Inutusan ko si Auriel na magtagong mabuti sa aking balabal. Huminto ako sa harapan ng pinag-usapang tagpuan at agad na humarang ang tagapagbantay.
“Apat na sinag ng silangan,” bulong ko.
Tumango ang tagapagbantay at binuksan ang pintuan. Wala pa ako sa mismong silid ay naririnig ko na ang mga tawanan ng kababaihan.
“Ash—Oops.” Tumikhim si Auriel. “William.”
Upang tuluyan ng mabaon sa limot si Ashmir ay pinili ko na gamitin ang tunay kong pangalan. William ‘Undertaker’ Godwinson will rule this forsaken kingdom.
“Auriel, napakatigas ng ulo mo.”
“Shh, maririnig ka nila.” Napapikit ako at nagbuntong-hinga nalang sa kakulitan niya. “Bakit hindi ang mga kontes ang tinitipon mo? Bakit ang mga asawa pa nila?”
“Malalaman mo din kaya magtago ka muna.”
“Hindi mo naman uulitin ang ginawa ko dalawang kontesa ng hilagang-kanluran, hindi ba?”
Napangiti ako nang maalala iyon. Ang mga kababaihan ng hilagang-kanluran ay likas sa pagiging magaling sa kama. Hindi kami nakapag-usap ng maayos dahil agad nila akong sinunggaban na tila ba n’on lang nakakita ng lalaki.
Nang magustuhan nila ang serbisyo ko ay pumuyag sila na pondohan ang nilatag kong proyekto. Pero hindi pa roon nagtatapos ang mga plano ko— kulang pa iyon.
“Hindi ko gusto ang nakikita kong ngiti sa labi mo. Mauna na kaya akong umuwi.”
“Mapagkakamalan ka nilang langaw, dito ka lang. Iba ang kababaihan ng silangan. Tapat sila sa kanilang asawa.”
“Hindi ka naman nila makikilala, hindi ba? Mahusay ang pagkakagawa mo ng mga pekeng dokumento at sinikap natin na baguhin ang iyong anyo.”
“Hindi ko dapat paghintayin ng labis ang mga kontesa. Magtago ka na, Auriel,” bulong ko habang hawak ang doorknob.
Inikot ko iyon at ang tawanan ay naglaho nang mapunta sa akin ang atensyon ng mga kontesa. Nalusaw ang kanilang ngiti habang pinapasadahan ng mga mapanghusgang mata nila ang aking pananamit.
“Magandang hapon sa inyo, mga binibini.”
“Tila hindi mo alam kung gaano kahalaga ang oras ng mga taong...” Bumaba ang tingin ni Kontes Carina sa aking paa at umakyat ito sa aking mukha. “…hindi mo kauri.”
Umakyat ang isang gilid ng aking labi at tinanggal ko ang aking balabal. Kapansin-pansin ang pag-iba ng ekspresyon ng ilan at bahagya ring umawang ang labi ni Kontesa Carina.
Naglakad ako papunta sa bakanteng upuan at umupo roon. Pinagkrus ko ang aking binti at ipinatong ang mga siko sa armrest ng upuan. Mapanghusga ang naging tingin ni Kontesa Carina sa aking kilos at tiniklop nito ang pamaypay.
“Sa isang mababang-uri na katulad mo, dapat ay maruno ka na pahalagahan ang oras ng mga dugong bughaw.” Tumango ang kababaihan na katabi ni Kontesa Carina.
“Ngunit heto at hinintay niyo pa rin ako. Siguro ay dahil labis kong nakuha ang atensyon ninyo, mga binibini.”
“Iyon ay dahil gamit mo ang ibon ng dating hari,” saad ni Kontesa Laza bago umayos ng upo. “May kinalaman ka bas a kanyang pagkamatay?”
“Nakita ko lamang ang ibon na lumilipad ng tila ba walang patutunguhan. Hinuli ko ito at pinaamo—”
“Natagpuan mo ba siya sa dulong bahagi ng kagubatan?” Putol ni Kontesa Karina sa aking pagsasalita.
Hindi kasama sa balita kung saan at paano namatay si Ashmir ngunit bakit alam ni Kontesa Karina ang lugar kung saan ako nahulog?
“Mga binibini—”
“William Godwinson ang pangalan mo, ginoo?” muling pinutol ni Kontesa Karina ang aking sasabihin. “Saan nagmula ang pamilyang Godwinson? Ngayon ko lang narinig ang pangalan na iyan.”
“Ako’y ulila na, mga kontesa. Ang aking mga magulang ay namatay na dahil sa kagutuman noong bata pa ako. Bumaba ako mula sa bundok upang mamalimos at magtrabaho bilang minero sa Optic. Nang magkaroon ng sapat na pera at kaalaman ay nagdesisyon ako na mamuhunan sa iba’t-ibang negosyo sa Carapace.”
Binuo ko na ang istorya na ito sa aking isip dahil alam kong magdadalawang-isip sila. Nilatag ko sa harapan nila ang mga tunay na dokumento ng iba’t-ibang negosyo na naitayo ko.
Dahil galing ako sa modernong mundo, may advantage ako pagdating sa mga iba’t-ibang uri ng negosyo na maaaring itayo.
Hindi ko kailangan ng posisyon sa kaharian para maging makapagyarihan. Pera at kayamanan pa rin ang nagpapatakbo sa kahit saan mang mundo ako mapunta.
“Kung ganoon, bakit mo kami tinipon dito kung marami ka namang kakilala na maaaring mamuhunan sa itatayo mong negosyo?”
“Nais kong magpatayo ng makina na maaaring magsakay ng mga tao at iikot iyon mula sa hilaga hanggang sa timog. Sa ganoon ay mababawasan ang oras ng paglalakbay at mabilis na babagsak ang mga produkto sa buong Arachnida.”
Nilatag ko sa kanilang harapan ang malaking papel— detalyado kong ginuhit ang plano ko.
“Bakit hindi ang aming mga asawa ang tinipon mo rito, William Godwinson?” Tanong ni Kontesa Karina. “Sa nakikita ko ay mas maiintindihan ng mga kalalakihan ang ganitong dokumento.”
“Kontesa Karina, ayon sa aking imbestigasyon, nabibilang ka sa isang pamilya na kilala sa pagpapanday ng metal. Nakita ko ang libro mo sa isang lumang silid-aklatan— maalikabok na at ang ibang pahina ay nasira na dahil sa panahon.”
Sumandal ako at napansin ang pagbabago ng kanyang ekspresyon.
“Ang libro na iyon ay tungkol sa iba’t-ibang abilidad ng metal. Mayroon din na nasusulat na mga maaaring paggamitan niyon bukod sa maging sandata. Nais kong malaman kung bakit ang maganda at puno ng impormasyon na libro na iyon ay inaalikabok lang.”
“Ang libro na iyon ay nakikita lamang ng aking pamilya bilang kahalangan ko. Ang babaeng katulad ko ay hindi maaaring magkaroon ng utak— ang dapat ko lang malaman ay magpakasal, manganak, at panatilihing malinis ang dignidad ng pamilya namin.”
Lumipat ang aking atensyon kay Kontesa Laza. Napakislot siya at nag-iwas ng tingin sa akin.
“Kontesa Laza, batid ko ay nakapasok ka sa eskwelahan ng mga dugong-bughaw bilang isang magaling na alchemist. Nais kong malaman kung bakit huminto ka sa pag-aaral?”
“Pinagbigyan lamang ako ng aking ama sa pumasok ng isang taon sa paaralan na iyon. Umalis ako upang ipagpatuloy ang pag-aaral ng musika kung saan kilala ang aming pamilya.”
Tumango ako at pagkatapos ay nilipat ang atensyon sa tahimik at nagmamasid lamang na si Kontesa Igna.
“Mag-ingat ka sa iyong sasabihin, estranghero,” pagbabanta niya.
Umangat ang isang gilid ng aking labi. Kinuha ko ang baso na may lamang alak at mahinang inikot ang likod sa loob niyon. Pinagmamasdan ko ang alak na sumusunod sa pag-ikot ko sa baso.
“Base sa aking nakalap na impormasyon ay kabilang ka sa pamilya na kilala pagdating sa lawak ng inyong lupain sa iba’t-ibang panig ng Arachnida. Nabalita na kayo ang pinupuntahan ng mga dugong-bughaw sa tuwing nais nilang magpatayo ng bahay o establisyimento.”
Binalik ko sa kanya ang tingin at seryoso ang mukha nito.
“Nabalita na isang babae ang may likha ng mga disenyo ngunit bakit ang nasa harap ng dyaryo ay ang lalaking anak?”
Kumuyom ang kamao ni Kontesa Igna at nagdilim ang kanyang ekspresyon.
“Dahil sa mundo na ito, ang mga kababaihan ay hindi kailangan ng ganitong kaalaman. Na ang tanging dahilan kung bakit nilikha kami ni Rubitta ay upang padamihin ang kalalakihan at pagsilbihan sila.”
Inubos ko ang alak na laman ng baso at pagkatapos ay sandal iyong itinaas bago ibaba sa mesa. Tumayo ako at inayos ang aking damit.
“Bibigyan ko kayo ng panahon para pag-isipan ang inyong sagot. Isang linggo— tingin ko ay sapat na iyon.”
“William, bakit hindi mo ito iparating kay Hari Sanjo? Mas matutulungan ka nila—”
“Para sila lang ang makinabang sa proyekto na ito at upang gipitin ang mamamayan? At kung papayag sila, maaaring magbigay sila ng mga tao na wala sapat na kaalaman at abilidad hanggang sa maubos ang pera at panahon na nilaan ko para sa proyekto na ito.”
Hindi nakaimik ang tatlong kababaihan at nagbigay ng may kahulugang tingin sa isa’t-isa.
“Mga binibini, nasa sa inyo kung mananatili kayong tahimik at isang mabuting may-bahay para sa inyong asawa…” Binalot ko sa aking katawan ang balabal. “…o pipiliin niyo na maging masaya— bagay na pinagkait sa inyo ng tadhana.”
Mariin nilang piagdikit ang mga labi at si Kontesa Karina ay pinapalo ang nakatiklop na pamaypay sa kanyang kamay.
Yumuko ako sa kanila at ngumiti. “Salamat sa inyong panahon, mga binibini.”
Pagkatapos niyon ay lumabas na ako ng silid at naglakad palayo. Kung hindi sila papayag ay may iba pa akong plano— ngunit base sa kanilang ekspresyon, siguradong mataas ang tiyansa na matutupad ang una kong plano.
Nakuha ko na kayamanan na pinagkaloob sa akin ng mga kontesa ng hilagang-kanluran.
Napapayag ko na rin na magtrabaho sa akin ang mga naabandunang minero ng Optic.
Kailangan ko ang kaalalaman ng tatlong kontesa upang mabilis na magtagumpay ang mga plano ko. Nasa kanilang tatlo ang sapat na mapagkukunan, materyales, and koneksyon.
“William, may mga kawal sa labas ng pinto,” bulong ni Auriel.