BUMUGA ng hangin si Kisa habang nakakunot-noong nakatitig sa nagaganap na basketball game sa harap niya. Naririndi na rin siya sa sigawan ng mga kaeskuwela niyang nagtsi-cheer para sa koponan ng unibersidad nila. Naiinip na siya dahil hindi siya mahilig sa larong iyon. Ni wala nga siyang kilala sa mga player maliban sa captain ng team—si Snap Tolentino na kaklase niya noong high school.
Narinig niyang bumungisngis si Cloudie, ang best friend niya na basketball fan at siyang kumaladkad sa kanya sa gym. Magkatabi silang nakaupo sa bleachers.
"Ano'ng ibinubungisngis mo riyan, Cloudie?" tanong niya.
"'Ayun, o. 'Cute niya, 'no?"
Sinundan niya ng tingin ang itinuro nito. Her gaze landed on the giant lion, ang mascot ng Sunray basketball team. Hindi pa nakasuot ang ulo ng mascot kaya nakita niya ang may suot ng costume. It was a fat, average-looking boy. Ito ba ang tinutukoy ni Cloudie na "cute"?
Binalingan niya ang kaibigan. Kasama si Cloudie sa listahan ng mga estudyanteng nagtataglay ng pinakamagagandang mukha sa unibersidad nila. Pero ang taste nito sa lalaki, palpak.
Matuwain talaga sa mga mukhang unggoy ang babaeng 'to, naisaloob niya, kapagkuwan ay napaisip siya. Hindi kaya mukha akong unggoy sa paningin niya kaya natutuwa rin siya sa akin?
"Cloudie, do I look like a monkey to you?" hindi nakatiis na tanong niya rito.
Tiningnan siya nito. Ikiniling pa nito ang ulo at tinitigan siya. Pagkatapos ay ngumiti ito. "You're more like a kitten."
Natawa siya. Matagal na niya itong kaibigan kaya alam niyang siya lang ang nag-iisip na ganoon ang tingin nito sa kanya. She couldn't help it, though.
Pasimpleng humawak siya sa kanyang mukha. Mula sa gilid ng kanyang kanang mata pababa sa kanyang pisngi ay may mahaba at malalim siyang peklat na kahit takpan niya ng concealer ay makikita pa rin.
I'm the real life ugly duckling. Sadly, hindi nagiging swan sa tunay na buhay ang mga tulad ko.
Naramdaman niyang may nakatitig sa kanya. Nang luminga siya sa paligid ay di-sinasadyang nagtama ang mga mata nila ng isang lalaki. Mukhang miyembro ito ng SBT dahil sa shorts nito. Iyon nga lang, sa halip na jersey ay puting T-shirt ang pang-itaas nito. Reserba lang siguro ito.
Napatitig siya sa mukha nito. May Band-aid ito sa gilid ng kilay at may mga kalmot sa mukha. Maganda ang mga mata nito, matangos ang ilong, at mapula ang mga labi. Pero mas nangingibabaw sa mukha nito ang mga kalmot dahil marami ang mga iyon. And his jet-black hair was very messy. He looked like a delinquent.
"Miss, watch out!"
Natauhan lang siya nang marinig ang boses. Napasinghap siya nang pag-angat niya ng tingin ay nakita niya ang isang bola na patungo sa direksiyon niya. Nasa front row siya ng bleachers kaya siguradong tatamaan siya ng bola. Nag-panic siya kaya sa halip na umiwas ay napapikit na langsiya.
Nakarinig siya ng kalabog pero wala siyang naramdamang tumama sa kanya kahit ilang segundo na ang lumipas.
"Kisa, are you okay?"
Dahan-dahan siyang dumilat nang marinig niya ang nag-aalalang tinig ni Cloudie. Napasinghap siya nang makita ang isang lalaki na nakahandusay sa sahig. Nasa tabi nito ang bola na dapat ay tatama sa kanya kanina.
"He desperately blocked the ball for you, Kisa," bulong ni Cloudie sa kanya.
Bigla ay parang tinurukan siya ng adrenaline. Nilundag niya ang metal railing na nakapalibot sa bleachers bilang harang at patakbo siyang lumapit sa lalaking kasalukuyan nang tinutulungan ng teammates nito.
Lumuhod siya sa harap ng lalaking nagligtas sa kanya na ngayon ay nakaupo na habang nakahawak sa ulo nito. "Are you okay?" nag-aalalang tanong niya rito.
Dahan-dahan itong nag-angat ng tingin. Kumunot ang noo nito nang magtama ang kanilang mga mata. "I'm fine. Hindi puwedeng tumapak sa court ang mga hindi kasali sa laro kaya bumalik ka na sa bleachers," sabi nito sa malamig na tinig.
Napasinghap siya. Handsome face, knitted brows, scary glare, and cold voice. Bigla, naramdaman niyang parang may panang tumama sa kanyang puso. "I like you!"
"Ano?"
Pinagdaop niya ang mga kamay niya sa tapat ng kanyang dibdib at saka niya inilapit ang mukha rito. Dagli namang inilayo nito ang mukha sa kanya. Ramdam niya ang mabilis na pagtibok ng puso niya. "I think I've just fallen in love with you!" sigaw niya.
Natahimik ang mga tao sa gym. Saglit lang na tumagal iyon. Mabilis na nakabawi ang mga tao sa pagkabigla at napuno ng hiyawan ang gym. The crowd cheered happily for her and her abrupt confession.