CHAPTER 1 (ANG PROPESIYA SA WOLVERLAND)

1975 Words
SITIO IPILAN Pagkatapos nang pangyayari sa mansyon ay nilisan nina Helena at Magnus ang tahanan ng mga Braganza. Sa isang liblib na lugar ng Ipilan sila nanirahan. Hanggang ngayon ay hindi pa rin alam ni Helena ang tungkol sa tunay na katauhan ng nobyo. Katatapos lamang nilang mag-niig nang biglang lumabas si Magnus. Tuwing kabilugan ng buwan ay lumalabas ng kanilang munting si Magnus at lihim na nagbabagong anyo upang maging lobo. Dala ng kuryusidad ay sinundan ni Helena si Magnus. Laking gulat niya sa kaniyang nasaksihan. "Magnus," tawag ni Helena sa isang puting lobo. Nilingon ni Magnus si Helena at bakas sa kaniyang mga mata ang lungkot. Dahil alam niyang p'wede siyang iwan ng nobya. Kaya bago pa siya iwan ng dalaga ay tinalikuran na niya ito at naglakad papalayo. Tumigil siya sa paglalakad nang marinig niya ang muling pagtawag sa kaniya ni Helena. "Magnus," tawag sa kanya ni Helena. "Mahal ko, bakit mo ako iiwan?" malungkot na tanong ni Helena. Tumigil si Magnus at nilapitan ang nobya. "Ngayong alam mo na ang tungkol sa akin. Malaya ka nang iwan ako," mga katagang gustong sabihin ni Magnus. Hindi siya nakakapagsalita kapag isa siyang lobo. Babalik lamang siya sa pagiging tao kapag sumikat na ang araw. Hinaplos ni Helena ang mukha ni Magnus. "Kahit isa kang taong lobo. Tatanggapin kita ng may buong pagmamahal. Dahil mahal kita," seryosong sabi ni Helena. Hinalikan ni Helena si Magnus. Upang mapatunayan ang pagmamahal niya sa nobyo sa likod ng pagiging lobo nito'y ipapaubaya niya ang sarili kahit pa ito ay nasa anyong lobo. Hindi makapaniwala si Magnus sa ginawa ni Helena na pagpapaubaya sa kaniya kahit isa siyang lobo ngayon. Kasabay nang pagniniig nila ay ang pagpula ng buwan at paglabas ng mga paniki. Ang siyang kinatatakutan sa Wolverland, dahil isisilang ang lobong iibig sa isang bampira. Ilang araw ang lumipas pagkatapos malaman ni Helana ang tungkol sa tunay na pagkatao ni Magnus ay nagulat siya nang may maramdaman siyang paggalaw sa kaniyang sinapupunan. "Imposibleng mabuntis agad ako," bulong ni Helena sa sarili. Pinuntahan niya si Magnus na naghuhukay ng kakainin nilang kamote. Naalala niyang bigla na noon ay tanging buhay na manok ang gustong kainin ni Magnus. Ngayong alam na niyang isang taong lobo ang kaniyang nobyo ay hindi na siya magtataka kung bakit buhay na manok ang gusto nito. Ngunit natuwa siya nang pag-aralan ni Magnus ang kumain ng kamote para sa kaniya. "Mahal ko, matagal ka pa ba diyan?" tanong ni Helena sa nobyo. "Tapos na po," tugon ni Magnus at tumayo na ito. "Tara na sa loob," pag-aya ni Magnus kay Helena. Tahimik silang kumakain nang may biglang dumating na mga tao. "Prinsipe Magnus," bungad ng isa. "Mahal ko, sino sila?" tanong ni Helena kay Magnus. Tumingin si Magnus kay Helena. "Mga kapwa ko taong lobo," pagtatapat niya. "Lucas, anong ginagawa n'yo dito?" baling ni Magnus sa mga dumating. "Prinsipe Magnus, kinakailangan n'yo nang bumalik sa Lunaria," tugon ni Lucas na siyang kanang kamay ng kaniyang ama. Kumunot ang noo ni Magnus. "Bakit ako babalik?" takang tanong ni Magnus. Huminga muna nang malalim si Lucas. "Ang inyong ama'y malubha ngayon. Kaya pinapasundo ka na niya," pagtatapat ni Lucas. Biglang nanlumo si Magnus dahil sa kaniyang narinig. Hinawakan niya ang kamay ni Helena. "Babalik lamang ako ng Lunaria. Kung kasama ko ang aking asawa," seryosong sabi ni Magnus. "Ka— kayo pong bahala," nauutal na sambit ni Lucas. LUNARIA (WOLVERLAND) Katulad nang sinabi ni Magnus, bumalik siya nang Wolverland na kasama si Helena. Sa kanilang pagdating sa Wolverland ay biglang nagpula ang langit at nagliparan ang mga paniki. Hindi ito pinansin ni Magnus, dahil hindi siya naniniwala sa kinatatakutan ng mga lobo. Sa pagbabalik ni Magnus ay ibinigay ng ama ang trono bilang hari ng Alcona. Ang pagbabalik ni Magnus ay labis na kinainis ni Agorn. Dahil hindi na niya magagawa ang balak na sakupin ang Alcona. Labis na namangha si Helena sa ganda ng Wolverland. Hindi niya akalain na may ganitong lugar na parang paraiso sa ganda. Ang luntiang kapaliguran na punong-puno ng malalaking bulaklak. Walang kabahayan na makikita dahil ang mga lobo ay naninirahan sa mga kuweba. Tinanggap si Helena ng lahat maliban ng grupo ni Agorn. Dahil naniniwala sila na ang babaeng kasa-kasama ni Magnus, ang siyang babaeng magsisilang ng lobong iibig sa isang bampira. Dahil nang dumating ang mga ito sa Lunaria ay nagpula na ang asul na langit . Hindi lubos maisip ni Helena na nasa mundo siya ng mga imortal. Kung saan naninirahan ang mga taong lobo at bampira. Sa Lunaria, matatagpuan ang mga Lobo at ito ay nahahati sa dalawang pangkat, ang Alcona at Caldonia. Sa Alcona, matatagpuan ang mga puting lobo. Ang tirahan ng mga puting lobo ay nababalot ng luntiang kapaligiran. Ang Caldonia naman ay napapalibutan ng mga bato at buhangin. Dito naninirahan ang mga itim na lobo. Samantalang ang mga bampira ay matatagpuan sa Tranavana, ang pugad ng mga paniki. Kung saan may malaking kastilyo na tirahan ng mga paniki. Malaki ang kaibahan ng Tranavana sa Lunaria. Tahimik na namuhay sina Helena at Magnus sa Lunaria. Pinamunuan ni Magnus ang Alcona. Naging mabuting pinuno si Magnus. Ngunit baliwala ang kabutihan niya kay Agorn, isang itim na lobo na malaki ang inggit sa kanya. "Bakit kinakailangan mo pang pumunta sa mundo ng mga mortal?" diretsong tanong ni Haring Magnus kay Agorn. Nang hilingin nitong buksan ang lagusan upang makapunta siya sa mundo ng mga tao. Simula nang bumalik si Magnus mula sa mundo ng mga tao ay isinara na niya ang lagusan dahil ipagbabawal na niya ang manguha ng mga kababaihan sa kabilang mundo upang ialay sa kanilang Bathalang Umra. Ang nasabing bathala ay isang puting lobo na may dugong itim na lobo. Siya ang sinasamba ng lahat. Inaalayan siya ng babae upang may makasama ito sa Lohas, ang tirahan ng mga lobo na sumakabilang buhay na. Kinakailangan siyang alayan ng babae tuwing kabilugan ng buwan. Dahil naniniwala ang mga lobo na magiging masagana sa kanila ang taon. Ngunit ipingtapat ni Haring Rakesh sa kaniya na ang mga kababaihang dinadala sa Lohas ay pinapaslang ng mga pumanaw na lobo pagkatapos ialay sa Bathalang Umra. Ngumisi si Agorn habang nakatitig sa hari ng mga lobo. "Kapatid na Magnus, anong silbi ng pagiging lobo natin kung hindi tayo manggugulo sa mundo ng mga tao." Nagtagis ang panga ni Agorn. “Bukod tanging ikaw ang lobong nagbago sa ating kinamulatan,” seryosong saad ni Agorn. Matagal nang binabalak ni Agorn na pumunta sa mundo ng mga mortal upang muling manguha ng kababaihan at maghasik ng kasamaan. Ngunit hindi siya pinapahintulutan ni Haring Magnus na gumawa ng kasaaman sa mundo ng mga tao. Lalo na't ang naging asawa niya ay isang tao. Walang iba kung 'di si Helena, ang babaeng umibig sa kan'ya nang siya ay manirahan sa mundo ng mga mortal. Bilang hari ng mga puting lobo ay may karapatan siyang magbawal sa kaniyang sinasakupan. Mas may kapangyarihan siya kay Agorn dahil siya ang may hawak ng mahiwagang bato. Ang tanging p’wedeng gawin ni Agorn ay pamunuan ang mga itim na lobo at pangalagaan ang Caldonia. "Ilang beses ko bang sasabihin sa 'yo na hindi ko papahintulan ang nais mong gawin sa mundo ng mga tao?" makapangyarihang sabi ni Haring Magnus. Ngumisi si Agorn at tumingin sa asawa ni Haring Magnus. "Ayaw mo akong pahintulutang pumunta sa mundo ng mga mortal. Dahil isang mortal ang reyna ng Alcona," malagong na sambit ni Agorn at ngumising tinitigan si Helena. Nakaramdam ng takot si Helena. Kaya kumapit siya nang mahigpit sa kaniyang asawang si Haring Magnus. Habang hawak-hawak ang maumbok niyang tiyan. Lumapit si Agorn kay Helena at inilapit niya ang kanyang labi sa may tainga nito at bumulong. "Alagaan mo ang ‘yong anak." Pagkatapos ay umalis na si Agorn upang bumalik ng Caldonia. "Irog kong hari, natatakot ako," pagtatapat ni Helena sa kaniyang asawa. Alam ni Helena na kung hindi dahil sa kanyang asawa. Malamang ay ginawan na siya ng hindi maganda ni Agorn. Dahil tutol ito sa pagtira niya sa Alcona. Simula naman nang lisanin niya ang kanilang mundo ay wala na siyang balita tungkol sa kaniyang pamilya. "Huwag kang matakot. Andito ako, aking Irog, hindi kita pababayaan," pag-aalo ni Haring Magnus sa kaniyang asawa. Hinawakan ni Haring Magnus ang tiyan ni Helena. "Malapit na ang kabilugan ng buwan. Ang araw ng iyong pagsilang sa ating supling," seryosong saad ni Haring Magnus. Ngumiti si Helena. "Kayo ng ating magiging supling, ang aking kayamanan," masayang wika niya at yumakap siya sa kaniyang asawa. Kinabukasan ay dumating sa Alcona si Pagudpot, ang magaling na manghuhula. Kung tawagin nila ay si mata. Dahil siya ang may kakayahang makita ang hinaharap. Si Pagudpot, ay isang uri ng kwago, na iginagalang ng lahat sa Wolverland. "Hasila, Haring Magnus," bati ni Pagudpot sa hari na ang ibig sabihin ay magandang araw. "Ipinapatawag mo raw po ako. Ano pong maipaglilingkod ko sa inyo?" tanong niya sa hari ng mga lobo. Habang ang mga mata ay nakatingin sa umbok na tiyan ni Helena. "Hasila, Pagudpot, gusto kong makita ang kapalaran ng aking magiging supling." Sabay tingin niya sa maumbok na tiyan ni Helena. Tumango-tango si Pagudpot habang nakatitig sa maumbok na tiyan ni Helena. "Masusunod po, Haring Magnus," mabilis na tugon ni Pagudpot. Lumapit siya kay Helena upang hawakan ang umbok na tiyan nito. Bago pa lamang ipinipikit ni Pagudpot ang kaniyang mga mata ay lumayo na ito kay Helena. "Bakit, Pagudpot? Ano ang iyong nakikita?" takang tanong ni Haring Magnus kay Pagudpot. Umiling-uling muna si Pagudpot bago magsalita. "Haring Magnus, ang iyong anak. Ang siyang tinutukoy sa propesiya," mabilis na tugon ni Pagudpot na siya namang ikinagulat ni Haring Magnus. "Pagudpot, hindi totoo 'yan! Nagkakamali ka lamang nang iyong nakikita!" malakas at galit na sigaw ni Haring Magnus na aksidenteng narinig ni Agorn nang siya'y dumating sa may bulwagan ng Alcona. Piniling magkubli ni Agorn upang pakinggan ang usapan nina Haring Magnus at Pagudpot. "Hindi ako nagkakamali sa aking nakikita. Ang anak mo—" Tumingin siya sa tiyan ni Helena. "Ang sinasabi sa propesiya. Siya ang puting lobong magsisilang ng pulang pangil na sasakop sa buong Wolverland. Ang siyang kinatatakutan ng lahat na mangyari. Ang lobong may lahing bampira at lulupig sa mga lobo," ani ni Pagudpot. "Hindi mangyayari ang sinasabi mo—" Hindi na naituloy ni Haring Magnus ang kaniyang sasabihin. Dahil muling nagsalita si Pagudpot. "Haring Magnus, nang malaman mo ang propesiya. Sinabi mong kailangang mawala ang paslit dito sa Wolverland. Dahil hindi ka papayag, na magkaroon ng dugong bampira ang isang lobo. Ngayong anak mo ang tinutukoy sa propesiya. Kailangang tuparin mo ang inyong salita bilang hari ng Alcona." "Pagudpot, hindi ko gagawin sa sarili kong dugo at laman. Ang sinabi ko noon. Ililihim mo ang iyong nakita." Tumingin siya nang matalim kay Pagudpot. "Kung gusto mong manatili nang Lunaria. Kakalimutan mo ang iyong nakita at walang ibang makakaalam. Dahil kung hindi! Ipapatapon kita sa mundo ng mga tao," banta ni Haring Magnus kay Pagudpot. Hindi na nakapagsalita si Pagudpot. Dahil alam niya kung paano magalit ang hari ng mga puting lobo. Tumango na lamang siya sa hari bilang pagsang-ayon. Samantalang sa may 'di kalayuan ay may nabubuong plano si Agorn. Upang maagaw ang trono mula kay Haring Magnus at masakop ang Alcona. Nagkubli siya upang abangan si Pagudpot. "Tapos na ang pagiging hari mo, Magnus," bulong niya sa kaniyang sarili. Ipapaalam ni Agorn sa lahat ng lobo ang kaniyang mga narinig. Upang maniwala sa kaniya ang mga puting lobo ay ihaharap niya sa mga ito si Pagudpot. Nang matanaw ni Agorn si Pagudpot ay mabilis niya itong hinila sa isang sulok. "Agorn?" paninigurado ni Pagudpot. Ngumisi si Agorn bago magsalita. "Kung gusto mo pang mabuhay. Susundin mo ang gusto ko," seryoso at makapangyarihang wika ni Agorn. Wala nang nagawa si Pagudpot kung 'di ang sumama kay Agorn.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD