Chapter 3 - Our Workplace

1655 Words
“PAKIBILISAN naman at nagmamadali ako,” narinig ni Mariella na reklamo ng isang customer. Nilingon niya si Jed na naglalagay ng mga pinamili sa supot. Mukhang nahihirapan ito kaya natatagalan sa paglalagay sa supot. Pang-ilang customer na nila ang nagrereklamo. Hindi yata sanay sa trabaho ang kasama niya. Kumuha si Mariella ng supot at tinulungan si Jed sa ginagawa nito. “Pasensiya na po kayo. Bago lang po itong kasama ko kaya nahihirapan pa,” wika niya habang inilalagay sa supot ang mga pinamili. “Turuan mo siya. Mas magaling ka pa yata kaysa sa kanya,” sabi naman ng customer. Nakagat ni Mariella ang ibabang labi. “Tutulungan ko na lang po siya,” ang sabi niya rito. Ganoon nga ang ginawa ng dalaga. Kapag marami ang binili ng customer ay tinutulungan niya si Jed. Ngunit kung iilang piraso lang ay hinahayaan na niya ito. Mabilis na lumipas ang oras. Bandang alas alas dos na noong maubos ang mga nakapila sa lane nila. “Hindi ba puwedeng umupo rin? Nakakapagod ang trabahong ito,” sita ni Jed nang mapansin nitong wala ng nakapila. Umiling si Mariella. “Pasensiya na. Wala namang upuan dito. Sumandal ka na lang diyan.” Itinuro niya ang dulo ng counter kung saan may harang sa pagitan niya at kay Jed. Ngunit imbes na sundin siya ni Jed ay nag-stretching ito saka nag-bending. Napalunok ng ilang beses si Mariella nang mapansin ang mga muscles ni Jed na emphasize dahil sa paggalaw nito. Mas bagay talaga ng lalaking ito ang maging model o kaya’y artista. Bukod sa guwapo na ito, maganda pa ang pangangatawan. Siguradong maraming pakikiligin ang lalaking ito. Kanina na nga lang ay may ilang silang customer na ganoon na lang ang ginawang pagtitig sa binata. Akala mo’y noon lang nakakita ng guwapo. Iyong iba naman ay kinakausap pa ito. May napansin din siyang mga customer na kusang hinahawakan ang kamay ng binata kapag inaabot nito ang kanilang pinamili. Hindi niya maiwasang makaramdam ng inis sa mga customer na iyon. Kung makaasta sila, akala mo naman kasama sa pinamili ang pananantsing sa binata. Oops! Ano iyan, Mariella? Nagseselos ka? Uy, paalala lang, ha? Wala kang karapatang makaramdam ng ganyan dahil hindi mo boyfriend si Jed. Kasama mo lang siya sa trabaho. Huwag mo siyang ibakuran at ipagdamot sa iba. Hindi ka niya girlfriend para gawin mo iyon. Hintayin mo siyang manligaw saka mo sagutin, iyan ay kung liligawan ka niya. Paano kaya kung hindi?Akitin mo na lang o kaya ay gayahin mo ang ginagawa ng iba. Tsansingan mo rin siya. Baka sakaling makuha mo siya sa ganoong paraan. Napangiwi si Mariella sa takbo ng kanyang isip. “May problema ba?” biglang tanong ni Jed. “Huh? May sinabi ba ako?” Biglang kinabahan si Mariella. Peste! Nasabi ba niya iyong iniisip niya kanina? Lagot siya nito! Kumunot ang makinis na noo ni Jed. “Wala naman. Kaya lang iba ang exkspresyon ng mukha mo, para kang may problema.” Nakahinga nang maluwag si Mariella. Akala niya ay nabisto na siya. Mabuti na lang at hindi naman pala lumabas sa bibig niya ang laman ng isip niya. “Okay lang ako,” sabi na lang ni Mariella. “Balik na tayo sa trabaho,” dagdag pa niya nang mapansin na may lumapit sa counter nila. Makalipas ang halos isang oras ay kinausap ni Mariella si Jed. “Ipahawak mo ito sa huling customer na nakapila,” utos niya sa binata nang iaabot ang counter signage na may nakasulat na Counter Closed. Tinitigan pa ni Jed ang hawak nito bago siya sinunod. “Bakit magko-close na tayo?” usisa nito nang makabalik sa puwesto nila. “Hanggang alas-tres lang ng hapon ang shift natin. Iyong mga nahuling pumasok ang mag-duty hanggang closing time,” paliwanag ni Mariella. “Ah, ganoon pala,” tumatangong wika ni Jed. Mabilis namang natapos nina Mariella ang customer na nakapila. Ngunit pasado alas-tres na noong matapos sila. Habang inaayos niya ang kaha ay nag-aayos din si Jed ng mga supot at iba nilang gamit sa counter. “Sabay na tayong lumabas,” yaya ni Jed nang bitbitin ni Mariella ang kaha. “Sige, hintayin mo na lang ako dito. Pakipunasan na rin iyong puwesto natin habang hinihintay mo ako,” utos ni Mariella bago ito iniwan. Eksaktong natapos si Mariella sa kanyang ginagawa nang maabutan si Jed na nakatayo sa counter nila. Agad niya itong nilapitan. “O, tapos ka ng magpunas?” usisa niya rito. Tumango si Jed. Kinuha naman ni Mariella ang cover ng POS at tinakpan ito nang maayos. Pagkatapos ay niyaya na niya si Jed na lumabas. “Mag-time out muna tayo bago umuwi,” sabi niya sa binata nang dumaan sila sa biometrics machine. May mga nadatnan silang nakapila roon kaya pumila na rin sila. “Mahirap pala ang trabaho ninyo sa supermarket,” wika ni Jed nang nasa loob na sila ng locker room. “Trabaho natin ang sabihin mo kasi pati ikaw nagtatraho doon,” pagtatama ni Mariella. “Mahirap talaga kasi nakakapagod lalo na iyong nakatayo ka ng ilang oras. Pero lahat naman ng trabaho ay mahirap. Depende na lang kung ang tinutukoy mong trabaho ay iyong illegal. Mas madaling kumita ng pera doon. Pero kung malinis na trabaho ang gusto mo, maghihirap ka muna bago ka kikita ng pera.” Tumango lang si Jed sa sinabi niya. “Bakit dito tayo dumaan? Bakit hindi ba puwede sa main entrance?” tanong ni Jed nang palabas na sila ng hypermarket. “Ito ang daanan natin,” sagot ni Mariella sabay turo sa  karatula na may nakasulat na Employee’s Entrance/Exit. Napangiti naman si Jed. “Kaya pala kakaunti lang ang kasama nating lumalabas dito. Saan ka pala umuuwi?” tanong nito. “Sa Mandaluyong. Bale two rides mula dito. Sasakay muna ako ng jeep tapos magta-tricycle papunta sa bahay namin,” tugon niya. “Mabuti nga ikaw at malapit lang ang bahay ninyo rito.” Napakurap si Jed. “Ah, o-oo. Malapit lang. Tagarito lang ako sa Makati,” sagot nito habang patingin-tingin ito sa paligid. “May hinahanap ka ba?” nagtatakang tanong ni Mariella. “Kanina pa malikot iyang mata mo,” puna pa niya. “Hinahanap ko iyong sasakyan ko,” biglang sagot ni Jed nang hindi tumitingin sa kanya. “Sasakyan?” gulat namang tanong ni Mariella. So, may sasakyan pala si Jed. Napatingin sa kanya ang binata. “Ang ibig kong sabihin, iyong sasakyan na susundo sa akin,” nagkakamot ang ulong sabi nito. “Talaga lang, ha? Ang galing naman! May sundo ka pa pala kahit malapit lang ang bahay ninyo,” nakangiting wika niya. Kinagat ni Jed ang ibabang labi nito. “Hindi ko kasi alam kung saan ako sasakay kapag nag-commute ako kaya sunduin na lang daw ako,” paglilinaw nito. “Ganoon ba? Sige, mauna na ako. Mas malayo pa ang uuwian ko, eh. Kitakits na lang bukas. Pumasok ka na lang ng maaga kasi ayaw ni Miss Flora na may nali-late,” bilin niya rito. “Sige, bye!” Akmang tatawid na siya nang biglang magsalita si Jed. “Saan ka sasakay?” Nilingon ito ni Mariella. “Doon lang sa kabila.” Itinuro niya ang bus stop sa kabilang kalsada na katapat lang ng hypermarket. “Ihatid na kita roon.” Tumaas ang kilay ni Mariella sa sinabi nito. Magsasalita pa sana siya ngunit bigla na lang siyang hinila ni Jed at sumabay sila sa mga tumatawid na tao. Pakiramdam ni Mariella ay mahuhulog ang puso niya sa sobrang lakas ng pagtahip nito. Ang lambot ng palad ni Jed. Malayo sa palad niyang makapal na dahil sa kalyo. Kahit mahigpit ang pagkakahawak nito sa kanya ay hindi niya magawang magreklamo. Sa paraan kasi ng paghawak nito ay para itong boyfriend niya na ayaw siyang pakawalan. Kinikilig tuloy siya nang maisip iyon. Echos, Mariella! Maghunos-dili ka! Concern lang sa iyo si Jed kaya siya ganyan. Huwag ka ngang mag-isip ng kung ano-ano. Ngayon lang kayo nagkita, ah. Kung makaasta ka ay para bang kilang-kilala mo siya. Malay mo naman kung may girlfriend na siya. Iyong guwapo niyang iyan, baka nga may girlfriend na iyan. Huli ka na kaya huwag mo na siyang pag-interesan pa. Friends na lang kayo para walang problema. Wala ka naman sigurong balak agawin siya sa girlfriend niya, ano? Huwag mong gagawin iyon. Ano ka? Mauubusan na ng lalaki? Napasimangot si Mariella sa daloy ng kanyang iniisip. “Ang sama na naman ng ekpresyon ng mukha mo. Ano bang iniisip mo? May problema ka ba?” usisa ni Jed nang mapatingin sa kanya. “W-wala naman. May iiniisip lang ako,” pagdadahilan ni Mariella. “Ano nga bang iniisip mo?” Kinabahan si Mariella. Nakatawid na sila sa kabilang kalsada. Ilang hakbang na lang siya mula sa bus stop. Nakahawak pa rin si Jed sa kamay niya at ngayon ay titig na titig sa kanya. Sa paraan ng pagtitig nito ay naghihintay ng sagot ang binata sa tanong nito. Hindi malaman ni Mariella kung ano ang isasagot dito. Bahala na. “Iniisip ko lang na hindi mo bagay magtrabaho bilang bagger. Masyado kang guwapo para sa ganoong trabaho,” pagsisinungaling niya. Bahagyang natawa ang binata. “Guwapo nga pero wala namang alam.” Napasimangot naman si Mariella. “Wala akong sinabing ganyan. Iyong maarteng customer lang ang nagsabi ng ganyan.” “Bakit hindi ba ganoon ang tingin mo sa akin?” Marahas na umiling si Mariella. “Hindi, ah. Naniniwala akong matuto ka rin sa trabaho. Naninibago ka lang talaga kasi bago ka pa. Masasanay ka rin sa mga susunod na araw.” Napangiti nang malapad si Jed. “Maraming salamat sa pagtitiwala mo sa akin,” wika nito. Itinaas nito ang kamay niya saka mabilis na hinagkan iyon. Natutop ni Mariella ang bibig. Hindi makapaniwala sa ginawa ni Jed. Pakiramdam niya ay may pumasok na libo-libong boltahe ng kuryente sa katawan niya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD