EARTH
Masuyong pinagmamasdan ni Miguel Rendon ang ultrasound ng kaniyang anak. Lalaki ito kaya halos sumayaw siya sa galak. Ang asawa n'yang si Catherine ay masaya naman na pinagmamasdan ang gwapong mukha ng mafia boss na kinatatakutan ng lahat ngunit mapagmahal na asawa at ama sa magiging anak nila.
"Sa wakas, nakita ko na rin ang aking anak," buong kagalakan na sabi ni Miguel. "Oh, prinsipe ng Haito, nasasabik na akong hawakan ka!"
"Malusog po ang inyong anak, boss. Sa ngayon ay wala po akong nakikitang problema dahil healthy si mommy at si baby," sabi ng doktora. "Kailangan lang pong maalagaan silang mag-ina para wala po tayong maging problema.
Nakikinig lang si Miguel Rendon ngunit hindi niya sinulyapan ang doktora na nakayuko habang kausap siya. Para sa iba ay isa lang siyang negosyante ngunit sa underworld ay isa siyang walang pusong pinuno ng mafia.
"He's our hope," sabi ni Miguel habang nakatingin sa mata ng pinakamamahal niyang asawa.
"Oo, mahal. Pag-asa ang hatid ng anak natin sa buong Haito Mafia Group. At ikaw bilang ama ay patuloy nilang igagalang," wika naman ni Catherine.
Masaya ang mag-asawa sa pagdating ng anak nila. Sampung taon din kasi ang hinihintay ng mga ito bago nabiyayaan ng tagapagmana kaya ganoon na lang kung proteksyonan ni Miguel ang mag-ina niya. Ang mga tauhan niyang nasasabik makita ang itsura ng kanilang prinsipe ay tuwid na tuwid ang mga katawan habang nakabantay sa labas ng silid.
Pagkagaling sa ospital ay tumuloy ang mag-asawa sa Haito Compound na matatagpuan sa gitna ng siyudad ng Libana. May animnapung ektarya ang buong compound na napapalibutan ng mataas na pader. Papasok sa lugar ay madadaanan ang magkakadikit na bahay ng mga Haitos o mga miyembro ng Haito Mafia Group. Walang sinuman ang nakapasok sa lugar na iyon maliban sa mga miyembro lamang ng kanilang grupo.
Kung titingnan sa labas ay isa lamang simpleng komunidad ang Buntad Street kung saan naroon ang Haito Compound. Ngunit batid sa buong bansa na ang sinumang aapak ang paa doon na hindi Haitos ay hindi na nakalalabas pa ng buhay. Maging ang mga alagad ng batas ay kinatatakutan iyon dahil batid nilang mabangis ang pinuno ng Haito Mafia Group na walang pagkakakilanlan.
Ang bawat Haitos na madadaanan ng sasakyan ng mag-asawa ay yumuyuko tanda ng paggalang sa kanilang pinuno. Sa compound kung nasaan ang malaking bahay ni Miguel ay naroon din ang mga opisyales ng Haito Mafia Group. Lahat sila ay mga walang pusong nilalang na may kaniya-kaniyang istorya.
Ang nakababatang kapatid ni Miguel na si Karl Rendon ay nakatira rin sa loob ng compound. Siya ang pangalawa sa may pinakamataas na posisyon sa Haito Mafia Group. Kabaliktaran siya ng kaniyang Kuya. Sa edad na tatlumpu ay isa siya sa kinatatakutan ng mga Haitos dahil sa pagiging mainitin ng kaniyang ulo. Siya ang bukod tanging Haitos na madalas kasama at kausap ng kanilang pinuno.
Pagkababa ng sasakyan ng mag-asawa ay sinalubong sila kaagad nang natutuwang si Karl. Panay ang tanong nito kung kumusta ang pamangkin niya na sinagot naman ng mag-asawa. Ngunit isang balita ang sinabi ni Karl na ikinagalit ni Miguel.
"Paanong naharang ang mga kargamento na galing Mexico? Maayos na iyon at ilalabas na lang sa port!" galit na sigaw ni Miguel.
"May nagbigay ng tip sa mga awtoridad," sabi ni Karl. "Inaalam pa kung sino at ano ang galit niya sa grupo natin."
Napabuga ng hangin ang mafia king bago inalalayan ang kaniyang asawa papasok ng bahay. Pagkatapos ay agad niyang inutusan si Karl na ipatawag ang mga opisyal ng kanilang grupo. Agad namang sumunod si Karl at mabilis na inipon ang matataas na tao ng Haito.
Dahil nabalitaan na ng mga ito ang nangyari sa kanilang hinihintay na mga armas galing Mexico kaya lahat sila ay tahimik habang nag-aabang na pumasok si Miguel sa silid kung saan gagawin ang pagpupulong. Nagpapakiramdaman sila dahil takot silang harapin ang galit nilang pinuno.
"Kailangang maayos natin agad ang gusot na ito dahil alam naman natin kung gaano kabait ang boss natin pero batid natin ang ugali n'ya, wala siyang sinasanto at nakakatakot magalit," sabi ni Karl sa mga kasama.
Napatango ang sampung taong nasa silid. Lahat sila ay nag-iisip na ng paraan upang solusyunan ang problema bago pa dumating si Miguel na noon ay hinihintay na matapos kumain ang kaniyang asawa.
Pagkatapos matiyak na maayos na ang asawa niyang buntis ay pumasok na si Miguel sa loob ng isang magarbong silid. Dumadagundong ang boses niya dahil sa tindi ng galit. Hindi siya papayag na ang mamanahing organisasyon ng kaniyang anak ay mahina at inaapakan ng iba. Galit na inutusan niya ang mga matataas na opisyal ng grupo na piliting mabawi ang mga kargamento mula sa mga alagad ng batas habang hindi pa ito lumalabas sa media.
"Mahirap ang ipinapagawa mo, boss," tutol ni Karl. "Baka mapahamak ang mga tauhan natin."
"Ang sino mang mahihirapan na gawin ang utos ko, barilin! Wala na rin naman siyang magiging silbi sa grupo natin kung mahina siya! I don't want to be called, king of a lame mafia group! I want you all to rise and shine. Be the brightest, strongest, fearless, and ruthless!"
Lahat ay sumang-ayon kay Miguel. Inatasan niya ang bawat isa para gawin ang parte nila upang mabawi ang kargamento nilang nasamsam.
"Tama, patuloy nating iwagayway ang pangalan natin sa underworld. Hindi pwedeng magpatuloy ang ganito," sabi ni Froilan. Siya ang matalik na kaibigan ni Miguel.
"Tayo ang Haito Group. Hindi dapat tayo sinasaling ng kung sino-sino lang. Karl, find out kung sino ang nagbigay ng tip sa mga alagad ng batas. Kill him or them! That's my order!"
Natapos ang meeting sa isang warning. Kailangang magawa ng mga opisyal ang kanilang trabaho sa loob lamang ng isang linggo. Walang tumutol o humingi ng palugit dahil batid nilang kamatayan ang katumbas noon.
Tumuloy si Miguel sa lugar kung saan nagsasanay ang mga bagong miyembro ng grupo nila. Masusi niyang pinag-aralan ang kilos ng mga ito. Sa isang tingin pa lang ay batid na niya kung sino ang magiging magaling at sino ang maiiwan sa baba.
Dinukot ni Miguel ang larawan ng ultrasound ng kaniyang anak. Nakangiting naglalaro sa isip niya ang mga katagang, "Soon, my son, you will become one of the trainee. As the prince of the Haito, you will be the strongest among them all."
Nang makita si Miguel ng mga trainee ay isa-isa silang yumuko. At dahil sa sobrang sayang kaniyang nararamdaman kaya naglaan ang pinuno ng oras para makisali sa training ng mga bagong miyembro.
"Soon, ipapanganak ang prinsipe. Gusto kong igalang n'yo siya katulad ng paggalang n'yo sa akin. Mahalin n'yo siya katulad ng pagmamahal n'yo sa akin. Protect him until your last breath."
Bawat isa ay tumango at yumuko tanda ng pagsunod. Alam nilang hindi lang basta pahayag ang binitawan ni Miguel. Isa iyong utos na hindi pwedeng baliin.
Ngunit ang hindi alam ng lahat ay may mga matang nagliliyab sa galit. Hindi siya papayag na ang grupong kay tagal niyang minahal ay mapupunta lamang sa isang sanggol na hindi pa isinisilang.