THE DOCTORS pronounced Alana in a comatose state. Hindi masabi ng mga ito kung kailan siya magigising o kung magigising pa. Hindi itinago ng mga doktor ang possibility na bumigay ang kanyang katawan o magkaroon ng ibang komplikasyon. Her organs may shut down. Puwedeng tumigil din ang kanyang brain activity.
“She’s going to wake up,” nakasisigurong pahayag ni Lolo Jose sa mga doktor. “Our Alana is a fighter. She’s going to get through this.”
Nakakaintinding tumango ang mga doktor. Siyempre, walang mangangahas na kontrahin ang anumang pahayag ng dating presidente.
Nanatili ang close monitoring sa katawan ni Alana. Hindi siya pinabayaan ng medical team. Kaunting pagbabago ay mabilis na nakikita. Ibinibigay ang lahat ng kanyang pangangailangan. Sa mga nakalipas na araw, nagkaroon ng ilang komplikasyon pero naaagapan ng mga doktor at nurse. Minsan siyang ibinalik sa operating room pero maayos pa rin siyang nakalabas. Maayos dahil hindi pa bumibigay ang kanyang puso. May brain activity pa naman siya. Hindi pa nga lang siya nagkakamalay.
Halos hindi namamalayan ni Alana ang paglipas ng mga araw. Siguro dala iyon ng sobrang pag-aalala sa kanyang kalagayan. Hanggang maaari ay hindi niya nilalayuan ang kanyang katawan. May mga pagkakataon na hinihintay niyang magising siya sa panaginip pero parang hindi iyon nangyayari.
Noong mabawasan ang mga nakakabit na kung ano-ano sa kanyang katawan, napagpasyahan niyang lumabas ng ICU at tingnan ang paligid. Araw-araw na naroon sa ospital sina Lolo Jose, Ma’am Bernadette, at Blu. Alam niya dahil pinapayagan ang mga ito na bumisita sandali. Hindi umaalis ang pamilya. Naglagay ang ospital ng special waiting area.
Mukhang pagod ang tatlo pero hindi na gaanong kababakasan ng pag-aalala. Siguro dahil gumaganda ang kalagayan ni Alana sa paglipas ng mga araw. Maging siya ay nagkakaroon ng pag-asa kahit na narinig niyang hindi nagbabago ang brain activity niya. Naghihilom naman ang ibang pinsala sa kanyang katawan. Masusing binabantayan ang nasunog na bahagi dahil baka panggalingan ng impeksiyon.
Naabutan ni Alana si Sir Ernest na nasa waiting room din. “What if she doesn’t wake up?” tanong nito.
Umiling si Blu. Agad na kakikitaan ng inis at galit para sa ama. “She’s going to wake up.”
“Kailangan din nating isipin ang ibang possibility, Blu. Alam ko na umaasa kayo na magiging maayos ang lahat. Magigising si Alana. Pero paano kung hindi? Ano ang gagawin natin?”
“This is your fault!” galit na bulalas ni Blu.
Mabilis na pinigilan ni Ma’am Bernadette ang anak nang akmang susugurin ang ama nito.
“Hindi mangyayari ang lahat ng ito kung hindi dahil sa `yo.”
Sumusukong itinaas ni Sir Ernest ang dalawang kamay. “Okay, okay. I’m just saying—”
“Stop it,” utos ni Ma’am Bernadette sa asawa. “Just stop. Don’t say anything.”
Tumango si Sir Ernest at wala na ngang sinabing anuman. Hindi magawang mainis ni Alana kay Sir Ernest. Naiintindihan niya ang inis na naramdaman ni Blu para sa ama pero hindi siya nagkaroon ng negative feeling kay Sir Ernest. Siguro dahil mas matagal niya itong nakasama at nakilala kaysa kay Blu. Nang malaman ni Blu ang katotohanan tungkol sa pagkatao nito, mas napagtuunan ng pansin siguro ang mga kasalanan ng ama at mga maling nagawa at desisyon. Pero nakita rin kasi ni Alana ang ibang aspeto ng pagkatao ni Sir Ernest. Oo, maraming eskandalong kinasangkutan ang ginoo bilang senador at hindi ito naging tapat na asawa kay Ma’am Bernadette. Siguro, masyadong na-pressure ni Sir Ernest si Jose Maria sa political dreams nito. Pero alam din ni Alana na totoong mabait at matulungin si Sir Ernest. Hindi naman ito iboboto ng mga tao kung hindi nakita kahit paano ang kabutihan at kahusayan nito.
Kailanman ay hindi siya pinakitaan ng masama ng senador. Hindi siya hinamak at itinuring na simpleng katulong. Hindi man madalas, nakakarinig pa rin siya ng papuri mula rito. Aware si Sir Ernest sa mga nakukuha niyang tagumpay at minsan, pinagkakaabalahan siya nitong pabilhan ng regalo sa isa sa mga staff nito. May pagkakataon din na kasama siya tuwing tinuturuan ni Sir Ernest si Jose Maria tungkol sa mundo ng politika.
Kahit ganoon ang sinasabi ni Sir Ernest, alam ni Alana na kahit paano, may malasakit ito sa kanya. Alam niya na mas gusto nitong magising siya. Alam din niya na tahimik nitong sinisisi ang sarili. Pero kailangang isipin ng senador ang lahat ng posibilidad. Ito lang ang makakayang isipin ang posibilidad na hindi na siya magigising.
Nang maging mas stable ang kalagayan ng katawan ni Alana, ibinalik siya sa loob ng operating room. Ang reconstructive surgeon naman ang naging abala sa katawan niya. Kailangang siguruhin na hindi pagmumulan ng komplikasyon ang parteng nasunog. Kinailangan ding siguruhin na walang nerves na permanenteng na-damage para maging maayos ang pagkilos niya sa sandaling gumising siya at gumaling.
Nagtuloy-tuloy ang pagganda ng kalagayan ng katawan ni Alana. Ang sabi ng mga doktor, nagiging maayos naman ang paghilom. Pero nilinaw ng mga ito na hindi ibig sabihin niyon, out of danger na siya. She was still subjected to close monitoring. Hindi nagbabago ang kanyang brain activity.
Ilang beses na sinubukan uli ni Alana na magbalik sa kanyang katawan. Gusto na niyang magising. Gusto na niyang ipaalam sa mga mahal niya sa buhay na lumaban siya at nanalo. Pero nakaka-frustrate na hindi niya mapagtagumpayan ang pagbuo ng nagkahiwalay niyang pagkatao. Naisip niya na hindi pa siguro iyon ang tamang panahon. Kailangan pa siguro niyang maghintay.
Nangako si Alana na hindi siya susuko sa paghihintay. Hindi siya maiinip. Nalampasan na niya ang mahirap na parte ng paglaban, paghihintay na lang ang kailangan niyang gawin.
Mula sa ICU, inilipat na ang katawan ni Alana sa isang private hospital suite. Sa hitsura pa lang ng kuwarto, alam niya na hindi biro ang halaga niyon. Kompleto ang kagamitan at masyadong maluwag. Gusto niyang magprotesta at sabihin na puwede na siya sa regular hospital room o kahit na sa ward, pero paano niya ipapaalam?
Blu insisted for the best for her. Nalaman ni Alana na sa section ng mga VVIP inilagay ang kanyang katawan. Napakarami pa rin niyang doktor. Kumuha pa ang pamilya ng personal nurse kahit mayroon namang staff nurse. Araw-araw pa ring nagpupunta sa ospital sina Ma’am Bernadette at Lolo Jose pero si Blu ang nananatili hanggang sa gabi. Halos doon na tumira ang binata.
Sa palagay ni Alana, mas lumago ang pagmamahal niya para kay Blu.
“I love you,” bulong ni Blu. “I’m here when you wake up. I’ll be waiting for you.”
Sa paglipas ng mga araw, dinala ni Blu ang mga musical instrument nito. Nabasa nito na nakakatulong ang musika para sa mga pasyenteng katulad ni Alana kaya halos walang tigil ang pagtugtog ng binata para sa kanya. Alam niyang maituturing na mahusay si Blu sa musika pero noon lang talaga niya napatunayan. Noon niya malinaw na nakita kung gaano ito kahusay.
May parte kay Alana na masaya dahil kasama niya si Blu. Madalas niyang nakikita at napapakinggan ang nililikha nitong magagandang musika. Nahiling lang niya na sana, nasasagot niya ito. Sana ay naririnig siya nito, nakikita at nararamdaman. Sana, alam ni Blu na naroon lang siya at nagmamasid.
Noon lang muling naramdaman ni Alana na mag-isa siya. Kahit napapaligiran siya ng mga taong mahalaga sa kanya, mag-isa pa rin siyang maituturing dahil hindi siya nakikita ng mga ito.
Nang tumagal, kinailangan nang harapin ni Blu ang sariling buhay. Kailangan na uling umikot ang mundo nito. Alam ni Alana na gusto nitong manatili sa kanyang tabi pero nananatiling walang pagbabago sa kanyang kalagayan. She was still in a deep comatose state. Kakailanganin niya ng matagal na medical care.
Sa tingin niya, puwede na siyang lumabas ng kuwarto at sumunod kay Blu sa lahat ng lugar na puntahan nito. Puwede na siyang hindi umalis sa tabi nito sa lahat ng panahon. Pero natatakot pa rin siyang iwanan ang katawan. Hindi niya magawang ipagsapalaran. Idagdag pang hindi talaga siya ang tipo ng babaeng clingy at needy. Hindi siya komportable kahit isipin man lang na hindi niya lulubayan si Blu.
Kay Ma’am Bernadette niya nalaman na naghanap ng trabaho si Blu. Gusto raw nitong makatulong sa medical bills niya. Hindi na raw nito kailangang gawin pero iginiit ng binata. Kaagad namang sumama ang pakiramdam ni Alana. Hindi siya komportableng isipin na nagiging pabigat siya. Sa isang bar nakahanap ng trabaho si Blu. Open Mic ang pangalan ng bar. May open stage at open mic para sa mga gustong kumanta at mag-perform. Isang bartender doon si Blu.
Gustong magprotesta ni Alana sa nalaman. Hindi niya matanggap na pinili ni Blu na maging bartender para sa kanya. Hindi nagtapos sa Juilliard ang binata para maging bartender lang sa Pilipinas.
“It’s temporary,” sabi ni Blu nang bumisita kay Alana nang araw na iyon. Mababakas sa hitsura nito ang pagod at kakulangan sa tulog. “I went in for a drink and I saw the sign. Nag-inquire ako at kaagad natanggap. It had been easy kasi nga I have experience being a bartender in New York. Naging part-time job ko habang nag-aaral pagtuntong ko sa legal age. Kahit na noong naka-graduate ako ay nagba-bartend pa rin ako. It’s the job I know for now. Iyon ang may opportunity. Kaya huwag ka sanang gaanong mag-alala. Huwag mong gaanong pakaisipin. Sa Amerika, I’m just a simple guy. Hindi ako apo ng dating presidente. Hindi naman alam ng lahat na nandito na ako. Okay lang na magtrabaho ako pansamantala. Kahit paano, meron akong kinikita. Hindi ko gustong iasa ang lahat kay Dad. I have to do something. I have failed you already.”
Naiintindihan naman ni Alana ang sinasabi ni Blu. Naiintindihan niya kung bakit nararamdaman nito ang pangangailangan na may magawa para sa kanya, o sa sitwasyon. Pero patuloy na nagpoprotesta ang kanyang buong pagkatao. Masyado na niyang nababago ang buhay ng mga taong mahalaga sa kanya. Masyado na siyang nakakabigat.
“It’s the only place I get comfort nowadays, you know.”
Natigilan si Alana. Noon lang niya napagmasdan nang maigi ang mukha ni Blu. Parang nahihiya ang binata sa inamin sa kanya. Hindi siya sigurado kung sasabihin pa rin iyon ni Blu kapag nagkamalay na siya. Bahagya siyang naawa rito.
“Nahihirapan akong makita ka sa ganyang kalagayan. Minsan, nahihirapan akong huminga sa loob ng ospital na ito. Nakaka-frustrate. Alam ko namang wala akong karapatang makaramdam nang ganoon. Ikaw ang mas nahihirapan. But you have so much to do, Alana. Ang dami mong mga pangarap at gustong gawin. This is not fair. This shouldn’t happen to you.”
“It’s okay, Blu,” sabi niya.
“The place is filled with music. Not always good music pero naroon ang totoong enthusiasm ng mga tao sa musika. Makikita ang kasiyahan nila sa pagkanta, sa pagpe-perform in front of the audience. May kinikita na ako kahit paano at nasa isang comfortable place ako. I’m sorry.”
“It’s okay,” sabi uli ni Alana. Nahiling niya na sana marinig siya ni Blu. Sana maramdaman nito kahit paano na ganap niyang nauunawaan. Kung siya ang nasa kalagayan nito, mahihirapan din siya at maghahanap ng lugar na magpapagaan ng lahat.
“I’ll do everything. Basta huwag ka lang susuko agad, okay?” Hinawakan ni Blu ang kamay ni Alana at hinalikan. “Malalampasan nating lahat ito. Gigising ka at magiging maayos ang lahat.”
Alam ni Alana na hindi magiging ganoon kasimple ang lahat pero kailangang maging positibo ang tingin niya sa hinaharap. Kailangan niyang ganap na paniwalaan na paggising niya, kaya niyang ayusin ang lahat.
Si Ma’am Bernadette ang nagsabi sa kanya ng bigong paghuli kay Sally. Wala silang nakuhang matibay na ebidensiya. May matibay ring alibi si Sally sa araw ng pagdukot kay Alana at sa pagsabog. Iginiit ni Ma’am Bernadette na hindi importante ang alibi dahil umupa ng ibang tao si Sally para ipadukot siya at para pasabugin ang bahay. Wala na raw sa bansa ang babae.
“I’m sorry,” mangiyak-ngiyak na sabi ni Ma’am Bernadette habang hawak ang kamay ni Alana. “Ginawa ko ang lahat pero sadyang hindi ko na alam kung paano siya lalabanan. Gusto kong magkaroon ng hustisya ang ginawa niya sa `yo. I can only imagine what you went through. I can only imagine what went through your head while you’re inside that house. Gusto kong maparusahan siya sa lahat ng nagawa niya. Gusto kong gamitin ang lahat ng koneksiyon na mayroon tayo pero parang nananalo pa rin siya. Nagagawa pa rin niyang makatakas at manalo. I don’t know what to do anymore.” Tuluyan nang napaiyak ang ginang.
Kung magagawa lang niya, niyakap na sana ni Alana si Ma’am Bernadette. Gusto niyang sabihin na darating ang araw na matatapos din ang lahat ng paghihirap nito. Darating ang araw na mapagbabayad nila si Sally sa lahat ng kasalanang nagawa nito sa pamilya. Gusto niyang marinig ni Ma’am Bernadette mula sa kanya na hindi ito dapat panghinaan ng loob gaya ng madalas niyang sabihin tuwing nagsasabi ang ginang ng mga problema sa kanya. Mas madalas nagpapakatatag ang ginang sa harap ng ibang tao. Hindi ito iyakin. Pero pagdating kay Alana, hinahayaan nitong makita niya ang ilang kahinaan at pagdududa nito.
“Kapag nagising ka, makakatestigo ka laban sa kanya. Mas magiging maganda ang laban natin.” Pinahid ni Ma’am Bernadette ang mga luha sa pisngi. “Pero basta magising ka lang, Alana. Hindi na magiging mahalaga ang ibang mga bagay. Basta maging maayos ka lang, anak. Hindi ko kakayanin kung mawawalan ako ng isa pang anak. Open your eyes again, okay? Take your time if you must. Hayaan mong maghilom ang lahat ng dapat maghilom. We’ll be here waiting.”
“Mahal ko kayo, Ma’am Berna. Mahal na mahal.” Ito na ang itinuring niyang ina mula noong mapunta siya sa poder ng mga Tolentino.
Madalas na tanghali kung bumisita si Lolo Jose. Minsan, kasama nito si Nanay Delia na nagdadala ng mga paborito niyang pagkain. Dahil hindi siya makakain, binubuksan na lang nito ang mga baunan para maamoy niya. Si Nanay Delia ang nag-aayos sa katawan ni Alana at katu-katulong nito ang nurse. Sinusuklayan siya ng matanda at pinapahiran ng lotion ang hindi napinsalang bahagi ng kanyang balat. Hindi nito kailangang abalahin ang sarili dahil may personal nurse na gumagawa ng lahat ng iyon pero parang gusto nitong may magawa para sa kanya kahit maliit na bagay lang.
Binabasahan siya ni Lolo Jose. Sinisimulan nito sa broadsheet. Maging ang opinyon nito ukol sa ilang issues na nakakuha sa interes nito ay naririnig niya. Madalas nilang gawin iyon noon. Madalas na sa umaga habang nag-aalmusal o habang abala sila sa hardin nito. They would argue from time to time about certain issues. Madalas biruin ni Alana si Lolo Jose sa pagiging may edad kaya mas nagiging conservative ang mga tingin nito sa bagay-bagay.
You can not teach an old dog with new tricks, tukso pa niya. Sa kabila niyon, alam niya na alam ni Lolo Jose na masyado niyang pinapahalagahan ang bawat opinyon nito. Hindi lang siya ang ganoon, karamihan din sa mga Filipino.
“Remember when you told me you don’t want to disappear without living the life you want to live?” marahang pagkausap sa kanya ni Lolo Jose isang tanghali. “Mas pinatunayan mo sa akin noon kung gaano ka katatag, kung gaano ka kapursigido sa buhay. Magpapaulit-ulit ako hanggang sa magising ka, apo. Lalo siguro akong magpapaulit-ulit kapag nagising ka. You’re a survivor. You’re meant for something great. So fight and wake up. Come back to us.”
“I’m coming back,” pangako ni Alana. “I’m not going to disappear without living the life that I want to live.”