“HALIKA NA, punta na tayo sa station natin,” yakag ni Mariella. Hindi na niya hinintay na magsalita pa si Jed. Nauna na siyang naglakad. Ngunit nang mapansin niyang wala ang binata sa tabi niya ay nilingon niya ang kanyang likuran. Nakita niyang nakatayo pa rin ang lalaki kung saan sila nag-usap.
Akmang sesenyasan sana ito ni Mariella pero sa iba naman nakatingin si Jed. Nagkakamot ang ulong binalikan niya ito.
“Hoy, ano pa bang ginagawa mo diyan? Tara na,” wika ni Mariella sabay hila sa kamay ni Jed.
“Wait, sandali. Saan ba tayo pupunta?” usisa ni Jed. Akmang hihilain nito ang kamay ngunit hinigpitan naman ni Mariella ang paghawak niya rito.
“Doon na tayo sa puwesto natin. Magbubukas na ang supermarket. Baka mapagalitan pa tayo ni Miss Flora kapag wala pa tayo roon,” paliwanag ng dalaga.
Hindi na umimik pa si Jed. Hindi na rin nito hinila ang kamay. Basta sumunod na lang ito sa kanya.
Nang makarating sina Mariella sa kanilang counter ay saka pa lang binitiwan ng dalaga ang kamay ni Jed.
“Dito ka lang muna. Kukunin ko lang iyong kaha para dito sa counter,” ani Mariella at nagmamadaling iniwan ang binata.
Pagbalik niya ay nadatnan niya si Jed na hinihimas ang kamay nitong hinawakan niya kanina.
“Masakit ba?” nag-aalalang tanong niya.
“Ah…hindi naman,” napailing na tugon ng binata. “Hindi kasi ako sanay,” dagdag pa nito sabay kagat ng pang-ibabang labi habang nakayuko ito.
Hindi sanay? Saan hindi sanay ang lalaking ito?
Habang nakatitig si Mariella kay Jed ay napalunok siya nang wala sa oras. Pakiramdam niya ay nang-aakit ang binata habang kinakagat nito ang labi. Kung bakit naman kasi napakaguwapo nito. Naengganyo tuloy siyang titigan ito nang husto. Single pa kaya ito o may sabit na?
Hep, hep, Mariella! Kumalma ka! Trabaho ang ipinunta ng lalaking iyan at hindi maghanap ng nobya. Huwag mo nang pag-interesan pa.
Napabuga siya ng hangin saka pilit na umiwas ng tingin dito. First time pa lang niyang makita ang lalaking ito ngunit iba na ang epekto nito sa kanya.
“Anong gagawin ko?” usisa ni Jed nang mapatingin sa kanya.
Nag-alis ng bara sa lalamunan si Mariella. “Ah, tuturuan kita nang gagawin mo. Heto ang mga plastic bag.” Itinuro niya ang mga supot na nakasalansan sa tabi ng counter niya. “Tandaan mo ang mga size nila para hindi ka mahirapan sa pag-aayos ng mga pinamili ng customer. Kung may mga delata o iyong mabigat na produkto, lagyan mo muna ng karton ang ilalim ng supot para hindi ito masira dahil sa bigat. Tapos kailangan din na nakahiwalay ang mga pagkain sa mga toiletries para hindi maghalo ang amoy. Kapag marami iyong binili ng customer, tanungin mo siya kung gusto niyang ipalagay sa kahon para hindi ka na maglalagay sa supot,” paliwanag ng dalaga. “Naintindihan mo ba?”
“Ah…medyo,” alanganing tugon ni Jed.
Napakamot ng ulo si Mariella. “Hindi bale, tutulungan na lang kitang maglagay sa supot mamaya. Tapos gayahin mo na lang iyong gagawin ko.”
“O-okay, sige,” tumatangong tugon ng binata.
Hindi na muling umimik si Mariella. Inayos na lang niya ang pera sa cash register. Hindi pa man siya tapos sa kanyang ginagawa ay nagbukas na ang supermarket. Kasunod nito ay may mga customer na ring dumating.
Eksaktong natapos siya sa kanyang ginagawa nang may lumapit sa counter nila. Nang ibaba ng may-edad na babae ang pinamili nito sa counter ay napansin niyang mga gulay at karne ang laman ng basket nito.
Pagkatapos mai-punch ang karne ay maingat itong ibinaba ni Mariella sa tabi ni Jed. “Ganito ang gawin mo sa frozen products bago mo isama sa mga gulay mamaya,” aniya habang inilalagay sa maliit na plastic bag ang karne.
“Sige,” maikling tugon ni Jed.
Nang mai-punch ni Mariella ang lahat ng pinamili ng customer ay tinulungan niya si Jed sa paglalagay sa plastic bag.
“Bakit tinutulungan mo pa siya? Hindi naman marami ang binili ko,” puna ng customer nang mapansin ang ginawa ni Mariella.
“Naku, pasensiya na po kayo. Bago lang po kasi itong kasama ko kaya hindi pa niya kabisado ang trabaho niya,” paliwanag ng dalaga pagkatapos kunin ang bayad mula rito.
Tiningnan ng customer si Jed saka ito napailing. “Guwapo nga, hindi naman marunong magtrabaho,” halos pabulong nitong sambit.
Napakurap si Mariella sa narinig. Napasulyap siya kay Jed. Hindi marahil narinig ng binata ang sinabi ng babae dahil abala pa rin ito sa pag-aayos.
Nang iabot ng dalaga ang sukli at resibo sa customer ay napansin niyang tinapunan pa nito ng tingin ang binata bago ito tuluyang umalis.
“Bakit ganyan ka makatingin doon sa customer?” tanong ni Jed kay Mariella.
“Hindi mo ba narinig ang sinabi niya tungkol sa iyo kanina?” balik-tanong niya rito.
“Na guwapo ako pero hindi marunong magtrabaho?” patanong na tugon ng binata.
“Akala ko ay hindi mo narinig iyon,” nahihiyang sambit ni Mariella. Pakiramdam niya ay siya ang napahiya sa sinabing iyon ng customer.
“Umabot sa pandinig ko iyong sinabi niya pero hindi na lang ako nag-react. Customer kasi siya. Sabi nila, customer is always right,” tugon ni Jed.
Napa-buntunghininga si Mariella. Alam niyang nasaktan si Jed sa narinig nito. Pero mabuti na lang at mahinahon ito.
“Hindi bale tutulungan pa rin kita. Basta huwag mo na lang pansinin kapag may customer na naiinis. Ganyan talaga sila,” pampalubag loob niya rito.
“Salamat at naintindihan mo ako. Mabuti na lang at ikaw ang kasama ko.” Matipid siyang nginitian ng binata.
Napahawak si Mariella sa kanyang dibdib nang masilayan ang ngiti ni Jed. Bigla na lang bumilis ang t***k ng puso niya. Parang gustong kumawala ang puso niya mula sa ribcage. Ngitinitian pa lang siya ng binata ngunit kakaiba na ang reaction ng katawan. Paano na lang kaya kung makakasama pa niya ito nang matagal? Baka hindi na siya makapagtrabaho nang maayos.
Hoy, Mariella! Ang landi mo, ah! Ngayon lang kayo nagkita ni Jed pero iba na ang tinatakbo ng utak mo. Advance kang mag-isip, ‘te? Baka may girlfriend na iyong tao, masasaktan ka lang.
Ipinilig ni Mariella ang ulo baka sakaling mawala ang kung ano-anong pumapasok sa isip niya.
“May problema ba?” kunot-noong tanong ni Jed sa kanya.
“Ah…w-wala,” ani Mariella sabay iling sa binata.
Tinalikuran na niya ito at hinarap ang cash register. Bahagya pa niyang hinaplos ang dibdib upang pakalmahin ang sarili.
Haisst! Ikaw naman kasi kung makatitig ka kay Jed parang may gusto kang mangyari. Kunting pino naman ng kilos. Ngayon lang kayo nagkita kaya huwag mo namang ipahalata na may gusto ka na agad sa kanya.
Mariing ipinikit ni Mariella ang mga mata. Kinakabahan na siya sa daloy ng isip niya.
“ALAS DOSE na pala, mag-lunch break muna tayo. Tapos bumalik na lang tayo dito mamayang alas dose y medya,” utos ni Mariella kay Jed nang marinig niya ang malakas na buzzer.
“Okay, sabay na tayo,” wika ni Jed nang mapatingin sa kanya.
“Sige pero aayusin ko muna itong kaha bago tayo umalis,” sambit naman ni Mariella.
Nang maayos ni Mariella ang kanyang kaha ay inihatid muna niya ito sa customer service saka sila sabay na umalis ni Jed.
“May dala ka bang baon?” usisa ni Mariella nang makarating sila sa mesh hall ng mga empleyado.
Napakamot ng kanyang ulo si Jed. “Ah, wala pala akong baon. Hindi bale tatawag na lang ako sa bahay para maghatid sila ng pagkain ko.”
“Malapit lang ba ang bahay ninyo dito?” tanong ni Mariella nang mapansin na inilabas ni Jed ang cellphone nito.
“Oo naman. Taga-San…ibig kong sabihin, malapit lang ang bahay namin. Mga one ride lang mula rito,” sagot nito saka kinagat ang labi.
Nakaramdam ng panunuyo ng lalamunan ang dalaga nang mapansin ang ginawa ng binata na pagkagat ng labi nito habang nakatutok ang mata sa cellphone. Bigla siyang nauhaw kaya kinuha niya ang tumbler at uminom ng tubig.
Pagkababa niya ng kanyang tumbler ay nakita niyang may pumasok na security guard sa mesh hall. May kinausap ito na empleyado bago naglakad patungo sa kinauupuan nila.
“Ikaw ba si Jed?” tanong ng guwardiya nang makalapit sa kanila.
Nag-angat ng tingin ang katabi ng dalaga. “Ako nga. Bakit?”
“May naghatid ng baon mo,” tugon ng guwardiya nang ibaba nito sa mesa ang isang paper bag.
“Salamat,” sambit ni Jed.
Tumango lang ang guwardiya saka ito umalis.
“Ang bilis namang dumating ng baon mo. Parang express lane lang, ah,” komento ni Mariella habang inilalabas ni Jed ang laman ng paper bag.
“Alam kasi nila na lunch time na,” wika ng binata saka isa-isang binuksan ang tatlong layer ng lunch box.
“Wow! Ang sarap naman niyan!” hindi mapigilang sambit ni Mariella nang makita ang baon ni Jed na adobong baboy at buttered vegetables.
“Gusto mo?”
Hindi pa man sumasagot si Mariella ay naglagay na si Jed ng karne at gulay sa baunan niya.
“Salamat, ha?” nakangiting sambit ng dalaga.
“No problemo. Kung gusto mo pa, kumuha ka lang,” wika nito at inilapit sa kanya ang mga lunch box na may lamang ulam.
Habang kumakain sila ay hindi mapigilan ng dalaga ang sariling panoorin ang binata. Masyado itong pinong kumilos. Kakaiba sa mga lalaking nakilala niya na kung kumain ay parang laging nagmamadali.
“Bakit?” magkasalubong ang kilay na tanong ni Jed nang mapasulyap sa kanya.
“Wala naman. Naisip ko lang ang guwapo mo na at ang bait mo pa. Tapos ang hinhin mo rin na kumilos.”
Tumaas ang kilay ni Jed habang nakatitig sa kanya.
Susme!
Biglang naitakip ni Mariella ang kamay sa kanyang bibig nang maisip ang implikasyon ng sinabi niya.