FEROIAN CHAPTER 5

1936 Words
Makalipas ang tatlong ikot ng Feroia sa araw, patuloy pa rin sa pag-eensayo ang mga mandirigmang Feroian. Natapos na rin ni Yu ang espesyal na baril na kan'yang pinaghirapan. Ang mga mandirigma ng Feroia ay handang-handa na rin ngunit katulad noon ay tahimik pa rin sa daigdig nila. Kahit panay ang bigay ng babala ng aparato na nasa loob ng Lambini ay wala naman nasasagap na ano man na panganib ang mga sundalo ng Feroia. Dumating ang panahon kung saan ang bawat Feroian ay kailangan na magpahinga at umiwas sa sinag ng araw para hindi sila masira. Lahat ng Feroian ay pumasok sa kani-kanilang bahay at mananatili sila roon hanggang sa muling paglitaw ng pinakamalaking buwan ng Feroia. Si Yu na may bukod tanging katangian ang siyang naiwan sa labas kasama si Soe na hindi apektado ng sikat ng araw dahil sa taglay niyang kapangyarihan. Nasa loob ng Lambini ang dalawa at nakabantay lamang sa ganap sa Earth at sa palibot ng Feroia. "Wala ka bang nakikitang banta?" tanong ni Yu kay Soe. "Ang banta ay palaging nandiyan. Ang hindi ko maintindihan ay kung bakit tila wala tayong nararamdaman. Sa tingin mo, Yu, ano kaya ang ginagawa ng Huruan?" "Hindi sakop ng aking kakayahan na alamin ang ginagawa ng kalaban lalo kung malayo sila sa akin. Pinaghandaan ko na ang kakayahan ng Huruan kaya tiwala akong walang magagawa ang Huruan laban sa atin." "Sana nga, Yu. Kakaiba kasi ang mensahe na pilit pumapasok sa isip ko. May mga kung ano akong nakikita sa sensor ko na hindi ko maipaliwanag. Sana ay hindi nila tayo atakihin sa panahon na ang bawat Feroian ay hindi makalabas upang ipagtanggol ang ating daigdig." Sasagot pa sana si Yu nang may marinig silang dagundong ng mga parang gumuguho na bundok. Nakakapangilabot ang tunog noon dahilan para hindi kaagad makakilos sina Yu at Soe na noon ay nanatiling nakatayo sa Lambini. Pagkatapos makabawi sa labis na pagkabigla, mabilis na lumabas si Yu ng Lambini at kasunod niya si Soe. Napatda ang dalawa nang makita nila sa labas ng Lambini ang mga Huruan. Pumapagaspas ang mga malalaking pakpak ng mga ito. Nagliliyab ang mga mata nila at ang mga buntot ng Huruan ay naglalabas ng liwanag na parang kidlat. Ang ano o sino mang Feroian na tamaan ng liwanag na iyon ay agad sumasabog. Habang patuloy ang malakas na ingay ay buong tapang na sinagupa ni Yu ang mga hindi inaasahang mga bisita. Gamit ang armas na kay tagal niyang binuo ay isa-isang binabaril ni Yu ang mga kalaban. Dahil sa special program na ginawa niya kaya walang epekto kay Yu ang liwanag na galing sa buntot ng mga Huruan. Ang mga sundalong Feroian ay nakasilip lamang at hindi makalabas sa kani-kanilang bahay dahil hindi sila pwedeng masikatan pa ng araw. "Paki-usap, buwan, lumabas ka na," malakas na hiyaw ni Yu. Hanggang hindi kasi lumalabas ang malaking buwan ay walang sino mang Feroian ang makakakatulong sa kanila ni Soe dahil maaaring masira ang mga sundalo ng Feroian. Ngunit kahit dalawa lang sila ni Soe na lumalaban para sa daigdig nila ay hindi nawawalan ng pag-asa si Yu. Ang baril na gamit n'ya ay hindi sinasanto ang mga kalaban. Sa isang putok lang nito ay tinataman ng sabay-sabay ang mga kalaban. Hindi rin siya malapitan ng sinumang Huruan dahil ang mga kamay niya ay bigkang naglalabas ng lason na direktang tumatama sa kalaban. "Mabangis ka talaga, Yu," sabi ng isang nakakatakot na tinig. "Sino ka at bakit mo ako kilala?" tanong ni Yu. Isang malakas na halakhak ang pinakawalan ng kausap ni Yu. Hindi na ito nagsalita pa. Isang liwanag ang bilang gumuhit malapit sa kinaroroonan ni Yu. Si Soe na nasa hindi kalayuan ay biglang gumawa ng malakas na tunog na yumanig sa buong Feroia. Kasunod noon ay binalot ang Feroia ng nakakahilakbot na tawa ni Seru na hindi malaman nina Soe at Yu kung nasaan. Ang dating pulang daigdig ay biglang binalot ng dilim. Napuno ang himpapawid nito ng malalaking ibon na sinisira isa-isa ang magandang tanawin ng Feroia. Ang pag dilim ay hudyat upang makalabas na ang mga sundalong Feroian na nakatago. Ang bawat isa ay may hawak na baril at sandatang biglang humahaba na kapag tinamaan ang sinumang Huruan ay agad itong bumabagsak sa lupa at naglalaho sa mga buhangin. Ngunit nahihirapan ang mga Feroian dahil hindi pa rin lumalabas ang pinakamalaking buwan na isang beses nagtatago sa loob ng isang daang libong taon. Kapag biglang nakakapasok ang liwanag ng araw ay bigla silang nasisira. "Para sa Feroia! Sugod Ferioan!" malakas na sigaw ng isang sundalo na sinundan din ng isa pa. "Amin ang Feroia! Kami ang bagong maghahari rito!" Mula sa kung saan ay sigaw ni Seru. Nakakapanginig ang boses nito na para bang galing sa ilalim ng lupa. "Hindi n'yo makukuha ang Feroia!" mariing sabi ni Soe. Ang kan'yang maliwanag na rainbow rays ay naglalabas ng kakaibang sandata na kayang tamaan ng sabay-sabay ang ang mga Huruan. Buong tapang na pinangunahan ni Yu ang mga sundalong Feroian. Ngunit tila hindi nauubos ang kalaban. May mga Huruan na panay din ang pasabog sa iba't-ibang bahagi ng Feroia dahilan para mas maging maingay ang buong daigdig nito. "Saan sila nagmumula?" tanong ng isang sundalo. "Hindi ko matiyak. Hindi ko rin makita ang pinuno nila," sagot ni Yu. "Pangunahan mo rito. Papasok ako ng Lambini para malaman ang pinagmumulan nila." Gamit ang isip ay kinausap ni Yu si Soe na noon ay abala sa pakikipaglaban. Napapalibutan ito ng maraming Huruan ngunit ang rainbow rays ni Soe ay naging parang mga alambre na punong-puno ng tinik. Mas lalong tumingkad ang kulay ni Soe dahilan para mabulag ang mga nilalang na makakakita ng kan'yang liwanag. "Papasok ako ng Lambini. Gusto kong malaman kung saan nagmumula ang mga kalaban," sabi ni Yu. "Mag-iingat ka. Hindi pwedeng makapasok ng Lambini ang mga Huruan," sagot ni Soe. "Oo, Soe. Ako na ang bahala. Hindi-hindi ako papayag na lipulin tayo ng mga Huruan." Kakaibang enerhiya ang sumakop sa buong sistema ni Yu. Masyadong mainit ang kan'yang katawan. Sa loob ng daang libong taon, noon n'ya lang muling naranasan ang ganoong temperatura. Alam n'yang ang pagtaas na iyon ng lebel ng init ng kan'yang katawan ay nangangahulugan ng panganib. Iyon ang nakikita ng kan'yang sensor. Samantala, sa mundo ng mga tao ay naging matagumpay ang pag-alis ng bala sa hita ni Catherine. Ang sanggol sa kaniyang sinapupunan ay ubod ng likot kaya naman hindi makatulog ang kan'yang ina sa bawat gabi na lumipas. Lalong umingay ang balita na magugunaw na ang mundo dahil sa nakikita ng mga astronomers na kakaibang pagbabago sa maliit na parang planeta malapit sa araw. Ang takot sa puso ng mga tao ay lalong lumala dahil sa ipinalabas na pahayag ng grupo ng mga dalubhasa sa pag-aaral ng universe. Ngunit walang pakialam ang pinuno ng Haito Mafia Group. Nasasabik na kasi silang mag-asawa sa paglabas ng kanilang prinsipe. "Malapit ka nang manganak, ma'am. Pag-isipan n'yo po ang…" "Ang alin, doktora?" Putol ni Miguel sa sasabihin ni ng obstetrician na tumitingin sa kan'yang mag-ina. "Wala po, boss." Nanginginig na sabi ng doktora habang nakayuko. "Mahal tinatakot mo ang doktor naming mag-ina." Nakangiting saway ni Catherine sa kan'yang asawa. Walang kamuwang-muwang si Catherine sa totoong lagay nilang mag-ina. Hindi n'ya rin batid na hindi maayos ang posisyon ng kan'yang baby sa sinapupunan. Ang buong akala ng reyna ng Haito ay maayos ang sanggol niya at naghihintay na lamang sila ng araw o oras upang masilayan nito ang mundo. Nang araw din na iyon ay nakaramdam na ng pananakit ng balakang at tiyan niya si Catherine. Dahil nasa hospital na siya kaya wala siyang naramdaman kaba. Excited pa siya na manganganak na siya. Sa labas ng silid na kinaroroonan ni Catherine ay nakatayo at nakayuko ang doktora na kausap niya kanina lang. Matalim ang tingin dito ni Miguel habang nakatutok sa doktora ang mataas na kalibre ng baril. Dahil ang buong palapag ay nakalaan sa mafia boss kaya walang ibang tao na hindi miyembro ng Haito ang nakakakita sa nagaganap. "Isa pang pagkakamali mo ay pasasabugin ko ang ulo mo," mahina ngunit mariin nna sabi ni Miguel. "I'm sorry, boss," nangangatog na sabi ng doktora. Batid ng doktora na nasa peligro ang buhay ng mafia prince at ganoon din ang buhay n'ya. Ang pagiging buo ng loob ni Miguel na hindi idaan sa caesarian operation ang panganganak ng asawa nito ay isang malaking dagok sa buhay at karera ng manggagamot. Mabilis na pumutok ang panubigan ng sanggol. Namimilipit si Catherine at hirap din siyang gumalaw lalo at bagong opera pa lamang ang kan'yang hita. Takot siya sa hiwa ng kutsilyo kaysa sa putok ng baril kaya pagkatapos operahan ang kan'yang hita ay ilang beses hinimatay si Catherine. Nagpapasalamat siyang normal delivery ang panganganak niya. "Kumusta ang pakiramdam mo, ma'am?" tanong ng doktora kay Catherine. "Okay lang ako, dok. Masakit pala ito." Nakangiti ang mafia queen kahit nagrereklamo. Hinahaplos at kinakausap niya ang kan'yang anak na ano mang oras ay masisilayan na niya. "Kapag sinabi kong 'push', ire lang kayo, ma'am." "Sige, doktora." Naghintay pa ng ilang minuto ang doktora bago n'ya sinimulan ang pagpapaanak sa asawa ng mafia boss. Hindi mapigilan ng manggagamot ang panginginig ng kan'yang tuhod at mga kamay. Ang banta ng mafia boss ay nakakatakot kaya nawalan lalo ang doktora ng lakas ng loob upang magawa niya ng maayos ang kan'yang trabaho. Habang ang asawa ng mafia boss ay hirap na hirap sa panganganak, si Miguel naman ay panay ang lakad sa hallway ng hospital. Hindi niya tiyak kung tama ang kaniyang naging desisyon na normal delivery na lang ang panganganak ng kaniyang asawa. "Push, ma'am," sabi ng doktora. Butil-butil ang pawis ni Catherine at ganoon din ang doktora at ang mga nurse na katulong niya. Tumutulo na rin ng luha ng mafia queen dahil sa sobrang paghihirap. "Ayaw ko na. Nahihirapan na ako. Hindi ko na kaya!" sigaw ni Catherine. "Parang awa n'yo na po, huwag kayong bibitaw. Kamatayan po ang katumbas noon sa amin," umiiyak rin na sabi ng isang nurse. "Ang sakit! Hindi ko na talaga kaya!" sigaw ulit ni Catherine. "Kaunti na lang, ma'am. Push pa po," utos ng doktora. Kahit nanghihina at halos mapugto na ang hininga ay sinunod ni Catherine ang utos ng doktora. Nanginginig na unti-unting hinila ng doktora ang sanggol na nangingitim na. Si Catherine naman ay tuluyan nang nawalan ng malay. Napaluhod ang mga nars nang makita amg sanggol na wala ng buhay. Ang manggagamot ay sinubukan na i-revive ang sanggol ngunit kahit anong gawin niya ay hindi man lang umiyak ang lalaking sanggol na hawak n'ya sa kamay. Inasikaso ng doktora si Catherine para makuha ang inunan ng bata. Pawis na pawis siya at patuloy ang panginginig ng katawan. Hindi niya alam kung paano haharapin ang mafia boss. "Dok, mamatay na tayo," sabi ng isang nurse habang umiiyak. "Linisan n'yo na ang sanggol," utos ng doktora. Umiiyak na sumunod naman ang dalawang nurse. Ang manggagamot ay panay ang dasal na sana ay maghimala ang langit. Hindi siya nagpakita ng kahinaan sa mga kasama ngunit sa kaloob-looban niya ay para siyang sinasakal ng sampung malalaking kamay. Muling binalikan ng doktora ang patay na sanggol at pilit itong binubuhay. Ngunit kahit anong gawin niya ay walang nangyayari. Yumuko ang doktora at sa isip niya ay naglalaro ang mga katagang, "Alam kong katumbas ng kamatayan mo ay kamatayan ko. Kung hanggang dito ka na lang, marahil ay hanggang dito na lang din ang buhay ko." Lumakad ang doktora palabas ng pintuan ng delivery room upang harapin ang naghihintay na si Miguel at ang kan'yang kamatayan.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD