HINDI MATANDAAN ni Cadence kung gaano siya katagal nakatulog. Kung hindi pa nangawit ang kanyang leeg ay hindi pa siya magigising mula sa pagkakatulog. Nandoon pa rin siya sa lugar kung saan siya dinala ng mga kidnapper. Gusto na naman niyang maiyak dahil sa labis na takot dahil papadilim na naman. Natatanaw niya iyon sa labas ng bintana. Tahimik siyang nanalangin na sana ay matapos na ang nararanasan niyang hirap na ito. Napalingon siya sa gawing pintuan nang bumukas iyon at ang isang kidnapper ang pumasok. Nakangisi ito nang tingnan siya. "Gising ka na pala. Kumusta ang tulog mo?" Ang tanong nito ay tila may pang-aasar na tinig. "A-anong oras na ba? Totoo ba na makikita ko na ang mga magulang ko?" Bakas ang takot sa kanyang mukha ng itanong ang bagay na iyon. Tila nag-isip naman ito.

