Sa mahabang mesa ay aakalain na may fiesta habang isa-isang inilalapag ang iba’t ibang klase ng putahe. Panay ang kwento ni Tita Therene sa achievement ni Katherene kaya naman panay ang tango ni Keith. Sa tatlong oras na pamamalagi sa bahay ni Daddy ay para akong mauubusan ng lakas.
Kaya nang sabihing nakahanda na ang pagkain ay nagbago agad ang mood ko.
Umayos ako sa pagkakaupo, katabi si Keith na nakawala na kay Tita Therene. Mag-uumpisa na kami sa pagkain nang pumasok si Katherene—suot ang kinulang sa tela na damit at makapal na kolerete sa mukha. Mukhang galing ito sa kung saan kasama ang mga kaibigan na gano’n din ang damitan.
“Katherene, anak,” masayang salubong ni Tita Therene bago lumapit kay Katherene. “Tamang-tama ang pag-uwi mo. Halika rito at sumabay ka na sa amin.”
Nagtama ang tingin namin. Inaasahan ko ang pag-irap niya pero isang malaking ngiti ang sumilay sa kaniyang labi. “Hi, Ate Leya.”
Naiilang na tumango ako nang batiin niya ako. Lumapit siya sa mesa at naupo sa harapan ko. Ibang-iba ang awra, maaliwalas ang ngiti at hindi makabasag pinggan sa harapan namin—ibang-iba sa Katherene na lagi ko nakakasalamuha.
“I’m sorry about last night. Something urgent happened so I had to leave early.” Bumaling ang tingin ni Katherene kay Keith. “You’re so lucky, Kuya Keith. Sobrang swerte mo kung si Ate ang makakatuluyan mo. She’s an independent woman. Sobrang sipag at maalaga niya,” pagpuri nito.
Lumaki ang ngiti ng dalawang matanda na mabilis sinegundahan ang sinabi ng anak. “Hindi lang ‘yon. Lahat ng sabihin sa kaniya ay gagawin niya nang walang reklamo kaya’t kahit isang beses ay hindi niya pinasakit ang ulo namin ng asawa ko,” pagmamalalaki ni Daddy.
“Mukha nga po,” sabi ni Keith at napangiti saka tumingin sa akin. “Ibang-iba siya sa mga babaeng nakilala ko, so I am willing to know more about her. Ayaw kong palampasin ang babaeng katulad niya na sapul sa buwan na lang mahanap.”
Mas lumapad ang ngiti ng tatlo sa sinabi ni Keith. Natameme ako at hindi makaimik. Hindi ito ang unang beses na pinuri niya ako pero ngayon ko lang napagtanto na mabilis siya makakuha ng loob gamit ang mabulaklak niyang dila.
“We’re so glad,” may tuwang sabi ni Tita Therene. “Mukhang tuloy na tuloy na ang kasalan ng pamilya natin.”
“Still not sure, Tita,” putol ni Keith sa kasiyahan. “Nasa oras pa rin kami ng pagkilala sa isa’t isa. Huwag muna nating asahan nang sobra—baka hindi matuloy, pare-parehas lang tayong madismaya.”
Bumaling ang tingin sa akin ni Daddy, naghihintay ng isasagot ko.
“Keith is right.”
Natahimik ang buong hapagkainan sa naging sagot ko. Wala nang nagsalita at nagpatuloy kami sa pagkain pero ramdam ko ang masamang tingin sa akin.
Magkakasunod na tumikhim sina Daddy para putulin ang katahimikang namamagitan sa lahat. “Anyway, nagustuhan mo ba ang pagkain? Nabanggit ng mommy mo na paborito mo ang kare-kare.”
“Masarap po ang lahat ng putahe. Kung magtatagal ako rito ay baka lumobo ako sa sarap ng mga nakahain,” pambobola niya. Hindi hamak na nagpapalakas ito kay Tita Therene na siyang nagluto ng lahat ng nakahain sa hapag. Ibang klase.
Tumawa sa tuwa si Tita. “Maaari kang bumalik dito. Paglulutuan kita ng paborito mo.”
“Mom, hindi na kailangan,” pagtutol ni Katherene. “Mas masarap magluto sa iyo si Ate Leya. Mas maganda kung sa condo niya dumiretso si Kuya,” panunukso nito.
“Talaga?” baling ni Keith sa akin. “Ipagluto mo nga ako minsan nang matikman ko ang pinagmamalaki ni Katherene ngayon lang.”
Ibinuka ko ang bibig para sumagot ng unahan ako ni Katherene. “Naku, Kuya, hindi ka magsisisi at siguradong hahanap-hanapin mo.”
Ngumiti si Keith kay Katherene. Nag-umpisa ulit silang mag-usap-usap sa hapagkainan, masayang nagtatawanan habang walang katapusang pagmamalaki at papuri ang natatanggap ni Katherene sa mga magulang.
Isang oras ang tinagal namin sa hapagkainan. Naupo ako sa bench habang nakatanaw sa malawak na swimming pool. Kahit kailan ay hindi ako nagtagal sa bahay na ‘to. Hindi ko maatim na makita si Daddy na masaya sa buhay habang kami ng mama ay namulat sa kahirapan.
“Bakit nandito ka?”
Nilingon ko ang nagsalita, bumungad si Keith na nakangiti hawak ang dalawang baso ng inumin.
“Hinahanap ka nila sa loob.”
Inabot ko ang isa sa hawak niya. Naupo siya sa tabi ko at malayo ang tingin.
“Sinungaling ka, hindi nila ako hinahanap,” ani ko at sumimsim sa hawak na inumin. “Sapul sa buwan kung hanapin nila ako. Kung sakaling totoo ang sinasabi mo ay may ipagagawa sila sa akin na labag sa loob ko.”
“Mukhang hindi sila gano’ng klase ng tao,” kontra ni Keith. “Mukha silang mabait, mabilis pakisamahan.”
“Akala mo lang ‘yon.” Mababait sila, oo, pero ang lahat ng kabaitan na ipinapakita nila ay may nakatagong kapalit. “Hindi mo mababasa ang ugali ng isang tao sa isang araw o oras lang.”
“Napapansin ko na hindi ka malapit sa kanila...”
“Dahil hindi talaga,” putol ko sa kaniya. “Sa isang bastarda na katulad ko, masakit para sa akin na makita silang masaya—na makitang buo ang pamilya nila na kahit kailan ay hindi namin naranasan ni Mama.”
Tumingin ako sa langitan, marami ang bitwin ngayon gabi na nakakarinig sa lumalabas sa akin bibig.
“Sa bawat pagwaldas nila ng pera, naaalala ko ang sarili ko na namulat sa kahirapan at natutulog na kumakalam ang sikmura. Masaya ako para kay Kathrene, na hindi niya naranasan ang hirap na dinanas ko dati pero ngayon—pakiramdam ko, ako na lang mag-isa dahil kahit kailan—inampon man nila ako, hindi ko naramdaman na kabilang ako sa pamilya nila.”
Mahabang katahimikan ang namayani saa pagitan namin, wala ako narinig na kahit isang komento mula sa kaniya.
“Kinupkop lang nila ako para ipagawa sa akin ang ayaw gawin ng pinakamamahal na anak. Sa tingin mo ba gusto kong pumasok sa pagnenegosyo?” tanong ko sa kaniya bago mahinang tumawa. “Pangarap kong maging isang manunulat pero pinilit nila na pumasok ako sa kurso ng negosyo. Dinamitan nila ako pero hindi nila nirerespeto ang gusto ko.”
Dahil lahat ay para kay Katherene, ang magagandang bagay, at ang kalayaan ay para sa pinakamamahal na anak lang.
“Si Katherene, mabait siya at palangiti,” komento ni Keith.
Hindi ko maintindihan. May kung anong sumakit sa dibdib ko sa sinabi niya. Inaasahan ko na siya ang magiging kakampi ko pero sa bandang huli, sarili ko lang din ang maaasahan ko. Sino ba ang maniniwala—sino ba ang makikinig sa hinaing ng isang bastardang katulad ko.
“Binibigay nila sa akin ang mga responsibilidad na ayaw ni Katherene...” Sunod-sunod akong bumuga ng hangin bago itinaas ang tingin sa kaniya. “Isa na roon ang pakasalan ka.”
Sa pangalawang pagkakataon, mahabang katahimikan ang namayani sa pagitan namin. Ilang minuto kaming magkatabi habang nakatingin sa malayo. Sa hindi maipaliwanag na dahilan, kahit paano‘y hindi na ako naiilang sa kaniya.
“Ate Leya, Kuya Keith!” sigaw ni Katherene mula sa bungad ng pinto.
Napalingon kami sa pwesto niya. Napaangat ang tingin ko kay Keith na may ngiti sa labi na kumakaway sa kaniya. Napaiwas na lang ako ng tingin at pinagpatuloy ang pagsimsim ng wine na dala niya kanina.
Palapit sa pwesto namin si Katherene, sa gilid ng pool siya naglalakad at sa bilis ng pangyayari, hindi ko na nasundan pa.
“Ahhh!” sigaw ni Katherene kasabay nang malakas na pagbagsak mula sa tubig.
Parehas kaming napatayo ni Keith. Hindi marunong lumangoy si Katherene!
Bago ko pa masabi ‘yon kay Keith, mabilis na itong tumakbo at tumalon sa tubig para sagipin si Katherene. Tumakbo ako palapit sa kanila, sumisigaw ng tulong na mabilis nakakuha ng atensyon ng mga tao sa loob ng bahay.
“A-Ayos ka lang ba?” natatarantang tanong ko kay Katherene, binalot ng tuwalya ang basang-basa niyang katawan. Samantala, panay ang hagulgol niya ng iyak, mahigpit na yakap si Keith na inaalo ito.
“Anong nangyari?!” sigaw ni Daddy kasunod si Tita Therene na mabilis lumapit sa anak. “Anong nangyari kay Katherene?!” baling nito sa akin na may galit na tono.
Hindi ako makapagsalita. Nanigas ako sa kinanatayuan ko nang makita ang ekspresyon ni Daddy. Bakit parang kasalanan ko? Wala akong masamang ginawa pero bakit sila sa akin nagagalit ngayon.
“Nadulas si Katherene kaya nahulog siya sa swimming pool,” kalmadong paliwanag ni Keith, binitawan ang humihikbing si Katherene bago lumapit sa akin. “Walang kasalanan si Kattleya. Parehas kaming nakatayo sa malayo nang mangyari ang aksidente,” dagdag pa nito.
Natahimik si Daddy. Si Tita Therene ay inaasikaso na si Katherene. Pumasok sila sa loob ng bahay akay-akay ang nakababata kong kapatid at naiwan kami ni Keith na nakatayo sa gilid ng pool.
“Ayos ka lang?”
Tumango ako, napatigil ang tingin ko sa katawan niyang basang-basa na rin. “Basa ka.”
“It’s okay.”
“No, magbihis ka na muna. Baka lagnatin ka.” Kinuha ko ang isang towel na nakalapag sa gilid, pinulupot sa katawan niya at hinawakan ang kaniyang kamay saka pumasok sa loob ng bahay.
Malakas ang lagaslas ng tubig sa loob ng banyo ng kwarto ko, inilapag ang damit na mula sa kotse niya. At naghintay sa sala. Wala pa sina Daddy at siguradong nasa kwarto pa ni Katherene.
“Tapos ka na?” Tumayo ako mula sa pagkakaupo.
Tumango siya, inilibot ang tingin sa loob ng bahay. “Sina Tito?”
“Nasa kwarto pa ni Kathere—nandiyan na pala sila,” bawi ko nang mapansin na tatlo silang pababa na ng hagdan.
“Hijo, pasensya ka na sa nangyari kanina,” paghingi ng paumanhin ni Daddy kay Keith.
“Hindi po dapat kayo sa akin humingi ng pasensya kundi kay Kattleya,” aniya sabay turo sa akin. “Siya po ang nasigawan n’yo at hindi ako,” pahabol pa nito.
Hindi nakaimik si Daddy. Napansin agad ‘yon ni Tita Therene kaya sumingit na ito sa usapan. “Gabi na. Kung gusto n’yo ay rito na rin kayo magpahinga.”
Napuno ng pagtutol ang tingin ko sa alok ni Tita Therene. Tatanggi na sana ako nang unahan akong magsalita ni Keith.
“Maraming salamat po sa pag-alok pero kailangan ko na ring umuwi,” tanggi niya bago hinawakan ang pulsuhan ko. “Kailangan na rin ni Kattleya magpahinga.”
“Kuya...” tawag ni Katherene.
Ngumiti si Keith dito bago tumango. “Magpahinga ka na rin, mag-ingat ka sa susunod.”
Walang magawa ang tatlo, hinatid kami hanggang sa makasakay sa dalang kotse ni Keith. Parehas kaming tahimik sa buong byahe, hindi gumagana ang isipan ko basta‘t gusto ko nang makauwi at humiga sa kama.
Isang oras din ang ginugol namin sa byahe bago nakarating sa harap ng building.
“Mag-iingat ka sa pag-akyat,” paalala niya. “At tawagan mo ako kung magpapahinga ka na.”
Tumango ako at tahimik na naglakad palayo. Nakakailang hakbang pa lamang ako ay muli ko siyang nilingon. Nagtama ang paningin namin sa isa’t isa at parehas napako sa kinatatayuan.
“Keith, marry me...”