NARATING ni Jean ang lugar kung saan pumunta ang ama ni Kathy. Nasa sementeryo siya ngayon at nang matagpuan niya ang ama ni Kathy roon ay nakadukdok ito sa isang lapida. Umiiyak ito habang nasa puntod ni Manang Rosa.
Si Manang Rosa ay ang mayordoma at matagal nang katiwala ni Dylan. Nang makalaya sa pagkakakulong ang ama ni Kathy ay sa bahay ng mag-asawa ito tumira. At sa hindi inaasahang pagkakataon ay umibig ito kay Manang Rosa na isang matandang dalaga. Buong pusong tinanggap naman ito ni Manang Rosa.
Nagsama bilang mag-asawa sina Manang Rosa at ama ni Kathy. Ang dalawa ang naging ama at ina niya sa pamamahay nina Kathy at Dylan. Subalit sa kasamaang-palad ay pumanaw si Manang Rosa dahil sa sakit na dala ng katandaan. Mag-iisang taon pa lang itong namatay kaya't para sa kanila ay sariwa pa ang pagpanaw nito.
""Tay, uwi na tayo,"" Hinaplos-haplos niya sa likod ang ama ni Kathy.
""Hayaan mo muna ako rito, nak! Gusto ko lang bisitahin siya."" Humihikbi ang matanda.
""Tay, pwede kang dumalaw kay Nanay Rosa pero dapat mga isang oras lang. Huwag naman po iyong umaabot ka na rito minsan ng kalahating araw. Paano na kapag nagkasakit ka?"" litanya niya.
""Iniingatan ko naman ang sarili ko palagi, nak,"" nangangatwiran pa ito.
Napabuntong-hininga si Jean. Hindi na niya pinagsabihan pa ang ama ni Kathy dahil mangatwiran lamang ito sa kaniya. Ang kaniyang gagawin na lang ay suyuin ito upang sumama sa kaniya sa pag-uwi.
Inayos ni Jean ang bulaklak na dala ng ama ni Kathy. Nagtirik na rin siya ng kandila at kinausap ito.
""Nay, kung saan ka man ngayon sana ay gabayan mo kami parati. Masakit pa rin sa amin ang pagkawala mo, nay. Pero alam kong nasa mabuti kang mga kamay ngayon dahil isa ka sa pinakamabait na taong nakilala ko."" Hinaplos niya ang lapida ni Manang Rosa.
Pigil na pigil ang mga luha ni Jean habang nakatingin sa puntod na nasa harapan niya. Masakit man na mawala si Manang Rosa sa kanila ngunit mas mabuti na rin na namahinga na ito. Mas masakit kasing makitang nahihirapan ito tuwing dalaw nila sa hospital. Pero kahit nawala man si Manang Rosa ay hindi nila ito makakalimutan. Katawang-lupa lang nito ang nawala ngunit ang mga alaala nito habang kasama sila ay mananatiling nasa puso nila.
Habang buhay rin ni Jean na alalahin ang mga payo nito. Hindi niya man kadugo si Manang Rosa ngunit malaki ang pasasalamat niya dahil naranasan niyang magkaroon ng ina.
""Tay?"" mahinang sambit niya.
Tumingin naman sa kaniya ang ama ni Kathy.
""Mahal na mahal niyo po talaga si Nanay, 'no?"" aniya.
""Mahal na mahal ko siya at walang araw na hindi ko siya minahal! Noong mga panahong nagsasabi na siya sa akin na hindi na niya kaya ay dinoble ko iyong pagmamahal at pag-aalaga na ipinaramdam ko sa kaniya..."" Naluluhang sabi ng ama ni Kathy.
""Dahil sa pagmamahal mo, tay, alam kong namatay si Nanay nang masaya. Masakit man para sa atin ang pagkawala niya pero kailangan nating tanggapin na may hangganan ang hiram na buhay natin dito sa mundo,"" paliwanag niya.
Sa gitna ng pag-uusap nina Jean at ng ama ni Kathy ay biglang tumunog ang kaniyang cellphone. Text message iyon galing kay Kathy at pinapauwi na sila. Maaga raw na umuwi si Dylan galing sa opisina nito kaya naman ay mapapaaga rin ang kanilang alis pauwi sa Rancho Villaruiz.
""Tay, kailangan na po pala nating umuwi. Maagang umuwi si Kuya Dylan kaya't mapapaga rin po ang pag-alis natin."" Ipinakita niya ang text ni Kathy.
Pagkasabi ni Jean sa matanda ay agad naman itong tumayo buhat sa pagkakaupo sa gilid ng puntod ni Manang Rosa. Hindi na siya nahirapan pang ayain ito pauwi.
Sabay silang nagpaalam sa puntod ni Manang Rosa. At habang papunta sila sa kaniyang sasakyan ay panay ang lingon ng matanda sa pinanggalingan nilang puntod. Batid niyang mami-miss itong puntahan ng ama ni Kathy dahil isang linggo silang magbabakasyon. Hinayaan na lamang ni Jean ito. Ang mahalaga kasama niya pauwi.
Mapapaaga ang kanilang pag-alis pero hindi pa siya tapos magligpit ng kaniyang mga gamit na dadalhin. Pagdating niya mamaya sa bahay ay magpapatulong na lang siya mamaya sa kanilang isang maid upang magiging madali ang kaniyang pag-iimpake.
""Pasok na, tay!"" Pinagbuksan ni Jean ng pinto ng sasakyan ang ama ni Kathy at sa front seat niya ito pinaupo.
""Salamat, nak!"" wika ng ama ni Kathy bago pumasok at umupo.
Si Jean naman ay umikot at umupo sa driver seat. Nag-seatbelt siya at maingat siyang nagmaneho upang lisanin na ang sementeryo.
Sa biyahe nila pauwi ay tahimik lang ang ama ni Kathy. Hindi siya nito kinakausap hanggang sa marating nila ang bahay na kanilang tahanan. Sinalubong silang dalawa ni Xander na noo'y nakatayo sa may pintuan na tila nag-aabang sa kanila.
""Saan kayo galing, ate?"" tanong ni Xander.
""May pinuntahan lang kami ni Tatay,"" tugon ni Jean.
Hindi rektang sinabi ni Jean na galing sila sa puntod ni Manang Rosa. Kapag naririnig kasi ni Xander ang pangalan ni Manang Rosa ay hindi ito tumitigil sa pag-iyak. Napamahal na rin kasi si Xander kay Manang Rosa.
Lumapit sa kanila si Dylan at inutusan na si Jean na mag-impake na dahil aalis sila after lunch. Tinawag ni Jean ang isa nilang maid at upang magpatulong rito. Sumunod naman agad ito sa kaniya sa loob ng kaniyang silid.
""Please, lahat po ng ihahagis ko sa kama ay iyon ang ilalagay mo po sa maleta ko ha,"" utos niya sa malambing na tono.
""Sige, iha. Huwag kang mag-alala dahil magaling ako mag-ayos ng gamit sa maleta,"" nakangiting wika ng nakaunipormeng maid nila.
""Thank you po,"" nakangiting sabi niya.
Hinalungkat lahat ni Jean ang kaniyang closet upang makita niya at maalala niya nakalimutang dapat dalhin.
""Hindi ka magdadala ng athletes wear mo?"" tanong ng maid.
""Ay, oo pala! Mabuti na lang at nabanggit niyo po,"" wika ni Jean nang maalala. ""Tamang-tama mag-jogging ako sa Rancho Villaruiz.""
Kumuha si Jean sa closet niya ng dalawang sports bra, dalawang yoga pants at dalawa ring jogging pants. Maayos naman iyon na inilalagay sa kaniyang maleta at tamang-tama lang na tapos na silang mag-impake nang ipatawag sila ni Dylan upang tanghalian na.