“Minamarkahan nila ang mga lugar na tapos na nilang gawan ng mga krimen,” kumento ni Detective Dallas nang makita ang mga nasa litrato.
“Inaakala siguro nila na hindi ninyo mapapansin ang mga ito. Miski ang mga normal na tao ay hindi agad ito mapapansin dahil sa sobrang liit at hindi halata,” sambit naman ni Detective Damien. Napatingin si Hugo sa mga litrato na hawak nila at sinuri ang mga may kulay pula na bilog. Ang mga marka na tinutukoy nila ay kulay itim na isang kakaibang ekis na simbolo at halos hindi makita.
“Hindi ko na ‘yan pinansin noong una kong nakita sa eskwelahan sa Gladiolus na nag-suicide ang mga estudyanteng babae. Akala ko ay isang simpleng disenyo lamang sa eskwelahan. Ngunit muli kong napansin ang markang ‘yan sa gitnang bahagi ng Daffodil, sa bandang fountain. Binalikan ko muli ang nasa Gladiolus at saka ko napagtanto na iisang marka lang ‘yon. Hanggang sa tinignan namin ang mga lugar na pinagganapan ng mga naunang krimen at nakita namin ang markang ‘yan,” kwento ng isa sa tauhan ng mga detectives.
“Miski ang mga pulis namin ay hindi napansin ang marka na ‘to habang nag-iimbestiga sila,” kumento naman ni Hugo. Halos mahilot na niya ang sentido niya dahil parang walang nagawang tama ang mga tauhan nila sa siyudad na ‘yon.
“That’s given. Hindi rin naman talaga kapansin-pansin ang marka na ‘to. Inaakala siguro nila na wala na sino man sa mga tao rito sa Rechilor City ang makakapansin doon.”
“Siguro nga ay tama ka.”
“Isa lamang ‘yan sticker na idinikit sa bawat lugar. Nakuha naman namin at sa ngayon ay pinapatignan na sa mga kasamahan natin kung may mga fingerprints ba na naiwan doon o kahit na anong ebidensiya upang maging lead natin. Sa ngayon ay ‘yan pa lang ang nakukuha namin na ebidensiya. Naghihintay din kami ng resulta kung sino ang mga nagsulat sa papel na nakuha sa mga namatay na babae.”
Tumango naman ang dalawang detectives sa kanila. Inabot ni Detective Damien kay Hugo ang mga litrato. “Ipakita mo ang mga ito sa gobernador at ikaw na ang magsabi sa kaniya ng mga napag-usapan natin ngayon,” utos nito.
“Ito nga pala ang susi sa inyong titirahan sa Daffodil. Nasabi sa akin ng driver ninyo kanina ang bahay na gusto niyo kaya ‘yon ang sinabi ko sa gobernador kanina. Mabuti na lang at wala pang nakatira roon kaya maaari kayong mamalagi muna roon habang narito kayo. Samantalang ang mga tauhan niyo naman ay kasama ng mga tauhan namin. Mayroon kaming mga kwarto rito sa Alchemilla kung saan doon sila mamalagi,” ani Hugo.
Tumango si Detective Dallas sa kaniya, “Mabuti na rin na narito ang mga tauhan namin. Mas mababantayan ng ayos ang gobernador ninyo. Nanganganib din ang buhay niya kaya mas maganda na bantayan ng ayos,” sagot niya.
“Ayos lang ba kahit wala kayong bantay sa titirahan ninyo?” tanong ni Hugo sa kanila.
“We’re fine. Kaya na namin ang aming mga sarili. Isa pa ay armado rin naman kami kaya walang mangyayaring masama sa amin. Mas alalahanin ninyo ang mga sarili niyo. Baka gawin kayong target ng mga kriminal na lumalayag sa siyudad ninyo,” paalala ni Detective Damien kay Hugo.
“Salamat sa paalala.”
Nauna nang umalis ang dalawang detectives. Bukod ang kotse na gamit ng dalawang detectives. Sakto rin at gabi na kaya tahimik na ang buong siyudad. Kung noon ay halos nakapatay na ang mga ilaw sa bawat bahay kapag sumapit na ang alas-otso ng gabi. Ngayon naman ay hindi na nila hinahayaan na madilim ang kanilang bahay. Sa takot na baka biglang may pumasok sa bahay nila at may masamang balak.
Inayos muna ng dalawang detectives ang kanilang mga gamit sa buong bahay saka inilabas ni Detective Dallas ang kaniyang laptop.
“Napa-set mo na ba ang lahat ng mga hidden cameras natin sa buong lugar?” tanong niya kay Detective Damien.
“Oo, nailagay na nila sa buong siyudad. Siniguro rin nila na walang nakakita sa kanila na naglalagay ng mga ‘yon. Isa pa ay kontrolado natin kanina ang mga CCTV cameras sa buong lugar. Pakiramdam ko kasi ay na-hacked ang security system ng buong siyudad kaya malayang nakakagawa ng mga krimen ang mga kriminal,” sagot naman sa kaniya ni Detective Damien.
“Mukhang ganoon na nga ang nangyari. Susubukan ko rin na i-hack ngayon kung sino ang gumalaw ng security system ng Rechilor City. Lalo na at noong naganap ang nakawan ay naka-freeze ang mga CCTV cameras doon. Halatang hindi talaga mahuhusay ang mga tauhan nila rito, mga hindi sanay sa gulo. Ni hindi man lang nila napansin na naka-freeze. Inaakala nila na wala talagang nadaan na tao kaya walang nakikita sa mga CCTV cameras.”
“Kaya roon pa lang ay pansin ko nang hindi basta-basta ang mga kriminal na narito ngayon. Sa tingin mo ay ilan sila?”
“Pakiramdam ko ay hindi sila lalagpas ng tatlo. Malabong gumawa ng krimen kapag marami. Mostly ay puro pagmamanipula ang ginagawa nilang krimen ngayon.”
Napaisip naman si Detective Damien sa isinagot ng kaniyang kasama. “May punto ka. Pero maaari rin na marami sila at inuutusan lang sila ng kanilang pinaka-amo.”
“Nagkaroon na ako ngayon ng access sa security system ng Rechilor City. Isang oras pa bago ko malaman kung may ibang gumagalaw ng mga CCTV cameras sa lugar.”
Mabilis ang galaw ng mga daliri ni Detective Dallas habang hina-hack ang ibang system na gumalaw doon. “Work with that one, Cade. I will try to analyze every cases that happened here in Rechilor City.”
Parehas naging abala ang dalawa nang gabing ‘yon. Ang bawat litrato na ibinigay sa kanila ng mga pulis tungkol sa mga nagdaan na krimen ay tinignan ng mabuti ni Detective Damien at sinuri. Bukod sa itim na ekis na marka na nakita nila ay wala nang iba pang mga ebidensiya na naiwan. Ang resulta naman ng unang biktima na nagahasa ay sinuri niya. Wala ring nakuhang DNA sa sensitibong parte ng babae. Mukhang gumamit ng proteksyon ang lalaking nanggahasa sa kaniya kaya pati ang ari nito ay hindi nakunan ng resulta.
Magaling ang kriminal na ‘to. Mukhang mahihirapan kami na tugisin at alamin kung sino sila.
Sa isip-isip pa lang ni Detective Damien ay alam na niyang mahihirapan sila rito. Malinis na trumabaho ang mga kinakalaban nila ngayon. Pakiramdam pa niya ay kusang iniwan ang mga markang ‘yon at ‘yon lamang ang magiging lead nila sa kaso. Kahit noong sinuri ang mga bahay na nanakawan ay walang nakuha ibang fingerprints o kahit bakas man lang ng ibang sapatos. Mukhang balot na balot ang mga kriminal para lamang hindi sila mahuli at wala silang maiwan na mga ebidensiya.
Ang mga espada na nagamit ng mga lalaking estudyante at pati na rin ang mga piring sa kanilang mga mata ay walang ibang fingerprints kung ‘di sa mga estudyante lamang. Ngunit sigurado sila na inutusan o inuto ang mga ito kaya humantong sa p*****n. Lalo na at nakapatakip pa ang mga mata nila. Hindi niya lang maisip mismo kung paano nauto ng mga kriminal ang mga estudyante na ‘yon.
“Damn it, wala man lang akong makita na kahit na anong ebidensiya sa mga ito,” reklamo ni Rhys. Nilingon naman siya ng kaniyang kasama.
“Sa ngayon ay kailangan nating malutas ang unang naging biktima. Sigurado ako na mayroong mga nakakita o kahit isang saksi sa mga krimen na naganap dito. Kailangan lang nating maghanap ngisang testigo ng patago. Panigurado na natatakot lang ang mga ‘yon lalo na at mga estudyante,” kumento naman ni Cade.
“I think so too. Kontrolado rin ng kriminal ang CCTVs sa mga eskwelahan na ginawan nila ng krimen. Kaya naman alam kong hindi lang iisa ang gumagawa. May nakita ka na ba riyan?”
“Sampung minuto pa bago ko ma-detect kung mayroon bang ibang system na gumagalaw sa security system nila,” sagot ni Cade.
Naghintay pa sila ng sampung minuto saka lumabas sa screen ng laptop ni Cade ang resulta. “Damn, may nakuha akong isang location kung saan nakabukas ang security system ng buong siyudad,” sambit agad niya nang makita ang resulta.
Mabilis naman na tumayo si Rhys at lumapit sa kaniya. Sabay nilang tinignan kung saan ito at nakabukas ito sa isang tirahan sa Bougainvillea.
“Sa Bougainvillea? Hindi ba at nariyan daw nakatira ang mga may kahirapan sa buhay? Sila ang mga nagtatrabaho para sa mayayaman na naninirahan dito sa siyudad,” kumento ni Rhys nang makita ang lokasyon.
“Should we go now? Para hindi nila akalain na ngayon tayo mismo pupunta. Lalo na at lumalalim na rin ang gabi. Mas hindi nila aasahan na pupunta tayo sa lugar na pinagtataguan nila. Isa pa ay maaaring bukas, malaman na nila na nakita natin ang lokasyon nila,” sambit ni Cade.
“Sige, isang sasakyan na lang ang gamitin natin ngayon upang makarating sa lokasyon na ‘yan. Sabihan mo na rin si Hugo na may pupuntahan tayo.”
Agad na kinuha ni Cade ang kaniyang cell phone at tinawagan si Hugo. “May ise-send ako sa ‘yo na isang lokasyon sa Bougainvillea. Nakita ko ngayon na nakabukas ang security system mula sa Alchemilla sa isang bahay sa Bougainvillea. Kontrolado ng mga kriminal ang security system ninyo. Huwag muna kayong magpadala ng back-up sa amin. Sinabihan lang kita para alam mo ang balak namin ngayon,” sambit agad niya nang sagutin ni Hugo ang tawag.
[“Ganoon ba? Sige, balitaan ninyo ako kapag may mahuhuli kayo sa lugar na ‘yon.”]
Pinatay na ni Cade ang tawag at sinend kay Hugo ang lokasyon. Mabilis silang sumakay sa sasakyan. Si Rhys ang nagmaneho ngayon ng sasakyan nila. Sinundan nila sa waze ang lokasyon dahil hindi pa nila masyadong kabisado ang buong siyudad. “May mahuli kaya tayo roon?”
“Kung hindi sila ganoon kagaling ay baka mahuli natin sila. Pero kung nakahanda sila ay talagang hindi basta-basta ang mga kinakalaban natin ngayon,” sagot naman ni Rhys.
Nang makarating sila ay pumarada sila sa hindi kalayuan mula sa bahay. Maliit lamang ang bahay na ‘yon. Naisip ng dalawa na hindi rin imposible na isang mahirap lamang ang gumagawa ng mga krimen dito. Lalo na at ganoon naman madalas ang nangyayari. Nagnakaw din ang mga kriminal kaya hindi na sila magtataka kung isang mahirap ang kriminal.
Kinuha na ng dalawa ang kanilang mga baril at inilagay sa katawan. Nagmensahe rin si Cade kay Hugo at sinabi na naroon na sila. Nanonood ngayon si Hugo sa isang CCTV sa lugar na ‘yon. Siya lamang ang binigyan ngayon ng access ni Cade upang makita ang mga nasa CCTV ng buong siyudad. Naka-lock na ‘yon at hindi na makikita ng mga kriminal.
Mabilis silang lumapit sa bahay. Madilim na roon at tahimik. Sumenyas si Rhys na maghiwalay silang dalawa kaya naman ay nagpunta si Cade sa likuran ng bahay samantalang si Rhys naman ay nagbabalak na pumasok sa harap. May nakita si Cade na isang bintanang nakabukas sa likuran. Tinignan niya muna ito ng mabuti saka pinasok. Narinig niya na kumalampag ang pinto kaya agad nang nakapasok si Rhys sa loob. Binuksan nila ang ilaw sa buong bahay saka itinutok ang baril sa nag-iisang lalaki na nakahandusay sa sahig. Sa katawan ng matandang lalaki ay may nakalagay na isang papel.
‘YOU CAUGHT THE WRONG MAN, SUCKERS.’
Agad na tinignan ni Cade kung buhay pa ba ang matandang lalaki o hindi na at saka nalaman niyang hindi na ‘yon humihinga pa.
“Damn it, nakahanda ang mga kriminal sa pagdating natin. Mukhang hindi talaga madali na mahuli natin sila,” inis na sambit ni Rhys.
“f**k, there’s a bomb!”