THE NINTH CRIME: k********g
“Class, I have a good news! Nag-request ako sa ating principal na magkaroon tayo ng isang activity. Para ma-lessen ang mga takot ninyo at para na rin mailibot kayo sa labas ng siyudad. Pinayagan tayo ng ating Gobernador na makalabas sa siyudad sa loob lamang ng isang araw. Hindi rin naman tayo lalayo sa siyudad natin dahil malapit lang ang ating pupuntahan. Kaya naman ay kailangan ninyong maghanda bukas para sa magaganap na field trip natin,” anunsyo ng isang guro sa kaniyang mga estudyante. Ang paaralan na ‘yon ay para sa mga mayayamang pamilya.
Ang mga mag-aaral doon ay anak ng mga mayayayaman na pamilya at nakatira sa Daffodil. Pinayagan sila na lumabas sa Rechilor City sa loob lamang ng isang araw. Kinausap din ng mga magulang nila si Gobernador Rechilles upang payagan ang eskwelahan na ‘yon na gumala ang mga bata kahit minsan. Masyado na raw nakakaramdam ng trauma ang mga kabataan ngayon dahil sa mga nagaganap na krimen sa buong siyudad. Dahil may mga matataas na antas sa buhay ang mga kumausap sa gobernador ay wala siyang nagawa kung ‘di sundin ang gusto ng mga ito. Naisip din niya na ang mga kabataan ang pinaka-apektado sa mga nagaganap ngayon sa siyudad.
“Ang magaganap na field trip bukas ay one day per section lang at para lamang ito sa mga graduating students natin. Hindi pa ito maaari sa mga lower year levels, kaya maswerte kayo dahil kayo ang unang batch na makakalabas sa siyudad na ito. Are you all excited?” sambit muli ng kanilang guro.
Naghiyawan naman ang mga estudyante. Ang section one ang mauuna na aalis bukas sa siyudad. Sila ang halos mga matatalinong mga estudyante na galing sa pinaka-mayayaman na antas ng pamilya sa Daffodil. Nakaramdam sila ng excitement dahil sa magandang balita na ipinahatid sa kanila ng kanilang guro.
“Ano pong oras magaganap ang field trip natin bukas?” tanong ng isang babaeng estudyante.
“Aalis tayo sa Rechilor City ng ala-singko ng umaga. Kaya naman ay dapat bago pa mag-ala singko ay narito na kayong lahat. Naiintindihan niyo ba? Kung sino man ang mahuli at wala pa rito sa napag-usapan na oras ay hindi na hihintayin pa. Maaari na lang kayong sumabay sa ibang section sa susunod na field trip.”
Nang matapos ang araw na ‘yon ay inihanda na ng bawat estudyante ang kani-kanilang mga dapat na dalhin sa field trip nila. Samantalang nalaman naman ‘yon ng dalawang imbestigador. “Tama kaya ang desisyon ni Gobernador Rechilles na hayaan ang mga estudyante na ‘yon na lumabas ng siyudad upang magkaroon ng field trip? Nakakaramdam ako na baka posible na may mangyaring hindi maganda sa mga bata na ‘yon. Hindi akma ang ganitong panahon upang magsaya sila at lumayo sa siyudad na ito,” sambit ni Detective Damien.
“Siguro naman ay walang mangyayari sa kanila na masama. Isa pa ay papasundan daw sila ng mga ito sa mga tauhan nina Hugo. Kaya siguro ay ligtas sila at walang mangyayaring masama sa kanila. Bantay-sarado sila ng mga guwardiya mula sa Rechilor City. Isa pa ay tama rin na lumayo ang ibang mga kabataan dito. Marami nang mga kabataan ang namatay at nabalitaan nila ang tungkol doon. Panigurado na ang halos lahat sa mga estudyante ay nakakaramdam na ng trauma dahil sa mga nangyayari,” sagot naman ni Detective Dallas sa kaniya.
Napabuntong-hininga si Detective Damien. “Hindi ko lang alam kung bakit masama ang pakiramdam ko sa mangyayari bukas na field trip na ‘yan. Mas mabuti siguro kung doble ang mga susunod na bantay sa mga estudyante na ‘yon.”
Napa-iling naman si Detective Dallas dahil sa sinabi ng kaniyang kasamahan. “You’re just overthinking right now, Rhys. Baka mas lalo lamang kabahan ang mga estudyante na ‘yon kung maraming mga guards ang nakabantay sa kanila. Mas iisipin nila na baka may mangyaring hindi maganda sa field trip nila dahil sa sobrang daming mga bantay.”
Naisip ni Detective Damien na may punto rin ang sinabi na ‘yon ni Detective Dallas. Hindi na lang siya umangal pa at inalis na lang sa kaniyang isipan ang mga masasamang pangyayari na posibleng mangyari sa field trip. Kinabukasan ay maagang nagpunta ang mga estudyante ng section one sa kanilang eskwelahan. Naroon na ang isang bus na pag-aari ng gobyerno at naghihintay sa mga ito. Ngunit ang hindi nila alam ay si Crony na ang driver ng bus na ‘yon.
Napag-alaman ng dalawa na may magaganap na field trip nang araw na ‘yon. Mabilis na nakarating sa kanila ang balita na ‘yon dahil usap-usapan sa buong siyudad. Hindi naman alam ng mga tauhan ni Hugo at ng mga guro sa eskwelahan na napalitan na ang driver nila sa araw na ‘yon pati na rin si Felony na nagpapanggap bilang tourist guide nila.
Iba muli ang mga mukha na gamit nila ngayon. Ganoong oras ay tulog pa ang dalawang imbestigador. Hindi pa lumalabas ng bus sina Felony at Crony. Hinihintay lang nila ang mga estudyante. Sumapit ang ala-singko at napuno na ng ingay ang bus dahil nagdatingan na ang mga estudyante. Kasunod naman ay ang tatlong guro na puro kababaihan. “Aalis na po tayo,” sambit ni Crony.
Nagdasal muna ang mga estudyante bago sila umalis ng tuluyan. Sa malaking gate palabas ng Rechilor City ay naroon ang isang sasakyan na susunod sa bus nila. Naroon ang limang mga tauhan nina Hugo na magbabantay sa mga estudyante. Alam na rin nina Felony ang tungkol doon. Kaya naman ay may inilagay silang bomba sa loob ng sasakyan na ‘yon. Sa oras na pindutin ni Felony ang remote control na nasa kaniya ay sasabog na ang kotse na sinasakyan ng mga guwardiya. Naiplano na nila ang lahat kagabi bago pa maganap ang field trip na ‘yon.
Umakto si Felony na isang tourist guide kaya naman ay nagawa niyang mapaniwala at ma-entertain ang mga estudyante habang nasa biyahe sila. Maganda rin ang kanilang dinadaanan kaya mabilis ang patakbo ni Crony sa bus na sinasakyan nila. Madilim pa sa kapaligiran dahil ala-singko pa lang naman ng umaga. Hanggang sa makalayo sila mula sa Rechilor City ay napansin ng mga guro na lumagpas na sila mula sa kanilang dapat na destinasyon. Patuloy pa rin ang pagpapatakbo ng kanilang bus. Nagtaka na rin ang mga guwardiya na nakasunod sa kanila kung bakit hindi huminto ang bus sa dapat ay pupuntahan nila.
Bumusina ang sasakyan na nasa likod ng bus ngunit hindi ‘yon pinansin ni Crony. Mayroon din silang inilagay doon na isang recorder, kaya naman ay naririnig ngayon nina Crony at Felony ang mga usapan sa loob ng kanilang sasakyan. “Saan ba ang punta niyan? Harangan mo na agad ang bus upang hindi na makalayo pa lalo!” sigaw ng isang lalaki sa loob ng kotse.
“Tawagan mo si Hugo o ‘di kaya ay ang dalawang imbestigador. Mukhang hindi na maganda ang mangyayari sa atin ngayon,” sambit pa ng isang lalaki. Napangisi naman si Crony.
“Mukhang lumagpas na tayo sa dapat ay destinasyon natin ngayon. Masyado na tayong napapalayo mula sa Rechilor City. Saan niyo ba kami balak na dalhin?” tanong ng isang guro kay Felony.
“Huwag kayong mag-alala dahil ligtas kayo. Hindi ba at gusto ninyo na mag-field trip tayo? Ngayon na dinadala namin kayo sa malayo na lugar ay mukhang nababahala kayo at hindi mapakali sa mga kinauupuan ninyo ngayon,” natatawang sambit ni Felony. Ang mabait na boses niya kanina ay bigla na lamang na nagbago sa isang iglap.
“Sino kayo? Hindi kayo ang ipinadala ng Gobernador na mga driver at tourist guide na mag-aasikaso sa amin ngayon! Saan ninyo kami balak na dalhin? Baka nakakalimutan ninyo na may nakasunod sa inyo na mga guwardiya mula sa Rechilor City?!” matapang na sagot ng isang guro. Ngumisi si Felony saka itinaas ang remote control na hawak niya. Nakaramdam na ng takot ang mga estudyante dahil sa kaniya.
“Ang sasakyan na iyon ba ang ipinagmamalaki ninyo na magliligtas sa inyong lahat?” tanong niya saka itinuro ang sasakyan na nakasunod sa bus nila. “I am sorry to say but they have to go now,” sambit pa ni Felony. Nang pindutin niya ang red button na nasa remote control ay agad na sumabog ang sasakyan na nasa likuran nila. Sobrang lakas no’n at naging dahilan ng hiyawan at takot ng mga tao sa bus. Tumawa ng malakas sina Felony at Crony.
“Kidnap ito. Hindi kayo maaaring bumalik sa Rechilor City hangga’t hindi naibibigay sa amin ng bawat mga magulang ninyo ang kani-kanilang mga kayamanan. Huwag kayong mag-alala dahil ligtas kayong lahat. Kayamanan lamang ng mga magulang ninyo ang kailangan namin ngayon,” sambit ni Felony.
Pera lamang ang gusto ko at wala nang iba pa. ‘Yon ang nais ko na kolektahin sa mundo na ito habang nabubuhay ako.