nangyari kay nanay?” naiinis kong tanong.
Pumasok ako sa aking kwarto, inayos ang higaan at kaagad na nahiga. Muli akong nakaramdam ng lungkot, wala na ang lagi kong katabi na si Nanay. Wala na ang taong ka-kwentuhan ko bago matulog. Wala na si Nanay.
Hindi ko namalayang tumutulo na ang mga luha sa gilid ng aking mata. Dahilan para mabasa ang aking unan.
Unan…Saksi ang unan, sa aking labis na pagtangis ng araw na iyon.
Hindi ko namalayang ako’y nakatulog na.
Kinabukasan...
Nagising ako ng ala-syete ng umaga. Araw ng Sabado, ako’y walang pasok.
Pagkalabas ko ng aking kwarto. Natanaw ko si Tatay na maagang nagwawalis sa bakuran.
Agad-agad akong naligo, nagbihis at umalis ng bahay ng walang paalam.
Dahil alam kong kapag nalaman ni tatay ang aking pakay, ako’y hindi niya papayagan.
Tumakbo ako papunta sa ospital para kausapin muli ang doktor na sumagasa kay nanay.
Pumasok ako sa hospital at agad hinanap ang doktor sa bawat kwarto. Nang makarating ako sa pangalawang palapag.
Natanaw ko ang kanyang pangalan na naroon sa harap ng pinto ng kwarto.
“Doc. Ramir Cruz, Cardiothoracic Surgeon,” ang aking pagkakabasa.
Sa totoo lang, mahirap lang kami ngunit hindi ko naman pinapabayaan ang aking pag-aaral. Sa katunayan isa ako sa mga nangunguna sa klase.
Lumapit ako sa bintana ng kwarto at natanaw ko ang isang matandang lalake at babae kasama si Doc. Cruz.
Isang lalake na naka tuxedo at nakaupo sa upuan.
Ang babae naman ay naka office attire. Mga mukhang mayayaman talaga.
Lumapit ang isang lalake sa akin mula sa pagkakatayo mula sa pinto.
“Ano pong kailangan niyo?” tanong sa akin ng Guard.
“Kailangan ko po makausap si…,” hindi pa ko tapos sa pagsasalita ay lumabas ang matandang lalake at babae na tila aalis na.
Natanaw ako ni Doc, Cruz.
“Doc Cruz,” sambit ko habang dahan dahan nitong sinasara ang pinto.
“Anong kailangan mo sa anak ko?” tanong ng matandang babae sa akin.
“Kailangan ko pong makausap si Doktor Cruz tungkol sa nanay ko.” tugon ko.
Napabuntong hininga ang babae at iniwas ang tingin sa akin.
Muli siyang tumingin sa akin.
“Alam ko na ang nangyari sa nanay mo,” sambit nito habang nanlilisik ang kanyang mga mata, “gaya ng sinabi ng anak ko, ginamot niya ang nanay mo at wala na siyang magagawa kung pumanaw na ito. Kaya tigilan mo na siya!” malakas nitong sigaw malapit sa aking mukha.
Tumayo ito ng maayos at kaagad bumuntong hininga at inayos ang kanyang pang itaas na damit.
“Tumigil ka na bata, wala ka ng magagawa.” sabay alis nito, at kaniya akong binangga, dahilan para ako’y matumba.