“BITIWAN mo nga ako!” Pinilit ni Mariella na kumawala sa pagkakayakap ni Jed sa kanya.
Agad naman siyang binitiwan ni Jed.
“Bakit ka nangyayakap, ha? Pasimple ka pa diyan, gusto mo lang yatang maka-tsansing,” nakairap na sabi ni Mariella.
“Bakit gano’n? Bakit ako pa ang may kasalanan? Ikaw kaya ang unang yumakap. Gumanti lang ako,” depensa ni Jed.
“Eh, sa nahihilo nga ako. Bigla mo ba naman kasi akong hinila kaya ako nasubsob sa dibdib mo. Tapos nakahihilo pa iyang pabango mo. Napayakap ako para hindi ako mitumba. Pero ikaw naman sinamantala mo,” nayayamot niyang sabi.
Kinagat ni Jed ang ibabang labi. “Pasensiya na. Akala ko kasi gusto mo ng yakap kaya niyakap kita. Iyon pala nahihilo ka lang.” Napailing pa ito.
Umismid si Mariella. “Ang sabihin mo, pumaparaan ka lang. Ganyan naman kayong mga lalaki, hindi ba? Naghahanap lagi ng pagkakataon para maisahan kaming mga babae.”
“Huh? Bakit ganyan ka mag-isip? May lalaki na bang nanloko sa iyo?” kunot noong tanong ni Jed.
“Wala!” mataray na sagot ni Mariella saka ito mabilis na tinalikuran.
“Hey, hey! Saan ka pupunta? Nag-uusap pa lang tayo, ah.” Narinig niyang sabi ni Jed.
Hindi ito pinansin ni Mariella. Dire-diretso itong naglalakad nang hindi lumilingon. Ngunit hindi pa siya gaanong nakalayo ay naramdaman niyang hinila ni Jed ang kamay niya. Sa takot niya na maulit ang nangyari kanina ay agad na iniharang niya ang kamay. Eksakto namang nag-landing ang kamay niya sa mismong dibdib ng binata.
Sabay silang napatingin ni Jed sa kamay niya.
“So, sino ngayon ang nanantsing?” nakataas ang kilay na tanong nito.
Nakaramdam ng hiya si Mariella. Akmang hihilain niya ang kamay ngunit mabilis namang ipinatong ni Jed ang kamay nito sa kamay niya. Awtomatikong lumipad ang tingin niya sa mukha ng binata.
Seryosong nakatitig si Jed sa kanya. Bigla siyang kinabahan dahil hindi niya mabasa kung ano ang nararamdaman nito ngayon lalo na nang mapansin niya kung ano itsura nila habang magkaharap na nakatayo. Ang awkward nilang tingnan. Mabuti na lang at walang gaanong tao sa paligid. Kung nagkataong rush hour nang oras na iyon baka pinagpiyestahan na silang dalawa.
“Bitiwan mo na ako,” pakiusap ni Mariella.
“Bibitiwan lang kita kung makikipag-usap ka nang maayos sa akin at hindi mo ako tatakbuhan,” diretsahang sabi ni Jed at lalong dumiin ang kamay nitong nakapatong sa kamay niya.
Tanging pagtango na lang ang naisagot ni Mariella.
Agad naman siyang pinakawalan ni Jed.
Habang hinahaplos ni Mariella ang kanyang mga kamay ay napansin niyang palinga-linga sa paligid ang binata.
“Anong problema?” nagtatakang tanong ni Mariella.
Ngunit hindi siya sinagot ni Jed. Sa halip ay hinila siya nito. “Doon tayo,” sabi nito habang hinihila siya.
Wala nang nagawa si Mariella kung hindi ang sumunod dito.
Dumiretso sila sa parking lot ng hypermarket.
“Saan ba tayo pupunta?” nag-aalang sambit ni Mariella dahil dire-diretso lang silang lumalakad ni Jed.
“Sandali lang at hinahanap ko kung saan ko nai-park iyong sasakyan,” sagot naman ng binata.
“May sasakyan ka?” gulat na tanong ni Mariella. Isang linggo pa lang ang lumipas mula noong magsimula si Jed sa trabaho. Nakapagtatakang may sasakyan na ito agad. Wala pa naman silang suweldo. Saan kaya ito kumuha ng pambili?
“Mayroon naman. Napagod na iyong nagsusundo sa akin kaya pinahiram na lang ako ng sasakyan,” tugon ni Jed nang hindi lumilingon sa kanya.
May itatanong pa sana si Mariella ngunit hindi na siya nagkaroon ng tsansang magtanong dahil biglang huminto si Jed sa harapan ng mga nakahilerang motorsiklo.
“Bakit tayo nandito?” manghang tanong niya.
“Heto iyong sasakyan ko,” sambit ni Jed nang lumapit ito sa isang motorsiklo.
Napansin niya agad na bago lang ito. Mukhang kailalabas lang sa tindahan.
Binuksan ni Jed ang topbox ng motorsiklo at may kinuha roon. Pagkatapos ay kinuha rin nito ang isang helmet.
“Isuot mo,” utos ni Jed nang may iabot sa kanya ang helmet at jacket.
“Bakit?” gulat na tanong niya rito.
“Anong bakit ka diyan? Ihahatid kita sa bahay ninyo kaya isuot mo iyang helmet para hindi tayo masita ng traffic enforcer,” imporma nito.
“Bakit kailangan ko pang mag-jacket?” nagtatakang tanong niya.
“Para hindi ka ginawin sa hampas ng hangin,” tugon naman ni Jed.
Napa-buntunghininga si Mariella. Akala niya noong una ay kotse ang tinutukoy ni Jed na sasakyan nito. Iyon pala’y motorsiklo. Hindi na siya magtatanong kung paano ito nagkaroon ng motorsiklo dahil karamihan naman ng mga kasama niya sa supermarket ay mga ganoon din na sasakyan.
Habang isinusuot niya ang helmet ay inilabas naman ng binata ang motorsiklo.
“Halika na,” yakag ni Jed sa kanya nang paandarin na nito ang sasakyan.
Siniguro muna ni Mariella na maayos ang pagkakalagay niya ng kanyang helmet bago siya sumampa sa likod ng binata.
Kinakabahan si Mariella dahil hindi siya sanay na sumakay ng motorsiklo kaya lalong humigpit ang pagkakahawak niya sa baywang ni Jed. Kung hindi lang siguro siya naka-helmet ay isasandal niya ang katawan sa likod ng binata dahil mainit ang tumatamang sikat ng araw.
“Alam mo ba kung saan ang bahay namin?” halos pasigaw na tanong ni Mariella para lang marinig siya ni Jed sa gitna ng matrapik na kalsada.
“Hindi pa tayo uuwi. Mag-date muna tayo,” sagot naman ni Jed.
“Date? Bakit tayo magdi-date?”
Ngunit hindi na siya nasagot ni Jed dahil mas bumilis na ang takbo nito. Napakapit ng husto si Mariella sa takot na mahulog siya. Hindi nagtagal ay bumagal din ang takbo ng sasakyan hanggang sa mag-menor ito at huminto sa tapat ng isang fastfood.
“Anong gagawin natin dito?” may pagtatakang tanong ni Mariella.
“Kain muna tayo. Nagugutom na kasi ako,” sagot ni Jed bago nag-alis ng helmet.
Bumaba na rin si Mariella. Nang aalisin na niya ang helmet ay nilapitan siya ni Jed.
“Ako na,” boluntaryo nito.
Ibinaba naman ni Mariella ang kamay niya. Habang abala si Jed sa helmet niya ay napatingin siya sa mukha ng binata.
Ang guwapo talaga nito. Napakapalad ng magiging girlfriend ng binata. Sana ako na lang.
Naks, Mariella! Kung makapag-ambisyon ka ay parang nanghihingi ka lang ng pagkain, ah. Ni hindi ka pa nga sigurado kung wala talaga siyang girlfriend. Baka naman may sabit na siya, pinag-iinteresan mo pa. Sabagay, ang guwapo nga naman ng bagger mo. Siya na yata ang pinakaguwapong bagger sa buong supermarket. Kaya pinipilihan ang lane ninyo dahil sa kanya. Tapos nagseselos ka naman sa mga customer ninyong kung makatitig kay Jed ay parang gustong lamunin ng buo ang kasama mo.
Biglang napasimangot si Mariella sa daloy ng isip niya.
“May problema ka na naman ba? Bakit parang galit ka?’” usisa ni Jed nang maalis nito ang helmet na suot niya.
“W-wala naman. Medyo mainit lang. Mataas pa rin kasi ang sikat ng araw,” pagdadahilan niya.
“Pasensiya na kung dito ako nag-park. Wala na kasing ibang space maliban dito. Pumasok na tayo para malamigan ka,” wika ni Jed saka hinila siya sa kamay.
“Teka lang,” awat ni Mariella. “Paano itong jacket?”
“Isuot mo lang iyan para pareho tayong naka-jacket,” nakangiting tugon ni Jed.
Bigla namang napatingin si Mariella sa suot niya. Nagpalipat-lipat ang tingin niya sa suot na jacket ni Jed at sa kanya. Magkapareho ang kulay at tela ng jacket nila. Nakasuot sila ng couple’s jacket? Pati suot nilang polo shirt ay pareho rin dahil iyon ang uniform nila sa trabaho. Mapagkakamalan silang mag-jowa nito lalo na’t hawak pa ng binata ang kamay niya.
“Hindi kaya magalit ang girlfriend mo nito kapag nalaman niyang magkasama tayo?” usisa ni Mariella habang pumapasok sila sa loob ng fastfood.
Huminto sa paglalakad si Jed at nilingon siya. “Hindi ba’t sinabi ko na sa iyon na wala akong girlfriend. Kung may girlfriend man ako, hindi na sana ako makikipalapit pa sa iyo. O kaya bago kita yayaing lumabas ay makikipag-break muna ako sa kanya,” paglilinaw nito.
Hindi na nagsalit si Mariella. Paniniwalaan na lang niya ang sinabi nito, tutal mukhang nagsasabi naman ito ng totoo.
Nang makahanap sila ng mauupuan ay nagpaalam agad ito para um-order ng pagkain nila. Hindi na niya ito sinita nang umalis na hindi man lang tinanong kung ano ang gusto niyang kainin.
Pagbalik nito ay may dala ng tray na puno ng pagkain. Bukod doon ay may kasunod pa itong crew na may dala ring tray.
“Bakit ang dami naman nito? Kakainin natin lahat ito?” nanlalaki ang mga matang tanong niya habang tinutulungan ang binata na iayos sa mesa ang pagkain nila. In-order na yata nito ang lahat ng nasa menu ng fastfood.
“Kung hindi natin maubos, iuwi mo iyong matitira,” sagot ni Jed.
“Ang laki ng binayaran mo dito, ah,” puna ni Mariella habang nakatingin sa pagkain.
“Kaya nga kumain ka na para hindi masayang. Huwag ka na rin mag-alala dahil nabayaran ko na ito. Kapag ako ang kasama mo, wala kang gagastusin. Ako na bahala sa lahat. Lalaki ako kaya dapat ako ang maglibre at hindi ikaw,” paliwanag nito.
Hindi na umimik si Mariella. Kumain na lang siya.
“Oops!” biglang awat ni Jed sa kanya.
Nagtatanong ang mga matang napatingin siya dito. Puno ng pagkain ang bibig niya kaya hindi siya makapagsalita. Lulunukin pa lang niya sana ito nang biglang hawakan ni Jed ang baba.
“Makalat ka talagang kumain,” sabi nito saka pinunasan ang gilid ng bibig niya. “Sa susunod, hindi na tissue ang panglilinis ko sa bibig mo, hahalikan na lang kita,” seryosong wika pa nito.
Biglang nabulunan si Mariella sa narinig.