Chapter Three

1483 Words
"ANO BA, 'ling! Ibalik mo na ang ID ko!" Napahinto si Kisa sa akmang pagtaktak ng sitsirya sa kanyang bibig. Kanina pa niya hinihintay si Stone sa park ng Sunray University. Katulad ng inaasahan niya, hinanap nga siya nito para bawiin mula sa kanya ang school ID nito. Kapag may estudyante kasing nahuli na hindi suot ang ID ay dinadala ito sa guidance office. Si Snap ang kumuha ng ID ni Stone sa locker room ng mga player ng SBT at ibinigay iyon sa kanya upang ma-blackmail niya si Stone. "Hi, Stone! Kanina pa kita hinihintay," masiglang bati niya rito. "Bakit mo kinuha ang ID ko?" galit na tanong nito. "Relax. Ginawa ko 'yon dahil gusto kitang tulungan." Kumunot ang noo nito. "Tulungan?" Tumango siya. "Oo. Isasauli ko sa 'yo ang ID mo sa isang kondisyon." Tumaas ang isang kilay nito. "At anong kondisyon naman 'yon?" "Mag-a-undergo ka ng secret training with me para ma-improve ang paglalaro mo ng basketball. Para sa susunod na game ay mapasama ka na sa starting line." "Magpapagawa na lang uli ako ng ID," sabi nito at tinalikuran na siya. Napasinghap siya. Hindi niya naisip na puwede nga pala uling magpagawa ng school ID kapag nawala iyon. "Wait, Stone!" Umagapay siya ng lakad dito. "Para sa 'yo rin naman 'to. Bakit ayaw mong tanggapin ang tulong ko?" "Hindi ko kailangan ang tulong ninuman." "Well, bad news, Mr. Marasigan. You badly need help. Gusto mong makapasok sa special five, 'di ba? Kung gano'n, bakit ayaw mong tanggapin ang tulong ko?" "Kaya ko ang sarili ko." "Hindi kaya. Ni hindi ka nga sumusubok, eh," kontra niya. Huminto ito sa paglalakad at nilingon siya. "Ano'ng sinabi mo?" "Kung gusto mong makuha ang isang bagay, hindi ba dapat ay nagsusumikap ka na maabot iyon sa halip na nagmumukmok ka? At kung may nag-aalok ng tulong sa 'yo para makuha mo ang pinapangarap mo, bakit ka magmamataas at tatanggihan iyon? Kung totoong kaya mo ang sarili mo, bakit nandito ka pa rin kung nasaan ka noong isang taon?" Hindi niya napigilan ang sarili na ilabas ang saloobin niya dahil naiinis na siya sa katigasan ng ulo nito. "What do you care, Kisa?" tanong nito sa malamig na tinig. "We're not even friends. Wala kang karapatang panghimasukan ang buhay ko. You're just a nuisance." Tumalikod na uli ito at naglakad palayo. Mabilis na tumulo ang mga luha niya. Kinagat niya ang ibabang labi upang pigilan ang pagtakas ang hikbi. Pero kumawala pa rin ang mga iyon. Gusto lang naman niyang makatulong. Pero tama si Stone. Wala siyang karapatang gawin iyon. She was just a nuisance. Masakit lang isipin na sa halip na makatulong ay nakadagdag pa siya sa problema nito. Yumuko siya at pinahid ng mga kamay ang mga luha niya. "I'm sorry," pabulong na sabi niya. "Why are you being such a crybaby?" Gulat na tumingala siya nang marinig ang nagsalita sa harap niya. "Stone!" He snorted. Pagkatapos ay maingat na tinuyo nito ang mga luha niya gamit ang sleeve ng jacket nito. "Huwag mo 'kong iyakan. I don't deserve your tears." Lalo siyang napahikbi. "Nuisance ba talaga ako sa 'yo?" Bumuga ito ng hangin. "Mainit lang ang ulo ko. Ayoko kasing pinapakialaman ang mga gamit ko." Was that an indirect apology? Kung ganoon, hindi nito sinasadyang sabihin ang sinabi nito. Bigla tuloy siyang nakonsiyensiya. Nakakapikon naman na kasi talaga ang kakulitan niya. Kinuha niya mula sa bag niya ang school ID nito. "Here. Sorry." Bumuga ito ng hangin at isinuot ang ID nito. "Hindi mo kailangang gawin ang lahat ng sinasabi sa 'yo ni Snap." Itinuloy nito ang pagtuyo sa mga luha niya gamit ang sleeve ng jacket nito. "Ayusin mo ang sarili mo bago ka umuwi." Tumango siya. Tuluyan nang natunaw ang sakit na nararamdaman niya kanina dahil sa mga sinabi nito. Nagulat siya nang ma-realize na kamay na nito ang nakahawak sa pisngi niya. Awtomatikong natampal niya ang kamay nito nang mahawakan niyon ang peklat sa mukha niya. Napasinghap siya pagkatapos. "I-I'm sorry, Stone." "Okay lang," anito at tinalikuran na siya. Nalaglag ang mga balikat niya. Minsan na nga lang siya hahawakan ni Stone, tinampal pa niya ang kamay nito. Kinapa niya ang peklat sa kanyang mukha. Ngayon lang may humawak doon bukod sa kanya kaya nailang siya. Pero napangiti rin siya. Ramdam pa niya ang init ng kamay ni Stone sa kanyang balat. Sa pakiwari niya ay kumakalat ang init na iyon patungo sa kanyang puso. Nakangiti na siya nang magpunta siya sa drama club. Kaunting kembot na lang talaga. Mga nine na lang. *** STONE was in his car impatiently tapping his fingers on the steering wheel. Nakaparada pa rin sa parking lot ang kotse ni Kisa kaya alam niyang hindi pa ito nakakalabas ng unibersidad. Lagpas alas-otso na ng gabi. Karaniwang tapos na rin ang club activities nito nang ganoong oras. Alam niya iyon dahil parte ng pang-araw-araw na routine niya ang pagbabantay rito mula sa malayo. Hindi na siya nakatiis. Bumaba na siya ng kotse niya. Madilim na sa unibersidad nila. Nagtungo siya sa college building nito para doon ito hanapin. Pero wala ito roon. Sa Communication Arts building naman niya ito hinanap. Iyon ang kurso ng kaibigan nitong si Cloudie at maaaring magkasama ang mga ito. Habang naglalakad ay naalala niya ang araw na nakita niya ito. Mula nang araw na iyon ay ipinangako niya sa kanyang sarili na poprotektahan niya ito. Pero kailangan niyang gawin iyon nang patago. Naiinis na nga siya sa kanyang sarili. Lagi niyang sinasabi rito na layuan siya nito pero siya itong lapit nang lapit dito. Hindi kasi talaga niya ito matiis kapag umiyak na ito. Dapat ay nilalayuan niya ito para protektahan ang kanyang sarili. Dahil kapag nalaman nito ang totoo, masasaktan ito at tiyak na iiwan siya nito. Alam niya, masasaktan din siya kapag ginawa nito iyon. "Aaah!" Pakiramdam niya ay binuhusan siya ng malamig na tubig nang makarinig ng sigaw. Pamilyar sa kanya ang boses. "Kisa?" Nagmamadaling hinanap niya ang pinanggalingan ng boses. Dinala siya ng kanyang mga paa sa auditorium na sa pagkakaalam niya ay ginagamit ng mga estudyante ng Theater. Pagbukas niya ng pinto ay nagulat siya sa tumambad sa kanya. Iisa lang ang nakabukas na ilaw pero hindi siya puwedeng magkamali kung sino ang nakikita niya. Kisa was on the stage, lying on the floor while desperately trying to get away from the guy who was straddling her—and was about to violate her! She was crying. Nagdilim ang paningin niya. Patakbo siyang umakyat sa stage at hinila ang lalaking nagtatangkang magsamantala kay Kisa, saka ito malakas na itinulak kaya napaupo ito sa sahig. Awang-awa siya kay Kisa nang makita ang hitsura nito. Magulong-magulo ang buhok nito, hilam sa luha ang mga mata, at namumula ang buong mukha nito habang tinatakpan nito ang dibdib nito. The upper part of her blouse was torn, exposing her creamy skin and a portion of her underwear. He had never felt so murderous in his entire life. Pinukol niya ng matalim na tingin ang lalaking nagtangka ng masama kay Kisa. "Gago ka, ah! How dare you do this to Kisa?!" bulyaw niya rito. Akmang magsasalita ito pero hindi na niya ito binigyan ng pagkakataon. Sinuntok niya ito. "Stone!" sigaw ni Kisa. Hindi niya ito pinakinggan. Nagpatuloy siya sa pagsuntok sa lalaki. Hinding-hindi niya mapapatawad ang sinumang mananakit kay Kisa. He may not show it but he cared for her more than he cared for anyone else in the world. Huminto lang siya nang may yumakap sa kanya mula sa likuran. Kisa's slender arms were now wrapped around his waist. It instantly calmed his raging anger. "Tama na, Stone. Please," masuyong pakiusap nito. He closed his eyes. He couldn't deny a request made in the sweetest way possible. Dumilat lang siya nang maramdaman niyang tuluyan na siyang kumalma. Pumihit siya paharap dito at maingat na sinapo ang mukha nito. "Huwag kang matakot, Kisa. Nandito na ako." "Thank you, Stone, pero... hindi naman ako nasaktan." "Ano'ng sinasabi mong hindi ka nasaktan? That bastard tried to rape you!" She smiled apologetically at him. "Pasensiya ka na kung pinag-alala kita pero dapat mong malaman na umaarte lang kami." Pakiramdam niya ay sinigawan siya sa magkabilang tainga. "Ha?" "Stone, member ako ng drama club. Nagre-rehearse lang kami ng rape scene para sa play na gagawin namin sa susunod na buwan," paliwanag nito. May tumikhim nang malakas sa paligid. Kasunod niyon ay bumukas ang mga ilaw. Noon lang niya napagtanto na hindi pala sila lang tatlo ang tao sa silid. Ang dami palang tao roon! "Ahm, taga-drama club din sila, Stone," sabi ni Kisa. Humarap ito sa mga tao. "Guys, this is Stone, the apple of my eye." Masama ang tingin sa kanya ng ilang tao. Marahil ay hindi nagustuhan ng mga ito ang ginawa niyang paninira sa rehearsal ng mga ito. Hiyang-hiya siya. Nahiling niyang sana ay bumuka ang lupa at lamunin siya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD