High school
“UUWI kaagad pagkatapos ng klase mamaya, ha?”
Hinalikan ni Raven ang pisngi ng kanyang Maymay Belinda bago bumaba sa sasakyan na nakaparada sa harap ng malaking gate ng isang private school. She was very excited. Hindi siya katulad ng ibang kaklase na kinaiinisan ang pagtatapos ng summer vacation at pagsisimula ng bagong klase. Medyo hindi niya gusto ng tag-init. Binibilang niya ang mga araw bago magsimula ang bagong klase. Sabik na siyang makitang muli ang mga kaibigan.
Medyo nakakalungkot lang isipin na iyon na ang huling araw nila sa high school. Hindi niya mapaniwalaan ang bilis ng paglipas ng panahon. Parang kailan lang ay takot na takot siya habang papasok sa loob ng gate ng eskuwelahan dahil hindi niya sigurado kung ano ang mga naghihintay sa kanya. Ngayon ay parang hindi niya gustong huwag nang matapos ang panahon niya sa eskuwelahang iyon. Pero alam din naman niya na hindi puwede.
“College is also going to be fun,” sabi na lang niya sa sarili.
“Raven.”
Mabilis na nilingon ni Raven ang kanyang Maymay Belinda na inakala niyang nakaalis na. “Po?”
“Naiwan mo ang lunch mo.”
Mabilis siyang bumalik sa sasakyan para abutin ang thermal bag na naglalaman ng kanyang tanghalian para sa araw na iyon. Noon ay madalas siyang tuksuhin dahil nagbabaon siya pero ngayon ay napakibagayan na niya ang bagay na iyon. Sinabi niya sa kanyang Naynay Melinda at Maymay Belinda noong second year siya na hindi na niya gustong magbaon dahil nakakahiya at pinagtatawanan siya. Naawa sa kanya ang dalawang tiyahin at pinayagan siyang magbaon na lang ng pera para makabili siya sa school cafeteria katulad ng ibang mga estudyante.
Pero isang linggo lang siya nagtagal. Nakiusap siya na magbabaon na siya uli. Napakamahal ng mga pagkain sa cafeteria. Hindi iyon napapansin ng ibang mga kaklase niya dahil karamihan sa mga ito ay sanay sa mga bagay na mahal. Pero dahil hindi naman siya katulad ng mga kaklase kaya sobra siyang nanghihinayang sa malaking ginagastos niya sa pagkain tuwing tanghalian.
Alam naman ni Raven na kahit na paano ay komportable ang kanyang buhay dahil sa iniwang munting kayamanan ng kanyang mga magulang pero alam din niya na nauubos ang pera na iyon at hindi pinipitas sa puno ang mga perang kinikita ng kanyang Maymay Belinda at Naynay Melinda. Idagdag pang hindi niya magustuhan ang mga mamahaling pagkain sa cafeteria. Mas masarap nang ilang ulit ang mga pagkaing iniluluto ng kanyang Naynay Melinda para sa kanya.
Muling nagpaalam si Raven sa kanyang Maymay Belinda bago siya tuluyang pumasok sa loob ng eskuwelahan. Iilan lang ang naglalakad sa covered path dahil ang ilang ipinapasok ang sasakyan hanggang sa loob ng campus. Hindi maipasok ng kanyang Maymay Belinda ang sasakyan nito dahil nakaka-intimidate ang mga makikinang at magagarbong sasakyan ng mga kaklase kumpara sa second hand na L300 na ginagamit din nila sa kanilang laundry business.
Plano niyang sulitin ang bawat araw na ilalagi niya sa eskuwelahan sa taon na iyon. Magiging mas mabuti siyang estudyante. Mas magiging friendly siya. Kakausapin at kakaibiganin niya ang mga taong hindi niya nakakausap sa kanilang klase. Mas magiging mabuti siya sa mga kaibigan. Dahil pagkatapos ng school year na iyon ay magsisimula na ang ibang kabanata ng kanilang buhay. Maghihiwa-hiwalay na sila ng landas. Umpisa na ng pagtupad talaga ng kanilang mga pangarap.
Pinagpursigehan talaga ng Naynay Melinda at Maymay Belinda ni Raven na maipasok siya sa magagandang eskuwelahan. Mataas ang pangarap ng mga tiyahin para sa kanya at gustong maranasan niya ang mga hindi naranasan ng mga ito. Ipinangako ng mga tiyahin na hindi na niya mararanasan ang hirap na dinanas ng mga ito at naniniwalang magiging factor ang pag-aaral niya sa mga prestihiyosong eskuwelahan. Mula nang magsimula siyang mag-aral ay palaging sa mga private school siya ipinapasok. Pero ang high school ang pinakaprestihiyoso sa lahat ng mga private school na pinasukan niya. Mas malaki pa ang tuition doon kaysa sa tuition ng ilang private colleges at university sa bansa.
Marami nang nai-produce na mahahalagang tao ang eskuwelahan nila. Iba ang lebel ng kalidad ng edukasyon kaya hindi rin biro ang hardwork na inilalaan ng bawat estudyante. Mas magiging madali ang college application sa major universities sa bansa at sa ibang bansa kung sa eskuwelahan na iyon siya magtatapos ng high school.
Pinagsumikapan ni Raven na makakuha ng partial scholoarship pero maituturing na malaki pa rin ang kanilang binabayaran. Alam niyang hindi biro ang pagsusumikap ng kanyang Naynay Melinda at Maymay Belinda para maibigay sa kanya ang lahat kaya naman pinagbubuti niyang talaga ang pag-aaral.
Hindi galing sa mayamang pamilya ang pamilyang pinanggalingan ni Raven katulad ng ibang mga kaklase. Tiyahin niya ang dalawang babae na tinatawag niyang Naynay at Maymay. Nakababatang kapatid ang mga ito ng kanyang ina. Mula sa napakahirap na pamilya ang magkakapatid. Kinse anyos ang kanyang Naynay Melinda nang magpasya na magtrabaho sa Maynila para makatulong sa pamilya.
Si Naynay Melinda ang pinakamatanda sa tatlong magkakapatid. Nagpakatulong ito. Noong una ay maliit na maliit lang ang suweldo at hindi gaanong mabait ang mga amo pero pinagtiyagaan nito hanggang sa makahanap ng mas magandang household na mapagsisilbihan. Disi-otso ang kanyang Naynay Melinda nang masuwertehan nitong makapasok sa household ng isang napakayamang pamilya. Mababait ang mga naging amo ng tiyahin at mapagbigay. Hindi lang sapat na suweldo ang ibinigay sa kanyang Naynay Melinda, dinagdagan pa ang benepisyo. Sa pamamagitan niyon ay natustusan nito ang pamilya sa probinsiya. Natural ang pagiging mahusay ni Naynay Melinda sa kusina kaya naging kusinera ito ng pamilya.
Pinag-aral pa ng pamilya para maihanda ang ilang mga komplikadong putahe para sa mga espesyal na okasyon. Naging napaka-loyal ni Naynay Melinda sa pamilya na hanggang ngayon ay ayaw pa rin nitong umalis. Hanggang sa kaya raw nitong magsilbi ay pagsisilbihan nito ang pamilya na tumulong nang malaki sa kanilang pamilya.
Kahit na maayos ang kita ni Naynay Melinda sa pagiging katulong, parang hindi naging sapat iyon. Kaya naman pumasok din bilang katulong si Maymay Belinda sa parehong pamilya. Hindi rin pinagdamutan si Maymay Belinda. Sa pinagsamang kita ng magkapatid, nagawang pag-aralin ng mga ito ang bunsong kapatid na si Elisa, ang ina ni Raven. Kahit man lang isa sa magkakapatid ay makatapos ng college. Masikap naman ang ina ni Raven dahil natapos ni Elisa ang kursong accounting. Kaagad naman itong nakahanap ng magandang trabaho.
Nang matapos si Elisa sa pag-aaral ay nagpasya si Maymay Belinda na subukan ang suwerte sa abroad. Hindi naging madali noong una pero likas itong masikap at masipag. Dahil kumikita na ang tatlong magkakapatid, nakapagpagawa ng bahay na may tatlong palapag ang lolo at lola ni Raven sa siyudad. Malaki iyon dahil inisip ng matatanda na bubuo ng pamilya ang tatlong maria at kakasya ang tatlong pamilya sa tatlong palapag na bahay.
Sa kasamaang-palad, hindi na nagkaroon ng interes sina Naynay Melinda at Maymay Belinda sa pag-aasawa. Eventually ay nahanap naman ng ina ni Raven ang kanyang ama na isang negosyante. Hindi mayaman na mayaman na negosyo pero masasabing may kaya at higit pa sa komportable ang buhay. Mabilis na nagkahulugan ang loob ng dalawa at ikinasal. Raven’s aunts and grandparents adored and accepted her father immediately. Bumukod ang pamilya ni Raven at nagpatayo ng sariling bahay. Madalas sabihin sa kanya na napakasaya ng lahat noong dumating siya sa buhay ng mga ito. Madalas na iparamdam sa kanya ng pamilya na mahal na mahal siya ng mga ito. Siya raw ang pinakamahalaga at pinakamalaking blessing na natanggap ng mga ito sa kani-kanilang buhay.
Perpekto ang lahat hanggang sa isang gabi ay nasangkot sa isang malaking banggaan ang sasakyan ng kanilang pamilya. Pauwi na sila mula sa bakasyon. Iyon daw ang unang bakasyon ni Raven. She was barely two years old then. She had survived but her parents didn’t make it. Ang sabi sa kanya nina Naynay Melinda at Maymay Belinda ay pinrotektahan siya ng mga magulang mula sa impact.
Mula noon ay naging guardian na ni Raven sina Naynay Melinda at Maymay Belinda. Hindi sigurado ni Raven kung nagkaroon ng premonition ang kanyang mga magulang sa mangyayari o sadyang gusto lang ng mga ito na maging handa sa lahat ng mga pangyayari at panahon. Malaki ang life insurance ng mag-asawa at updated at detailed ang last will ng mga ito. Sa kanya napunta ang lahat ng naipundar ng mga magulang at ginawang executor sina Naynay Melinda at Maymay Belinda habang wala pa siya sa tamang edad. Siniguro ng mga magulang na mapoproteksiyunan siya kahit na wala na ang mga ito sa mundo.
Ang mana na iyon ang ginagamit ni Raven sa pag-aaral. Ang ibang mga pangangailangan niya ay pinupunan ng dalawang tiyahin. Umuwi ang kanyang Maymay Belinda mula sa abroad at nagpasya na manatili na lang sa Pilipinas para alagaan siya. Hindi na naging stay-in si Naynay Melinda para naaalagaan na rin siya. Pinagsama ng magkapatid ang ipon at ginawang water station at laundry shop ang unang palapag ng naipatayong bahay. Kaya naman maituturing na komportable ang buhay niya.
Madalas na ikuwento kay Raven ang tungkol sa kanyang mga magulang. Madalas sabihin sa kanya kung gaano siya kamahal ng mga tiyahin. Pero hindi niya masabi na hindi niya gaanong ma-miss ang mga ito. Siguro ay wala pa siyang muwang at sina Naynay Melinda at Maymay Belinda na ang nakasanayan niyang mga magulang. O dahil pinalaki siyang maayos at masaya na hindi niya naramdaman na may kulang sa kanyang pagkatao. Hindi niya maalala ang mga pagkakataon na nahiling niyang sana ay mayroon siyang tinatawag ng iba na normal at tipikal na pamilya kahit na noong tinutukso siya ng ibang mga bata. Lumaki siya ng puno ng pagmamahal at pag-aalaga. Naging napakasaya niya sa kanyang buhay. Sa palagay niya ay hindi siya dapat magreklamo dahil marami ang hindi nakakaranas ng komportableng buhay na kanyang nararanasan. Nagpapasalamat siya na hindi na niya kailangang maranasan ang naranasan ng kanyang Naynay Melinda at Maymay Belinda. Nakakapag-aral siya sa magagandang eskuwelahan at napakaliwanag ng future na naghihintay sa kanya. May mga pagkakataon na hindi na siya makapaghintay na maging isang adult.
Binilisan ni Raven ang kanyang mga hakbang papasok sa building nila. Gusto niyang malaman kung naroon na si John Paul. Pinakasabik siyang makita ang binata. Si John Paul Schmid. Medyo katulad niya ng sitwasyon ang binata. Maituturing na single mom ang ina nito. Isang dayuhan ang ama ng lalaki na kasalukuyan daw naka-base sa New York. Sinabi ni John Paul sa kanya na produkto ito ng isang one-night stand. Sobra siyang naeskandalo sa narinig at nalaman. Mukhang hindi naman gaanong pansin ni John Paul ang tungkol sa bagay na iyon. Hindi nito madalas na nakikita o nakakasama ang ama pero regular ang malaking child support na natatanggap ng ina nito. Kagaya nina Naynay Melinda at Maymay Belinda, inilalaan ng ina ni John Paul ang malaking bahagi ng suporta na iyon sa edukasyon.
Napakaguwapo ni John Paul. Mas guwapo pa kaysa sa mga sikat na celebrities. Ang binata ang kanyang first crush at ang pinaniniwalaan niyang kanyang first love. Itinuturing din niya itong best friend. Nararamdaman niyang pareho sila ng nararamdaman. Alam niyang hindi lang friendship ang mayroon sila. Kahit ang mga kaklase nila ay nakikita ang espesyal na pagtitinginan nila. Hinihintay lang niya na magtapat sa kanya ang binata. Nararamdaman niya na mangyayari na iyon ngayong taon. Hindi niya sigurado kung puwede na siyang mag-boyfriend pero kilala na ng kanyang Naynay Melinda at Maymay Belinda si John Paul at gustong-gusto ng mga ito ang binata. Siguro naman ay hindi na gaanong magagalit ang mga tiyahin kapag naging opisyal na ang kanilang relasyon sa school year na iyon.
Hindi napigilan ni Raven ang pagkawala ng hagikgik. Magiging napakasaya ng school year na iyon para sa kanya. Sabik na sabik na siyang simulan.