“YOU WANTED to see me?” tanong kaagad ni Andrew sa chief of surgery na si Dr. Mathias Mendoza pagpasok na pagpasok niya sa loob ng opisina nito. Prente siyang umupo sa isa sa dalawang upuang nasa harap ng malaki nitong desk. Nadatnan niya si Mathias na abala sa pagbabasa ng ilang dokumento.
Mga dokumento na kaagad nitong ibinaba nang makitang pumasok siya. Nginitian siya ng chief. Mukhang maaliwalas naman ang ekspresyon ng mukha nito kaya hindi siguro problema ang balitang hatid nito sa kanya. Hindi siya mananatiling kalmado kung magkakaroon uli ng budget cuts ang kanyang mga indigent programs.
“Yes,” sagot ni Mathias. “May bagong member ang legal team ng ospital. Inilagay siya sa department natin. He’ll take over some of your cases. Gusto ko sanang mangako ka sa akin na magiging mabait ka sa isang ito.”
Umangat ang isang kilay ni Andrew. “Okay…” Hindi naman niya itinuturing na pasaway ang sarili. Maikli lang talaga ang pasensiya niya sa ibang mga adult. Hindi niya gusto ng masyadong paligoy-ligoy. Hindi rin niya masasabing na-bully niya ang dating humahawak ng mga kaso niya. Nagkataon lang na wala siyang gaanong amor sa mga abogado.
“I mean it, Andrew. Sa maraming pagkakataong kinakampihan kita, may mga pagkakataon na kailangan mong kontrolin ang galit at mga emosyon mo. Mahigit forty percent ng lawsuit na natatanggap ng ospital ay sa surgery department. Halos fifty percent ng forty percent na iyon ay para sa `yo. We’ve won every court battle and settled some pero kailangan siguro ay mas maging mahinahon ka pagdating sa mga pasyente mo.”
Tumango si Andrew pero hindi siya nagbibitiw ng mga pangako. Kung tutuusin ay masuwerte siya dahil sa halos lahat nga ng pagkakataon ay kinakampihan siya ng chief pero hindi nito kayang gawin sa lahat ng pagkakataon. Hindi naman negligence o malpractice ang madalas na ireklamo sa kanya. Alam niyang isa siya sa pinakamahusay na pediatric surgeon sa buong bansa. He was very confident about his skills and talents. He was also very passionate about his job. Kaya naman nakakalimutan niyang maging mas pasensiyoso sa ilang adult. Ang tanging mahalaga sa kanya ay ang kanyang mga pasyente.
“I know it’s not easy accepting bullshits from adults but you have to try, at least.”
“I said okay,” sagot ni Andrew. Pinigilan niya ang pag-alpas ng pagkabagot sa kanyang boses. Hindi niya gustong isipin ng chief na hindi siya nakikinig. Mathias had been good to him from the very beginning. Kahit na hindi sila madalas na magkita noon dahil sa ibang bansa nito piniling mag-aral at mag-train, naging parang kuya sa kanilang magkapatid ang lalaki. Isa si Mathias sa iilang tao na sobra-sobra niyang nirerespeto. Isa ang chief sa iilang tao na wala sigurong magagawang mali sa kanyang paningin. Pinsan nila ni Garrett si Mathias pero tiwala si Andrew na hindi dahil sa last name niya kaya nasa kinalalagyan niya siya sa kasalukuyan. He had worked hard. He had been working hard almost all his life. May mga pagkakataon pa nga na pakiramdam niya ay kulang na kulang ang hard work na kanyang inilalaan.
Tumango si Mathias. Hindi nawawala ang pagmamalasakit sa mga mata nito. Hindi niya maintindihan kung bakit parang hindi na nawawala ang pagmamalasakit na iyon sa mga mata ng pinsan. He was doing okay. A little overworked but he loved what he was doing. “If you’re free, I’d like you to go to his office now. Sa palagay ko ay pinag-aaralan na niya ang ilang cases mo at makabubuti kung magkakausap na kayong dalawa. Establish a good relationship.” Parang gusto nitong mapangiwi sa huling pangungusap pero pinipigilan lang ang sarili.
Napaungol si Andrew. “Do I really have to? I’d rather visit some of my patients.”
“Hindi ka naman gaanong magtatagal. Just say hi and be nice. Hindi naman iyon mahirap gawin, `di ba?”
Hindi sumagot si Andrew at tumingin lang kay Mathias.
“I’m not asking you to be his BFF. Just play nice. Pretend he’s a five-year-old.”
“Okay,” pagpayag na ni Andrew. Wala rin naman siyang gagawin at darating naman at some point na kailangan talaga niyang harapin at kausapin ang bagong miyembro ng kanilang legal team. Pupunta siya ngayon para hindi na niya kailangang maglaan ng panahon sa ibang araw.
Inalam ni Andrew kung saan ang opisina ng bago niyang abogado bago siya nagpaalam. Nasa administrative floor ang opisina ng abogado. Nakasakay na siya ng elevator ng ma-realize na hindi pala niya naitanong ang pangalan nito. Hindi naman iyon naging problema dahil nahanap kaagad niya ang opisina. Wala pang nakalagay na pangalan sa labas ng pintuan.
“Come in,” sabi ng nasa loob ng opisina pagkatapos kumatok ni Andrew.
Pinihit niya ang doorknob at pumasok sa loob. Nakatalikod sa pintuan ang lalaki at may isinasabit sa dingding. Sandaling iginala ni Andrew ang paningin sa paligid. May ilang boxes ang nakakalat sa kuwarto. May mga nakabukas at mayroon ding selyado pa. May balot pang plastic ang mahabang sofa at dalawang upuan. Mukhang nagse-settle pa lang ang abogado.
“Hi,” bati ni Andrew sa malamyang boses. “I’m—” Hindi niya naituloy ang pagpapakilala sa sarili dahil humarap na sa kanya sa wakas ang lalaki. Nginitian siya nito.
“You’re Andrew,” pagtatapos nito. “Hi! It’s good to see you again.”
Ilang sandali na hindi makapagsalita si Andrew at napamata lang sa lalaking kaharap. Hindi siya gaanong makapaniwala na kaharap niya uli ang lalaki. Ang lalaking inakala niyang nakalimutan na niya. Hindi niya inakala na magkukrus uli ang mga landas nilang dalawa.
“John Paul,” halos wala sa loob na nasabi ni Andrew.
Mas lumapad at mas tumamis ang ngiti sa mga labi ni John Paul. “Yes. It’s really me. Nakakatuwa namang malaman na hindi mo pa rin ako nakakalimutan.” Nilapitan siya ni John Paul at inilahad ang kamay. “How are you?”
Hindi tinanggap ni Andrew ang pakikipagkamay ng lalaki. Dahil umalis sa dating kinalalagyan ay lumantad na sa kanya ang isang picture frame na nakalagay sa shelf. Kapansin-pansin iyon dahil malaki at ang tanging picture na nakalagay. Picture iyon ng isang pamilya. Si John Paul, isang babae at isang batang lalaki ang makikita sa picture.
“Hindi ka pa rin gaanong nagbabago, I see,” komento ni John Paul habang ibinababa ang nakalahad na kamay. Sinundan nito ang tinitingnan ni Andrew. “Raven says hi.”
Mabilis na tumalikod si Andrew at pinuntahan ang pintuan palabas. Hindi niya sigurado kung bakit ganoon na lang ang epekto sa kanya na makita ang picture ng babaeng hindi niya malaman kung ano ang role sa kanyang buhay. Nang marinig niya ang pangalan nito mula sa bibig ni John Paul ay parang mariing pinisil ang kanyang puso. Memories started flooding in.
“Andrew?”
Hindi pinansin ni Andrew ang pagtawag sa kanya ni John Paul, na tuloy-tuloy lang siya sa paglabas. Hindi pa niya napigilang ibalibag ang pinto pasara. Malalaki at mabibilis ang mga hakbang na lumayo siya roon. Sumakay siya sa elevator at nagpunta sa surgical floor.
Sinimulan ni Andrew ang pagbubukas ng mga pinto. Hindi niya sigurado kung ano o sino ang hinahanap. He was thinking he somewhat lost his mind. Bahagya niyang ikinainis na si John Paul ang dahilan ng reaksiyong ganoon sa kanya. Parang bigla ay gusto niyang magwala at nahihirapan siyang pigilan ang sarili. Hindi na bago sa ilang staff sa ospital ang pagwawala niya pero palaging may magandang rason. Palaging valid at para sa mas ikabubuti ng kanyang mga pasyente. Hindi niya puwedeng hayaan na mawala ang kontrol niya dahil sa isang personal na bagay. Personal na bagay na nangyari matagal na panahon na. Teenager pa sila ni John Paul noong mga panahon na iyon.
Nabuksan ni Andrew ang lounge na ginagamit ng mga nurses. Pare-parehong napatingin sa kanya ang nurses na naroon, nagtatanong ang mga mata.
“Ano po ang hinahanap n’yo, Doc?” tanong ng isang nurse. Mukhang ito ang pinakamatanda sa lahat ng naroon. Pamilyar ito sa kanya pero hindi niya maalala ang pangalan nito. Iilan lang talaga ang mga nurses na kabisado niya ang pangalan.
“Kagaya ng hinahanap ng lahat,” sagot ni Andrew, medyo brusko at sarkastiko ang pagkakasabi. “True love and happy ever after.”
Isang nurse ang nagsimulang lumapit. Ikinukurap-kurap nito ang mga mata at ginandahan ang pagkakangiti sa kanya. Masyadong malambing ang pagkakatingin nito sa kanya.
Pabalibag na isinara ni Andrew ang pinto bago pa tuluyang makalapit sa kanya ang nurse.
Hindi niya sigurado kung saan siya papupunta nang makasalubong niya si Noah. Palabas ang kaibigan sa operating room. Kaagad siyang nginitian nito nang makita siya. “Bakit ganyan ang mukha mo?” tanong nito. Mukhang hindi na gaanong pinagtatakhan ang ganoong mukha niya. “Sino na naman ang kaaway mo?”
“You don’t wanna know,” sabi na lang ni Andrew. Bahagya siyang nakalma dahil nakita niya ang isang kaibigan. Noon niya na-realize kung sino talaga ang kanyang hinahanap. “Have you seen my brother?”
“OR three. Roux-en-Y. I have to prep for Sybilla’s lobectomy in OR one. Drinks later?”
“Sure. See you.”
Pinuntahan na ni Andrew ang kinaroroonan ni Garrett. Half brothers sila ni Garrett. Pareho ang kanilang ama pero magkaiba ang kanilang mga ina. Pareho nilang ginagamit ang apelyidong Mendoza pero si Garrett ang lehitimong anak dahil ang ina nito ang pinakasalan ng kanilang ama. Sa loob ng mahabang panahon ay naging kept woman ang kanyang ina. Para ngang hindi ganoon dahil hindi naman sila regular na binibisita ng kanyang ama noon. Kapag maisipan lang. Maituturing siguro na hindi naman masama ang kanyang ama dahil regular ang sustento sa kanilang mag-ina. Hindi pumalya kahit na minsan. Hindi nila kinailangang makiusap. Pinakamasuwerte siguro siya sa mga katulad niya pagdating sa pera.
Lahat siguro ng anak ay ipinapanganak na buong puso ang pagmamahal sa kanilang mga magulang. Kahit na hindi deserve ng magulang ang pagmamahal na iyon. Ganoon ka-puro ang pagmamahal ng isang bata. Hindi maalala ni Andrew ang pakiramdam na minamahal ang kanyang ama pero sigurado siya na at some point in his life, he had loved the bastard. Mabilis na nawawala ang pagmamahal na iyon tuwing nakikita niya kung paano umiiyak ang kanyang ina para sa kanyang ama.
Maraming pagkakataon na sinasabi ni Andrew sa ina na tigilan na nito ang pagmamahal sa kanyang ama. Hindi siya nito kahit kailan pinakinggan.
“Kapag alipin ka ng pag-ibig, hindi mo na kontrolado ang lahat, Andrew. Nawawalan ka na ng choices. Maiintindihan mo rin ako kapag lumaki ka na.”
Ipinangako ni Andrew sa sarili na hindi siya kahit kailan magpapaalipin sa ganoong uri ng pag-ibig.
Madali para kay Andrew na malaman at maintindihan ang totoong sitwasyon ng kanyang mga magulang. Maaga niyang nalaman na isa siyang ilihetimong anak ng kanyang ama. Nalaman niya na kasal ang ama niya at may totoong pamilya kaya napakadalang nitong makadalaw sa kanila. Mula nang malaman niya ang tungkol sa existence ni Garrett at ina nito ay nagpasya siyang kamuhian ang mag-ina. May parte sa kanya ang nakakaalam na hindi naman kasalanan ng mga ito. Biktima rin ang mag-ina ng kanyang ama, pero hindi niya gustong tanggapin iyon. Pagtanda niya ay naamin na rin niya sa wakas sa kanyang sarili na mas inggit ang dahilan ng galit na iyon. Bakit hindi ang ina niya ang pinakasalan? Bakit hindi siya ang kinikilalang anak?
Inabot ni Andrew ang isang gown at isinuot. Humila siya ng disposable surgical cap at mask sa dispenser. Pumasok siya sa operating room pagkatapos. Naabutan niyang abala nga si Garrett sa isang pasyente. Kasama nito ang isang fourth year resident, isang intern at ang paborito nitong scrub nurse na si Johanna na nagkataong asawa rin nito.
Ilang sandali na tahimik na pinagmasdan lang ni Andrew ang kapatid. He was one of the most brilliant general surgeon in the country. If he was the ‘baby whisperer’, Garrett was Mr. Impossible Tumor. Mas matanda siya ng dalawang buwan kay Garrett. They went to the same medical school. Doon sila talaga naging malapit sa isa’t isa. Doon nila hinayaan na maging magkapatid sila. Ngayon ay si Garrett ang itinuturing niyang pinakamatalik na kaibigan. They were family. Hindi na siya mag-isa sa mundo. The fact gave him so much comfort.
“Hey, Doc Andrew,” bati sa kanya ng hipag. Kahit na natatakpan ng mask ang kalahati ng mukha, nasisiguro pa rin niyang nakangiti sa kanya si Johanna.
Professionally, he liked Johanna. Hinahangaan niya ang efficiency nito sa trabaho. She was quick and patient scrub nurse. Halos lahat ng surgeon sa ospital na iyon ay gusto ang hipag niya. Ang iilan na hindi nito nai-impress at nakakasundo ay mga babaeng surgeon na napaugnay kay Garrett dati. Hindi matanggap ng ilan na ang babaero niyang kapatid ay nagpatali.
Hindi rin gaanong mapaniwalaan ni Andrew ang ginawa ni Garrett. Sobra niyang ikinagulat ang pagpapakasal nito kaagad. Pero siguro ay ganoon talaga kapag nahanap na ang sinasabi ng marami na “The One.”
Personally, he liked Johanna so much more. Simple lang ang dahilan: sobra nitong napapasaya ang kanyang kapatid.
“Are you impressed?” tanong ni Garrett sa kanya habang hindi inaalis ang mga mata sa pasyente sa OR table.
“Alam mo ba na member ng legal team ng ospital si JP?” sabi ni Andrew. Nagpasya siyang huwag nang magpaligoy-ligoy pa.
“JP?” nagtatakang tanong ni Garrett. “Sinong JP?”
“John Paul Schmid? Kaklase natin siya noong high school. You should remember him. You used to hang out with them.”
Nagliwanag ang mga mata ni Garrett nang makilala ang sinasabi niya. “Oh, yes! Minsan ay sumasama-sama kami ni Eunice sa kanila. I remember he’s kind and smart.”
“Don’t mention that name again.” Ang tinutukoy nitong Eunice ay ang dating matalik nitong kaibigan mula high school. Naging girlfriend ni Garrett ang Eunice na iyon sa college hanggang med school. Bago nila matapos ang med school ay nakipaghiwalay na ang babae kay Garrett, kung kailan magpo-propose na sana ng kasal ang kanyang kapatid. Pinakasalan ni Eunice ang kanilang ama at hanggang ngayon ay hindi pa rin niya matanggap na stepmother niya ang dating kaklase.
Banayad na natawa si Garrett. “You mention high school at hindi maiiwasan na maalala ko si Eunice. So naging lawyer pala si JP. Cool. I remember he’s always with…” Natigilan ang kapatid sa pagsasalita, sandaling napatingin sa kanya. Mukhang naalala na nito ang isang history na sinubukan niyang huwag nang alalahanin pa.
Ang totoo ay walang malay si Garrett sa nangyayari sa kanya noong high school sila. Hindi sila magkalapit at minsan ay binu-bully pa niya ang kapatid noon. He hated that he had to transfer in his school. He hated his life. He hated his mother. He was angry because his mother died. Naikuwento na lang niya ang tungkol kina John Paul at Raven noong maging malapit sila sa isa’t isa.
“Oh…” usal ni Garrett. Parang naiintindihan na kung bakit siya nagpunta roon. “Is she…?”
“May picture akong nakita. Picture nila kasama ang isang bata. Malamang na anak nila.”
“Ah, so nagkatuluyan pala sila. That’s wonderful. They had always looked so good together way back in high school.”
Tiningnan ni Andrew nang masama si Garrett. Wala naman iyong silbi dahil nakatuon ang paningin ng kapatid sa ginagawa sa OR table. Walang kumikibo sa mga taong nasa paligid nila. Hanggang sa may isang naglakas ng loob.
“Gusto kong malaman kung ano ang pinag-uusapan n’yong dalawa,” kaswal na pagsingit ni Johanna. “High school. Pinakamasayang panahon ng bawat tao.”
“Sasabihin ko sa `yo ang buong kuwento mamaya,” mabilis na pangako ni Garrett sa asawa.
“You will not tell her anything,” mariing utos ni Andrew. “Focus, Garrett. I’m having a moment here.” Hindi niya mapaniwalaan na nasabi niya ang huling pangungusap.
Natawa nga si Garrett. Hindi naman naglakas ng loob na matawa ang iba na ipinagpasalamat niya. “It’s high school, bro. It’s ancient history. We were kids. Hindi ka na dapat na maapektuhan sa mga nangyari, sa mga taong involved. You’ve moved on.”
Tumango-tango si Andrew. “You are so right. I have moved on. Right?” Hindi niya gusto ang uncertainty sa kanyang boses.
Lalong natawa si Garrett. “For someone who’s so smart, you sound so stupid.”
“Whatever.” Pero hindi magawang umalis ni Andrew sa kinatatayuan. Hindi niya malaman kung ano pa ang gusto niyang marinig mula sa kapatid. Hindi niya malaman kung bakit hinahayaan pa rin niyang sobrang maapektuhan ang sarili. Garrett was right. High school was ancient history.
“If you’re done having a moment—”
“Garrett,” usal ni Andrew sa seryosong boses.
Sandali uling tumingin sa kanya ang kapatid. Nabura ang pagkaaliw sa mga mata nito nang makita ang ekspreson ng kanyang mukha. Tumikhim si Garrett habang ibinabalik ang paningin sa ginagawa. “It’s gonna be fine,” sabi nito sa mas seryosong boses.
Nakahinga nang maluwag si Andrew nang marinig ang mga katagang iyon. Hindi niya inakala na iyon ang kailangan niya. Hindi niya naisip na mga simpleng salita lang ang magpapakalma sa kanya. Siguro ay hindi siya makakalma kung hindi ang kapatid ang nagsabi, ang nagbigay ng assurance. It had to be Garrett, his person. The one who would be there for him when everyone turned their backs on him. The one who would help him pick up the broken pieces of his heart.
“Okay. Whatever.” Hindi na siya nagpaalam at basta na lang lumabas sa operating room.
Para masiguro talagang makakalma niya ang sarili ay nagpunta siya sa lugar kung saan ramdam niya na kailangan siya ng mundo. Sa lugar na alam niyang nakakagawa siya nang tama. The place that broke him, put him back together, and toughen him up so many times in the past.
Neonatal Intensive Care Unit.