CHAPTER 11 – DRAGON

1364 Words
Lumipad palapit sa akin si Auriel habang nililigpit ko ang aking gamit. “Ashmir?” “Aalis na tayo.” “Pero hindi pa natin nakukumbinsi si Santelmo na sumama sa atin.” Tumigil ako at tumingin kay Auriel. “Kung sapilitan ko siyang isasama sa akin at patuloy niyang isusumbat iyon— huwag na.” Lumipad palayo si Auriel at nilapitan si Santelmo na nakatayo sa labas ng kuweba. Nakahalukikip ito at malayo ang tingin. “Hindi ka ba talaga sasama sa amin?” “Auriel, tahimik na ang buhay ko rito sa bulkan. Wala na akong masasaktan. Kung maaari lang ay kalimutan niyo na nahanap niyo ang lugar na ito.” “Ano ang ibig mong sabihin na wala ka ng masasaktan?” Singit ko sa usapan nila. “Sa tuwing may sakuna ay mga diwata ang sinisisi ng mga tao. Hindi mo alam kung ilang beses nalagay ang mga buhay namin sa kapahamakan. Ang ibang naging hari naman ay hinanap kami upang gamitin muli sa digmaan.” Humarap si Santelmo at walang bahid ng kahit anong ekspresyon ang kanyang mukha. “May mga tao rin na naniniwala na may kakayahan kami na tuparin ang mga kahilingan nila.” Lumipat kay Auriel ang aking tingin at yumuko ito. Nanginig ang kanyang mga labi at pinunasan ang mga mata. “Naiintindihan ko kung bakit ayaw mong sumama sa laban ko. Pero nagpapasalamat ako na hindi ka nagdalawang-isip na iligtas ako at dalhin sa tahanan mo.” Tumango ito at naglakad pabalik sa loob ng kweba. “Ano ang plano mo pagkatapos nito?” Humarap ako sa siga at hinukay ang punyal na pinainit ko roon. Napansin ko ang pagkagulat sa mga mata ng dalawang diwata nang idikit ko ang dulo ng punyal sa aking braso at iginuhit ang mga katagang… ‘060599’ Nagtagis ang aking bagang nang matapos ko iyon. Sanay ako sa hapdi dahil ilang bala na rin ang tumama sa katawan ko. Ilang beses na rin akong muntik mamatay habang sinasagawa ang misyon. “Para saan ang numero na iyan?” Umangat ang isang gilid ng aking labi. “Hindi mo na dapat pang malaman.” Tumayo ako at tinapon ang punyal sa apoy. Tinitigan ko ang aking braso habang unti-unting nawawala ang kirot niyon at nagiging peklat ang kanina ay sariwang sugat. “Auriel.” “Lilisan na tayo, Ashmir?” Nilagay ko sa aking balikat ang bag. Ngunit bago ako umalis ay may naalala ako bigla. “Santelmo, may gusto akong malaman. Nasaan ang dragon na naninirahan sa ilalim ng bulkan?” “Ano ang ibig mong sabihin? Ang dragon ng kanluran ay matagal ng naubos ng mga tao. Dahil sa polusyon at pabago-bagong panahon ay nahirapan ng magpadami ang mga ito hanggang nangamatay na silang lahat.” Mas lumawak ang aking ngiti. Sa kanluran lang naninirahan ang mga dragon noon dahil masyadong malamig ang ibang bahagi ng Arachnida. “May nakakatawa ba sa sinabi ko?” “Kung ganoon, ang tinutukoy nilang dragon na napaamo ni Duke Sanjo ay ikaw?” Napalunok ito at napansin ko ang pagkuyom ng kanyang kamay. Nagulat din si Auriel sa aking sinabi at unti-unting napatingin kay Santelmo. “Hindi totoo ang paratang mo.” Huminto ako sa paglalakad nang magkatapat ang aming balikat. “Santelmo, ikaw ang dahilan kung bakit naging matagumpay ang rebelyon.” Yumuko ito. “Nagawa ko iyon para—” Hinawakan ko ang ibabaw ng ulo nito. Napakislot siya at nanigas sa kinatatayuan. “Hanggang sa muli, kaibigan. Simula ngayon ay patay na si Ashmir Orbinia.” Tuluyan na akong naglakad sa tinurong daan ni Santelmo upang makalabas sa kweba. Nakaupo si Auriel sa aking balikat at nakakapit ang maliit na kamay nito sa tenga ko upang hindi siya mahulog. “Ano na ang plano mo ngayon, Ashmir? Hanggang kailan tayo tatakbo at magtatago?” “Hindi na tayo magtatago, Auriel.” Umangat ang isang gilid ng aking labi. “Sa pagkakataon na ito ay tayo naman ang mangangaso.” Tatlong buwan ang nakaraan… Nakatayo si Euphemia sa harap ng maraming tao at ang damit nito ay pinaghalong puti at ginto. Nakaayos ang kanyang buhok at may malawak na ngiti sa labi habang nakaharap sa mapapangasawa niya. “Ako, si Euphemia Hyrcanus Orbinia. Ibabahagi ko sa inyo ang aking buhay, at sama-samang itayo ang aming mga pangarap.” Habang sinasabi niya ang mga katagang iyon ay itinatali ng Obispo ang pulang ribbon sa kamay nila ng Joaquin Adler Qifu— ang bastardong anak ni Duke Sanjo. Kumalat ang balita na patay na ako at ayon sa batas, kapag ang wala ng nagtataglay ng maharlikang-dugo— may karapatan ang kanang-kamay na akuin ang responsibilidad. “Suportahan ka sa oras ng problema, at magsaya sa mga panahon ng kaligayahan. Ipinapangako kong ibibigay ko sa iyo igalang, mahalin at katapatan.” Sumandal ako sa isang haligi ng eskinitang pinagtataguan ko habang nakamasid sa taksil kong asawa. Ibang klase rin ang babae na iyon, gagamitin niya ang kahit na sino para lang mabawi ang titulo. Matalino si Duke Sanjo at tiyak na may balak ito. Sa oras na kumilos ng kadudaduda si Euphemia ay tiyak na katapusan na niya. Para sa korona ay handa niyang itapak ang paa sa bangin. “Ang katapatang ito ay ginawa nang may pagmamahal, pananampalataya, at pag-asa.” Sumilip si Auriel mula sa aking balabal. Sanay na ako na siya mga tao at hindi na kailangan na magtago sa loob ng katawan ko ang espiritu niya. “Ash— William, nasa ilalim na ang kontesa at hinihintay ka. Handa na rin ang mga dadalhin natin sa paglalayag.” “Narito ba sa kasal si Santelmo?” “Hindi ko siya maramdaman.” “Mabuti. Ibig sabihin ay naintindihan niya ang nasa sulat.” Bago pa maglapit ang labi ni Euphemia at Joaquin ay tumalikod na ako. Diretso lang ang tingin ko sa harapan at humihinto lang kapag may nagpapatrol na sundalo. Iniba ko ang kulay ng aking mata upang hindi makilala ng mga dumadaan. Paglabas ko ng eskinita ay may gumulong na repolyo sa aking paanan. “Kung kailan kasal ng Kamahalan ay saka kayo gumagawa ng gulo sa tindahan ko! Alis! Lumayas kayo!” Lumingon ako at nakita ang may edad na babae. Galit na galit ito habang pinapalo ang dalawang pulubi na sa tingin ko ay sampung-taong gulang palang. “Nagugutom na po kami. Parang-awa niyo na po, kahit isang pirasong kamote lang po.” “Hindi! Umalis nga kayo! Nalulugi ang tindahan ko sa inyo! Ang babaho ninyo! Alis!” Lumuhod ang dalawang lalaking pulubi. “Parang-awa niyo na po. May sakit po ang nakababata naming kapatid!” Imbis na maawa ay sinipa ng babae ang kaawa-awang bata. Kahit nasasaktan ay hindi kumikilos ang dalawa at tinatanggap lang ang bawat p*******t ng matanda. Kinuha ko ang repolyo na gumulong sa aking paanan at naglakad palapit doon. Napunta sa akin ang atensyon ng matanda at agad ko itong binigyan ng matamis na ngiti. Pumula ang kanyang pisngi at nabitawan niya ang patpat. Huminto ako nang makatayo sa harapan niya at nakatingala siya sa akin. Yumuko ako at hinawakan ang kanyang kamay upang dalhin iyon sa aking labi. “Ang isang tulad mo ay hindi dapat nagagalit, binibini. Paniguradong marami ang mabibihag ng iyong ngiti.” “K-K-Kasi… hay… Diyosmiyo, ano ang pangalan mo, hijo? Ngayon lang kita nakita sa lugar na ito.” “Ako’y isang hamak na mersenaryo lamang.” “Sandali, huwag kang aalis. May ibibigay ako sa iyo.” Napabuntong-hininga ito at pumasok sa loob. Habang wala ang matanda ay tiningnan ko ang dalawang lalaking pulubi at hinagis sa kanila ang tatlong patatas. “Dalhin niyo iyon sa kapatid niyong may sakit. Umalis na kayo habang wala pa ang matanda.” Tumango ang dalawa at kumaripas na sila ng takbo. Lumabas ang matanda at binigyan ako ng tatlong plastik na punong-puno ng pagkain. Nagpasalamat ako sa kanya bago umalis. “Auriel, may pagkain na tayo para mamayang gabi.” “Yey! May panahog na ako sa sinigang na sosohong!” Bumagsak ang aking balikat at naisapo ang kamay sa noo. “Auriel, hindi ako palaka para kumain ng mga insekto.”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD