Pagpasok sa loob ng mansyon, agad siyang iniupo ng lalaki sa malaking sofa.
“Ouch,” inarte pa niya para magmukhang makatotohanan ang arte niya.
“Ikukuha muna kita ng yelo,” paalam nito.
Tumango siya at sinundan ito ng tingin. Gwapo nga ang lalaki, walang duda. At mukhang hindi siya nito naaalala.
Ginala niya ang mga mata sa loob ng mansyon. Maganda at maayos ang buong mansyon. Halata ang karangyaan sa loob dahil sa mga materyales na ginamit sa pagde-design at mga kagamitan sa loob ng mansyon.
Maya-maya pa, nakita na niya pabalik ang lalaki. Pasimple niyang tinignan ito habang naglalakad palapit sa kinauupuan niya. Napagmasdan niya ito nang mabuti. Gwapo at may magandang pangangatawan ang lalaki. Matangkad din ito, hindi masyadong maputi, sakto lang ang tan na kulay nito. Kung i-rate niya ang lalaki, lalagpas ito ng 100%. Ganyan kaganda at lakas ng dating sa kanya ang lalaki.
“Come here. Lagyan ko muna ng yelo bago ko ibalot,” sabi nito nang makalapit sa kanya.
Naupo ito sa kabilang sofa at pinataas ang paa niya. Nahihiya pa niyang pinatong ang paa sa yelong sala nito sa may maliit na upuan.
“Masakit pa ba?” tanong nito. Sinulyapan siya ng lalaki.
Nagkatitigan ang mga mata nila. May magagandang mata rin ang lalaki. Makapal ang kilay nito na itim. Matangos din ang ilong nito at may manipis na mga labi na perfect na perfect sa gwapo nitong mukha. Pakiramdam niya, ngayon lang siya nakakita ng ganito kagwapong lalaki. Kung sa bagay, hindi naman niya ugaling pagmasdan pa ang mga nakikilalang lalaki. Even Gael Saavedra, hindi niya napagmasdan nang ganito. Kung sa bagay, she never got close to Gael since day one, dahil nga ayaw sa kanya ni Gael.
“Hindi na masyado,” sagot niya.
“Good. Maya-maya lagyan ko ng balot para gumaling sa bahay n’yo,” malumanay na sabi nito sa kanya at bahagyang ngumiti.
Hindi nga ba siya nakikilala nito? Kung sa bagay, ibang-iba marahil ang itsura niya ngayon kumpara gabing ‘yon. Isa pa, madilim kaya marahil hindi na nito naalala ang itsura niya.
“Sir Lance,” tawag sa lalaki sa di kalayuan.
Sabay pa silang napalingon ng lalaki sa tumawag rito. Isang may edad nang babae, mukhang kasambahay.
“Ano ho ‘yon, Manang?” tanong ni Lance sa kasambahay.
Lumapit ang kasambahay. Nasulyapan pa siya nito at tumango. Tumango naman siya kahit papano.
“Eh, sir, si Mayeng po kasi, sinugod sa ospital. Manganganak na po.”
“Ganoon ba? Kabuwanan na nga pala niya,” malumanay na sagot ni Lance sa kasambahay.
Palihim siyang napangiti dahil napansin niyang marunong itong makisama sa kasambahay. Hindi ito tulad ng ibang mayaman na kung ituring ang mga kasambahay ay mababa. Pasimple siyang nakikinig sa usapan ng mga ito hanggang sa marinig niyang kulang ang kasambahay sa bahay dahil nanganak ito, at matatagalan pang makabalik.
May kumislap na isang idea sa isip niya. Kung gusto niyang makilala si Lance at mapalapit rito, bakit hindi siya magtrabaho rito? Baka ito na ang pagkakataon niya para mas makilala pa ang isang Lance Sebastian.
“Ah, aray,” inarte niya at pasimpleng ginalaw ang paa para malaglag ang yelo.
Nagtagumpay naman siya dahil nalipat sa kanya ang atensyon ni Lance. Mabilis namang nagpaalam ang kasambahay kay Lance.
“Sorry, bigla kasing kumirot,” inarte niya.
Dinampot naman nito ang yelo at muling binalik sa paa niya.
“Maya-maya lang, puwede na nating ibalot,” sabi nito.
“Narinig ko, kulang ang kasambahay n’yo,” sabi niya.
“Yeah,” alanganing sagot nito at tinitigan siya.
“Baka po puwede ako mag-apply na kasambahay,” mabilis na sabi niya.
Nakita niya ang gulat sa mga mata ni Lance. Bahagya ding kumunot ang noo nito habang titig na titig sa kanya. Marahil sinusuri ang sinabi niya.
“Wala po kasi akong trabaho ngayon, kaya napauwi ako dito at nakikitira kay Tiyang Flor,” drama niya. Buti na lang mabilis umandar ang isip niya at nakapag-drama siya agad.
“Really?” alanganing tanong nito na ang ekspresyon ay hindi makapaniwala. Sinuri pa siya nito ng tingin. Nagtagal ang mga mata nito sa mukha niya. Alam niyang maganda siya para maging isang kasambahay lang. Pero para kay Lance, gagawin niya lahat dahil nais niyang itong lubusang makilala.
“Opo,” sagot niya sabay tango. Determinado siya. Ito kasi ang paraan para mapalapit siya kay Lance. Baka kaya siya dinala ng tadhana rito ay para makilala ang isang Lance Sebastian. Naniniwala pa rin siya sa tadhana. At baka kaya nangyari ang lahat sa kanila ni Gael ay hindi si Gael ang lalaking itinadhana para sa kanya. Baka ang lalaking nasa harapan niya ngayon ang lalaking nakatadhana sa kanya.
Nadismaya siya matapos ipagbilin ni Lance sa driver na ipahatid na siya sa bahay ni Yaya Flor. Umasa pa naman siyang si Lance mismo ang maghahatid sa kanya sa bahay.
“Kung payagan ka ng Tiyang Flor mo na mamasukan dito sa asyenda, puwede ka nang magsimula bukas. Alam na ni Manang Flor lahat ng rules ko sa bahay. Tanong mo na lang sa kanya,” litanya nito sa kanya.
Malungkot siyang tumango rito. Inaasam pa naman sana niyang ito ang maghahatid sa kanya sa bahay.
“Fred, ikaw na ang bahala sa pamangkin ni Manang Flor. Pakihatid na lang siya sa bahay ni Manang Flor,” sabi ni Lance sa lalaking may edad na rin.
“Sige po, Sir,” sagot ng lalaki at niyaya na siya nito pasakay sa itim na kotse.
Bago siya sumakay, sinulyapan pa niya si Lance na papasok na sa malaking bahay. Hawak nito ang cellphone at tila may kausap na. Baka ang nobya, bulong ng isip niya at malungkot na sumakay sa passenger seat.
“Hindi ko alam na may magandang pamangkin pala si Flor,” sabi ng driver habang tinatahak nila ang daan.
Hindi na lang siya kumibo pa. Tahimik lang siyang nakatanaw sa labas ng bintana. Nadismaya man siya, hindi naman nasayang ang pagtungo niya ng mansyon. Dahil bukas babalik siya ng mansyon para magtrabaho kay Lance bilang kasambahay nito. Sigurado siya sa gagawin. Walang dahilan para hindi niya gawin, para lang mapalapit kay Lance.
Kinabukasan, maaga siyang nagising para sabihin kay Yaya Flor ang pagpasok niya bilang kasambahay sa mansyon. Hindi na kasi niya nagawang sabihin kahapon dahil may bisita ang Yaya Flor niya nang datnan niya ang bahay. Pamangkin na lalaki ni Yaya Flor at dinadalaw ito. Mukhang nanghihingi lang naman ng pera dahil nakita niyang inabutan ng pera ni Yaya Flor. Hindi nga rin niya nagustuhan ang pag-uusisa nito tungkol sa kanya at lalong-lalo na ang mga pagsulyap nito sa kanya. Buti na lang at umuwi agad at hindi na nagpalipas ng gabi sa bahay ni Yaya Flor. Dahil kung nagkataon, hindi siya makakatulog sa bahay na may kasamang lalaking hindi naman niya kaano-ano.
“Pumasok kang kasambahay sa mansyon?” gulat na tanong ni Yaya Flor sa kanya habang nag-aalmusal sila nito.
“Opo,” sagot niya habang minamasahe ang nananakit na likod dahil sa pagkakahiga sa papag kagabi. Nahirapan nga siyang makatulog dahil matigas ang papag at walang aircon. Bukas ang bintana na tanging kurtina lang ang tabing.
“Bakit?!” gulat pa rin na tanong nito.
“Kailangan ko po ng trabaho.”
“Julia! Hindi ka pang kasambahay lang! Magagalit sa akin ang Kuya Dylan mo pag pinayagan kitang gawin ‘yan!” bulalas nito.
“Pero Yaya Flor, nakapangako na po ako kay Lance,” sagot niya at sumubo ng papaya.
“Naku, bata ka! Ano bang pumasok sa isip mo at pumasok kang kasambahay? Mapapatay ako ng Mommy at Daddy mo pag nalaman nila ito,” may pag-aalala sa tinig nito.
Buo na ang desisyon niya. Mamasukan siyang kasambahay at magsisimula na siya ngayong araw.
“Gusto ko pong makilala nang husto si Lance Sebastian,” amin niya kay Yaya Flor.
“Si Sir Lance? Bakit?” tanong nito at napaupo sa upuan tapat niya.
“Yaya Flor, for the first time in my life, I found someone better than Gael Saavedra, and that’s Lance Sebastian. Kaya po gusto kong makilala pa nang husto si Lance,” amin niya kay Yaya Flor.
Malungkot ang mga matang tinitigan siya ni Yaya Flor. Alam niyang alam ni Yaya Flor kung gaano siya nasaktan kay Gael Saavedra.
“Julia, ayokong masaktan ka ulit. Ayokong muling madurog ang puso mo,” malungkot na sabi nito at hinawakan ang kamay niya. “May nobya na si Sir Lance, Julia. Baka masaktan ka ulit,” may pag-aalala sa tono ni Yaya Flor.
Ngumiti siya nang mapait na ngiti. Sa pagkakataong ito, hindi niya hahayaang masaktan siya. She is Julia Santillan, and she is willing to do everything to get what she want. And this time, sinisigurado niya ang panalo niya. Kung kay Gael naagawan siya, this time siya ang mang-aagaw.