Malapit na si Raven sa kanilang classroom at halos wala sa loob na binilisan pa niya ang paghakbang. Bigla ay may naramdamang resistance ang kanyang binti at malakas siyang napasinghap nang magsimula siyang madapa. Hindi natuloy na mag-landing ang kanyang mukha sa sahig dahil naramdaman niyang may humawak sa kanyang braso at bahagya siyang iniangat.
Halos wala sa loob na napatingin si Raven sa lalaking nagligtas sa kanya. “Tha—” Hindi niya naituloy ang gustong sabihin dahil bahagya siyang nagulat sa mukha nito. He was not frightening. He was gorgeous. And unfamiliar. Hindi niya maalala kung nakita na niya ang mukha nito sa paligid. Mukhang pareho sila ng grade at sigurado siyang hindi niya makakalimutan basta ang ganoong mukha.
Ngumiti ang lalaki habang tutok ang mga mata sa kanya. Ilang sandali na napatitig din si Raven sa mukha nito. Guwapo talaga ang binata. Hindi katulad ng kaguwapuhan ni John Paul pero hindi maikakailang magandang lalaki pa rin ang kaharap. Medyo maangas at pilyo ang dating nito. Hindi alam ni Raven na may appeal sa kanya ang ganoong uri ng kaguwapuhan. Palagi kasi niyang naiisip na si John Paul ang pinaka-perfect sa lahat ng mga lalaking nakilala niya at mananatiling ganoon habang-buhay. John Paul was the opposite of this man.
“Hindi na masama,” sabi ng lalaki habang hindi inaalis ang mga mata sa kanya.
Nagsalubong ang mga kilay ni Raven. Narinig niya ang mga salita kahit na masyado siyang occupied sa pag-aaral sa hugis at kulay ng mga labi nito, pero hindi niya naintindihan ng husto. She liked his voice, she realized.
“Maganda,” sabi ng lalaki. “Kung hindi ka lang parang tanga.”
Napakurap-kurap si Raven. Parang bigla siyang natauhan sa narinig. Mabilis na umahon ang inis sa kanyang dibdib. Nakita niya ang unti-unting pagguhit ng nakakalokong ngiti sa mga labi nito. “Medyo mabigat ka. Baka puwedeng umayos ka na? Wala tayo sa loob ng isang corny na romantic film.”
Mabilis na itinuwid ni Raven ang katawan. Hindi niya mapaniwalaan na nawala siya sa sarili. Hindi rin niya gaanong mapaniwalaan ang mga naririnig mula sa lalaking kaharap. She had her shares of bullies in that school but she had never encountered as direct as this guy.
Iginalaw-galaw ng lalaki ang braso na para bang nangalay sa iilang sandali na pag-alalay sa kanya. “Hinayaan na sana kitang madapa face flat.”
Napaawang ang mga labi ni Raven dahil nadagdagan ang kanyang pagkagulat. Nag-iisip siya ng puwedeng isagot nang may ma-realize siya. Tumingin siya sa sahig, may hinahanap. Naningkit ang kanyang mga mata nang makitang ikinukuyakoy ng lalaki ang isang paa. Wala siyang makitang bagay na puwedeng pumatid sa kanya sa corridor kundi ang mga paang iyon.
“Tama ang iniisip mo,” sabi ng lalaki. “Sinadya kong patirin ka.”
Napatingin si Raven sa lalaki. Kahit na mayroon ng hinala at handa na siyang mainis nang husto, bahagya pa rin niyang ikinagulat ang mabilis nitong pag-amin.
“Why?” tanong ni Raven. “Wala naman akong ginagawang masama sa `yo.” Alam naman niyang kahit na walang ginagawa ang isang tao ay hindi pa rin nakakaligtas sa mga bully. Naramdaman lang niya ang pangangailangan na itanong ang bagay na iyon dahil hindi talaga niya maintindihan kung bakit may mga taong mean.
“You’re nauseatingly happy and perky for the first day of school?”
Napatanga si Raven sa lalaki. “W-what?”
“You’re happy and I hate it,” walang anumang sabi ng lalaki.
“So you’re gonna ruin things for me just because I’m happy on our first day back to school?”
Tumango ang lalaki. “Yep. Mukhang nag-succeed naman ako dahil inis na inis ka na, `di ba? Buwisit na buwisit ka na? Sirang-sira na ang araw mo?” Muling gumuhit ang nakakalokong ngiti sa mga labi nito.
Kahit na totoong inis na inis at buwisit na buwisit na si Raven ay pinilit pa rin niya ang sarili na ngumiti. Ipinaalala niya sa sarili na maraming bully na siyang pinagdaanan. Napakitunguhan na niya ang lahat ng iyon. Ipinaalala niya uli sa sarili ang mga bilin sa kanya ng kanyang Naynay Melinda at Maymay Belinda. Mas maging mabait siya sa mga bully. Huwag niyang ipapakita ang inaasahang reaksiyon mula sa kanya dahil mananalo ang mga ito. Siya ang talo. Hindi niya hahayaan na manalo ang lalaking ito.
Mas tinamisan ni Raven ang kanyang ngiti at bahagya siyang natuwa nang matigilan ang lalaki na hindi niya sigurado kung gugustuhin niyang malaman ang pangalan. “Hi!” masigla niyang bati. Siniguro niyang mas matinis ang kanyang boses kaysa sa karaniwan. “I’m Raven Violet Katrina. People calls me Raven. You are…?”
Napailing-iling ang lalaki. Nakita ni Raven ang dismaya sa mga mata nito at hindi niya napigilan ang mas paglapad pa ng kanyang ngiti. Nagtagumpay siya sa kanyang gustong mangyari. Siya ang nanalo. Inilahad niya ang kamay sa lalaki. “You are…?” pag-uulit niya. Hindi niya gustong aminin na talagang gusto na niyang malaman ang pangalan nito. Sa palagay niya ay transferee ang lalaki.
“Not telling you my name,” sabi ng lalaki bago siya iniwan sa corridor. Nadismaya si Raven. Iniisip niya kung ano ang puwedeng maging pangalan ng lalaki habang pinapanood ang paglalakad nito palayo. Maging ang paraan ng paglalakad nito ay maangas. Iba sa nakasanayan niyang confidence at arrogance sa lakad ng ibang mga importante estudyante sa eskuwelahan na iyon. This guy was a little unsophisticated, a little rough. Hindi niya mapagpasyahan kung gusto niya ang bagay na iyon o hindi. Pumasok sa loob ng isang classroom ang lalaki at nawala sa kanyang paningin.
Nagkibit siya ng balikat at nagpasya na huwag nang gaanong abalahin pa ang sarili sa nangyari. Humakbang na siya papunta sa classroom niya. Bigla siyang natigil sa paglalakad pagkatapos ng tatlong hakbang nang may bigla na naman siyang na-realize. The guy went inside her classroom. Alam niyang classroom niya iyon dahil hinanap na niya kung saan ang designated classroom niya orientation pa lang. Mas binilisan niya ang paglalakad. Gusto niyang siguruhin ang hinala.
Bahagyang nanlaki ang kanyang mga mata nang makita nga sa loob ng classroom ang lalaki. Naupo ito sa isang sulok sa bandang likuran. Halos hindi marinig ni Raven ang pagbati sa kanya ng mga kaklase na naroon na rin sa loob ng classroom. Hindi nakaligtas sa kanya ang mga babaeng kaklase na patingin-tingin sa gawi ng bago nilang kaklase at paminsan-minsan ay napapahagikgik, gayumpaman.
Halos wala sa loob na pinuntahan ni Raven ang upuan na katabi ng upuan ni John Paul. “Hi,” bati sa kanya ng binata. “Kumusta ang bakasyon?”
Hindi kaagad nakasagot si Raven dahil nakatingin pa rin siya sa lalaki na sigurado na niyang transferee. Karamihan sa mga kaklase nila ay kasama na niya mula pa noong first year nila.
“Raven?” untag ni John Paul sa kanya.
“What?” wala sa loob na sagot ni Raven.
Sinundan nito ang pinagmamasdan niya. “He’s our new classmate siguro,” sabi nito habang nakatingin din sa lalaki.
Tumingin si Raven kay John Paul. Hindi niya mapaniwalaan na nagsayang siya ng atensiyon sa ibang lalaki samantalang nasa tabi na niya ang lalaking kinasasabikan niyang makita buong bakasyon. Nagpunta sa probinsiya ang binata at doon ginugol ang bakasyon kaya hindi sila nagkaroon ng pagkakataong magkita buong summer. Nagpasya siyang huwag nang gaanong intindihin ang bagong kaklase. Sa palagay niya ay hindi sila magkakasundo pero hindi rin niya sigurado ang bagay na iyon. Maraming puwedeng mangyari sa loob ng isang taon. Ibinigay niya kay John Paul ang kanyang buong atensiyon.
Ikinuwento ni Raven ang naging bakasyon niya kay John Paul. Tumutulong siya sa kanilang laundry business tuwing bakasyon pero sa pagkakataon na ito ay mas naging mabigat ang kanyang mga trabaho. Sinuswelduhan kasi siya. Hindi katulad ng mga kaklase nila na sa mga mamahaling resort at ibang bansa naglagi pero masaya pa ring maituturing ang kanyang summer.
Binati nila ang ilan pang mga kaklase na nagsidatingan. Sandali silang nakipagkuwentuhan sa ilan. Sinikap ni Raven na huwag maligaw uli ang kanyang mga paningin sa lalaki pero namamalayan pa rin niya ang sarili na pasulyap-sulyap. Nakatingin lang nang deretso ang lalaki, masyadong blangko ang mukha. Parang wala itong pakialam sa mga pangyayari sa paligid. Hindi nito pansin kahit na pinagtitinginan ito ng mga taong naroon. May isang babae ang naglakas ng loob na makipagkilala pero hindi nito pinansin.
Nagsiupuan silang magkaklase nang pumasok na sa loob ang kanilang adviser. She gave the standard “welcome to your last year in high school” speech. Pagkatapos ay sumunod ang “introduce yourself” portion.
“Sa pagkakaintindi ko ay magkakasama na ang karamihan sa inyo mula pa first year,” nakangiting sabi ng teacher. “You have one new classmate. Why don’t we start with you?” Nakatingin ito sa lalaki na siyang tanging bago sa kanilang grupo.
Tahimik ang buong klase nang magpunta sa harap ang lalaki. Sabik ang lahat na malaman ang ilang simpleng bagay tungkol sa bagong kaklase.
Tumikhim ang lalaki bago sinimulan ang pagpapakilala sa sarili. “My name is Andrew Mendoza. I’m Garrett Mendoza’s half brother.”
Halos sabay-sabay silang napatingin kay Garrett na kaagad na namutla. Garrett was one of the scrawny and awkward kids. Mahahalata na hindi gaanong komportable ang kaklase sa atensiyon na natatanggap. Kaagad na inabot ni Eunice ang kamay ni Garrett at pinisil. Si Eunice ang best friend ni Garrett sa eskuwelahan.
“We have the same father if you’re all wondering. Pinakasalan niya ang mama ni Garrett at nabuntis niya ang nanay ko. Gusto ng tatay namin na sa eskuwelahan na ito ako magtapos kaya heto ako ngayon. That’s it.” Pagkasabi niyon ay naupo na ito uli.
Nabalot ng katahimikan ang klase. Maging ang kanilang teacher ay hindi malaman kung ano ang sasabihin. Ang sabihin na nagulat silang lahat ay kulang. Hindi mapaniwalaan ni Raven ang mga narinig. Maraming estudyante sa eskuwelahan na iyon ang may espesyal o hindi tipikal na family situations. May mga anak sa labas o anak ng couple na may parehong kasarian. Pero hindi nagiging lantad ang mga bagay na iyon. Itinatago ang mga maseselang bagay. Hindi inilalantad. Hindi niya sigurado kung kaiinisan o hahangaan niya ang lakas ng loob ni Andrew.
May malakas na boses na nagsasabi sa kanya na babaguhin ni Andrew Mendoza ang kanyang mundo. Sinundan niya ng tingin ang lalaki hanggang sa makabalik ito sa upuan. Nahuli siyang nakatingin ni Andrew. Nginitian siya ng lalaki at kinindatan. Kaagad na bumilis ang t***k ng puso ni Raven.