CHAPTER 20 – LABIS

1423 Words
Sa loob ng paboritong hardin namin napiling ilibing ang mga labi ni Liliane. Hindi ako napagbintangan at hindi rin napahamak si Cain dahil may isang nakaligtas na katulong at naging saksi iyon ng nangyari. Kumalat sa buong lungsod at nabalita sa Kapitolyo ang nangyari. Nagpaabot ng pakikiramay ang mga opisyal dahil sa nangyari kay Liliane. Hindi ko rin inaasahan na magbibigay si Haring Sanjo ng abuloy— ang halaga ng abuloy nito ay kayang bumili ng apat na bayan. Hindi man ganoon katagal ang pagsasama namin ng dalaga— kahit papaano ay napalapit na ako sa kanya. Ang minimithi lamang niya ay may isang tao na pahalagahan at mahalin siya. Hinawakan ni Cain ang aking kamay at sa kabila naman ay si Kidul. Siguro ay naramdaman nila ang kalungkutan ko sa pagkawala ni Liliane. “Ina…” mahinang saad ni Cain. “Cain… kasalanan?” Tumalungko ako upang mag-lebel ang mga mata namin ni Cain. Hinawakan ko ang magkabilang-balikat niya. “Hindi mo kasalanan, Cain.” “Sino?” “Aalamin natin.” Tumingin ito sa puntod bago bumalik sa akin. “Ina… gabi… alaga ako. Kita ko.” “Inaalagaan ka niya gabi-gabi?” Tumango ito at pagkatapos ay yumakap sa akin. Kinarga ko ito at tumayo ako. Nang matapos ang seremonya ay pumasok na kami sa loob ng mansyon. Binigay ko si Cain sa tagapag-alaga niya. Habang naglalakad sa hallway ay inaalis ko ang unang dalawang butones ng aking damit. Sinara ko ang pinto ng aking opisina. Habol-habol ko ang aking hininga. Hinawakan ko ang bote ng alak at ibinato iyon sa pader. Bumagsak sa sahig ang mga bubog. Ibinagsak ko ang dalawang kamay sa mesa at yumuko. Iniisip ko kung ako ba ang may kasalanan kung bakit nangyari iyon kay Liliane. ‘Ang mahika ng Timog. Alamin mo, William.’ Ito ang impormasyon na binigay niya sa akin bago siya bawian ng buhay. “Hindi kaya si Kontes Abrevar ang may salarin nito?” Bulong ko. Pinasadahan ng aking kamay ang buhok ko at huminga ng malalim. “Auriel.” May munting liwanag na lumabas sa aking harapan. Nag-inat si Auriel at pinagaspas ang kanyang pakpak. “Nababasa ko ang nasa isipan mo, William.” “Sa mga susunod na araw, iiwanan ko kayo ni Kidul sa mansyon. Protektahan niyo si Cain ang nasasakupan ng Tacaba.” “Paano ka?” “Mabubuhay ako.” “William, walang saysay kung maghihiganti ka. Wala na si Liliane.” “Hindi ako naghihiganti. Ipapakita ko lang sa kanila kung sino ang kinakalaban nila.” Palabas na sana ako ng pinto nang harangin ako ni Auriel. “Ano ang gagawin mo? Uubusin mo ang Timog? Mas lalaki ang gulo, William.” Blangko ang aking ekspresyon habang nakatingin kay Auriel. “Ang ibig mo bang sabihin ay huwag nalang akong umimik? Na ipakita sa kanila na maaari nilang kitilin ang buhay ng mga taong nakapaligid sa akin?” “Hindi iyon ang ibig kong sabihin. Pero… pero, hindi tama ang gagawin mo.” “Hindi rin tama ang ginawa nila!” Umiling si Auriel. Nakakunot ang kanyang noo at may malungkot itong ekspresyon. “Naiintindihan ko na kahit papaano ay may naging halaga si Liliane sa buhay mo— naging kaibigan mo siya at may mga alaala kayong pinagsaluhan. Pero hindi pa natin alam kung ang Timog ba talaga ang may kasalanan at nagplano nito.” Bigla kong naalala ang sulat na nasa loob ng itim na sobre. Bumalik ako sa aking mesa at kinuha iyon upang ipakita kay Auriel. “Ang simbulo na ito. Sino’ng pamilya ang nagmamay-ari ng ganitong simbulo?” Inaral niya iyon. Tumingin siya sa akin at umiling. “Ngayon ko lang nakita ang simbulo na iyan.” Pagalit kong binato iyon sa sahig, halos napakislot si Auriel sa nakikitang galit sa aking mga mata. “Mananagot ang sino mang may kagagawan nito. Walang kapatawaran na naghihintay sa kanila.” “Kung ganoon ay katulad ka rin ng sinauna at kasalukuyang hari.” Napalingon ako nang marinig ang boses ni Kidul sa gawi ng pintuan. Pumasok ito at pagkatapos ilapat ang pinto sa hamba ay lumapit siya sa akin. “Alam mo ba kung bakit patuloy na magulo ang Arachnida? Iyon ay dahil sa kasakiman at poot ng mga mamamayan. Wala na silang ninais kung hindi magkaroon ng kapangyarihan— ang maupo sa tuktok.” Hindi ako umimik. “Labis kayong biniyayaan ni Rubitta ng kaunlaran. Ngunit may isang bagay na hindi niyo kayang ibigay sa iba dahil sa kasakiman. Gusto mo bang malaman kung ano iyon?” “Kidul—” “Kapatawaran.” Hindi ako agad nakapagsalita. Lumipad si Auriel palapit kay Kidul at umupo ito sa kanyang balikat. Hindi ko mapigilan na matawa sa kanyang sinabi. “Kapatawaran? Ibig mo bang sabihing ay pinatawad mo na ang mga mortal na pumatay sa iyong ina?” Hindi ito nagsalita at kumuyom ang kanyang kamao. Lumapit ako sa kanya at tumalungko sa aharapan nito. “Pinatawad mo na sila noong ilang beses ka nilang pinahirapan— at sa bawat pagbangon mo ay paulit-ulit ka nilang pinapatay?” “Nakalipas na ang lahat ng iyon.” “Hindi iyan ang tanong ko. Ang tanong ko ay kung pinatawad mo na sila.” Hindi ito nakasagot kaya mas lumawak ang aking ngiti. “Bago mo ipilit sa akin, siguraduhin mong nagawa mo na.” “Ang paghihinganti ay wala sa bokabularyo ko, Ashmir.” “Huwag mong ipilit sa akin ang prinsipyo mo.” “Kung ganoon, sa mundo mo ay puno rin ng kamatayan? Iyan din ba ang pangarap mo para sa Arachnida?” “Naiintindihan mo ba ako, Kidul? Sinaktan nila si Cain at pinaslang si Liliane!” “At kapag nagsimula ka ng digmaan laban sa Timog, ilang bata pa ang masasaktan at mamamatay na kababaihan?” Hindi ako nakaimik. “Libo-libong buhay bilang kabayaran ng isa. Pag-isipan mong mabuti, William Godwinson. Kung nasa iyo lang ang memorya ni Ashmir, malamang ay masasakop mong muli ang buong Arachnida sa isang pitik lang ng iyong daliri.” “Hindi ko kailangan ng tulong ng kapangyarihan ni Ashmir.” “Alam mo ang napansin ko sa iyo… malapit ang loob mo sa mga bata.” Nagkibit-balikat ito. “Iyon ang dahilan kaya sumama ako sa iyo— bukod sa tsokolate. Pero kung darating man ang panahon na kakailanganin mo ang abilidad ko bilang diwata, magmakaawa ka muna.” “Huwag kang umasa na gagawin ko iyon.” Umangat ang isang gilid ng labi ni Kidul at ipinaloob nito ang mga kamay sa bulsa bago naglakad palabas ng aking opisina. Binagsak ko ang sarili sa upuan at habang nakatulala sa puting kisame ay nawala na ang dilim sa aking isipan. Isang mabuting bagay na pinigilan ako ni Kidul at Auriel na sumugod sa Timog. Ngunit hindi natatapos doon ang lahat. Mag-iimbestiga na muna ako upang malaman ang katotohanan. Lumipas ang pitong araw at natapos ko ng asikasuhin ang pagpasok ni Cain sa paaralan. May mga imbitasyon din na dumadating sa akin na mula sa kababaihan ng iba’t-ibang lungsod upang pumunta sa mga pagtitipon. “Bakit dumarami ang mga sulat sa akin? Hindi ako naghahanap ng bagong asawa,” tanong ko sa butler ng pamilya. “Iyon ang nakabubuti para sa Tacaba, Ginoo. Kailangan ng pamilya na magkaroon ng legal na tagapagmana ng titulo.” “Si Cain—” “Siya ay ampon lamang. Hindi siya maaaring maging tagapagmana.” Ibinaba ko ang mga sulat sa ibabaw ng aking mesa. “Sagutin mo ang lahat ng ito at ilagay sa sulat na nagluluksa pa rin ako sa pagkawala ni Liliane,” saad ko habang hinihilot ang sentido. “Pati ang sulat na mula sa Kapitolyo, Baron?” Natigilan ako at napatingin sa butler. “Kapitolyo?” Marahan na inabot iyon sa akin ng butler at nang makita ko ang pamilyar na simbulo ay agad ko iyong kinuha. Mariin kong pinagdikit ang aking labi. Ang sulat ay naglalaman ng imbitasyon mula kay Sanjo— imbitasyon upang ipagkasundo ako sa kanyang anak na si Isabel. Ang patawad nito sa akin nang malaman na galing ako sa silid ni Isabel. Ang pagpayag nito sa aking proyekto kahit na dikit siya kay Kontes Abrevar. Ang pag-aabot niya ng malaking halaga na abuloy. Hindi kaya isa siya sa nag-utos na paslangin si Liliane? Sandali, hindi sinaktan ng itim na mahika si Cain pero si Liliane… “Ipahatid mo sa Kapitolyo na sa ikatlong araw ay pupunta ako roon.” Marahang yumuko ang butler. “Masusunod, Baron.”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD