Chapter One

2369 Words
A year later "'LING, ilang beses ko bang sasabihin sa 'yo na hindi mo na kailangang mag-abalang ipaghanda ako ng packed lunch?" Natigilan si Kisa sa pagsubo ng burger nang marinig ang isang pamilyar na tinig. Nasa cafeteria siya at nagme-merienda kasama si Cloudie. Agad na sumilay ang ngiti sa mga labi niya nang pagtingala niya ay nakita niya ang guwapong mukha ni Stone. "Stone!" nakangiting sabi niya. Si Stone ang lalaking nagligtas sa kanya sa tama ng bola. Sa unang pagkikita pa lang ay na-in love na siya rito. Guwapo ito bagaman hindi nga lang ito katangkaran. Sa kung anong dahilan ay laging puno ng kalmot ang mukha nito. Napagkakamalan itong delingkuwente dahil sa mga iyon. Bagaman miyembro ito ng SBT, hindi naman ito kasali sa "special five" o starting line ng koponan dahil reserved player lang ito. Transfer student ito. Bumuga ng hangin si Stone at marahang ipinukpok sa ulo niya ang bitbit nito na paper bag. "You're annoying." She just pouted. Kinuha niya rito ang paper bag. "Kung ayaw mo nito, sabihin mo na lang sa akin kung ano ang gusto mong kainin bukas para mailuto ko." "'Ling, just stop, okay?" parang nainis nang sabi nito. "''Ling'? As in short for 'darling'?" parang kinikilig na sabad ni Cloudie. Sumimangot siya. "Huwag mo nang alamin, Cloudie." "Ling" was short for Miss Ugly Duckling. Naaalala pa niya ang isinagot ni Stone sa kanya pagkatapos niyang magtapat dito ng pag-ibig isang taon na ang nakalilipas sa basketball court. Dahan-dahan nitong inilapit ang bibig nito sa tainga niya at bumulong, "I like beautiful girls, Miss Ugly Duckling." Binasted na siya nito noong nakaraang taon pa at may kasama pang pang-iinsulto. Sa totoo lang, iniyakan niya ang pangyayaring iyon. Pero kinaumagahan ay hindi pa rin nagbago ang pagtingin niya rito kaya hanggang ngayon ay sinusuyo pa rin niya ito. "Whoa! Look who's here!" Sabay-sabay silang napalingon at nakita nila ang tatlong lalaki na pawang miyembro ng SBT. Kilala niya ang mga ito. They were Jethro, Yzack, and Ethan—three of the team's special five. Inakbayan ni Ethan si Stone. "Nandito lang pala ang dakilang bangko ng team." "Ilang taon ka na nga pala sa team, Stone? Isa?" nang-iinsulto namang tanong ni Jethro. "Pero hanggang ngayon, bangko ka pa rin," sabi naman ni Yzack. Nagtagis ang mga bagang ni Stone. Halatang nainsulto ito pero mukhang nagpipigil ito ng galit. Puwes, kung kaya nitong magtimpi, siya ay hindi! Nakakuyom ang mga kamay na tumayo siya. "Ano naman kung isang taon nang bangko si Stone? Kung makapagsalita kayo, akala n'yo naman ay napasama kayo sa special five dahil magaling kayo." "What?" halos sabay-sabay na reaksiyon ng tatlong lalaki. "Kisa, tama na," saway ni Cloudie sa kanya. "Hindi, Cloudie. Hindi ako papayag na iniinsulto sa harap ko si Stone." Hinarap uli niya ang tatlong lalaki. "Hindi ba't nakapasok lang naman kayo sa special five dahil sa mga magulang ninyo na board members ng Sunray?" Nagsimulang magbulungan ang mga estudyanteng nasa paligid nila. Hindi naman sekreto ang sinabi niya. Kalat na kalat sa buong campus na kaya hindi nagbabago ang starting line ng SBT ay dahil minamanipula ng tatlong ugok na kaharap niya ang coach ng team. "'Ling, tama na," saway ni Stone sa kanya. "Totoo naman 'yon, ah." "Ang yabang mo, ah!" Itinulak siya ni Jethro, dahilan para mapaupo siya sa sahig. "Kisa!" sigaw ni Cloudie na agad siyang dinaluhan. She glared at Jethro. "Napaka-ungentleman mo talaga!" Ngumisi ito. "Magagandang babae lang ang iginagalang ko. So you'd better get out of our way, ugly girl!" Hinablot ni Stone ang kuwelyo ng damit ni Jethro. "You called Kisa ugly? I'm the only one allowed to call her that, you twerp!" Sinuntok nito si Jethro. Bumagsak ang huli sa sahig, duguan ang bibig. "Gago ka, ah!" Napasinghap siya. May usap-usapan sa campus na miyembro si Stone ng isang gang dahil parati itong may kalmot sa mukha. Pero hindi siya naniniwala roon. Alam niya kung bakit may mga kalmot ito sa mukha at malayo iyon sa pagiging bayolente. "Kisa, let's go," bulong ni Cloudie sa kanya, sabay hila sa kanya palayo sa kaguluhan. Pero kahit palayo na sila ay hindi pa rin niya magawang alisin ang tingin kay Stone. Palingon-lingon pa rin siya sa direksiyon nito. Tagilid ito sa laban dahil tatlo ang kalaban nito. Nag-aalala siya para dito. Siya ang may kasalanan kung bakit ito napasubo sa away. "Tumawag kayo ng guwardiya!" sigaw ng isang estudyante para marahil matigil na ang gulo. Huminto siya sa paglalakad at binawi ang braso niya sa pagkakahawak ni Cloudie. "Hindi ko kayang iwan si Stone. Ikaw na lang ang umalis para hindi ka na madamay." Pagkasabi niyon ay patakbong binalikan niya si Stone. Wala na sina Yzack, Jethro, at Ethan. Ang naroon na lang ay si Stone na nakabulagta sa sahig. Tinulungan niya itong makatayo at hinila ito palayo roon. Graduating na ito sa kursong Architecture kaya hindi ito puwedeng magka-record sa guidance office. "Saan tayo pupunta?" tanong nito. Nilingon niya ito at pinisil ang kamay nitong hawak niya. "Don't worry. I'll protect you." Namula ang mga pisngi nito, saka nag-iwas ng tingin. "Stupid. Who wants to be protected by you?" Natawa siya. Marunong pala itong mag-blush. *** "AH! ARE you trying to kill me, 'ling?" Kisa bit her bottom lip guiltily. "Sorry, Stone. Magdadahan-dahan na 'ko." Naging mas maingat at mas marahan na ang pagdampi niya ng bulak na may alcohol sa sugat nito sa gilid ng mga labi. Mabuti na lang talaga at hindi ito tumanggi nang dalhin niya sa infirmary. Siya na mismo ang gumamot dito dahil nagtungo sa faculty room ang doktor ng unibersidad nila dahil may nahimatay raw na professor. "Pasensiya ka na, Stone. Napaaway ka dahil sa akin." "Hindi ako nakipag-away para sa 'yo. Pinatulan ko sila dahil ininsulto nila ako." Hindi siya naniniwala rito. Malinaw na malinaw pa sa isip niya ang sinabi nito bago nito sinuntok si Jethro: "You called Kisa ugly? I'm the only one allowed to call her that, you twerp!" Eksaheradong sumimangot siya. "Bakit ba hirap na hirap kang maging honest?" Kumunot ang noo nito. "What?" "'Sabi ko, hindi ka honest. Bakit ba hindi mo matanggap sa sarili mo na nag-aalala ka sa akin kaya mo 'ko ipinagtanggol?" Tumaas ang isang kilay nito. "Hindi ako nag-aalala sa—" "Saka bakit hindi mo ipinagtatanggol ang sarili mo mula sa mga tsismis?" "Ano'ng ibig mong sabihin?" Ngumiti siya. "Hindi mula sa pakikipag-away ang mga kalmot mo sa mukha, 'di ba? Your mother is a veterinarian. Nakakalmot ka sa mukha kapag tinutulungan mo siyang hawakan ang mga hayop sa animal clinic niya." Nanlaki ang mga mata nito. Hinawakan siya nito sa galanggalangan upang pigilan siya sa ginagawa niyang panggagamot sa mukha nito. "Paano mo nalamang vet ang mommy ko at may animal clinic kami?" Ngumiti siya nang maluwang. "Nakita kitang pumasok sa isang animal clinic. Nang tanungin ko si Snap, ang sabi niya ay mommy mo raw ang may-ari n'on." "Stop stalking me!" akusa nito sa kanya, sabay tayo. Nakakunot na naman ang noo nito. "Huwag na huwag mong tatangkaing lumapit sa pamilya ko." Pagkasabi niyon ay nilayasan siya nito. Matagal bago siya nakahuma. Nasaktan siya sa mga sinabi nito. Hindi naman niya ito in-stalk. Nagkataon lang talaga na nakita niya itong pumasok sa animal clinic na malapit sa mall na pinuntahan niya. Kung in-i-stalk niya ito, eh, di sana ay pinuntahan na niya ang animal clinic ng mommy nito. Tumayo siya at sinundan si Stone. Malapit na ito sa hagdan. Nasa second floor ang infirmary. "Stone Alex Marasigan!" sigaw niya. Parang walang narinig na nagpatuloy ito sa paglalakad. "Aba! At talagang hindi ako nilingon ng pandak na 'to!" Impit na tumili siya sa inis. Natagpuan niya ang sariling hinuhubad ang isa sa ankle boots niya at ibinabato iyon kay Stone. Tinamaan ito sa likod. Huminto ito sa paglalakad at nilingon siya. Masama ang pagkakatingin nito sa kanya. Pagkatapos ay yumuko ito at pinulot ang boots niya. Luminga-linga ito sa paligid, pagkatapos ay dumako ang tingin nito sa janitor's closet sa bandang kanan nito. Nilingon siya nito, saka itinaas ang hawak nitong boots na para bang ipinapakita iyon sa kanya. Kinabahan siya. "A-ano'ng gagawin mo diyan?" Hindi ito sumagot at basta na lang ibinato ang boots niya. Balak siguro nitong iwan iyon sa ibabaw ng mataas na closet para mahirapan siyang makuha. Pero napalakas ang paghagis nito. Tumama ang boots sa pader at tumalbog iyon... at nawala sa paningin niya kasabay ng malakas na pagsigaw ng estudyanteng marahil ay tinamaan ng boots niya sa ibaba! Napalunok si Stone. "Ano'ng ginawa mo?" galit na sigaw niya rito. Napahikbi siya. "Do you really hate me that much?" Mabilis na nilapitan siya nito. "Hindi ko sinasadya ang nangyari. Huwag ka nang umiyak," alo nito sa kanya. Lalo siyang humikbi. "Gusto mo 'kong paglakarin nang nakapaa? You really hate me." Nagkamot ito sa kilay. Then he sighed in defeat. *** KISA felt like she was in cloud nine. Hindi niya akalaing darating ang araw na ipi-piggyback ride siya ni Stone. Iyon kasi ang naisip nitong paraan para hindi siya maglakad nang nakapaa o iika-ika dahil iisa na lang ang boots niya. Muli niyang sininghot ang buhok nito. Ang bango-bango talaga ng buhok nito. "Stop sniffing me, 'ling," iritadong saway nito sa kanya. She giggled. "Sorry, Stone. Ang bango mo kasi, eh." "Hindi ka ba nahihiya sa mga pinagsasabi mo?" "Bakit ako mahihiya? Totoo naman ang mga sinasabi ko." Bumuntong-hininga lang uli ito. Napansin niyang pinupukol ito ng kakaibang tingin ng mga estudyanteng nakakasalubong nila habang pababa sila ng hagdan. Marahil ay nagtataka ang mga ito kung bakit pasan-pasan siya ni Stone. May naisip tuloy siyang kalokohan. Dinukot niya mula sa bulsa ng pantalon ang cell phone niya. "Stone, stop, stop!" Huminto ito sa paglalakad. "Bakit?" Idinikit niya ang mukha niya sa mukha nito, saka itinapat ang camera ng cell phone sa kanilang dalawa. "Huwag kang gagalaw, Stone." Nanigas ito. Naramdaman niyang hindi ito kumportable pero binale-wala niya iyon. Kinunan niya silang dalawang ng litrato bago pa magbago ang isip nito at sungitan na naman siya. "Look, Stone. Ang ganda ng kuha natin," kinikilig na sabi niya. At dahil nakapalupot ang mga braso niya sa leeg nito, tiyak na nakikita rin nito ang kuha nila sa cell phone niya. In the shot, she was smiling while he was as stiff as a stone, so like his name. Pero ayos lang kahit para itong tuod. Ang mahalaga naman sa kanya ay may litrato na silang magkasama. "Pulos ka talaga kalokohan," iiling-iling na sabi nito. Nagpatuloy na ito sa paglalakad. "Stone, let's play a game," paglalambing niya rito. "Ayoko." Hindi niya pinansin ang pagtanggi nito. "Kapag may sinabi akong salita, sabihin mo sa akin kung ano ang unang salitang papasok sa isip mo, ha?" Hindi ito sumagot. "Snap Tolentino," sabi niya. Matagal-tagal din bago ito sumagot. "Captain." Napangiti siya. Kahit tumanggi ito, sasakay rin pala ito sa laro niya. "Basketball." "Fun." "Me." Nahigit niya ang hininga sa antipasyon. Sinimulan talaga niya ang larong iyon dahil gusto niyang malaman kung ano ang tingin nito sa kanya. "A word," matipid na sagot ni Stone. Smart! "Kisa." "A name." Sumimangot siya sa pagiging pilosopo nito. "Kisa Concepcion." "A name with a surname." Sinabunutan niya ito na ikinasinghap nito. "Alam kong alam mong gusto kong malaman kung ano'ng tingin mo sa akin. Bakit ayaw mo 'kong pagbigyan?" "Do you really want to make me say you're annoying again and again?" Napasinghap siya. "'Yon lang ba talaga ang tingin mo sa akin? Am I just a nuisance to you?" "Gusto mo ba talagang sagutin ko ang tanong na 'yan?" "Hindi. Huwag gano'n." Nanakit ang lalamunan niya sa pagpipigil na umiyak. Masakit malaman na wala pa rin pala siyang epekto rito. Pakiramdam niya ay nabugbog nang husto ang puso niya. Wala kasi siyang kadala-dala. Namalayan na langniya na ibinababa na siya ni Stone, pagkatapos ay walang sabi-sabing nilayasan siya nito. Tahimik na umupo siya sa bench sa park ng unibersidad nila. Malapit lang doon ang kinabagsakan ng boots niya kaya mamaya na niya iyon hahanapin. "Siguro naman ngayon, alam mo nang wala akong buting idudulot sa 'yo?" Napaangat siya ng tingin nang marinig niya ang tinig ni Stone. Nagulat siya nang balikan siya nito. Hawak nito ang nawawala niyang boots. Lalo siyang nagulat nang lumuhod ito at isinuot ang boots sa kanyang paa. "Dapat pinapakinggan mo ako. Iwasan mo ako kung ayaw mong lalong masaktan. 'Yon lang ang kaya kong ibigay sa 'yo—pain and more pain." Dahil nakayuko ito at natatakpan ng buhok ang mukha nito, hindi niya alam kung ano ang ekspresyon nito nang mga sandaling iyon. "Tinatakot mo ba ako, Stone?" tanong niya. "No. I'm actually being nice to you. Please stop wasting your time on me." Tumindi ang kirot sa puso niya dahil sa sinabi nito. "I get it. Hindi mo ako gusto at wala akong pag-asa sa 'yo. Dahil ba dito?" Pinadaanan niya ng daliri ang mahabang peklat sa kanyang mukha. "Dahil ugly duckling ako gaya ng sabi mo?" Kumunot ang noo nito. Hinawakan nito ang galanggalangan niya para pigilan siya sa ginagawa. "Of course not. I'm just calling you that as a name, but I don't really mean it." Sinalubong nito ang tingin niya. "You know what? Sa totoo lang, you're too good for me. You deserve someone better." Pagkasabi niyon ay tumayo na ito at naglakad palayo. Sinapo niya ang kanyang dibdib at pinakiramdaman ang puso niya. Mabilis na mabilis ang t***k niyon. Tumayo rin siya. "Sino ba 'yong 'someone better' na 'yon?" malakas na tanong niya. Nilingon siya ni Stone. "What?" Ngumiti siya. "Kamag-anak ba siya ni 'someone like you'?" Halatang nagulat ito. Hindi ito nakasagot. Lalong lumuwang ang pagkakangiti niya. "Pakisabi kay 'someone better' na hindi ko siya kailangan dahil meron na akong 'someone like you' at masaya ako sa kanya kahit na minsan ay masakit na siya sa heart." Tinalikuran na niya ito bago pa ito makapagsalita. Mas magaan na ang pakiramdam niya. Kahit ilang beses pa kasi siyang masaktan dahil kay Stone, ito pa rin talaga ang gusto niya. Lalo na ngayong nagpaliwanag ito sa kanya. Hindi naman pala siya pangit sa paningin nito. Mamahalin mo rin ako, Stone. Kaunting kembot na lang. Mga ten.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD