Chapter 4 - This Strange Feelings

1529 Words
“MARIELLA, gaano ka na katagal dito sa The King’s Hypermart?” usisa ni Jed habang kumakain sila ng tanghalian. “Sampung buwan na. Bakit mo naman tinatanong?” ani Mariella. “Wala lang. Gusto ko lang malaman. Matagal ka na pala dito. Ibig sabihin ay regular ka na at marami ng alam dito sa supermarket?” kumpirma ni Jed. “Hmm…medyo. Pero hindi naman gano’n karami ang alam ko. Baka nagkataon lang iyong ibang alam ko,” tugon ni Mariella. “Pero at least mas marami ka pa ring alam kumpara sa akin. Bakit nga ba umabot ka ng ganito katagal dito sa hypermart? Maganda ba ang patakaran dito?” tanong ni Jed. “Oo naman. Wala naman akong maisip na negatibo sa management. Maganda ang pagtrato nila sa mga empleyado, maayos ang pasuweldo, at wala ring problema sa oras ng trabaho. Kaya masasabi ko na maganda ang magtrabaho dito,” tugon ni Mariella. Napangiti si Jed. “Mabuti naman kung gano’n. Ibig sabihin, wala kang na-e-encounter na problema?” Biglang napaisip si Mariella. Nagtataka siya sa mga tanong ni Jed. Pero sinagot pa rin niya ito. “Hindi naman sa wala akong naging problema dito. Pero hindi na siguro sa management iyon kung hindi’y sa mga empleyado na.” Napakunot ang noo ni Jed. Napaisip yata ito sa sagot niya. “Anong ibig mong sabihin? Ano bang problema ang tinutukoy mo?” Nakagat ni Mariella ang ibabang labi. Hindi naman siya tsismoso pero may napapansin lang talaga siya sa mga kasama niya. “A-ano…iyong ibang empleyado kasi dito parang mas istrikto pa sa management. Alam mo iyon parang si…si Miss Flora na sobrang istrikto,” may pag-aalalang tugon niya. Napansin ni Mariella na nadagdagan ang gatla sa noo ni Jed. “Istrikto?” Nagtatanong ang mga mata nitong nakatitig sa kanya. Napakamot na rin ng kanyang ulo si Mariella. “Hindi naman kasi siya ang nagpapasuweldo sa amin. Pero kung umasta siya, daig pa ang mangyari ng hypermart. Wala siyang nakikitang maganda. Iyong mga mali lang ang napapansin niya.” Bahagyang inilapit niya ang mukha kay Jed. “Atin-atin lang ito, ha? Huwag mo nang iparating sa iba,” pabulong niyang sabi. Tumaas ang kilay ni Jed sa sinabi niya. Akmang babalik na siya sa maayos na pagkakaupo nang biglang hawakan nito ang magkabilang balikat niya. “Don’t move,” ani Jed. Si Mariella naman ang nagtaas ng kilay. Napansin niyang yumuko si Jed at parang may kinuha ito. Nang muling mapatingin sa kanya si Jed ay may hawak na itong puting panyo. Napakunot ang noo niya. Anong gagawin nito? Nasagot lang ang tanong niya nang hawakan nito ang baba niya at itinaas ang mukha niya. “Makalat kang kumain,” wika nito habang pinupunasan ang gilid ng labi niya. Pakiramdam ni Mariella ay nakuryente siya sa ginawa ni Jed. Ang masama pa nito ay hindi niya magawang umiwas sa lalaki. Nakatitig lang siya sa napakaguwapong mukha nito. Animo’y nililok iyon ng napakagaling na eskultor dahil sa perpekto at walang kapintasan nitong mukha – katamtaman ang lapad ng noo, makapal ang kilay, bilugan ang mga mata, mataas at matangos ang ilong, prominente ang panga, at higit sa lahat namumula ang labi, daig pa ang isang babae. “Okay na. Puwede mo nang ayusin ang upo mo,” narinig niyang sabi ni Jed. Ipinilig ni Mariella ang kanyang ulo. “May sinasabi ka ba?” Biglang natawa si Jed. Umiiling ito habang nagkakamot ng ulo. “Anong nangyari?” naguguluhang tanong niya. “Natawa lang ako sa iyo. Nag-space out ka na. Nagsasalita ako pero hindi ka naman pala nakikinig. Alam ko na guwapo ako kaya lang huwag ka namang obvious,” malapad ang ngiting sabi nito. Biglang napatuwid ng upo si Mariella at umiwas ng tingin. Patay siya ngayon! Nakakahalata na pala ang kasama niya. Napilitan siyang ituon ang kanyang atensyon sa kinakain niya. “Huwag kang mai-in love sa akin kasi hindi ako magtatagal.” Napaangat ng tingin si Mariella. Nagtatanong ang kanyang titig kay Jed. “Tapusin mo na iyang kinakain mo. Malapit nang matapos ang breaktime,” pag-iiba ni Jed sa usapan. Nakaramdam ng pagkadismaya si Mariella sa sinabi ni Jed. Gusto pa sana niyang itanong kung bakit sinabi nitong hindi ito magtatagal. Ngunit naunahan na siya ng hiya lalo na nang mapansin niyang inililigpit na nito ang pinagkainan.   “KANINA pa kita napapansin, ah. Ang tahimik mo yata ngayon,” sita ni Jed nang palabas na sila ng hypermart. Katatapos lang ng kanilang shift. Sinulyapan ni Mariella si Jed. Pilit niyang nginitian ito. “Wala lang. Napagod lang siguro ako sa dami ng customer natin,” pagdadahilan niya. “So, uuwi ka na?” “Oo, siyempre. Saan pa ba ako pupunta?” nakataas ang kilay na sagot ni Mariella. “Malay ko kung may date ka pa. Maaga pa naman, ah.” Biglang napahinto sa paglalakad si Mariella. “Wala akong date kasi wala naman akong boyfriend,” seryosong sabi niya rito saka muling ipinagpatuloy ang paglalakad. “Talaga? Wala kang boyfriend?” tanong ni Jed nang tabihan siya nito habang naglalakad. “Ang kulit mo.Wala nga,” sagot ni Mariella nang lingunin ito. “Mabuti naman kung gano’n.” Nagsalubong ang kilay ni Mariella nang muling lingunin si Jed. “Bakit? Anong mabuti sa walang boyfriend?” nagtatakang tanong niya. “Kung wala kang boyfriend, puwede akong mag-apply,” nakangiting tugon nito. Ano daw? Mag-a-apply si Jed na boyfriend niya? Ano iyon? Parang trabaho lang na ina-apply-an? “Anong sinabi mo?” hindi makapaniwalang tanong ni Mariella. Bahagyang natawa si Jed. “Wala, binibiro lang kita. Ang tahimik mo kasi kaya naninibago ako sa iyo.” Pinaikot ni Mariella ang mga mata. “Ayos ka ring magbiro, ha? Pero kung seryoso ka talaga, pahihirapan muna kita bago tanggapin,” walang kangiti-ngiting sabi niya. Biglang sumeryoso ang mukha ni Jed. Nagulat yata sa sinabi niya. Hindi nito siguro inaasahan na iyon ang kanyang sasabihin. “Kahit guwapo ako, pahihirapan mo pa rin ako?” Umismid si Mariella. “Bakit sapat na ba ang pagiging guwapo para sabihin na boyfriend-material ka?” ganting tanong niya rito. Hindi nakaimik si Jed. Nakatitig lang ito sa kanya ng ilang segundo. Pagkatapos ay umiwas ito ng tingin. Kung tumagal pa siguro ang titig nito sa kanya ay baka binawi niya ang kanyang sinabi. Nakakapanghina ng kalamnan ang paraan ng pagtitig nito sa kanya. Maging ang mga tuhod niya ay parang mangangatog sa nerbiyos. “Hindi siguro. Pero iyon naman ang unang tinitingnan ng isang babae, hindi ba? Kapag guwapo ang lalaki, magkakagusto siya agad. Hindi ka ba gano’n, Mariella?” usisa ni Jed. Awtomatikong napahinto sa paglalakad si Mariella. Tinamaan yata siya doon sa sinabi ni Jed. Kahapon lang niya ito nakilala pero attracted na siya agad dito. Kung pakikiramdaman din niya ang sarili ay parang ang tagal na niya itong kilala. Bakit kaya gano’n ang nararamdaman niya sa binata? “Hmm…depende. Kasi tumitingin pa rin naman ako sa ugali ng tao. Kahit na ba guwapo kung masama naman ang nakikita kong pag-uugali niya, turn off pa rin ako doon. Iyong guwapo na mabait, doon siguro ako magkakagusto. Pero sa totoo lang, marami pang katangian ang isang lalaki na dapat i-consider bukod pa sa itsura,” paliwanag niya. “Tulad ng?” Ayaw sanang sagutin ni Mariella ang tanong na iyon ni Jed ngunit mukhang hindi siya lulubayan nito. Nakatitig nang diretso sa kanya na para bang naghihintay ng isasagot niya. Napa-buntunghininga si Mariella. Wala na siyang magagawa kung hindi sagutin ang tanong nito. “Para sa akin, bukod sa itsura at ugali, mahalaga rin na iyong lalaki ay may trabaho. Ayokong ako ang gumastos kapag magkasama kami. Siya iyong lalaki kaya dapat lang na siya ang gagastos. Kung maglalabas man ako ng pera, iyon ay para tumulong lang. Hindi iyong aakuin ko ang lahat. Kaya nga dumadami ang mga kababaihan na nagtatrabaho kahit pamilyado na kasi marami na ring kalalakihan ang hindi ginagawa ang kanilang responsibilad. Binigyan kayo ng Diyos ng malakas na pangangatawan, kumpara sa babae, kaya dapat gamitin ninyo iyan para bumuhay ng inyong pamilya,” salaysay niya. Kumunot ang noo ni Jed. “Bakit pagpapamilya na ang sinasabi mo? Boyfriend pa lang naman ang pinag-uusapan natin.” Nakagat ni Mariella ang ibabang labi. Nalintikan na! Bakit ba iyon ang lumabas sa bibig niya? “Ah, pasensiya na. Nadala lang ako. Kasi naman kung ano-ano ang tinatanong mo. Uuwi na nga lang ako. Bukas na lang tayo mag-usap.” Iniwan na ni Mariella si Jed at nagmamadaling lumakad palayo rito. Ngunit nakailang hakbang pa lang siya nang biglang hilain siya ni Jed. Sa lakas ng paghila nito at sa bilis din niyang lumingon ay napasubsob siya sa dibdib nito. Napapikit si Mariella nang wala sa oras. Sa pagkakasubsob niya sa dibdib ng binata ay naaamoy niya ang nakakaliyong pabango nito. Nang magmulat siya ay parang umiikot ang paningin niya. Pumikit siyang muli. Wala sa sariling napayakap siya sa binata. Ngunit lalo siyang nagulat nang maramdamang yumakap din sa kanya si Jed. Bigla siyang napamulat at tiningala ang binata. Malamlam ang mga mata nito na nakatitig sa kanya. “Jed!” “Mariella…”  
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD