Chapter Two

2027 Words
GINANDAHAN ni Kisa nang husto ang pagkakasulat niya sa mabango at maganda niyang stationery. Gumagawa siya ng love letter para kay Stone. My beloved Stone, Hi! I exist. You can fall in love with me too, you know. "Okay na kaya 'to?" Itinaas niya ang sulat at itinapat sa table lamp sa tabi niya. Napabungisngis siya. "Short but sweet." May narinig siyang mga katok sa pinto ng kanyang kuwarto. Mayamaya pa ay sumungaw ang nakangiting mukha ng kanyang ina. "Kisa, anak, kakain na." "Sandali na lang, 'Ma. May tatapusin lang ako." Pumasok ito sa kuwarto niya. "Ano ba 'yang ginagawa mo?" She giggled. "Love letter, 'Ma." Tumaas ang isang kilay nito. "Love letter? Aba, at sino naman ang lalaking pagbibigyan mo niyan, ha?" Tinakpan niya ang ginagawang sulat. "Secret muna, 'Ma. Sasabihin ko na lang sa 'yo kapag kami na." Pabirong piningot siya nito. "Naku, ikaw talagang bata ka! Huwag na huwag mo lang pababayaan ang pag-aaral mo. Naiintindihan mo?" Natawa siya. "Oo naman, 'Ma. Nasa dean's list yata 'tong anak mo, isa sa pinakamatatalino sa Business Management." Masuyong ginulo nito ang buhok niya. "That's my daughter." Pero bigla ring napalitan iyon ng pag-aalala. "Ano'ng problema, 'Ma?" tanong niya. "May ipinadalang regalo ang papa mo sa 'yo. Gusto mo bang makita?" Napalis ang ngiti niya. "Pakibalik sa kanya. Hindi ko kailangan ang regalo niya." Bumuntong-hininga ito at hinawakan siya sa magkabilang balikat. "Anak, kailan mo ba balak harapin at kausapin ang papa mo?" "'Ma, tatapusin ko muna 'tong love letter ko. Susunod na lang ako sa kusina," sabi niya sa halip na sagutin ang tanong nito. Her mother sighed in defeat. Alam nitong ayaw na niyang pag-usapan ang tungkol sa kanyang ama. "O sige. Bilisan mo na lang diyan at baka lumamig na ang pagkain." Narinig niya ang marahang pagbukas at pagsara ng pinto, tanda na nakalabas na ito ng kuwarto. Napabuga siya ng hangin nang mapag-isa siya. Dumako rin ang tingin niya sa maliit na salamin na nakapatong sa mesa. Kasunod niyon ay kinapa niya ang peklat sa kanyang mukha. Nakuha niya iyon sa isang aksidente noong dose anyos siya. Nasagasaan siya ng isang humaharurot na van. Nasugatan siya ng nabasag na piraso ng salamin at nag-iwan iyon ng mahabang peklat. Ang pagsubaybay niya sa kanyang ama ang dahilan ng aksidenteng iyon. Nagba-ballet siya noong bata pa siya. Naging bida siya noon sa ballet dance ng eskuwelahan nila na ang pamagat ay "Swan lake." Noong mga panahong iyon ay hindi pa niya naiintindihan kung bakit hindi na umuuwi sa bahay nila ang kanyang ama. Ang alam lang niya ay busy ito sa trabaho nito. Isa itong piloto. Nangako ang kanyang ama na manonood ito ng play niya nang araw na iyon. Pero hindi ito nagpakita. Hanggang sa narinig niya ang pagtsitsismisan ng mga magulang na dumalo para manood ng ballet. Ang sabi ng mga ito ay may iba na raw pamilya ang kanyang ama at may anak na rin daw ang kinakasama nitong babae. Nang banggitin ng isang nanay ang pangalan ng eskuwelahan na pinapasukan daw ng anak ng babae ng kanyang ama, naantig ang kuryosidad niya at agad niya iyong pinuntahan. Matagal pa ang simula ng palabas kaya may oras pa siya para makita ang batang tinutukoy ng mga ito. Nag-taxi siya para mabilis siyang makarating sa eskuwelahan ng bata. Pagbaba niya ng taxi ay nagimbal siya sa nakita niya sa gate ng eskuwelahan. Naroon ang kanyang ama at masayang nakikipagkuwentuhan sa isang magandang babae na naka-wheelchair. Nasa gitna ng mga ito ang isang batang babae. Kulot ang mahaba nitong buhok at tulad niya ay nakasuot din ito ng pink ballet dress. Nakatalikod sa kanya ang bata kaya hindi niya nakita ang hitsura nito. Halos madurog ang puso niya noon sa realisasyong hindi sinipot ng kanyang papa ang palabas niya para sa ibang batang babae. Mas mahal ba nito ang batang iyon? Ang mas masakit pa, anak iyon ng babae nito at siya na tunay na anak nito ang hindi nito sinipot. Narinig na lang niya ang isang malakas na busina at kasunod niyon ay ang pagtama sa katawan niya ng kung ano. Nang magising siya ay nasa ospital na siya at may mahabang sugat na siya sa mukha. Hindi na niya mabilang kung ilang beses nang humingi ng tawad sa kanya ang papa niya pero hindi niya ito pinatawad. Pagkatapos ng aksidente ay hindi na uli niya ito kinausap. Hanggang ngayon. Dahil tulad ng peklat sa kanyang mukha, masyadong malalim ang sugat na iniwan sa puso niya ng pagtataksil nito. At tulad ng peklat sa kanyang mukha, hindi na mabubura sa alaala niya ang masayang imahen nito kasama ang babaeng ipinalit nito sa kanyang mama at ng batang pinili nito na maging anak kaysa sa kanya. "I will never forgive you," sabi niya kasabay ng pagpatak ng mga luha niya. *** NAG-INAT si Kisa habang naglalakad papunta sa gymnasium kung saan nagpa-practice ang SBT. Gusto niyang makita si Stone. Kailangan niya itong makita para maging maganda ang araw niya. "Okay! Mag-break muna tayo. After that, maglalaban-laban naman ang mga junior at senior!" sigaw ni Snap, ang captain ng SBT. Hinanap niya si Stone at napangiti siya nang makita itong nakaupo sa bleacher. Nagpupunas ito ng pawis sa mukha gamit ang isang face towel. Nilapitan niya ito. "Hello, Stone!" masiglang bati niya rito. Kumunot ang noo nito. "Ano'ng ginagawa mo rito?" "May ibibigay kasi ako sa 'yo." Kinuha niya mula sa bag niya ang isang pink na sobre at nakangiting iniabot iyon dito. "Please accept my love letter." Tumaas ang isang kilay nito pero tinanggap din naman ang sulat niya. Binuksan nito iyon at binasa. "My beloved Stone. Hi! I exist. You can fall in love with me, too, you know." Sinapo niya ang nag-iinit niyang mga pisngi. "Ano ka ba naman, Stone. Kung babasahin mo pala, sana ako na lang ang pinagbasa mo, para with feelings." Ibinilot nito ang stationery at marahang ipinukpok iyon sa ulo niya. "Pulos ka kalokohan. Akala ko ba nagkaintindihan na tayo?" Umiling siya. "Hindi ko pa rin maintindihan kung bakit hindi ako puwedeng magkagusto sa 'yo. Anyway, wala rin namang saysay 'yon dahil hindi ko magawang pigilan ang sarili ko. Hindi mo ba puwedeng tanungin man lang sa sarili mo kung hindi pa rin nagbabago ang pagtingin mo sa akin?" "Paano?" parang tinatamad na tanong nito. Ngumiti siya at humalukipkip bago umupo sa tabi nito. "Ipikit mo ang mga mata mo. 'Tapos, isipin mo ako. Isipin mo ang magaganda kong katangian." Nilingon niya ito. Nakakunot ang noo nito habang nakatingin sa kanya. Pabirong siniko niya ito. "Sige na. Gawin mo na. Please?" To her surprise, he did close his eyes! Hindi na niya iyon pinuna dahil baka magbago pa ang isip nito. Pumikit na rin siya. "Naaalala mo ba no'ng sinalo mo 'yong bola para sa akin isang taon na ang nakalilipas? Alam mo bang ikaw ang kauna-unahang lalaking pumrotekta sa akin? Ikaw na mukhang delingkuwente pa ang nagligtas sa akin. Mula noon, lagi na akong nakabuntot sa 'yo. Isang taon na kitang ipinagbabaon ng lunch, na ni minsan ay hindi mo kinain. Isang taon na kong nagtsi-cheer sa 'yo kapag may game kayo kahit lagi kang bangko." "Nang-aasar ka?" She giggled. "Isang taon na kitang kinukulit. Alam mo kung bakit? Kasi kahit itinataboy mo ako, parati ka pa ring nandiyan para sa akin. Kahit inaaway mo ako, pinapatahan mo rin naman ako sa huli. Katulad no'ng hindi sinasadyang naibato mo ang boots ko. Pinasan mo ako para hindi ako maglakad nang nakapaa. At kahit parati mo akong iniinsulto, kapag ibang tao naman ang gumawa n'on sa akin, nagagalit ka." "This is impossible! Hindi ko makita ang mga pinagsasasabi mo." Bumuga ito ng hangin pagkatapos. Dahan-dahan siyang dumilat. Nakadilat na rin ito at nakatingin sa kanya. Hindi niya alam kung bakit pero parang may kakaiba sa titig nito. His gaze was gentle, unliked the glares he had given her in the past. Nakita rin niya sa mga mata nito na parang ba may gusto itong sabihin sa kanya, pero sa huli ay marahan itong umiling at bumuntong-hininga. "Kung alam ko lang na dito ka nag-aaral, hindi ako dito magta-transfer," halos pabulong na sabi nito. "Bakit naman?" Bago pa ito makasagot ay lumapit na sa kanila si Snap. Inakbayan nito si Stone. "Yo, Stone! Pakibili naman ako ng energy drink." "At bakit ko naman gagawin 'yon?" angil ni Stone. "Dahil kung hindi, ipagkakalat ko ang nakakahiya mong picture no'ng nasa elementary tayo," nakangising sagot ni Snap. Nagulat siya. Hindi niya alam na magkaklase pala sina Stone at Snap noong elementary. Kunsabagay, sa high school na niya naging kaklase si Snap kaya wala siyang alam tungkol dito bago iyon. "I'll kill you if you do that, Snap!" pagbabanta ni Stone. Hindi natinag si Snap. Ngumisi pa nga ito. Binalingan siya ni Stone. "Bumalik ka na sa klase mo," anito at tumayo na para sundin ang iniutos ni Snap. Hinarap niya ang naiwang lalaki. "Hoy! Bakit mo inaalila si Stone ko?" "Ginawa ko 'yon dahil gusto kitang makausap." "Ako?" gulat na sambit niya. "Bakit?" Apat na taon silang magkaklase sa high school pero hindi sila matatawag na magkaibigan. Guwapo at sikat ito. Ano ang kailangan nito sa isang tulad niyang ordinaryong estudyante lang? "Huwag mong sabihing magko-confess ka sa akin, Snap? Ngayon pa lang, sinasabi ko nang si Stone ang mahal ko kaya—" Pinitik siya nito sa noo. "Aray!" "Napaka-wild talaga ng imagination mong babae ka." Namaywang ito. "Gusto ko lang mag-sorry sa ginawa sa 'yo nina Jethro. Bilang captain ng basketball team, I apologize for their childishness." "Wala na 'yon. Nakalimutan ko na nga, eh. Saka ipinagtanggol naman ako ni Stone," kinikilig na sabi niya. Tumango si Snap. "Anyway, hindi mo nga rin pala dapat hinuhusgahan ang mga teammate ko tulad nina Jethro kung bakit sila ang nakasama sa special five." Nabura ang ngiti niya. "Totoo naman 'yon, ah. Sigurado akong mas magaling si Stone sa kanila." "I'm sorry to disappoint you, but that's not the case, Kisa. Sabihin na nating totoo ngang minanipula ng tatlong 'yon ang starting line ng team dahil sa mga magulang nila. Pero bilang team captain, hindi ako papayag na mangyari 'yon kung alam kong wala silang kakayahan. Magagaling talaga sila. Kaya nga hanggang ngayon ay champion pa rin ang team namin." Sumimangot siya. "Sinasabi mo bang hindi magaling si Stone?" "Hindi sa gano'n. Nakita ko nang maglaro si Stone. Aaminin kong magaling siya. Pero kulang pa siya sa practice. Isa pa, maliit siya kompara sa ibang miyembro ng team kaya nahihirapan siyang makipagsabayan." Magpoprotesta sana siya pero itinaas nito ang kamay upang pigilan siya. "Pero alam ko na kung patuloy siyang magpa-practice ay mapupunan niya ang kahinaan niyang iyon. In fact, may nagawa na akong training menu para sa kanya. Matigas nga lang talaga ang ulo niya. Ayaw niyang makinig sa akin at ayoko rin naman siyang pilitin." "Hindi siya sumusunod sa 'yo?" hindi makapa-niwalang tanong niya. "Pero para din naman 'yon sa kabutihan niya, ah." "Exactly. He's too proud to seek my help." Tiningnan siya nito nang mataman. "Pero naniniwala ako na makukumbinsi mo siyang mag-training gamit ang menu na ginawa ko. Gusto mo ba siyang tulungan?" "Oo naman. Pero bakit ako ang napili mong hingan ng tulong?" Ngumiti ito at masuyong ginulo ang buhok niya. "Dahil ikaw ang pinakamalapit na tao sa kanya. Makikinig siya sa 'yo." Parang napaisip ito. "Kung hindi man, alam kong makakaisip ka ng paraan para makinig siya sa 'yo." Natawa siya. Hindi niya alam kung saan nanggaling ang kumpiyansa nito sa kanya, pero masaya siyang siya ang napili nitong hingan ng tulong sa halip na ibang babae. "Siyanga pala, Snap. Paano mo napasunod si Stone nang gano'n-gano'n lang sa utos mo?" Ngumisi ito. "Blackmail, Kisa. Blackmail." "Anong blackmail?" interesadong tanong niya. Inakbayan siya nito saka binulungan. "May play kasi kami na ginawa no'ng nasa elementary kami. Nakakahiya ang role na napunta kay Stone noon. Luckily, may picture niya ako habang suot niya ang costume na iyon at iyon ang ginagamit ko para mapasunod siya sa mga gusto ko." "That's mean!" aniya pero ngumisi rin siya. "Puwede ko rin bang gamitin 'yan?" Nagkatinginan sila. Pagkatapos ay nakangising nag-high-five.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD