“SHE’S BACK, Doc.”
Iyon agad ang narinig ni Alana pagbalik niya sa operating room. Nahulaan niya na bumigay nang ilang sandali ang kanyang katawan at kare-revive lang niyon. Nakabalot ng parang plastic ang gitnang bahagi ng kanyang katawan. Mula roon, maaaninag ang mga gasa na nakapasak at namumula dahil sa dugo. Ibang surgeon ang nakapuwesto sa operating table, sa may bandang ulunan. Parang nangasim ang kanyang bibig at masusuka nang makitang naka-expose ang kanyang utak. Naging abala uli ang surgeon sa kung anong ginagawa sa kanyang utak.
Naibaon ni Alana ang mukha sa mga palad. Halos hindi na niya makilala ang kanyang katawan. Masyado na iyong napinsala. Gutay-gutay. Paano ibabalik ang lahat ng parte sa dati? Paano pa iyon magkakaroon ng buhay?
Gusto ni Alana na umalis dahil nahihirapan siya pero napagpasyahan niyang bantayan ang kanyang katawan hanggang matapos ang operasyon. Hindi niya sigurado kung bakit kailangan niya iyong gawin. Para makapagpasya siguro kung patuloy na lalaban o bibitiw na.
Natapos ang neurosurgeon sa ginagawa pero hindi ito mukhang masaya.
“I’d know the extent of the damage in her brain once she wakes up,” sabi nito sa trauma surgeon na lumapit sa operating table. “If she wakes up.”
Napatitig si Alana sa neurosurgeon. Paano nito nasasabi iyon? If she wakes up? Hindi when she wakes up? Ibig bang sabihin, malaki ang chance na hindi na hindi na siya magising?
Hindi gaanong nakatulong ang ekspresyon ng mukha ng trauma surgeon. Parang medyo pinanghihinaan na ito ng loob habang nakatingin sa katawan ni Alana sa operating table. Parang hindi nito mapanindigan ang ipinangako sa kanya na aayusin nito ang kanyang katawan.
“Let’s pack her up tight,” utos ng surgeon sa medical team. “Then let’s put her in an ICU. Stabilize her muna bago natin siya buksan uli. I want an intern and two residents to monitor her closely all the time.”
Nagsitanguan ang lahat at naging abala na uli sa katawan ni Alana.
Sumunod si Alana hanggang sa loob ng ICU. Kung ano-anong tubo na naman ang ikinabit sa kanyang katawan. Awang-awa na siya sa katawan pero wala naman siyang ibang magagawa. Nagpapasalamat na lang siya na hindi siya nakakaramdam ng anumang pisikal na sakit. Habang pinagmamasdan ang katawan, naitanong niya kung paano siya magiging okay. Paano siya makababalik sa katawan na iyon? Hihiga na lang ba siya at kusa nang sasanib ang espiritu sa katawan?
Maliban sa medical team, walang hinayaang makapasok sa lugar ni Alana sa ICU. Patuloy niyang binantayan ang kanyang katawan kahit may residente na nagbabantay sa kanyang kalagayan. Kahit paano, nagpapasalamat siya na nakakatanggap siya ng magandang medical care. Nagpapasalamat siya sa ugnayan niya sa mga Tolentino dahil kung naiba-iba siguro ang sitwasyon, matagal na siyang idineklarang patay.
Parang napakatagal ng kanyang paghihintay. Hindi nagkaroon ng problema habang nasa loob siya ng ICU. Maituturing siguro na mas stable na ang kanyang kalagayan nang mapagpasyahan na ibalik na siya sa loob ng operating room. Binuksan uli ang kanyang katawan at nagsimulang bumukal ang dugo.
Kahit nahihirapan, pinilit pa rin ni Alana na panoorin ang mga doktor. Mabilis pero maingat ang bawat galaw ng mga taong nakapalibot sa operating table. They found all the bleeders and fixed them. Hindi siya maituturing na expert pero sa palagay niya, ginawa ng medical team ang lahat para mailigtas ang kanyang katawan.
Ibinalik ang katawan niya sa ICU at mananatili roon hanggang sa maging stable... o ganap na bumigay.
Sa totoo lang, hindi gaanong malaman ni Alana ang mararamdaman habang nakatingin sa kanyang katawan. Sobra siyang naaawa sa sarili at sandaling sumagi sa isip niya ang sumuko na. Pero kaagad din niyang naisip na naroon na siya. Kung hindi pa niya itutuloy ang paglaban, ano ang magiging saysay ng mga ginawa niya, ng pagkapit niya?
Ilang beses na rin niyang naitanong kung kakayanin ba niya hanggang sa huli, kung hanggang saan at kailan siya tatagal.
Narinig ni Alana ang sinabi ng mga doktor kina Ma’am Bernadette at Blu. Masyadong marami at malala ang tinamong pinsala ng kanyang katawan. Sa ngayon, naayos ang ilang pinsala pero hindi pa siya nakakaligtas sa critical stage. Puwedeng bumigay ang kanyang katawan anumang sandali. Mahabang recovery time ang kakailanganin kung patuloy siyang lalaban at hindi bibitiw. Hindi rin masabi ng mga doktor na walang magiging permanenteng damage sa kanyang katawan kung malampasan man niya ang critical stage. Sa ngayon, ang pangunahing binabantayan ay infection at organ failures.
Pilit na nagpakatatag si Alana. Kinailangan niyang pagkatiwalaan nang husto ang sarili. Kinailangan niyang maniwala na kakayanin niya hanggang sa huli.
TATLONG araw na sa loob ng ICU si Alana pero hindi pa rin nagigising ang kanyang katawan. Noong sa palagay niya ay maayos-ayos na ang kanyang kalagayan, sinubukan niyang magbalik sa katawan pero bigo siya. Lumulusot siya sa sariling katawan. Parang hindi siya makakonekta anuman ang gawin niya. Maraming beses siyang sumubok pero palaging bigo. Sana, may makapagsabi sa kanya ng kailangan niyang gawin lalo at napu-frustrate na siya.
Maganda naman ang progreso pero hindi pa rin siya magising. May pakiramdam siya na kailanman ay hindi magigising ang katawan niya hanggang nakikita niya iyon, hanggang sa parang nahahati siya sa dalawa.
Pinayagan na siyang magkaroon ng bisita kaya medyo gumanda ang kanyang pakiramdam. Unang pinapasok si Lolo Jose. Pinagsuot ito ng asul na scrubs at surgical cap at mask. Ang makinang nitong sapatos ay sinuutan ng booties.
Marahang hinaplos ng matanda ang braso ni Alana. “Hang on, apo,” pakiusap nito sa mahinang boses. “I’ll be here waiting for you. We’re all be here. You did good. You got out.”
Napansin ni Alana ang pamamasa ng mga mata ni Lolo Jose. “Opo,” sagot niya kahit hindi naman siya nito naririnig.
Paglabas ni Lolo Jose, si Ma’am Bernadette naman ang pumasok. “We love you,” naluluha nitong bulong. “Huwag mong kalilimutan. We love you so much, Alana.”
Si Blu ang sumunod na pumasok sa ICU. “Don’t leave me,” pakiusap ng binata sa garalgas na boses. “Parang hindi ko kakayanin.”
Parang nanikip ang dibdib ni Alana sa nakikitang paghihirap ng mga mahal niya sa buhay. Kaya naman mas naging determinado siyang manatili. Hindi siya susuko kahit hindi na siya sigurado kung paano pa mananatili, kung paano lalabanan ang kamatayan. Kakapit siya hanggang sa kailangan.