chapter one

1855 Words
Pagkatapos mamili sa palengke, binagtas ni Marie ang kalsadang pauwi sa kanilang bahay. Magkabilang kamay ang gamit niya sa pagbitbit ng mga supot na puno ng sariwang gulay, prutas, isdang bangus, at iba pang pangangailangan nila sa bahay. Hindi naman kalayuan ang kanilang tahanan kaya mas pinili niyang maglakad kaysa gumastos pa sa pamasahe. Sanay na rin siyang maglakad sa rutang iyon. Halos kabisado na niya ang bawat kanto, maliit na tindahan, at mga bahay na madalas niyang nadaraanan. Mula sa isang supot ay amoy na amoy pa niyaa ang mabangong amoy ng bagong pitas na mangga at saging. Sa kabila naman ay naroon ang mga kamatis, talong, sitaw, repolyo, sibuyas, bawang, at iba pang rekadong kakailanganin nila sa pagluluto. Habang naglalakad siya sa isang kanto, abala ang isip niya sa mga gagawin pagdating sa bahay. Kailangan pa niyang ayusin ang mga pinamili, maghugas ng mga gulay, at ihanda ang lulutuin nilang hapunan. Ngunit bigla na lamang siyang napabalik sa kasalukuyan nang makarinig ng malakas at sunud-sunod na busina. Nagulat siya. Kasabay noon ay lumitaw ang isang mamahaling itim na kotse na mabilis na sumulpot sa kaniyang harapan. Halos sumayad na iyon sa kaniya bago tuluyang huminto. Nanlaki ang mga mata ni Marie. "Ano ba naman!" inis na sabi niya. Bumilis ang pag-pintig ng puso niya dahil sa gulat at kaba. Parang ilang segundo ring hindi siya naka-galaw habang pilit inuunawa ang nangyari. Muntik ng malaglag ang mga bitbit niyang supot. Napaatras pa siya ng ilang hakbang habang pilit pinap@ akalma ang sarili. Kung hindi siya nakaiwas sa tamang oras, baka nakahandusay na siya sa gitna ng kalsada. Mariin siyang napabuntong-hininga bago muling tumingin sa sasakyan. Hindi man lang agad bumukas ang bintana nito. Lalong uminit ang ulo niya. "Marunong ka bang magmaneho?" sigaw niya habang matalim ang titig sa windshield. Umaasa siyang may maririnig na paliwanag o kahit simpleng paghingi ng paumanhin. Ngunit wala. Nanatiling nakasara ang mga bintana ng sasakyan. Wala ring anumang kilos mula sa driver. Napailing si Marie. "Mayaman nga, wala namang modo," inis pa niyang sambit. Habang tumatagal ang katahimikan mula sa loob ng kotse, lalo lamang nadaragdagan ang pagkainis niya. Hindi man lang ba nito naisip na muntik na siyang masagasaan? Nagsimulang mapatingin ang ilang tindera at mamimili sa kanila. May ilan pang tumigil sa ginagawa upang panoorin ang nangyayari. Nagkatinginan ang iba. May mga nagbulungan. Mukhang inaabangan nilang lahat ang susunod na mangyayari. Hindi na napigilan ni Marie ang pagkainis. Isa-isang inihagis niya ang mga pinamili sa kotse. "Kung gusto mong magmadali, eto!" nag-aalburoto niyang sigaw. Unang lumipad ang supot ng sitaw. Pagbagsak nito sa hood ng sasakyan ay nagkalat ang mahahabang sitaw sa makintab nitong ibabaw. Kasunod ang repolyo. Tumalbog pa iyon bago gumulong pababa sa harapan ng kotse. Sunod namang tumama ang mga kamatis. Isa sa mga ito ang pumutok at nag-iwan ng mapulang marka sa mamahaling pintura. Pati ang dalawang hinog na mangga ay ibinato niya ng buong lakas. Dumampi ang isa sa windshield habang ang isa ay tumama sa gilid ng hood. May isang saging pang gumulong sa salamin bago tuluyang nahulog sa wiper. Humugot siya ng malalim na hininga. May natitira pa. Ang isdang bangus. Sandali niya itong tinitigan. Parang nagdalawang-isip pa siya kung itutuloy ba o hindi. Ngunit nanaig pa rin ang inis. Mahigpit niyang hinawakan ang supot bago buong lakas na inihagis iyon. Kasabay ng paglipad ng bangus ay bumukas ang pinto ng kotse. Sakto lamang ang tiyempo. Diretsong tumama ang isda sa mukha ng lalaking kabababa pa lamang. Napasinghap si Marie. Kahit siya ay nabigla sa nangyari. Hindi niya inaasahang sa mismong mukha ng lalaki tatama ang inihagis niyang bangus. Napahawak pa ang lalaki sa pisngi habang nanatili itong nakatayo. "Buti nga sa'yo... 'yan ang karma mo," inis na sambit ni Marie sa sarili. Mas lalo namang napasinghap ang mga taong nakasaksi. "Patay... natamaan ng isda ang lalaki. Sa mukha pa." "Talagang galit ang dalaga." "Bahala na silang dalawa." Lahat ng mata ay nakatutok na ngayon sa kanilang dalawa. Unti-unting ibinaba ng lalaki ang kamay nito mula sa mukha. Napatingin ito kay Marie. Hindi niya maipaliwanag ang ekspresyon nito. Kitang-kita niyang hindi natuwa ang lalaki sa ginawa niya. May bakas pa ng tubig at kaliskis ng bangus sa pisngi nito. Sa kabila niyon, hindi maikakailang napakaguwapo nito. Matangos ang ilong, maayos ang tabas ng panga, at seryoso ang anyo ng mukha. Ngunit sa mga sandaling iyon, wala iyong halaga kay Marie. Mas nangingibabaw ang inis niyang halos hindi na mapigil. Pagkaraan ay inilibot ng lalaki ang tingin sa sasakyan. Huminto ang mga mata nito sa pumutok na kamatis. Sinundan nito ang mga nagkalat na sitaw. Maging ang manggang nakadikit pa sa hood ay hindi rin nakaligtas sa paningin nito. Napabuntong-hininga ito. Pagkatapos ay muli siyang binalingan. "Miss," kalmado pa rin ang boses nitong sambit, "alam mo ba kung gaano kamahal ang pintura ng kotse na ito? At hindi ka pa nakuntento, binato mo pa ako ng isdang bangus sa mukha." Bagama't kontrolado ang tono nito, hindi maitago ang pagkainis na nakaguhit sa mukha nito. Tumaas ang isang kilay ni Marie. "Alam mo rin ba kung gaano kamahal ang buhay ng tao?" mabilis niyang sagot. Isang hakbang pa ang inilapit niya habang diretsong nakatingin sa lalaki. "Kung natamaan ka man sa mukha, deserved mo 'yon. Kung hindi ako nakaiwas kanina, baka ako ang nasa ospital ngayon." Natahimik ang mga taong nakapaligid. Lahat ay tila naghihintay kung ano ang magiging sagot ng lalaki. Sandaling napatitig ang lalaki kay Marie. Hindi ito agad nagsalita. Nanatili lamang itong nakatingin sa dalaga, habang ang paligid nila ay puno ng mga matang nakamasid sa kakaibang engkuwentro nilang dalawa. “Halos mabangga mo ako. Tapos ang una mong inalala, pintura ng kotse mo?” “Huminto ako bago kita natamaan.” “Pero muntik na akong masagasaan!” inis na inis na sagot ni Marie. “May preno ang kotse,” kalmadong tugon ng lalaki. “At may mata ang driver!” mabilis na ganting sagot niya. Napapikit ang lalaki, tila pinipigilan ang sariling patulan ang babae. Napabuntong-hininga ito bago sumulyap sa mga gulay at prutas na nagkalat sa kalsada. “Sa tingin ko, pareho lang tayong nawalan. Halos masira ang harapan ng kotse ko sa mga ibinato mong prutas at gulay. Tapos hinagis mo pa sa mukha ko ang isdang bangus. Parang gusto mo ring sirain ang mukha ko,” sabi nito, pilit na pinananatiling kalmado ang sarili kahit ramdam na ang pagkainis. Tumaas ang kilay ni Marie. “Seryoso ka ba? Pareho tayong nawalan? Sa'yo, kotse lang ang muntik masira. Sa akin, buhay ko ang nakataya! At tungkol sa isdang bangus... hindi ko iyon sinasadya. Hindi ko naman inaasahang tatama iyon sa mukha mo.” Nanatiling tahimik ang lalaki. “Kung hindi ka nakapreno, baka nasa ospital na ako ngayon,” patuloy ni Marie. “Hindi kita masasagasaan.” “Ikaw ba talaga ang sigurado?” sarkastikong tanong niya. “Huminto naman ako.” “Huminto ka dahil nakita mo ako.” Napabuntong-hininga ang lalaki. “Pasensya na.” Iyon na lamang ang nasabi nito. May mahalaga pa kasi itong pupuntahan at ayaw nitong maantala pa dahil lamang sa pakikipagtalo. “Ngayon ka lang nag-sorry?” may bahid pa rin ng panunuyang tanong ni Marie. “Nagulat din ako,” mahinahon nitong sagot. Ayaw nitong masira ang magandang simula ng araw dahil lamang sa nangyari. “Eh, di pareho tayo.” Napailing ang lalaki. “Kakaiba ka talaga.” “Salamat,” may inis na sagot ni Marie. “Hindi ko naman itinuring na papuri iyon.” “Wala rin naman akong ibinigay na papuri.” Bahagyang napangiti ang lalaki. Lalo namang nainis si Marie. “Anong nakakatawa?” “Wala.” “Kung wala, umalis ka na.” Hindi na ito sumagot. Sa halip, yumuko ang lalaki at isa-isang pinulot ang mga gulay at prutas na nagkalat sa kalsada. Napansin iyon ni Marie. “Ako na.” “Hindi. Kasalanan ko rin.” Tahimik silang nagligpit. Ni isa sa kanila ay hindi man lamang nagtanong ng pangalan ng isa't isa. Nang maibalik na sa mga supot ang lahat ng pinamili, iniabot iyon ng lalaki kay Marie. “Pasensya ulit.” Tinanggap iyon ni Marie, ngunit hindi pa rin nawawala ang pagkainis sa kanyang mukha. “Huwag ka ng magpatakbo ng mabilis.” Pagkasabi niyon ay inirapan niya ang lalaki. “Wala akong panahon sa mga mayayabang,” bulong niya nang makatalikod na ito. Kinahapunan, abala si Marie sa pagdidilig ng mga halaman sa kanilang bakuran. Maya-maya'y narinig niya ang isang pamilyar na boses. “Marie!” Napabuntong-hininga siya. “Heto na naman.” Lumapit si Jorge habang may dalang maliit na paper bag. “Nagdala ako ng paborito mong hopia.” “Bakit ka pa bumili?” “Gusto ko lang.” Napailing si Marie. “Ilang beses ko bang sasabihin? Hanggang kaibigan lang talaga tayo.” Ngumiti si Jorge. “Ilang beses ko ring sasabihin na okay lang.” “Hindi ka ba napapagod? Ang kulit mo talaga.” “Hindi na ako nanliligaw.” “Talaga?” “Kaibigan mo na lang ako.” Iniabot nito ang paper bag. “Friendship gift.” Tinanggap iyon ni Marie. “Salamat.” Magaan ang usapan nilang dalawa. Alam ni Jorge ang kanyang limitasyon. Hindi na niya ipinipilit ang sariling tanggapin ni Marie bilang higit pa sa isang kaibigan. Mas mahalaga sa kanya ang manatili sa tabi nito kaysa tuluyang mawala siya sa buhay ng dalaga. Kahit bilang kaibigan na lamang. Pagsapit ng gabi, nang mag-isa na si Marie sa kanyang silid, marahan niyang hinugot mula sa loob ng kanyang blouse ang kuwintas na hindi niya kailanman inalis. Isang kalahating puso. Marahan niya itong pinisil sa kanyang palad. Napangiti siya. “Louie...” Parang kahapon lamang nangyari ang lahat. Ang punong akasya. Ang tabing-dagat. Ang batang lalaking nangakong babalik. At ang maliit na pusong naging simbolo ng kanilang pangarap. Hindi niya alam kung nasaan na ngayon si Louie. Hindi rin niya alam kung gaano na ito nagbago. Marahil ay isa na itong ganap na binata. Marahil ay mas matangkad na. At marahil... mas guwapo na rin. Sa puso ni Marie, iisa lamang ang lalaking tunay niyang minahal. At iyon ay si Louie. Marami ang nagtangkang mapalapit sa kanya. May ilan ding nagpahayag ng kanilang nararamdaman. Isa na roon si Jorge. Ngunit walang sinuman ang nakapuno sa puwang na iniwan ni Louie sa kanyang puso. Hindi dahil sarado ang kanyang puso. Kundi dahil may taong matagal ng nakalaan doon. Isang pangakong hindi niya kailanman kinalimutan. Isang batang minsang nangakong... “Hahanapin kita.” Napangiti si Marie habang pinagmamasdan ang kalahating pusong nakasabit sa kanyang kuwintas. “Hindi ko pa rin ito inaalis.” Naalala niya ang araw na isinabit iyon ni Louie sa kanyang leeg. Napakabata pa nila noon. Ngunit ang mga salitang binitiwan nito ay nananatiling malinaw sa kanyang alaala. “Kapag lumaki tayo... babalik ako.” Mariing ipinikit ni Marie ang kanyang mga mata. “Hinihintay pa rin kita.” ------- Comment lang po kung ano ang nararamdaman mo habang binabasa ang kwento. Follow the story and don't forget to add in your library.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD