"HUH! Josefina?'' naalimpungatang sabi ni Ismael. Narinig niya ang malakas na pagsigaw ng asawa. Napabalikwas siya ng bangon nang makitang wala ito sa kanyang tabi! "Josefina!" Gulat na gulat niyang tawag nang muling sumigaw ang kabiyak. Napasugod siya sa labas ng kanilang silid kung saan natiyak niyang doon nagmula ang tinig nito. "Josefina, bakit? Anong nangyayari sa iyo?" alalang-alala niyang tanong. Hawak niya ang magkabilang balikat ng kabiyak at pilit na kinakalma. Bahagyang nanginging ang nakanganga nitong bibig at ang mukha ay tinakasan ng kulay. Maputlang maputla na animo'y ibinabad sa suka. Nasundan niya nang tingin ang tinitignan nito. Nakatingin ito sa gawi ng kanilang hagdanan. Nangunot ang noo niya, nagtataka. Wala naman siyang nakikitang kakaiba sa hagdanan nila upang mag

