3

3041 Words
Umiiyak na siya at nawawalan na ng pag-asang may malalabasan pa. Patuloy siya sa paggapang at hindi magawang tumigil na lang at hintayin ang katapusan. Palapit nang palapit ang nakatakdang oras. “Please, please, please...” pakiusap ni Alana. “Tulungan N’yo ako. Tulungan N’yo ako...” paulit-ulit niyang dasal.  “Alana...” Nanigas si Alana nang marinig ang isang pamilyar na boses. Nang tumanim sa kanyang isip kung kanino ang narinig na boses, napabulalas siya ng iyak.  “Alana,” marahang pagtawag uli ni Jose Maria. Siguro dahil sa pinaghalo-halong gutom, pagod, at takot kaya inakala ni Alana na naririnig niya ang boses ni Jose Maria. Siguro, produkto ng shock ang boses na narinig. Siguro ay talagang mamamatay na siya kaya naririnig niya ang boses ng taong namatay na.  “Pepe, hindi pa ako handang mamatay. Hindi pa.” “I know, sweetheart. I know,” sabi ng napakabanayad na boses.  “Takot na takot ako, Pepe.” Halos hindi namamalayan ni Alana na sinusundan na niya ang pinanggagalingan ng boses.  “I know that, too.” “Tulungan mo `ko,” pakiusap niya. “Keep on going, sweetheart. Just keep on going.” Iyon nga ang ginawa ni Alana. Patuloy siya sa paggapang kahit hindi niya sigurado kung saan siya papunta. Pagkalipas ng ilang sandali, nakakita siya ng siwang. Binilisan niya ang pagkilos. Bago pa man tuluyang makalapit, bigla siyang napasigaw dahil bumigay ang bahagi ng kinaroroonan niya. Tumigil yata sa pagtibok ang kanyang puso habang nalalaglag siya.  Napagibik si Alana nang bumagsak ang katawan sa concrete floor. Ilang sandali na hindi siya nakahinga. Nang maramdaman ang kirot sa bawat bahagi ng katawan, natuklasan niyang buhay pa siya. Hindi pa tapos ang lahat. Nang magmulat siya ng mga mata, tumambad sa kanya ang isang pintuan na may nakasalansang bomba. Napakarami niyang nakikitang pipes at wires. Ang nakakumbinsi sa kanya na bomba ang nakikita ay ang timer sa gitna ng pagkakasalansan. Kulang dalawang minuto na lang ang natitira. “Move, Alana. Get away.” Parang nagising si Alana sa pagkakatulog. Nang ilibot niya ang tingin, nalaman niyang nasa balkonahe siya. Malapit na siya sa labas ng bahay! Muli siyang napatingin sa timer. Wala na siyang maraming oras. Sinubukan niyang tumayo pero hindi pa nakaka-recover ang kanyang katawan mula sa pagkahulog. Pinilit na lang niyang gumapang. Inabot ng kamay niya ang railing at pilit na hinila ang buong katawan. Hindi niya ininda ang mga sakit na nararamdaman. Hinayaan niyang mahulog ang katawan nang maisampa niya ang kalahati ng kanyang katawan sa railing. Parang nakakita ng mga bituin si Alana pagbagsak niya sa lupa. Hindi maipaliwanag ang nadarama niyang sakit. Nasisiguro niya na hindi lang isang buto niya ang nabali. Milagro na siguro na may malay pa siya. May bahagi sa isip niya na nagsasabing wala pa siya sa safe zone kaya pinilit niyang gumapag palayo. Pinilit niyang huwag masyadong isipin ang pagpoprotesta ng katawan at determinadong gumalaw.  “Alana!” “Alana!” Natigil sa paggalaw si Alana nang marinig ang mga pamilyar na boses. Sa pagkakataon na iyon ay boses na ng mga buhay. Sigurado siyang sina Blu at Ma’am Bernadette ang tumatawag sa kanya. Ibinuka niya ang bibig para ipaalam na naroon siya pero hindi na siya nagkaroon ng pagkakataon dahil may narinig siyang pagsabog. Parang lumindol. Ang sunod niyang namalayan, nasa ere na siya. Sa isang iglap, nawala ang lahat ng nararamdaman niyang sakit sa katawan. Nakadama siya ng kapayapaan. Bumagsak si Alana sa damuhan. Nagmulat siya ng mga mata. Ilang sandali na pinakiramdam niya ang katawan. Nagtaka siya kung bakit parang wala siyang maramdaman. Paglingon niya, nakita niyang lumalagablab ang isang bahay. Nanlaki ang mga mata niya nang makita kung gaano kalaking apoy ang nalikha ng pagsabog. Galit na galit ang apoy na tumutupok sa bahay. Kung nasa loob siya ng bahay nang sumabog iyon, siguradong hindi siya makakaligtas. Kahit abo siguro ng katawan niya ay hindi na mare-recover. Sinubukan ni Alana na tumayo at nagawa niya nang walang kahirap-hirap. Ilang sandali na pinanood niya mula sa malayo ang lagablab. Nagpasalamat siya na nakaligtas siya. Maglalakad na sana siya palayo nang may kumuha ng kanyang pansin. May taong nakadapa sa damuhan. Ang unang napansin niya ay ang suot nito. Isang pink blouse, katulad ng suot niyang blouse. Napansin din niya ang mahaba nitong buhok na naka-ponytail, katulad din ng kanyang buhok na naka-ponytail. Pati ang bulaklaking panali sa buhok ay pareho sila.  Kinakabahan at natatakot na humakbang si Alana palapit sa nakahandusay na katawan. Makikitang duguan ito at hindi biro ang pinsalang tinamo mula sa pagsabog. Nang mas makalapit, nakita niyang nasusunog ang ibabang bahagi ng katawan nito. Nagkukumahog na lumapit pa siya nang husto at naghanap ng puwedeng ipampatay ng apoy. Nakakita siya ng puno ng saging sa malapit. Sinubukan niyang hablutin ang dahon pero lumusot lang ang kanyang kamay. Nanlalaki ang mga mata na pinagmasdan ni Alana ang kamay. Inulit niya ang paghablot ng dahon ng saging pero lumusot lang uli ang kamay niya roon. Sumuko na siyang gawin iyon at binalikan ang nakahandusay na katawan. Napalunok-lunok siya habang tinitingnan ang mukha nito. Hindi siya maaaring magkamali. Sarili niyang mukha ang nakikita. Nakilala niya ang sarili kahit duguan ang katawan. Patuloy na nasusunog ang isang bahagi ng kanyang katawan. Mukhang malala ang pinsalang tinamo ng kanyang buong katawan. Yumuko siya at sinubukang hawakan ang bahaging may apoy. Wala siyang maramdaman. Ano ang nangyayari? Patay na ba siya? Humiwalay ba ang espiritu niya sa katawan para magpunta sa ibang lugar? Espiritu na ba siya? Buong pagkatao ni Alana ang nagpoprotesta. Hindi niya matanggap na sa ganoon mauuwi ang lahat ng pagsusumikap niyang makatakas. Napakalapit na niya. Kaunting sandali na lang ay makakalayo na siya. Hindi maaaring sa ganito lang mauwi ang lahat. Parang sasabog ang ulo ni Alana sa pag-iisip ng mga susunod na gagawin. May magagawa pa ba siya? Naitanong pa niya kung hindi ba siya nananaginip lang? Nahiling niya na sana, isang bangungot lang ang lahat at anumang sandali ay magigising na siya. Mariin niyang pinisil ang braso. Wala siyang maramdamang kirot. Nagpapatuloy ang bangungot. May mga narinig na sigaw si Alana. Ayaw sana niyang iwan ang kanyang “katawan” na mag-isa pero kailangan niyang malaman kung ano ang nangyayari. Sinundan niya ang mga boses at nakita sina Ma’am Bernadette at Blu. Pigil-pigil ni Meripen si Blu na nagpupumiglas. Gusto nitong sugurin ang bahay na patuloy na nilalamon ng apoy. Ang driver ay hawak-hawak ang hysterical na si Ma’am Bernadette. Nakatingin din ang ginang sa nasusunog na bahay habang naghihinagpis. Parang may malaking kamay na bakal na bigla na lang dumaklot sa puso ni Alana at mariin iyong piniga. “Nandito ako!” Tumakbo siya palapit. “Nandito pa ako!” Pumuwesto siya sa harap ng mag-ina pero tumatagos ang tingin ng mga ito. Patuloy siya sa pagsigaw at pagmamakaawa pero hindi talaga siya nakikita ng sinuman. Humahagulhol si Alana nang maramdaman ang isang kamay na dumantay sa kanyang balikat. Marahas siyang napalingon. Nanlaki ang namamasa niyang mga mata. Parang hindi napalabo ng luha ang kanyang paningin dahil nakita niya nang malinaw ang isang babae na hindi na niya gaanong maalala. Nakilala lang niya ito dahil sa mga litratong naiwan sa kanya. “`N-Nay,” nanginginig ang boses na usal ni Alana. Inalis niya ang atensiyon kina Ma’am Bernadette at Blu at hinarap ang ina. Marahan siyang nginitian ng babae. “Alana, anak.” Umiling siya, hindi magawang magsalita. Patuloy ang pagdaloy ng kanyang mga luha. “Kailangan mo na sigurong magpahinga, anak. Magkakasama na rin tayo sa wakas.” Patuloy sa pag-iling si Alana. “Mahal po kita kahit hindi ako nagkaroon ng maraming oras na makasama ka. Gusto rin po kitang makasama, `Nay. Pero huwag muna ngayon. Please, huwag muna ngayon. Hindi ko pa natutupad ang mga pangarap ko. Hindi ko pa nagagawa ang mga bagay na gusto kong gawin. Gusto kong magmahal at bumuo ng pamilya. Gusto kong makatulong sa ibang tao. Gustong-gusto ko pa pong mabuhay.” Noon lang niya talaga na-realize kung gaano ang kagustuhan niyang mabuhay. “Hindi ikaw ang makakapagpasya ng bagay na `yon.” “Bakit hindi? Bakit sa ganitong paraan? Ayoko pong tanggapin!” “Alana...” “Ayoko po! Sorry po pero ayoko po talaga!” Patakbo niyang binalikan ang kanyang katawan. Hindi niya iyon iiwan. Hindi siya sasama sa kanyang ina. “Alana,” tawag ni Jose Maria. Nilingon ni Alana si Jose Maria na nasa tabi ng kanyang ina. Umiling siya. “Lubayan n’yo `ko! Hindi ako sasama sa inyo.” Nagpasalamat siya nang hindi na nga siya pinilit ng dalawa. Nanatili siya sa kanyang katawan na hindi niya sigurado kung humihinga pa. Pagkatapos ng mahabang sandali, isa sa mga bodyguard ng mga Tolentino ang nakakita sa kanyang katawan. Kaagad nitong tinawag si Meripen na mabilis ang naging pagkilos. Si Meripen ang pumatay sa apoy sa kanyang katawan at kaagad siyang pinulsuhan. Noong una, nakita niya ang kalungkutan sa mukha nito pero mayamaya, agad na naging alerto. “She has a pulse,” sabi ni Meripen, parang mas sa sarili kaysa sa bodyguard na kasama. Sa pagkakataong iyon, tumatakbong lumapit na rin sina Ma’am Bernadette at Blu. “Oh, God!” bulalas ni Blu nang makita ang duguang katawan ni Alana. Lalapitan sana siya nito pero pinigilan ni Meripen. “She has a weak pulse,” mahinahong sabi ni Meripen. “Hindi makabubuti kung basta siya magagalaw. We have to get her to the nearest hospital.” Kahit paano ay may training si Meripen sa mga ganoong sitwasyon. Maingat pero mabilis din ang bawat galaw nito. Naisakay siya sa sasakyan at mabilis silang umalis sa lugar na iyon. Inabot ni Blu ang duguang kamay ni Alana. “I’m sorry. I’m so sorry, Alana,” sabi nito sa gumagaralgal na boses. “Wala kang kasalanan,” tugon ni Alana kahit alam na hindi siya nito maririnig.  Yumugyog ang mga balikat ni Blu at hindi na napigilan ang pag-iyak. Maging si Ma’am Bernadette ay hindi maampat ang mga luha. Nahiling ni Alana na sana ay may magawa siya. Sana ay mabigyan niya ng kasiguruhan ang mag-ina na magiging maayos siya, na malalampasan niya ang lahat ng ito. Pero hindi niya magawa dahil habang nakatingin siya sa duguan niyang katawan, hindi niya sigurado kung magiging maayos nga siya. Noon lang napinsala nang ganoon ang kanyang katawan. Parang wala na nga iyong buhay. Parang gusto nang bumigay. “Don’t give up, anak,” umiiyak na pakiusap ni Ma’am Bernadette habang nakatingin sa kanyang katawan. “Don’t let her win. Huwag kang bibitiw. Pakiusap, huwag mo kaming iiwan.” Nakarating sila sa pinakamalapit na ospital. Maliit lang iyon at hindi equipped para sa kailangang medical care ni Alana. Binigyan siya ng first aid ng mga doktor. Habang nanonood, nakita niya na hindi gaanong optimistic ang mga doktor at nurses. May pulso pa rin ang katawan niya pero mahinang-mahina. Parang hindi na gaanong umaasa ang mga ito na patuloy na titibok ang kanyang puso. “I’ve arranged a hospital transfer,” sabi ni Meripen nang pumasok sa loob ng emergency room. Hawak nito ang ang cell phone. “Parating na ang air ambulance ng DRMMH. They’ve notified the trauma surgeon.” Tumingin ang head ng security ni Blu sa mga doktor. “He’ll need to coordinate with you.” Nagsitanguan ang mga doktor. Kahit narinig na ang pangalan ng pinakamahusay na ospital sa bansa, hindi pa rin kumislap ang optimism sa mga mata ng mga ito. Dahil walang ibang magawa, pinagmasdan lang ni Alana ang mga pangyayari. Hindi niya maalis ang mga mata sa kanyang katawan kahit nahihirapan siya. Hindi siya sigurado kung maiaayos pa ang lahat ng napinsala sa kanyang katawan. Ayon pa sa mga doktor, marami siyang tinamong internal injuries. Mabilis ang pagdating ng air ambulance ng Dr. Rizalino Mendoza Memorial Hospital. Kahit maliit ang ospital ay may sapat naman iyong espasyo para sa helipad. The doctors stabilized her. Mabilis na nai-endorse ang kanyang katawan sa residente na kasama sa air ambulance. Halos wala sa loob na sumama siyang sumakay sa helicopter. Hindi iyon ang unang pagkakataon na nakasakay siya sa helicopter. Noong huli ay kasama pa niya si Jose Maria. Sana lang ay kaya niyang i-enjoy ang ride. Kung ano-anong tubo na ang nakakabit sa kanyang katawan. Puno ng bandages ang kanyang balat na may malalalim na sugat at sunog. May ilang shrapnels na sa operating room na raw aalisin dahil puwede siyang magkaroon ng massive blood loss. Habang nasa ere, biglang tumigil sa pagtibok ang puso ni Alana. Pigil ang hininga na pinanood niya ang mabilis na pagkilos ng medical team. Matatag pa siguro ang kagustuhan niyang manatili dahil hindi tuluyang bumigay ang kanyang puso. “Be tough, sweetheart,” sabi ng resident doctor habang pinapahid nito ang pawis sa noo. Mukhang nakahinga ito nang maluwag dahil hindi sa morgue siya idederetso paglapag nila sa DRMMH. Nakaabang na ang trauma surgeon paglapag ng air ambulance sa rooftop ng DRMMH. Mabilis na ipinaalam sa lahat ng residente ang kalagayan ni Alana. Halos hindi makasunod si Alana sa bilis ng pagkilos ng bawat isa. Hindi na rin niya masundan ang sinasabing kondisyon niya. Para kasing may depekto ang bawat himaymay ng kanyang katawan sa dami ng sinasabi ng doktor. Habang nasa elevator papunta sa operating room, pinagmasdan ni Alana ang mukha ng trauma surgeon. Sa tantiya niya, nasa early forties ang lalaking surgeon. Matangkad ito at tisoy. Masasabi na hindi ito purong Pinoy. Nakatingin ang surgeon sa kanyang katawan. Determinado ang ekspresyon ng mukha nito. Kahit paano, nagpalubag iyon ng loob ni Alana. Ang ibang mga doktor ay sinukuan na siya hindi pa man tuluyang nakikita ang pinsala na tinamo ng kanyang katawan. May boses na nagsasabi sa kanya na hindi ang tipo ng surgeon na ito ang basta na lang susuko sa pasyente. “I’m gonna fix you up, don’t worry,” pangako ng surgeon pagdating nila sa operating room.  Pinaniwalaan ni Alana ang mga salitang iyon. Itinuring niyang pangako. Ilang sandaling namangha si Alana sa loob ng operating room. Lahat ng gamit na naroon ay moderno at makabago. Walang nagpa-panic sa mga medical team. Precise at maingat ang bawat kilos. Nang magsimula na namang lumigwak ang dugo ay hindi na kinaya ni Alana ang panonood. Tumalikod siya at lumayo. Natigil siya sa harap ng pinto. Sinubukan niyang idikit ang palad sa surface niyon para maitulak pero gaya kanina, lumusot lang ang kamay niya. Hinayaan na lang niyang lumusot ang kanyang buong katawan. Kung hindi siya sobrang nag-aalala sa kanyang katawan, iisipin niyang “cool” iyon. Ikaaaliw niya siguro sa ibang pagkakataon. Nasa waiting room ng surgical floor ang mga Tolentino. Sumilip sandali si Alana roon. Natagpuan niyang umiiyak pa rin si Ma’am Bernadette. Sa tagal niya sa poder ng mga Tolentino, noon lang niya nakitang umiyak nang ganoon ang mabait na ginang. Si Blu ay palakad-lakad, halatang sobrang nag-aalala. Namumula at namumugto ang mga mata nito mula sa pag-iyak. Sinisikap nitong magpakatatag. Tahimik lang sa isang sulok si Lolo Jose pero napansin ni Alana ang parang pagtanda nito, ang paglalim ng mga wrinkles sa mukha. Hindi niya makita ang glow na madalas niyang nakikita sa mukha nito.  Namasa ang mga mata ni Alana. Wala siyang maramdamang pisikal na sakit pero nararamdaman niya ang lahat ng emosyon. Naninikip ang kanyang dibdib, nasasaktan. Wala siyang ibang gusto gawin nang mga sandaling iyon kundi yakapin ang mga ito at sabihin na magiging maayos ang lahat. Naroon pa siya. Hindi pa sumusuko. Lumayo si Alana sa waiting room dahil nahihirapan siyang panoorin ang mga mahal niya sa buhay na sobrang nag-aalala at nahihirapan. Nanatili siya sa corridor. Sinamahan siya ni Jose Maria. Hindi na siya gaanong nagulat pagkakita rito. Siguro, naiproseso na niya kahit paano sa isip na sa ngayon ay nasa ibang mundo siya. Iyon siguro ang tinatawag ng marami na “in-between.” “Nandito ka ba para kumbinsihin ako na sumama na sa `yo?” tanong ni Alana. Kailangan niyang aminin na may bahagi sa kanya ang medyo natutuwa na muling makita ang matalik na kaibigan, ang lalaking nagmamahal sa kanya. Kahit paano, nakakagaan ng loob malaman na hindi siya mag-isa. Nababawasan ang takot niya.  “Ikaw ang magpapasya kung gusto mo nang sumama sa akin, Alana. Ikaw ang magpapasya kung hanggang kailan mo gustong kumapit—manatili.” Humugot siya ng malalim na hininga bago nagsalita. “Alam mo na marami na akong dinaanang paghihirap, Pepe. Marami na akong nilampasang pagsubok. Marami na akong tiniis sa buhay. Maraming pagkakataon na nakaramdam ako ng hindi masukat na pagod. Pero sa maraming pagkakataon na iyon, ni minsan ay hindi ko inisip o tinangka man lang sumuko. Patuloy akong lumaban. Patuloy akong umasa sa mas magandang buhay. Alam mo kung bakit naging madali para sa akin ang lahat? Ibinigay kayo sa akin. Nagkaroon ako ng pamilyang masasandalan. Paano ako bibitiw? Paano ko iiwan ang pamilya ko?” Tumango si Jose Maria. Puno ng pag-intindi ang mga mata. “Are you sure you can hold on?” “For as long as it takes.” Sinalubong ni Alana ang mga mata ng kaibigan. “Bakit hindi ka kumapit para sa amin?” Hindi niya gustong magkabahid ng akusasyon at sama ng loob ang boses niya pero hindi niya napigilan ang sarili. Pakiramdam niya, hindi lumaban si Jose Maria para sa kanila. Nanamlay ang mukha ni Jose Maria. “Hindi ako nabigyan ng pagkakataong lumaban. My death was instantaneous.” “I’m sorry. I just miss you so much.” “Me too, sweetheart. Me too.” “I love you. Hindi ko nasabi noon pero alam mo naman ang bagay na `yon, hindi ba? Alam mong mahal na mahal kita.” Isang ngiti ang gumuhit sa mga labi ni Jose Maria bago tumango. “Alam ko, Alana. Huwag mo nang gaanong pahirapan ang sarili mo. I’m at peace. Nasabi ko na ang mga kailangan kong sabihin bago ako umalis. Sa tingin ko, nakagawa naman ako ng mabuti sa mundo ng mga buhay.” Naluluhang yumakap siya kay Jose Maria. Marahan nitong hinagod ang likod niya. “Hindi ako puwedeng magtagal. You have to do this alone. You’re brave, Alana. You’re strong and you’re wonderful.” Habang sinasabi iyon, unti-unti niyang naramdaman ang pagkawala ni Jose Maria.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD