Mahigpit ang pagkakapit niya sa braso ni Ruffus. Si Rafa naman ay nasa likod niya at humahaplos. Kahit papano gumagaan ang pakiramdam niya sa ginagawa ng dalawa. Sinabihan siya ni Rafa na tawagan nito ang mga magulang niya ngunit tumanggi siya. Alam niyang mali pa rin na mananatili ang sama ng loob niya sa mga ito. Pero hangga't hindi niya matatanggap na asawa niya si Giuseppe ay mananatili siyang walang kakausapin sa mga ito.
Tahimik lang siyang naglalakad sa hallway papunta sa delivery room at nakaalalay sa kanya si Rafa at si Rufus naman ay nasa kanyang likuran. Lukot pa rin ang mukha ng kaibigan dahil nakipag away ito kanina sa emergency room dahil pilit siyang gamitan ng wheelchair na pinagbawal ng doctor. Hindi pa naman daw lalabas ang bata kaya kailangan niyang lakarin hanggang delivery room.
Hindi naman siya nagreklamo pero ito talaga ay gustong makipagtalo pa. Tumigil lang ito nang sabay nilang sawayin ng kapatid nito.
"Bettina?"
Kasabay ng pag angat ng kanyang mukha ay ang paglukot ng kanyang reaksyon. Ang pagkakataon nga naman ay makikita pa siya ng babae sa ganoong sitwasyon.
"Do you know her?",mahinang tanong ni Rafa sa kanya.
"Hindi",salat sa emosyong sagot niya saka nagpatuloy sa paglalakad. Kahit humilab ang kanyang tiyan ay hindi niya pinakita sa babae na nahihirapan siya. Tama ba ang nakita niya sa mga mata nito? Pag alala? Impossible.
Nang nasa tapat na sila ng delivery room ay pinili niyang hindi muna pumasok. Hindi pa naman siguro lalabas ang bata sa kanyang tiyan dahil hindi pa pumutok ang kanyang panubigan.
"You can cry,you know?" Ani Ruffus sa tinging nag aalala.
"Bakit naman ako iiyak?" Singhal niya. Kahit ang totoo ay gustong gusto na niyang sumigaw ng aray. "Just massage my back please."
Hindi naman ito tumanggi pa at agad na minasahe ng marahan ang kanyang likod. Napapikit na lang siya dahil nakaramdam siya ng konting ginhawa.
"Take your hands off from my wife or I'll break it."
Naimulat niya ang mga mata at mabilis na ibinaling ang tingin sa nagsalita. Madilim na mukha ni Giu ang bumungad sa kanya. Nakaramdam siya ng irita sa reaksyon nito.
"Bakit kayo nandito doc? Diba may trabaho ka?"
"I told you to call me, Bettina", mahina ngunit mariing sambit nito. Sabay abot sa kanyang likod at marahang minasahe pababa sa kanyang balakang.
Hindi na niya pinansin ang tila naninitang tono nito dahil umatake na naman ang sakit. Isinanday na lang niya ang katawan dito at ipinikit ang mga mata. Naramdaman niyang pinahid nito ang kanyang namamawis na noo.
"Ang thoughtful naman ng babae mo, agad sinabi sayo na nandito ako", aniya kapagkuwan nang saglit na makahinga siya ng maluwag.
"Hindi ko babae si Sheerina. Who gave you that idea?"
Umirap lang siya. Hindi siya nakapalag nang marahan siya nitong ikutin paharap dito. Naidantay na lamang niya ang noo sa dibdib ng asawa at mahigpit na napakapit sa balikat nito. Hindi na niya nagawa pang tingnan kung nandoon pa ba ang dalawang kaibigan dahil nakatuon ang kanyang pansin sa sakit.
"Magsalita ka",utos niya rito. Hangga't maaari ayaw niyang umalpas ang malakas na ungol mula sa kanyang bibig. Ayaw niyang pumasok muna sa delivery room hangga't hindi pa pumuputok ang kanyang water bug. Pero nandoon na ang doctorang magpapaanak sa kanya.
"Look, hindi mo kailangang tiisin ang sakit. Pwede ka namang sumigaw or umiyak o kahit daing man lang",nag aalalang boses nito.
Tiningala niya ito at sinamaan ng tingin.
"Para ano? Magmukhang bakang umaatungal?"
"Okay",anas nito. Sabay halik sa kanyang noo na ikinatigil ng kanyang paghinga. Hindi niya inaasahan yon. "You can do it. You're brave. You're strong. I'm just here. I'm just here."
Kung hindi niya lang iniisip na manganganak siya. Iisipin niyang puno ng pagmamahal ang bawat katagang binigkas nito. Ngunit alam niyang halusinasyon lamang niya iyon.
"Hey mommy",anang doctora. Napatingin siya dito. "Let's check it. Baka pwede na."
Inakay siya ni Giu papasok sa loob. Nang ihiga siya sa maternal bed ay napahigpit ang kapit niya sa kamay ng asawa na nasa uluhan lamang niya. Whispering words of encouragement na para bang pinapalakas nito ang kanyang loob.
"You're wonderful. I know you can do it. We can do this."
"Still far", anang doctora pagkatapos siya nitong i-check kung ano pa kalayo ang baby niya mula sa kanyang cervix. "Maglakad-lakad ka muna."
Napabuga na lang siya ng hangin.
"It's okay",anas ni Giu sa puno ng kanyang tenga.
"Hindi okay!" Hindi nakatiis na hindi niya ito singhalan. "Kailan pa naging okay ang makaramdam ng ganito kasakit?"
"Bettina....."
Bumaba siya sa higaan. Alerto naman ito sa pag alalay sa kanya.
"Ngayon alam mo na? Alam mo na kung ano ang pinagdadaanan naming babae kapag nanganak?"
Namalikmata lang ito sa kanya. Sanhi nang hindi magandang pakiramdam ay hindi na niya inisip ang mga salitang dapat sabihin. Pataas na pataas na rin ang kanyang boses. Dinuro niya ito. Napahawak naman ito sa kanyang kamay habang namumula ang mukhang nakatingin sa kanya. Marahil napapahiya sa doctora at nurse na naroon.
"Tapos kung paglaruan niyo lang ang damdamin naming mga babae ay basta-basta na lang. Kaya kung sakaling buntisin mo man yung babae mo, umpisa pa lang alagaan mo na!"
"I don't have a plan of impregnating another woman",singit nito. Agad niyang itinaas ang kamay para patigilin ito.
"Huwag kang magsasalita! Nakakarindi ang boses mo. At wag kang mag abalang depensahan ang sarili mo, dahil hinding-hindi ako maniniwala sayo! Narinig mo? Hinding-hindi ako kailanman maniniwala sayo. Dahil manggagamit ka!"
Tuluyan na siyang sumigaw.
"You don't have to shout", malumanay ngunit tiim bagang na saway nito. Naroon ang emosyon sa mga mata nito na hindi niya mapangalanan.
"Sabi mo kanina pwede akong sumigaw! Ngayon hindi na naman pwede?"
Nabaling ang tingin niya sa doctora at sa nurse. Parehong nakatakip ng tenga ang dalawa. Saka siya nakapag isip ng matino. Kanina lang ay tahimik siya. Ngayon ay para siyang bulkang sumabog sa tindi ng emosyong bumangon sa kanyang dibdib. Hindi niya sukat akalain na magagawa niya ang bagay na iyon. Ang magwala na daig pa ang babaeng nasa kalye na nagtatalak.
"I'm sorry",hingi niya kaagad ng paumanhin. Hindi niya matingnan si Giu. Hindi niya dapat sinabi ang mga iyon lalo pa at nasa harap lang ito ng mga ka trabaho din nito. Alam niyang napahiya ito. Pero ano pang magagawa niya? Nakapagbitiw na siya nang masasamang salita.
"Are you okay now?" Malumanay pa ring tanong nito sa kabila nang narinig mula sa kanya. Right after that moment ay biglang bumuhos ang masaganang luha sa kanyang mga mata.
"Sana lang wag mangyari sa anak ko ang ginawa mo sa akin",tanging nasabi niya.
Mabilis naman siya nitong kinabig ng yakap. At masuyong hinalikan sa tuktok.
"It will not going to happen."
"Paano ka nakakasiguro?"
"Because I'm here to protect her. To protect the two of you, no matter what."
"Sinungaling",mahinang sabi niya.
_______
Giu
She's the bravest woman that he'd ever known. Sa kabila nang masasakit na salitang binato nito sa kanya ay hindi nabawasan ang nag uumapaw niyang paghanga dito.
Hindi niya naipagtanggol ang sarili dahil totoo ang lahat ng sinabi ng asawa. Ang Ob-gyne na naroon at ang nurse na kasama nila ay malinis ang tingin sa kanya kaya hindi niya maiwasang mamula sa pagkapahiya.
Paano pa siya tatanggi? Kung ang lahat ng salitang binitawan ng dalaga ay ang totoong siya. Pero noon iyon. Noong hindi pa ito dumating sa buhay niya. Noong hindi pa niya naramdaman ang pagpapahalaga niya rito.
And now, looking at her peacefully sleeping is like something kicked in his chest. Katabi nito ang kanilang anghel na mahimbing din sa pagtulog. He took a photo of them and save it on his screensaver and wallpaper.
Ang tanawing iyon ay hindi niya ipagpapalit sa kahit anong karangyaan sa mundo. They look so perfect. Hinawi niya ang ilang hibla ng buhok ng asawa na nakatakip sa noo nito. Sa kabila nang pagod nitong mukha ay nandoon pa rin ang nag uumapaw na ganda.
Paano nito naisip na nagawa niyang mambabae kung sa tingin pa lang nito ay nababaliw na siya? Hindi niya alam kung ano ba ang tamang gawin para maipakita dito ang kanyang pagpapahalaga. Hindi niya nakikita ang sariling nakatali sa iba. All he can see is, being with her. Building a family with her. Napahawak siya sa kabilang dibdib nang tumibok iyon ng mabilis.
Ahh, foolish heart.
Nasa ganoon siya ng pag iisip nang may kumatok. Sigurado siyang ang mga magulang na nila iyon. Muntik na niyang makalimutan na tawagan ang mga ito kanina kung hindi pinaalala ni Rafa sa kanya. Mabigat pa rin ang loob niya sa kapatid nito. Hindi mabura sa isip niya ang ginawa nitong paghagod sa likod ng kanyang asawa.
Saka lang niya naintindihan kung bakit hindi na nagawang tumawag sa kanya ni Bettina nang ipaliwanag sa kanya ni Rafa ang nangyari. Pauwi na pala ito at ang kapatid nito nang mag usap ang magkaibigan. Nahiya na rin siya dahil masyado siyang abala sa trabaho samantalang ang dalawa ay galing pa ng Spain at may jetlag pa kung tutuusin.
He tried to finish his work. And Sheerina was there to help him. Gusto niyang matapos iyon lahat pati pagturn over niya sa mga pasyente niya because he's planning to take a leave. Gusto niyang hands on na siya sa pag aalaga sa asawa at anak nila.
But unexpected things happened. Kung kailan hindi pa siya umuwi saka pa ito sumakit ang tiyan. Gusto niyang sisihin ang sarili dahil wala siya sa tabi nito. But who knows it would happened? Walang may gusto niyon.
Napapailing na lang siya sa akusasyon nito. Sheerina? Seriously? He didn't see it coming. Sheerina is just like a sister to him. Hinding-hindi niya naiimagine ang sinasabi ng asawa niya.
"Ssshhh",aniya sa ina nang akma itong magsasalita. Nakatungo ang dalawa sa sanggol na himbing na himbing sa pagtulog.
"Maybe we could at least carry her",anang biyenan niya. The man was furiously mad at him. Pero hindi siya makapaniwala na pumayag ito sa nais niyang pakasalan ang anak nito.
"What did you name her,Giu?" Tanong nito sa kanya. Wala na ang poot sa mga mata nito na lagi niyang nababanaag kapag nakatingin sa kanya.
"Ahm, about that D-dad",nag aatubili pa siya sa pangalang itinawag dito baka sakaling hindi nito magustuhan. Nang wala naman nitong negatibong reaksyon ay nagpatuloy siya. "Let her decide about it."
"Giu, anak. Di ba dapat kayong dalawa ang nagdesisyon niyan?" Kunot-noong sabat ng kanyang ina sa mahinang boses.
"Mom.... Hindi pa kami okay",reklamo niya. Ayaw niyang pangunahan ang babae at baka ikagalit na naman nito.
"What, don't tell me galit pa rin siya sa nangyari?" Tanong ng biyenan.
Hindi na niya iniwasang mapangiwi. "Parang ganon na nga po."
Napabuntung-hininga naman ito. Siguro hindi na rin nito alam ang gagawin sa anak. Natatakot at nababahala na rin siya na baka hindi na magbago ang pakikitungo nito sa kanya but he never lost hope. He will try. Nagawa nga niya itong paibigin noon na walang kahirap-hirap? Ngayon pa kaya na todo effort na siya at pinagsisikapang amuin ito.
At kapag dumating ang pagkakataong iyon ay hindi na niya iyon palalagpasin. Habang buhay niya itong itatali sa piling niya at hindi na hahayaang makawala pa.
_______
Tina
Nagising siya nang makarinig ng mahihinang nagbubulungan. Pagod niyang iminulat ang mga mata. Namulatan niya si Giu na nasa gilid lang niya at karga-karga ang kanilang anak. Nalipat ang kanyang tingin sa kanyang paanan dahil nakatingin sa kanya ang ina ng lalaki na may maluwang na ngiti sa mga labi. Nandoon din si Rafa na bumalik pala.
Nang ilipat kasi siya sa private room kanina ay agad siyang nakatulog. Dala marahil nang pagod.
"I want to hold her", mahinang sabi niya. Agad namang inilapit nito sa kanya ang kanilang anak. Maluha-luha siyang niyuko ito at binigyan ng marahang halik sa noo. "My princess...."
Lumapit sa kanya ang dalawang babae.
"Kumusta ang pakiramdam mo Hija?" Nakangiting tanong ng madrasta.
Kimi siyang ngumiti. Hindi agad siya nakasagot. Hinahanap ng mata niya ang kanyang ama.
"Nasa labas lang ang daddy mo. Babalik din iyon maya-maya. Ahm ano sana, ano ba ang ipapangalan ninyo sa kanya?"
"Mom...." Saway ni Giu dito. Ngunit hindi nagpaawat ang ginang. Halos magkulay puso ang mata nito habang nakatingin sa apo nito.
"Alexandra",maikling sagot niya nagpabura sa ngiti nito.