Laman ng mga balita ngayon si Governor Aiden Cruzano ng Sta. Lucia dahil sa ginawa ni Ashanti. Sa TV, paulit-ulit ang headline: “Governor Cruzano, tinangka umanong gahasain si Ashanti!” Nakatitig si Aiden sa screen, kuyom ang mga kamao. Ramdam niya ang init ng dugo sa bawat maling salitang naririnig. Paano nila nagagawang paniwalaan ‘to? Ni minsan, hindi ko kayang saktan si Ashanti. Ni sa panaginip, hindi ko kayang gawin ‘yon. Sa labas, hati ang opinyon ng tao, may naniniwala sa balita, may mga nagdududa. Ganito ba talaga kabilis masira ang pangalan ko? Ilang taon kong pinaghirapan ang tiwala ng mga tao, tapos isang maling paratang lang, ganito na agad. Tahimik lang ang sala hanggang sa hindi na nakatiis si Almira. “Kuya, huwag ka na kayang manood ng balita,” malumanay nitong sabi.

