CHAPTER 1-FIRST DAY
Unang araw ng klase nila ngayon pero tinatamad siyang pumasok. Pagtayo pa lang niya sa kama ay bigat na bigat na siya sa katawan niya. Bawat hakbang niya’y animo may mga mabibigat na pares ng kamay na nakahawak sa mga paa niya. Kung hindi lang talaga kailangang mag-aral baka kahit hanggang tumanda siya ay hindi siya tutuntong sa paaralan.
“Bakit ba kasi nagkaroon pa ng paaralan at ng mga teacher? Puwede naman sigurong magtrabaho na agad wala ng aral-aral pa. Mas masarap pa sanang matulog na lang sa bahay kaysa ang pumasok at gumising nang maaga,” inis na wika nang munting tinig sa kanyang isip.
Naglalakad siya ngayon papunta sa bagong nilipatan niya na paaralan. Ang BTS o Bitter Technology School na malapit lang sa bahay nila. Kaya ‘yon ang napili niyang lipatan at para makaiwas na rin sa mga dati niyang taksil na kaibigan.
Tapos idagdag pang may pagka-weird ang paaralan na halata naman sa pangalan nito.
Ang lahat kasi ng mga nag-aaral at nagtatrabaho rito ay puro mga bitter na malayong-malayo sa mga estudyanteng nag-aaral sa regular school.
Marami siyang nakikitang naglalakad na mga estudyante na abalang-abala sa pakikipagtawanan, asaran, takbuhan at kuwentuhan ng tungkol sa kanilang pagiging bitter. Pero wala siyang pakialam sa mga ito kaya dire-diretso lang siya na naglakad sa kalsada habang tinatanaw ang matayog na gusali ng kanilang paaralan.
Mayamaya ay natawag ang atensiyon niya nang may nakita siyang tatlong lalaki at isang babae na naghaharutan habang naglalakad sa kabilang bahagi ng kalsada.
“Grabe ang ingay n’ong babae talo pang nakalunok ng mikropono dahil sa lakas ng boses. Siguro ang bahay nila malayo sa kabihasnan kasi talo pa niyang taga-bundok sa paraan niya ng pakikipag-usap sa mga kasama niya,” inis na bulong niya.
Kaya para hindi niya na marinig ang ingay ng mga ito ay binilisan niya na ang paglalakad para makarating na agad siya sa classroom
Naghanap siya ng mauupuan kung saan tahimik ang buhay niya kaya naglakad na siya papunta sa upuang malapit sa bintana. ‘Yon kasi ang parte na pinakagusto niya dahil marami siyang punong makikita at mare-relax siya dahil sa sariwang hangin na malalanghap niya mula sa bukas na bintana ng kanilang silid.
May mga kaklase na rin naman siya rito pero wala siyang oras para pansinin ang mga ito dahil ayaw niya ng may kausap at nakikisalamuha sa kanya. Simula ng niloko siya ng mga dati niyang kaibigan nawalan na siya ng tiwala sa lahat.
"Bilisan niyo na Kurt maglakad! Malapit na dumating si ma'am baka ma-late tayo unang araw pa lang ng klase!" rinig niyang sigaw ng isang babae na pamilyar sa kanya ang tinig kaya tumingin siya sa gawi kung saan narinig niya ang boses ng nagsalita.
Nakita niyang papasok ang tatlong lalaki at isang babae na maingay na nakasabay niya kanina sa daan.
"Oo na Boss Alyssa bibilisan na namin," sabay-sabay na sabi ng mga abnormal na kasama niya.
“Bakit ba siya nakikinig at nakatingin sa kanila?” tanong niya sa kanyang sarili. Kaya ibinalik niya na lang ulit ang tingin niya sa labas ng bintana at hindi na nakinig sa ingay nila. Isinalpak niya sa kanyang tainga ang earphones at nakinig na lang ulit ng paborito niyang kanta na Perfect ni Ed Sheeran.
Ilang minuto pa ang lumipas ay dumating na rin ang guro nila saktong alas-siyete. Kaya umayos na siya ng upo at pasimpleng tinanggal ang earphones sa kanyang tainga. Kahit ayaw niyang pumasok sa school ay marunong pa rin naman siyang sumusunod sa rules.
"Good morning, Grade 12- Stewardship!" malakas at puno ng awtoridad na bati ng kanilang guro na ikinagulat nilang lahat. Kaya napaupo sila nang maayos at wala ni isa man sa kanila ang gumawa ng ingay. Sa unang kita nila sa mukha nito ay parang mabait at hindi istriktong guro.
Pero noong narinig nila ang boses nito ay animo’y nagbigay ito ng babala na kailangan nilang sundin lahat ng sinasabi nito.
"Good morning, ma'am!" sabay-sabay na bati nila. Dahil unang araw ng klase mukhang matino pa mga kaklase ko. Ewan lang kapag nasa kalagitnaan na kung matino pa sila.
"Ako nga pala si Gng. Martizano, ang magiging guro ninyo sa Filipino. Dahil unang araw ng klase ay magpapakilala kayo isa-isa sa harap dahil hindi ko pa kayo kilala lahat. It's up to you if you want to introduce yourself in Filipino or English. Let's start from the only girl at the back," seryosong sabi ni ma'am pagkatapos ay matiim na tumitig sa kanya.
Tumingin siya sa kanyang kanan dahil baka nagkakamali lang siya ng pag-aakala na siya ang unang magpapakilala sa harap at mapahiya lang siya sa unang araw ng kanyang klase.
Sa lahat pa naman ng ayaw niya ‘yong nagpapakilala tapos ang masakit pa siya ang una. Kaso pagtingin niya sa linya nila ay siya lang ‘yong babaeng nakaupo sa likod dahil ang mga nasa kanan niya ay puro lalaki.
Kung sinusuwerte nga naman talaga siya sa araw na ito. Kaya labag man sa kalooban niya ay tumayo na siya para pumunta sa harap para magpakilala.
"My name is Edlaiza Fujiwara and I don't want any friends and groupmates," walang emosyong sabi niya pagkatapos ay naglakad na papunta sa kanyang upuan. Iniklian niya lang ang pagpapakilala dahil ayaw niyang mag-stay nang matagal sa harapan tapos may mga nakikinig pa sa kanya habang nagsasalita siya.
Hindi na ikinagulat ng mga ito ‘yong sinabi niya dahil nga ang school na ito ay para lang sa mga katulad niyang may pinagdadaanan.
Nakita niyang sumunod na nagpakilala ‘yong mga lalaki sa kanan niya pero hindi na siya tumingin at nakinig sa kanila. Nilaro-laro niya na lang ang kanyang ballpen habang nagpapalipas ng oras.
Nakakatamad talaga kapag unang araw ng klase. Pero okay na 'to kaysa siya lang ‘yong nasa bahay dahil ang magulang niya ay hindi niya kasama sa bahay nila. Buong araw ng klase nila ngayon ay puro orientation at introduce yourself na kinaiinisan niya.
“The tragedy of life is not that it ends so soon, but that we wait so long to begin it.”