Chapter 1- Day One At Work

1489 Words
ALAS SIYETE pa lang ng umaga ay inihatid ni Mang Arsenio si Jed sa main branch ng The King’s Hypermart sa Makati. Alas otso daw nagbubukas ang hypermarket kaya dapat siyang makarating doon ng maaga. Pagdating ni Jed sa employee’s parking lot ng hypermarket ay may sumalubong sa kanyang guwardiya. Nang magpakilala siya rito ay agad siyang sinamahan sa mismong opisina ng store manager. Wala pang tao sa opisina maliban sa lalaking inabutan niya roon. Sa tantiya niya ay nasa kuwarenta pataas na ang edad nito. Tahimik na nakaupo ito sa swivel chair ngunit agad din namang tumayo nang makita siya. “Good morning po, Sir!” masiglang bati nito na sinabayan pa ng bahagyang pagyuko. “Good morning,” ganting tugon ni Jed. “Ikaw ba ang store manager dito?” “Yes, Sir. Ako po si Alberto Caoile,” sagot nito saka inilahad ang kamay sa kanya. Tinanggap naman ni Jed ang kamay nito. “Ako si Joseph Edrick. Tawagin mo na lang akong Jed,” aniya. “Okay, Sir Jed,” nakangiting wika ni Alberto. May kinuha ito sa ibabaw ng mesa at inabot sa kanya. “Heto pala ang uniform ninyo. Dito na po kayo magbihis,” anito saka itinuro ang pintuan malapit sa mesa nito. Tinanggap ni Jed ang supot bago tinungo ang pintuan itinuro ng store manager. Nang buksan niya ang supot ay tumambad sa kanya ang itim na pantalon, berdeng polo, at itim na sapatos. Sinipat niyang mabuti ang uniform. May naka-embossed na logo ng hypermarket sa bulsa nito sa bandang kaliwa ng dibdib. Ibinaba niya ang kanyang body bag. Saka niya tinanggal ang suot na rubber shoes bago hinubad ang kanyang polo at pantalon. Pagkatapos ay isinuot niya ang uniform. Kasyang-kasya sa kanya ang pantalon at polo. Pero ang sapatos ay eksakto lang sa paa niya. Kung sasakit ang paa niya mamaya, kailangang niyang magdala ng sariling sapatos bukas. Maingat niyang itinupi ang pinagbihisan saka isinilid sa supot. Pagkatapos ay ipinasok niya ito sa kanyang body bag. Bago siya lumabas ng banyo ay muli niyang tinapunan ng tingin ang sarili sa salamin. Hindi na siguro siya makikilala sa itsura niya. Nagsuot siya ng contact lense na dark brown para maitago ang asul niyang mata. Inahit din niyang mabuti ang kanyang balbas at walang iniwang bakas. Ipinagupit na rin niya ng army cut ang buhok na halos hanggang batok ang haba. Pinakulayan pa niya ito ng itim para itago ang totoong kulay nito na light brown. Bukod doon ay tinanggal din niya ang lahat ng alahas sa katawan tulad ng kuwintas, bracelet, at relo. Pakiramdam niya tuloy ay hindi lang katauhan niya ang nagbago kundi ang buong pagkatao niya. “Hindi na kayo makikilala sa suot ninyo, Sir,” bati ng store manager paglabas ni Jed ng banyo. Tipid siyang ngumiti. “Mabuti naman kung gano’n. Saan ko puwedeng iwan ang bag ko?” tanong niya rito. “Ah, may sariling locker po ang mga empleyado sa supermarket,” tugon ni Alberto. “Kung gusto n’yo naman, iwan na lang n’yo sa akin. Kaya lang baka may makahalata sa atin. Bilin pa man din ni Don Januario na tayong tatlo lang ang makakaalam ng sikreto,” dagdag pa nito. “Okay, sige. Itatago ko na lang ito mamaya,” patamad na wika ni Jed. Sana nga walang makadiskubre sa sikreto nila. Kapag nagkataon, hindi lang siya ang mapapahiya kung hindi pati ang Lolo at ang mismong pamilya nila. Napailing na lang siya sa naisip. “Tara na, Sir. Dadalhin ko na kayo sa supermarket. Malapit nang mag-alas otso. Siguradong naghahanda na ang mga empleyado,” sambit ni Alberto. Nauna na itong naglakad palabas ng opisina kaya sinundan na lang ito ni Jed. “Bakit wala pang tao sa opisina?” nagtatakang tanong ni Jed nang nasa loob sila ng elevator. “Sir, mamayang alas-nueve pa ang pasok sa opisina kaya wala pang dumarating. Pero ang supermarket ay bukas na ng alas-otso,” paliwanag ng store manager. “Anong oras naman nagbubukas iyong department store?” curious na tanong ni Jed. “Alas nueve rin po kasabay ng office hour,” maikling tugon ni Alberto. Napa-buntunghininga si Jed. Kailangan niyang maalala ang lahat ng ito kung magiging general manager siya ng The King’s Hypermart. Ngayon pa lang ay nag-iisip na siya ng magandang ideya at plano para sa hypermarket. Nang makalabas sila sa elevator ay dumiretso sila sa isang nakasaradong pintuan. Kumatok ng tatlong beses si Alberto bago nito pinihit ang doorknob. Pagbukas ng pintuan ay bumungad sa kanila ang isang animo’y maliit na opisina. May apat na mesa ang naroon at bawat isa rito ay may nakaupo na babae. “Good morning, Sir,” halos sabay-sabay na bati ng mga naroon. “Good morning,” bati rin ni Alberto bago ito lumapit sa babae na nasa unahang mesa. “Miss Flora, siya si Jed,” anito sabay lingon sa kanya. “Siya ang bago nating trainee. Makakasama mo siya sa supermarket. Gusto kong i-assign mo siya bilang bagger sa fast lane,” utos pa nito. “Sir, sa fast lane ko siya ilalagay? Bakit gano’n? Kung trainee siya, dapat doon siya sa malalaking counter para mas marami siyang matutunan,” pahayag ni Miss Flora. Umiling si Alberto. “No, sa fast lane mo siya ilagay. Wala pa siyang experience sa trabahong ito kaya doon muna siya sa fastlane. Kapag marami na siyang alam, saka mo na lang siya ilipat,” wika ng store manager. Napansin ni Jed na bahagyang sumimangot si Miss Flora. “That’s an order kaya kailangan mong sundin,” paalala pa ni Alberto. “Okay, Sir. Kung iyan ang gusto ninyo, susundin ko,” sang-ayon ni Miss Flora. “Kung gano’n, iiwan ko na siya sa iyo,” sambit ni Alberto pagkatapos ay binalingan nito si Jed. “Si Miss Flora na ang bahala sa iyo. Siya ang supervisor sa supermarket.  Huwag kang mag-alala, kaya mo ito.” Tinapik pa nito ang balikat niya bago lumabas ng naturang opisina. Pagkaalis ni Alberto ay napansin ni Jed ang masusing pagtitig ni Miss Flora sa kanya. Seryoso ang mukha nito habang tinitingnan siya mula ulo hanggang paa. Naasiwa tuloy siya sa ginagawa nito. “Hmm…wala sa itsura mo ang maging bagger. Kamag-anak mo ba si Sir Caoile kaya ka nakapasok dito sa TKH?” usisa ni Miss Flora. Hindi malaman ni Jed kung paano sasagutin ang tanong nito. Akmang ibubuka niya ang bibig ngunit agad din niyang isinara nang wala siyang maisip na isagot. “Ah, never mind!” Iwinasiwas ni Miss Flora ang kamay nito. “Palagay ko ay alam ko na ang sagot,” nakaismid nitong sabi. Hindi na nagsalita si Jed. Baka mamaya ay iba pa ang masabi niya. “Halika at dadalhin kita sa locker area ninyo,” sambit ni Miss Flora. Lumabas ito ng opisina at sinundan naman niya ito. Pagkatapos maiayos ni Jed ang gamit ay dinala siya nito sa supermarket. “Good morning, Ma’am,” bati ng mga empleyado kay Miss Flora nang makita sila. “Nasaan si Mariella?” mataas ang boses na tanong nito. Nagkatinginan ang dalawang babae na napagtanungan nito. “Ma’am nandito po ako,” bahagyang sigaw ng isang babaeng nakataas ang kamay. “Halika dito. Bilisan mo,” utos ni Miss Flora sabay kaway sa babae. Habang naglalakad ang babae patungo sa kanila ay hindi mapigilan ni Jed na titigan ito. Maliit lang ang babae ngunit maganda at maamo ang mukha nito. “Good morning po, Ma’am. May kailangan po kayo sa akin?” nakangiting tanong nito nang huminto sa harapan nila ni Miss Flora. “Mariella, siya si Jed, ang bago nating trainee,” wika ng supervisor saka sumulyap sa kanya. “Siya naman si Mariella, ang cashier na tutulungan mo. Huwag kang tatamad-tamad kung ayaw mong ilipat kita sa malalaking counter,” banta pa nito. “Ah, ako na po ang bahala sa kanya, Ma’am,” sabad ni Mariella. “Okay, aalis na ako.” Bago umalis si Miss Flora ay tinapunan pa nito nang matalim na titig si Jed. “Bakit siya galit?” puna ni Jed nang makalayo ang supervisor. “Huwag mo na lang siyang pansinin. Istrikto talaga si Miss Flora,” tugon ni Mariella. “Pero sigurado ka bang bagger talaga ang inaplayan mong trabaho?” usisa nito habang nakatitig ng diretso sa kanya. “O-oo. B-bakit?” nag-aalalang tanong niya. Napailing si Mariella. “Hindi mo bagay. Mas bagay sa iyong maging artista o model.” Kumunot ang noo niya sa sinabi nito. “Ang guwapo mo, eh. Para kang naligaw na artista dito sa supermarket,” nakangiting wika ni Mariella. Biglang uminit ang mukha ni Jed sa narinig. Shit! Mabibisto pa yata ang disguise niya. Lagot siya nito kay Lolo Januario!
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD