KABANATA 1

1032 Words
MAGANDA, matalino, matapang at palaban, apat na salitang palaging bukambibig ng mga taong nakakakilala kay Mary Jean P. Montelibano. Ops, Atty. Mary Jean P. Montelibano pala. Yes, tama ang nabasa mo. Nagtapos si Jean at tinupad niya ang kaniyang pangarap na maging abogada at maging tagapagtanggol ng mga taong inaapi. Subalit sa paglipas ng maraming taon ay nagbago ang takbo ng kaniyang isip. Kung kailan naging ganap na siyang abogada ay binitawan niya ito at nagpukos sa ibang bagay. Dahil lumaki siya sa pamilyang halos lahat ay may negosyo at halos lahat nang taong nakakasalamuha niya parati ay mga businessman o businesswoman, naengganyo na rin siyang pasukin ito. Hindi tunay na pamilya ni Jean ang taong mga kasama niya ngayon. Nasa highschool siya noon nang mamatay ang kaniyang half-sister na si Angelique na siyang tinuturing niyang kaisa-isahang kamag-anak noon. Akala niya nang mga panahong iyon ay wala ng pag-asa na siya ay makapagtapos ng pag-aaral at mauuwi na lang siya sa panlilimos upang mabuhay. Ngunit ang sabi nga nila ay kung may nawawala, may pumapalit. Nang mamatay ang kaniyang Ate Angelique ay naging cornea donor ito ng asawa ng isang kilalang bilyonaryo. Bilang pagtanaw ng utang na loob sa kaniyang Ate Angelique ay kinupkop siya ng pamilyang iyon. Pinag-aral, binigyan ng pamilya at higit sa lahat minahal na para bang kadugo. Nang umagang iyon ay masarap ang gising ni Jean. Malayong-malayo na sa kaniyang dating buhay na gumigising siyang animo'y may tigreng galit sa loob ng kaniyang tiyan dahil sa gutom. Bumangon si Jean at inuna talaga ang pagdarasal bilang pasasalamat sa panibagong umaga. Pagkatapos niyon ay niligpit niya ang kaniyang pinaghigaan, nag-ayos ng sarili at sunod ay bumaba na upang mag-almusal. ""Good morning, ate!"" masiglang boses niya nang makababa sa kusina at madatnan doon ang kaniyang Ate Kathy. Si Kathy ay siyang pinagbigyan ng cornea ng kaniyang kapatid. Ito na ang nagsilbing guardian niya magmula nang mapunta siya sa pangangalaga ng mga ito. Bale, hindi lang siya ang kinupkop ng mga ito kundi maging ang kaniyang pamangkin na mismong anak ng kaniyang Ate Angelique na si Xander ay napunta sa pangangalaga ng pamilyang ito. Hinding-hindi ni Jean makakalimutan ang sinabi ni Kathy nang unang beses siyang tumapak sa pamamahay nito. Anito malaki ang utang na loob nito sa kaniyang Ate Angelique dahil binigyan siya ng pagkakataon na makakita pa. Kaya't ang mga mata ring iyon ang gagamitin nito upang bantayan ang mga mahal sa buhay na naiwan ni Angelique, at sila iyon. ""Good morning, attorney!"" nakangiting sabi ni Kathy. ""Ano? Did you finish packing your things?"" tanong ni Kathy. ""Not yet, ate! Mamayang gabi pa naman tayo aalis 'di ba?"" aniya. ""Mamaya pa naman but make sure, ready ka na before five,"" saad ni Kathy. ""Got it, ate!"" malambing niyang tugon at umupo na upang mag-almusal. Mamayang gabi ay pauwi sila sa Rancho Villaruiz. Doon muna silang lima magpapalipas ng isang linggo. Bale, siya, si Kathy, Dylan, Ama ni Kathy at si Xander. Si Alexandra na anak nina Kathy at Dylan ay nasa England na. Doon nag-aaral si Alexandra at kapiling nito ang tiyahin na si Samantha. ""Ate, si Tatay pala nasaan?"" Pagkuwa'y naitanong niya kay Kathy nang mapansin na wala roon sa bahay ang ama nito. Tatay na rin ang tawag ni Jean sa ama ni Kathy, 'di dahil iyon na ang nakasanayang itawag ng mga tao sa buong pamamahay. Kundi dahil sa ama ni Kathy ay nakaramdam siya ng pagmamahal ng isang ama. Mahal na mahal siya ng ama ni Kathy at itinuring siyang parang tunay na anak. ""Jean, alam mo na kung saan pumupunta si Tatay kapag nawawala iyon dito. Hindi ka ba sanay?"" Biglang lumungkot ang mukha at boses ni Kathy. Nakadama rin siya ng lungkot. ""Kanina pa po ba siya umalis?"" tanong niya. ""Mga dalawang oras na siya roon,"" sagot ni Kathy. ""Susunduin ko siya roon, ate,"" aniya. ""Ikaw bahala..."" tipid na tugon ni Kathy at nagpaalam na aakyat muna sa kwarto ni Xander. Binilisan ni Jean ang pagsubo ng kaniyang pagkain upang makatapos na siyang mag-almusal. Susunduin niya ang ama ni Kathy sa pinuntahan nito ngayon para makauwi na. Kung minsan kasi ay umaabot ito roon hanggang maghapon. Matapos masaid ang pagkain sa kaniyang plato ay inilagay niya ang pinagkainan sa may lababo. Nakita niyang paparating ang isa sa kanilang mga kasambahay kaya't iniutos na lang niya na ito na ang bahalang magligpit at maghugas. Pagkaakyat ni Jean sa taas mabilis siyang nagbihis. Pinalitan niya ng simpleng short at t-shirt ang damit-pantulog na suot niya. Sunod ay nagsuklay siya at nagbabalak nang bumaba. Ngunit nang pababa na siya ng hagdan ay napabalik na siya sa kaniyang kwarto. Muntik niya pang makalimutan na mag-toothbrush sa pagmamadali niya. Nag-toothbrush muna siya at tinali na lang ang buhok. Nang matapos si Jean ay pinuntahan niya ang kaniyang Ate Kathy sa kwarto ni Xander upang magpaalam na. Kumatok muna siya bago pumasok sa loob. ""Ate, alis na po ako. Susunduin ko muna si Tatay..."" paalam niya. ""Okay, Jean... Magdoble ingat sa pag-drive ha."" ani ni Kathy. ""Okay po,"" aniya at nilapitan muna ni Jean si Xander nang makitang gising na rin ito. ""Good morning, ate!"" wika ni Xander. Tiyahin ni Xander si Jean. Subalit dahil "ate" ang tawag sa kaniya ni Alexandra ay iyon na rin ang naitawag ni Xander sa kaniya. ""Good morning!"" aniya. Hindi nagtagal ay lumabas na siya ng silid ni Xander. Hindi na rin siya nagtanong kay Kathy kung may sasakyan bang dala ang ama nito. Alam na niya kasi na sa tuwing pumupunta ito roon ay hindi nagdadala ito nagsasakyan. Minsan nagta-taxi lang ito para kahit magtagal ito roon ay ayos lang. Mabilis ang mga hakbang na tinahak ni Jean ang garahe ng bahay at nilapitan ang kaniyang sasakyan na naipundar. Minaneho niya iyon at nagmamadaling nilisan na ang bahay. Medyo malayo-layo ang kaniyang pupuntahan kaya't kailangan niyang bilisan upang makabalik kaagad. Kailangan niya pa kasing mag-impake ng kaniyang mga dadalhin pauwi sa Rancho Villaruiz. Sa dami kasi ng kaniyang mga dadalhin ay dapat tanghali pa lang ay nakahanda na ang kaniyang mga bagahe. Iyon palagi ang kaniyang ginagawa upang hindi siya gahol sa oras kapag nag-iimpake at wala siyang may makaligtaan kapag umaalis.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD