FEROIA, isang mundo sa labas ng Earth. Ito ay may layo na 105.87 million kilometers mula sa Earth at 44.5 million kilometers mula sa araw. Mainit ang mundong ito at mayroong sampung buwan kaya laging maliwanag sa daigdig na ito. Ngunit may mga panahon na malamig sa lugar na na walang puno, tubig at hayop. Feroian ang tawag sa mga nilalang na nakatira rito.
Kawangis ng mga taong robot ang mga Feroian. May mga paa silang walang daliri at kamay na dalawa naman ang daliri. Namumuhay sila na napapalibutan ng mga makabagong teknolohiya na nilikha nila. Ang bawat Feroian ay may angking talino sa pag-program ng software at magagaling silang gumawa ng code upang mapabilis at mapadali ang kanilang mga buhay.
Ang mga bituin sa Feroia ay kalaro ng mga nilalang. Bawat isang Feroian ay may angking kakayahan na inaalagaan sa tulong ng mga bituin. Dumadami ang Feroian dahil sa dalawang matagumpay na programa na pinagsama. Bawat nilalang ay walang kamatayan sa mundo nila ngunit maaari silang maging mahina o masira.
Kakaiba ang lenggwahe na ginagamit sa Feroia ngunit nagkakaintindihan sila. Ang bawat isang Feroian ay nababalot ng rainbow rays na pananggalang nila sa kalaban. Ang may pinakamatingkad na rainbow rays ay siyang pinakasikat sa lahat dahil ibig sabihin noon ay marami na siyang nagawang mabuti.
Isa sa mga Feroian ay si Yu. Siya ang pinuno ng mga magigiting na mandirigma ng Feroia na patuloy na nakikipaglaban sa mga Huruan. Hindi alam ng sinumang Feroian kung ilang daang taon na si Yu ngunit hinahangaan siya ng lahat dahil sa angkin niyang galing sa pakikidigma. Isa siya sa may pinakanagliliwanag na rainbow rays at ika-sampung lalaki sa henerasyon nila.
Walang kinatatakutan si Yu at kahit pa sinong Huruan ang kaniyang kalaban ay walang nananalo sa kaniya. Hindi lang Huruan ang kalaban ng mga Feroian, may mga taga ibang planeta rin silang nakakasagupa. Ngunit dahil sa galing at talino ni Yu sa pakikidigma ay walang nangahas na kumalaban sa kanila sa loob ng mahabang panahon.
Madalas mabawasan ang liwanag ni Yu dahil sa taglay niyang kakulitan. Kahit may mga panahon lamang na pinapayagan silang pumasok sa Lambini, isang silid kung saan makikita sa monitor ang mga kaganapan sa Earth, ay madalas na tumakas si Yu upang sumilip at pagtawanan ang mga nilalang na nakikita niyang may dalawang paa.
Sa Lambini ay pinagmamasdan ni Yu ang mga malalaking monitors. Nakalutang ang Lambini dahil nasa tuktok ito ng mga malalaking bato na kulay puti. Kumikinang din ang buong lugar dahil sa mga diamonds na nagkalat sa mga batong nagsilbing pundasyon ng Lambini.
Manghang-mangha si Yu sa asul na bagay na nakikita niya sa monitor. Ang mga berdeng nakikita niya ay parang mahika na pinananabikan niyang mapanood. Ngunit kapag nakikita ni Yu ang mga nilalang na may dalawang paa ay hindi niya mapigilan ang mapahalakhak sa tuwa kaya ang rainbow rays n'ya ay humihina.
"Bakit naririto ka na naman, Yu?" tanong ni Soe gamit ang lenggwahe nila. Siya ang pinuno ng Feroia.
"Patawad, Soe. Hindi ko lang matiis na hindi makita ang mundo ng mga nakakatawang nilalang na iyan. Mas mabilis pa ang hakbang ko sa sasakyan nila," nagagalak na sabi ni Yu.
"Tao ang tawag sa kanila at ang tinitingnan mo ay Earth," paliwanag ni Soe. Nakakasilaw ang rainbow rays ng kanilang pinuno. Walang nakakaalam sa kasarian nito dahil hindi iyon mabatid ng kahit anong sensors o programs na nakapalibot sa kanila.
Gumawa ang mga Feroian ng program upang alamin ang pinagmulan ni Soe ngunit walang nagtagumpay kaya nanatiling malaking tanong sa mga taga Feroia kung saan siya nanggaling at anong program ang lumikha sa kan'ya. Wala ring nakababatid kung ilang taon na ang kanilang mabait na pinuno.
Si Yu ay walang pakialam sa ibang bagay kaya hindi siya kasali noong pilit tinutuklas ng mga Feroian ang nakaraan ni Soe. Naka-focus siya sa mga sandata at makabagong pamamaraan ng pakikidigma lalo at nananatili ang banta ng Huruan. Bilang pinuno ng mga kawal ay hindi siya papayag na matalo ang mga Feroian kaya patuloy si Yu sa pagpapalakas at pagtuklas ng mga bagong taktika sa pakikidigma.
Muling tumingin si Yu sa monitor. Nagtatakang hinaplos niya iyon ng may nakita siyang gumuhong mga bato.
"Ano'ng nangyari?" tanong ni Yu sa nag-aayos ng system na si Soe.
Napatingin ang pinuno sa monitor saka niya pinalapit iyon upang maging mas malinaw ang nasa screen.
"Digmaan! Ang mga tao ay sakim sa kapangyarihan. Puno sila ng galit at inggit kahit may mga puso silang ginagamit upang magmahal," matalinhagang sabi ni Soe.
"Bakit tayo ay walang puso. Gusto ko rin na magkaroon tayo noon. Anong uri ng sandata iyon?"
"Yu, ang puso ay nasa loob ng katawan ng tao. Hindi tayo maaaring magkaroon ng ganoon kasi Feroian tayo at tayo ay nabubuhay dahil sa taglay nating enerhiya mula sa araw."
"Iyang pindutan na iyan, bakit bawal naming hawakan iyan?" Turo ni Yu sa isang button na nasa harapan ni Soe.
"Sapagkat ito ay konektado sa isang system na kapag napindot mo ay katumbas ng kamatayan mo rito sa Feroia."
Napaurong si Yu sa kan'yang narinig. Hindi niya gustong mapalayo sa Feroia dahil ang daigdig na ito ang kaniyang tanging mundo. Ngunit biglang gumana ang pagiging makulit ni Yu. Gusto kasi n'yang mabawasan ang liwanag sa rainbow rays ni Soe dahil nasisilaw siya roon kaya bigla niya kunwaring hahawakan ang pindutan.
"Yu, ipatatapon kita sa Huldam!" sigaw ni Soe. "Walang digmaan na nasasagap ang mga sensors na nakapaligid sa Feroia kaya pwede kong iutos iyon ngayon!"
Sumayaw-sayaw at nagpagulong-gulong si Yu sa loob ng Lambini. Hindi siya natatakot na ipatapon sa Huldam dahil paraan niya iyon upang palakasin at paganahin ang talino niyang taglay. Ang Huldam ay ang bukod tanging lugar sa Feroia na madilim. Ang sinumang ipasok doon ay agad nawawalan ng liwanag ang rainbow rays ngunit bumabalik ang lakas ng nilalang kapag nakalabas na siya.
Lalong nagalit si Soe sa ginawa ni Yu kaya nabawasan ang liwanag na nakabalot sa kaniya. Pilit na hindi pinansin ng pinuno ang Feroian na nagpapasaway dahil batid niyang gumana na naman ang kakulitan nito.
"Oh, malapit nang maubos ang liwanag mo," sabi ni Soe.
Mabilis na tumayo si Yu at inayos ang sarili. Hindi siya pwedeng maubusan ng liwanag dahil hihina rin ang star na nagbabantay ng kaniyang mga kakayahan. Kapag nangyari iyon ay mahuhulog ang star at siya ay mawawalan ng kakayahan.
"Magpapakabait na ako," sabi ni Yu.
"Sinabi mo rin iyan noong nakaraan," sabi ni Soe. Sinipa nito si Yu palabas ng Lambini.
Nagpagulong-gulong si Yu sa mga buhangin dahil hindi rin niya nagustuhan ang ginawa niya kay Soe. Siya lang kasi ang bukod tanging Feroian ang nakakagawa noon sa pinuno nila at nagagawa niya lamang iyon kapag inaataki siya ng kakulitan.
Isang Feroian ang nakasalubong ni Yu. Sa pag-aakala nitong naglalaro lang ang pinuno ng mga mandirigma sa buhangin kaya ginaya nito ang paggulong ni Yu. Hanggang sa nakita rin sila ng iba pang mga Feroian at lahat na sila ay nagpagulong-gulong kasabay ng pinakamagaling nilang kawal.
Mula sa Lambini ay napapailing na pinanood ni Soe ang mga Feroian. Sa loob ng Lambini ay nagsimula na rin si Soe na gayahin ang mga kalahi na tila masayang nagpapamalas ng kanilang galing at pagkakaisa.