CHAPTER 19 – MUNDO

1511 Words
“Uhm, William, sino naman ito?” “Siya si Kidul. Simula ngayon ay dito na siya titira.” Tiningnan ko ang mga katulong. “Asikasuhin niyo siya at ibigay niyo sa kanya ang silid na malapit sa akin.” Naiwan kaming dalawa ni Liliane sa malawak na hallway. Nakayuko ito at may malungkot na ekspresyon. “Liliane.” Hinawakan ko ang magkabilang-balikat niya. Iniiwasan niya ako at humakbang paatras. “Hindi ko alam na… hindi ko alam na gustong-gusto mo ng magkaanak, William. Bagay na hindi ko kayang ibigay sa iyo.” Tumulo ang masaganang luha sa kanyang mga mata. Napabuntong-hininga ako. Sa bawat paglapit ko ay siyang pag-atras niya hanggang sa madikit na ang kanyang likod sa pader. Upang hindi makaalis ay inilapat ko ang aking mga palad sa kaniyang gilid. “Nagbago na ang isip ko. Hindi ko na gustong ampunin ang mga bata na iyon.” Matapang niyang saad at tiningnan ako ng tuwid sa mga mata. “Bukas ay dapat na wala na sila sa mansyon ko.” “Liliane, mahal ko.” Inilapit ko ang aking mukha sa kanya habang ang tinig ay nanlalamig. “Alam mo na kapag hindi mo binigay ang gusto ko ay iiwanan kita, hindi ba?” Nanginig ang kanyang labi at umagos ang luha nito. “William… William…” Hinawakan niya ang aking braso. “Huwag mo akong iwanan.” “Kung ganoon ay umayon ka sa mga kagustuhan ko.” Tumango ito at lumunok. Inilibot nito ang mga braso sa aking bewang at ibinaon ang mukha sa dibdib ko. “Huwag mo akong iwanan, William.” “At sa oras na saktan mo ang mga bata, Liliane, hindi ako magdadalawang-isip na iwanan ka.” Umiling ito ng umiling. “Hindi, mahal ko. Hinding-hindi ko iyon gagawin. Pangako. Ibubuhos ko lahat ng aking pagmamahal sa dalawang bata.” Umangat ang isang sulok ng aking labi. “Natutuwa ako na marinig iyan, Lia.” Inilayo ko ito sa akin at naglakad palayo sa kanya. “May aasikasuhin ako sa aking opisina. Walang papasok doon ng walang pahintulot ko,” malamig kong saad habang hindi ito nililingon. “Kahit ako, William?” “Kahit ikaw.”  Nadatnan ko sa labas ng opisina ang butler ng pamilya. Kinuha ko ang inabot niyang sulat. Ang seal na ginamit ay pag-aari ng hari. Hindi ko inaasahan ang maagang pagsagot ni Sanjo. Nang makauwi kami kanina ay nakita ko ang isang magarang karwahe at ang sakay niyon ay papasok na para umalis. Sinara ko kaagad ang pinto nang makapasok ako sa loob. Binuksan ko iyon at binasa. Baron William, Sana ay nasa mabuting kalagayan ka at ang iyong pamilya. Ang sulat na ito ay para ipaalam sa iyo na binibigyan ko ng kalayaan ang iyong proyekto na kumilos. Ano mang tulong na maaari kong ibigay sa inyo ay huwag kang magdadalawang-isip na ipaalam sa akin. Mapitagang sumasaiyo, Sanjo Qifu Hari ng Arachnida Hindi ko alam kung ano ang plano ni Sanjo dahil napaaga ang kanyang sagot. Pero mananatili akong alerto habang wala pang natutupad sa mga plano ko. Agad akong nagpadala ng mensahe kila Karina, Laza, at Igna tungkol sa magandang balita. Ginamit ko ang pangalan ni Liliane upang hindi magtaka ang kanilang mga asawa at ang mga ginamit kong salita ay may ibang kahulugan kapag iba ang nakabasa. Sa mga susunod na araw ay mas dadalas ako na wala sa mansyon. Ngunit iiwanan ko si Auriel at Kidul upang bantayan ang aking nasasakupan. Naagaw ng isang sobre ang aking atensyon. Kinuha ko ay itim na sobre na may kulay na puting marka. Hindi pamilyar ang marka kahit na kabisado ko ang lahat ng pamilya sa buong Arachnida. Ang mundo ay puno ng kasinungalingan. Mag-ingat ka sa iyong makikita at maririnig. Huwag kang magtiwala. Kung gusto mong malaman kung ano ang pagkakakilanan ko, magkita tayo sa pinakamalaking puno ng akasya. Huwag kang magdadala ng kahit na sino. Ang unang pumasok sa aking isipan ay babae ang nagsulat niyon base sa paggamit ng stroke sa bawat letra. Hindi ako tanga para sumunod nalang agad sa kagustuhan niya. Kung desperado ito na makausap ako, siya ang pumunta sa akin. Natigil ang malalim na pag-iisip nang may kumatok sa pintuan. Hindi ko pa ito pinapatuloy ay pumasok na agad si Liliane. Agad kong tinago ang mga sulat at ilang papelas na may patungkol sa mga plano ko. “Liliane, hindi ba at sinabi ko na walang papasok sa opisina ko?!” “W-William…” Nanlaki ang aking mga mata nang mapansin ang maraming dugo sa kanyang damit at kamay. Tumayo ako at malalaki ang hakbang na lumapit sa kanya. “Ano ang nangyari, Lia?!” “Si… si… si Cain—” Hindi ko na siya pinatapos sa kanyang sasabihin at mabilis na lumabas ng opisina. Halos mabunggo ko na ang lahat ng gamit sa bahay dahil sa pagmamadali. Nakarating na ako sa silid at sinipa ang pintuan upang buksan iyon. Nanlaki ang aking mga mata nang makita ang kahapong inosenteng bata na may hawak na basag na salamin. Nanlilisik ang kanyang mga mata. Sa gilid ng kama niya ay nakahandusay ang tatlong malamig na bangkay ng mga kasambahay. Napunta sa akin ang kanyang atensyon at nanlilisik ang mga mata nito. “C-Cain!” “Hindi iyan ang pangalan ko,” matatas niyang saad. “Sino ka at ano ang pakay mo?” Gumuhit ang malawak na ngiti sa kanyang labi. “Hindi mo na kailangan pang malaman kung sino ako. Isa akong kaluluwa na pinadala para paslangin ka.” “Sino’ng mangkukulam ang nagpadala sa iyo?” Tumalon si Cain at iniwasan ko ang hawak nito. Kung isa siyang kaluluwa, siguradong ginagamit lang niya ang katawan ng bata para maisakatuparan ang plano nito. “Umalis ka sa katawan niya!” “Mamatay ka muna.” Nangiti nitong sambit habang patuloy na sumusugod sa akin. “Ang katawan na ito ay sa akin lang. Malakas ang pagnanais ng katawan na ito na pumatay at maghiganti. Ang mga kapatid niya na binitay at ang mga tao na hindi naunawaan ang mahirap nilang sitwasyon.” “Isang kang duwag na nagtatago sa likod ng isang bata.” Hinawakan ko ang kamay ni Cain at pinalipit iyon upang mailaglag niya ang talim. Ginamit ko ang kumot upang ibalot iyon sa katawan niya. Nang masigurado na hindi na siya makagalaw ay binitiwan ko na ito. Nawalan ng malay si Cain at lumabas ang pulang usok sa kanyang bibig. Bago pa tumama ang ulo nito sa sahig ay sinapo ko na ito. Lumabas ang usok sa silid at ilang segundo lang ay padabog na nagbukas ang pinto. Pagkatapos ni Cain ay si Liliane naman ang sinapian nito. “Ah, mukhang hindi ako nagkamali ng nilipatan na katawan.” Inunahan na ako ni Liliane na maabot ang kutsilyo na nakapatong sa mesa at tinutok iyon sa akin. “Mukhang wala sa mansyon na ito ang makakatalo sa lakas mo. Siguradong matatalo lang din ako kapag sumanib ako sa iyo. Kung ganoon, sasaktan nalang kita.” “Ano ang—” Bago ko pa matapos ang aking sasabihin ay ibinaon na nito ang punyal sa tiyan ni Liliane. Nanigas ako sa aking kinatatayuan. “Paalam sa iyo, munting singaw.” Sinalo ko si Liliane. Ibinukas niya ang kanyang mga mata. Ang alam ko ay may kakayahan ako na magpagaling. Ngunit madilim na at kapag inilabas ko ang simbulo ay tiyak na makikita iyon mula sa Kapitolyo— malalaman nila ang tunay kong pagkatao. “Tumawag kayo ng doctor!” Sigaw ko habang tinatakpan ang kanyang sugat. “William, ano ang… ano ang nangyari?” “Lia, magiging ayos din ang lahat. Parating na ang doktor.” Bumaba ang tingin nito at malungkot na napangiti. Namuo ng luha ang kanyang mga mata. “Huwag mong ipikit ang mga mata mo. Parating na sila. Kaunting tiis nalang, Lia.” “Wil, ikaw ang pinakamasayang regalo sa akin ni Rubitta. Kung hindi kita nakilala ay malamang na nilamon na ako ng kalungkutan.” “Lia, huwag ka munang magsalita. Ipunin mo ang lahat ng lakas mo. Maaayos pa natin ang lahat.” “Hindi na ako magtatagal, William. Napapagod na ako.” Lumunok ito. “Si… si Cain… mabuti siyang bata…” “May mahika na pumasok sa kanya para magawa niya iyon.” Tumango si Lia. “Ang mahika ng Timog… alamin mo… William …” “Lia…” “Patawarin mo ako kung may pagkukulang man ako. Patawarin mo ako. Mahal na mahal kita… nag-uumapaw.” Pahina ng pahina ang kanyang boses at tila hindi na nito maabot ang hininga. Pinagdikit ko ang aming noo at kinagat ko ang aking ibabang labi. “Hanggang sa muli nating pagkikita, mahal ko…” Tuluyan ng pinikit ni Liliane ang kanyang mga mata at bumigat na ang katawan nito. Dumating ang mga kasambahay na yakap ko ang aking Liliane. Dumating na rin ang doctor nguning huli na ang lahat. Pinapangako ko, Lia. Hahanapin ko kung sino ang may gawa sa iyo nito. Bibigyan ko ng hustisya ang kamatayan mo.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD