Ilang minuto na akong naghihintay sa loob ng sasakyan, nag-aabang ng parking area bago makapasok sa loob ng restaurant. Mag-aalas-otso na ng gabi, ilang minuto na akong huli sa family dinner namin. At nakakailang tawag na rin si Daddy para tanungin kung nasaan na ako.
“Gotcha!” Nakahinga ako nang maluwag nang may umalis na sasakyan.
Pinaandar ko ang sasakyan ngunit bago pa ako makabwelo ay may naunang pumasok at kinuha ang spot na kanina ko pa hinihintay. “Loko ‘yon, ah!”
Napasandal ako sa likod ng upuan, hinilot ang sentido sa inis. Kung kailan nagmamadali ay saka ako makakatagpo ng ganitong klase ng tao—hindi marunong pumila! Ilang minuto pa ang tinagal bago ko maayos na naiparada ang dalang sasakyan.
Nagkukumahog akong pumasok sa restaurant at sinalubong ng ngiti ng dalawang pamilya—maliban kay Katherene na masama ang tingin. Kahit pagod at kagagaling pa lang sa trabaho, pinanatili ko na maaliwalas ang mukha na hinarap silang lahat.
“Good evening, everyone,” masuyong pagbati ko sa lahat at masuyong nginitian ang dalawang matanda na ngayon ko lang nakita.
“Kattleya, meet Mrs. Emilita and Mr. Karlos Veloria, Keith’s parents.”
Nanigas ako sa kinatatayuan, hindi inaasahan ang sasalubong sa akin ngayong araw. Wala pang naging sagot. Hindi pa ako pumapayag sa gusto nilang mangyari pero mukhang walang magagawa kung papayag ako o hindi dahil heto na—sila na mismo ang nagdesisyon para sa akin.
“Nice to meet you, Tita, Tito...” Lumapit ako sa kanila at masuyong nagmano. “Sorry, I’m late. Hindi ko alam na darating kayo ngayong gabi...” Bumaba ang tingin ko sa aking suot. “Sana’y nakapagpalit pa ako ng damit.”
“No, no, it’s okay, hija. Halos magkasunuran lang din kayo ng anak kong dumating.”
“Nasaan po siya?” tanong ko nang mapansing wala ang lalaki na ipapakasal sa akin.
“He’s in the restroom.” Si Tita Therene ang sumagot. “Bakit hindi ka muna mag-ayos ng sarili, Kattleya, you look stress and haggard.”
Tumingin ako sa repleksyon, medyo totoo nga ang sinabi nito. Sumang-ayon ako at nagpaalam sa kanila. Sandali kong inayos ang sarili sa woman’s restroom at hindi nagtagal ay lumabas na ako nang hindi sinasadyang mabunggo ang lalaki na nakatayo sa gitna ng daan.
“S-Sorry.” Inangat ko ang tingin sa lalaki at nagtama ang paningin namin. Katulad ko’y halata sa mukha nito ang gulat na makita ako.
Anong ginagawa niya rito?
Hindi ako makagalaw, ang tingin ko ay napako sa kaniya. Wala akong masabi, hindi ko alam kung paano siya haharapin. Kahit lasing ako nang mga panahong ‘yon ay tandang-tanda ko ang lahat ng pangyayari, mula sa pag-alis hanggang sa pagmamakaaawa sa lalaki.
“Excuse me.” Natauhan ako nang magsalita ito.
Tumango ako sa binata saka nagmamadaling umalis sa harapan niya. Napahawak ako sa dibdib, ang lakas ng kabog nito at ang mukha ko ay nag-iinit. Sa laki ng mundo, sa dami ng tao, talagang pinagtagpo pa kami rito.
“Bakit mo ba ako sinusundan?!” Inis ko siyang nilingon.
“Hindi kita sinusundan.” Tinuro niya ang daan papunta sa private rooms. “Diyan din ang punta ko.”
Matalim ang tingin na ipinukol ko sa kaniya, Medyo pahiya ako roon, ah. Nagpatuloy ako sa paglalakad, hindi siya muling nilingon at umastang walang nararamdaman. Hindi pa ako nakaka-move on sa nangyari pero heto na naman siya sa harap ko at pinaaalala ang nangyari.
“A-Anong—” Hindi natapos ang sasabihin ko nang magsalita rin siya.
“Dito ka rin?”
“Yes,” naguguluhan kong sinabi. “Oo, dito rin ako.”
“Nice,” komento nito. “Ako, hindi mo ba ako tatanungin kung dito rin ako?”
Naguguluhan na tumaas ang tingin ko. Nanlalambot ang tuhod ko at malakas ang kabog ng dibdib nang magtagpo ang tingin namin.
Kagat ang ibabang labing tumango ako. “I-Ikaw, dito ka rin ba?”
Mahina siyang tumawa. “Yes.”
“Ganon ba—” Hindi ko natapos ang sasabihin nang mapagtanto ang sinabi niya. “What?!”
Kinindatan niya ako, binuksan ang pinto at natuon ang atensyon sa amin ng lahat. Hindi ako makagalaw sa kinatatayuan ko, unti-unting nag-sink in sa utak ko ang sinabi niya. Ibig sabihin siya—siya si Keith Veloria, ang lalaking pinagpipilitan sa akin ni Daddy.
Pilit kong ibinuka ang bibig para magsalita pero walang lumabas na kahit anong boses sa bibig ko. Para akong napipi sa nangyayari, hindi ako makapaniwala na sa ganitong paraan kami paglalaruan ng tadhana.
“Son, I want you to meet Kattleya,” pakilala ni Tita Emilita.
“I know, Ma,” sagot ni Keith na may ngiti sa labi. “I know her.”
“Wait, what? How?” hindi makapaniwalang tanong ng ginang.
Bumaling ang tingin sa akin ni Keith, mula sa ilalim ng mesa ay hinuli niya ang kamay kong nakapatong sa hita ko. “I’ve met her at the—”
“Seminar,” putol ko sa sasabihin niya. “Nagkakilala kami sa isang seminar.”
“Seminar?” nagtatakang tanong ni Tito Karlos. “Kailan ka pa nahilig magpunta sa mga seminar?”
Bumuka ang bibig ni Keith. Pinong-pino kong kinurot ang kamay niya na nakahawak sa hita ko at pasimpleng pinanlakihan siya ng mga mata. “Last week. Interesante ang topic kaya nagpunta ako.”
Tumango ang mag-asawa, naniwala sa sinabi ng binata. “Kung gano’n ay hindi na kami mahihirapan na kilalanin niyo ang isa’t isa,” pangunguna ni Daddy na may ngiti sa labi.
“Mukhang maayos natin silang mapagkakasundo, amiga,” segunda ni Tita Therene.
“Therene, ang desisyon ay nasa anak pa rin natin. Kung magustuhan nila ang isa’t isa ay mas mabuti pero kung hindi talaga sila ay huwag nating pilitin,” malawak ang pag-unawa na sabi ni Tita Emilita saka bumaling sa amin. “Ano ang sa tingin mo, Kattleya?”
“Tama po kayo, Tita,” magalang na sagot ko saka sinuklian ang ngiti niya.
“Ang kasalan ay para sa dalawang taong nagmamahalan, hindi sa dalawang pamilya na nagkaroon ng kasunduan,” pangangaral ni Tita Emilita sa dalawa. “Katt, ang pagpapakasal ay hindi isang laro—hindi rin ito pinipilit. Kaya kung hindi mo matipuhan ang anak ko—sa tingin mo ay wala talagang spark sa pagitan n’yo ay maaari mo siyang tanggihan.” Bumaling ito kay Keith. “Ganon ka rin, anak.”
“Pero maaari n’yo pa ring subukan. Kilalanin n’yo ang isa’t isa,” pagpipilit ni Tita Therene. “Hindi ba, amiga?”
“Tama ka riyan,” sang-ayon ng ginang.
Dumating ang pagkain, sabay-sabay kaming kumain at ang apat na matatanda lang ang bukod tanging nag-uusap sa hapag. Maagang umalis si Katherene kaya’t hindi na siya nakasabay sa amin. Nang matapos ang pagkain ay nagpaalam na ang lahat sa isa’t isa.
“Keith, ihatid mo sa condo niya si Kattleya,” utos ng ginang sa anak.
“May dala po akong sasakyan, Tita,” pagrarason ko.
“Iwan mo na lang ang sasakyan mo. Ipakuha na lang bukas nang umaga,” pagpipilit ni Daddy. “At, Kattleya, anak, pumunta ka bukas. Sabay na tayong mag-lunch.” Bumaling ang tingin nito kay Keith. “Maaari kang sumama, hijo.”
Wala akong magawa kundi ang tumango. Naunang sumakay ang mag-asawang Veloria at sumunod sina Daddy. Naiwan kaming dalawa ni Keith na nakatayo sa labas.
“Kung ayaw mong sumabay sa akin, hindi kita pipilitin,” ani Keith.
“Sasabay ako.” Hindi pwedeng hindi. Malalaman agad ni Daddy na sinuway ko ang gusto niya.
“Kailangan mo ba talagang sundin?”
Bumuga ako nang marahas na paghinga. “Bilang isang sampid sa pamilya—isang bastarda, kailangan kong sumunod sa gusto nilang mangyari,” kaswal na sagot ko.
“Bastarda?”
“Hindi ba nila nabanggit?” Umangat ang tingin ko sa kaniya.
Umiling siya. “Wala.”
“Kung gano’n ay ayaw nila ipaalam.” Mahina akong natawa, nag-umpisang maglakad papunta sa parking lot.
Huminto kami sa isang puting sasakyan. Gayon na lang ang panlalaki ng mga mata ko na muling mapagtanto. “Ikaw ang walanghiyang mang-aagaw ng parking space kanina!” pasigaw kong sinabi.
Natigilan si Keith, nakangiwi na ngumiti. “Pasensya na.”
“Okay, wala namang magbabago,” tugon ko na ikinakunot ng noo niya.
“Gano’n ka kabilis kausap?”
“Gusto mo bang pahabain pa natin? Tapos na, hindi na natin mababago ang nangyari na kaya palagpasin na lang natin. Wala ring kwenta kung mag-aaway o magagalit ako.”
Hindi sumagot si Keith, pinagbuksan niya ako ng pinto. Nakakailang na kasama siya pero wala akong magawa kundi ang manatili sa tabi niya.
“Kung gano’n ay papayag ka rin sa kasal na gusto nila.”
Sa pagkakataong ito, ako ang hindi makasagot. Sa isipan ko ay papayag ako pero may kung anong parte sa akin na ayaw—ang pagpapakasal sa kaniya ay ang pagputol sa kalayaan na mayroon ako at wala na akong magagawa panghabangbuhay sa bagay na iyon.
“About last Saturday—”
“Kalimutan mo na ‘yon. It’s just one-night stand. Hindi mo kailangang maging sentimental sa kung anong nangyari sa ating dalawa.”
“Ako ang nakauna sa iyo.” Hindi ako sumagot. “At bigla ka na lang nawala sa kwarto kinabukasan. Umalis ka nang hindi nagpapaalam. Bigla ka na lang nawala nang walang pasabi.”
“Huwag mong isisi sa akin. Nagising ako na wala ka sa tabi ko.” Bumaling ang tingin ko sa kaniya. “Ano sa tingin mo ang iisipin ko.”
Napuno ng gulat ang mukha niya, ilang segundo na hindi nakapagsalita bago ako sinagot. “Mahimbing ang tulog mo nang mga oras na ‘yon kaya naisip kong bumili ng pagkain natin sa labas pero pagbalik ko, wala ka na—hindi na kita nakita.”
Tumahimik ang buong paligid. Ibig sabihin binalikan niya ako nang umaaga na ‘yon at hindi niya ako inalisan. Wala akong masabi, nagmumukhang kasalanan ko na kasalanan niya.
Sa gitna ng katahimikan ay muli siyang nagsalita.
“Leya, I want to do it again with you.”