CHAPTER 16

1437 Words
Chapter 16 Lumipas pa ang mga araw at sa wakas ay dumating na ang pinakahinihintay kong araw—ang araw ng sabado. Tuwing sabado kasi ang araw ng sahod ko rito sa club kung kaya’t matatanggap ko na ngayon ang sahod ko. “Finally! Makakapagpa-scrub na ako!” masaya ang tinig na ani ni Dysea nang makalabas kami sa office ni Mamang. Si Mamang pala ang nagbibigay ng sahod sa bawat empleyado. Akala ko kasi ay ibang tao ang namamahala sa pagpapasahod dahil alam kong abala si Mamang. Nang mabanggit ko ‘yon kay Mamang ay tinawanan niya ako. Wala naman daw siyang masyadong ginagawa sa buhay niya. Nag-iikot ‘lang’ daw siya sa kung saan-saang sulok ng mundo. Bumaling sa akin si Dysea habang naglalakad kami sa hallway. “Ikaw, Jan? Saan mo ipanggagastos ‘yang pera mo?” usisa niya. Napatingin ako sa kulay brown na sobre na hawak ko. Naglalaman ito ng sahod ko para sa isang linggo. “Ah…” Iniisip ko kung saan ko nga ba ‘to gagastusin. O kung magagastos ko nga ba ‘to. Alam ko naman kasing kukuhanin din ‘to ni Mama. “Ipangbibili ko ng pagkain namin at ipanggo-groceries na rin. Pangbayad na rin namin sa bills ng kuryente at tubig.” “Lahat ‘yan? Paano naman ang sarili mo?” alma niya. “Ikaw ang naghirap para kumita ka ng pera tapos ipagkakait mo sa sarili mo na matamasa ang sariling effort, pawis at oras mo?” Inilagay ko ang sobre sa bulsa na nasa harapan ng jeans ko. Itinuon ko ang mga mata ko sa harapan namin. “Hindi naman lahat. May ititira pa rin naman ako sa sarili ko kahit papaano. ‘Yon nga lang… mas gusto ko talaga na ibigay sa pamilya ko ang pera na sinahod ko.” “Grabe!” manghang bulalas niya. “Hindi ko alam na ganiyan pala kapag nagkapamilya na. Masyado kang focus na bigyan ng magandang kinabukasan ang pamilya mo. Ang suwerte naman ng asawa at anak mo!” Itatama ko sana ang huling mga sinabi niya ngunit bigla naming nakasalubong si Aldous. Bubuka pa lang sana ang bibig ni Aldous ngunit nagpaalam na ako kaagad sa kanila na mauuna na ako dahil marami pa akong aasikasuhin sa bahay. Dire-diretso lang ang lakad ko palabas sa Trascamado Haven. Wala naman talaga akong gagawin sa bahay. Idinahilan ko lang ‘yon dahil iniiwasan ko si Aldous. Simula nang iniwasan ko siya ay hindi na ako ulit ginulo ni Angela. Halos hindi na nga nagtatagpo ang landas namin ni Angela dahil nakikita niyang hindi na talaga ako lumalapit kay Aldous. Ang tanging pinupuntahan ko lang ay ang counter na para sa pagkain kung saan nakatoka si Ate Maddy. Kapag may drinks sa listahan ay ipinapasa ko sa ibang katrabaho para lang hindi kami magkaroon ng interaskyon ni Aldous. Nakakaramdam ako ng guilt sa tuwing iniiwasan ko si Aldous. May mga pagkakataon na sasadyain niya akong puntahan sa table na pinagseserbisyuhan ko at makikisuyo siya saglit na kausapin ako. Tumatanggi naman ako kahit gustong-gusto ko na humingi ng paumanhin sa kaniya para sa pag-iwas na ginagawa ko. Minsan naman ay nakikita ko siyang naghihintay sa labas ng pinto ni Mamang. Hindi ko alam kung nagkataon lang ba o baka hinihintay niya talaga akong dumating. Wala akong ideya kung hanggang kailan ko ‘to gagawin, pero sana… kung dumating man ‘yong panahon na malaman ni Aldous na sinasadya ko talaga siyang iwasan ay maintindihan niya ako. Kahit na saglit ko pa lang siyang nakilala ay magaan na kaagad ang loob ko sa kaniya. Hindi man maganda ang una naming pagkikita ngunit bumawi naman siya sa mga sumunod na araw. “Nasaan na ang suweldo mo?” bungad ni Mama. Kapapasok ko pa lang sa pinto ng bahay namin at nakita ko na kaagad si Mama na nakaupo sa upuan. Nakalahad ang palad niya nang binuksan ko ang pinto. “Huwag mong sabihin na wala dahil sabado kagabi at linggo na ngayon, Janelle!” Hindi pa ako nakakapagsalita ay may dagdag kaagad siya. Isinara ko ang pinto at kinuha ang sobre na nasa bulsa ko. Bubuksan ko pa lang sana ang sobre ay hinablot na kaagad ni Mama ang sobre sa kamay ko. Dali-dali niyang binuksan ang kulay brown na sobre at napangiti siya nang malaki nang makita ang laman. Inilabas niya ang mga papel na pera. “Para na akong milyonaryo nito!” natutuwang saad niya. Bumaling siya sa akin at saka ako kinindatan. “Salamat dito sa bente mil! Sa uulitin.” Pagkatapos ay itinapon niya ang sobre sa ibabaw ng lamesa at naglakad papasok sa kuwarto nila ni Tiyo Isidro. Napasandal na lang ako sa pinto at napadausdos sa sahig. Napatitig ako sa upuan kung saan nakapuwesto si Mama kanina. Kumirot ang dibdib ko nang maalala na hindi man lang niya ako kinumusta. Ni hindi man lang niya ako itinanong kung kumain na ba ako. O kung maayos ba ang biyahe ko sa pag-uwi. Nagsipatakan ang luha ko. Minsan ay kinaiinisan ko ang sarili ko dahil sobrang hina ng loob ko—lalo na kapag tungkol sa pamilya ang pinag-uusapan. Hindi ko kasi alam kung may pamilya pa ba ako. Napayuko ako at napatitig sa mga kamay ko na nasa hita ko. “Hanggang kailan ko ba mararanasan ‘to?” bulong ko sa sarili habang tahimik na tumatangis. Minuto ang lumipas bago ko naisipang pumasok sa aking kuwarto. Nang makapasok ako sa kuwarto ko ay dumiretso ako ng higa at tumitig sa kisame. Tuloy-tuloy pa rin ang tahimik na pagluha ko. Bawat luha na lumalabas sa mga mata ko ay nagdudulot ng kakaibang sakit sa lalamunan ko. Mahirap talagang pigilan ang pag-iyak nang walang tunog kaya masakit. Kahit naman lagyan ko ng tunog ay walang mangyayari kaya mas maiging tahimik na lang akong umiyak. Mahapdi na ang aking mga mata kaya naisipan kong matulog na. Ganito naman palagi. Iiyak ako sa gabi at magiging masaya ulit kinabukasan. Hindi dahil sa masaya talaga ako, kundi dahil kailangan kong pilitin ang sarili ko. “Papa?” nagtatakang tawag ko sa isang matangkad na lalaki na nakatayo sa harapan ng entablado. Lumingon siya sa ‘kin ngunit hindi siya nagsalita. “A-Ano pong ginagawa ninyo rito?” Napakaguwapo talaga ni Papa kahit simpleng kulay puti na t-shirt at maong shorts lang ang suot niya. Maputi ang kulay ng balat ni Papa at mabalbon ang binti niya. Agaw-pansin din ang brown niyang buhok at ang kulay berde niyang mga mata. Malawak siyang ngumiti at humarap sa entablado kaya napabaling ako roon. May dalawang clown na nagtatanghal sa entablado. Nagpalinga-linga ako sa paligid ko upang alamin kung sinu-sino ang mga nanonood ngunit nakapagtataka na kaming dalawa lang ni Papa ang nandito sa harapan ng entablado. “Hindi ba’t paborito mo ang manood sa circus, Janelle?” malalim ang boses na saad ni Papa. Bahagya akong napatawa nang dahil sa paraan ng pagsasalita niya. Hindi kasi siya fluent sa pagsasalita ng Tagalog pero tinuturuan naman siya ni Mama. Ngumiti ako kay Papa. “Opo!” masayang sagot ko. “Kaya mo po ba ako isinama rito, Papa?” Tumango si Papa. “Tama ka, Anak. Isinama kita rito upang pasiyahin ka,” tugon ni Papa. Napasimangot ako at napaluha nang may mapagtanto. “P-Pero... bakit ako lang po ang nandito? Nasaan ang kapatid ko? Nasaan si Janella? Hindi ba natin siya isasama?” Nagsimula na akong humagulgol na parang bata. “Isama natin siya, Papa! Gusto ko siyang kasama! Isama natin si Ella! Isama natin siya, Papa!” Hindi ko makita ang reaksyon ni Papa dahil natatakpan ng mga luha ang mata ko. “Janelle, ‘yon ang dapat mong matutuhan sa buhay. Hindi sa lahat ng pagkakataon ay nandito ako o maski si Janella para makasama mo kaya sanayin mo na ang sarili mo na wala kami. Kagaya ng nangyayari ngayon, wala kang ibang kasama upang manood ng performance ng mga clown. Ikaw lang ang mag-isa dahil aalis na rin ako maya-maya. Kailangan mong malaman na sa buhay ay puwede ka pa ring maging masaya kahit pa umalis o mawala na ‘yong importanteng mga tao sa buhay mo.” Hindi ko lubos maunawaan kung bakit sinasabi sa ‘kin ni Papa ang mga ito. Ano ba ang nangyayari? Bakit kaming dalawa lang ang nandito? Nasaan si Janella? Nasaan ang kakambal ko? Nang maging malinaw na ang paningin ko ay naglaho na si Papa na parang bula. Sumigaw ako nang sumigaw ngunit wala na akong nakuhang tugon mula kay Papa. Nawala na rin ang mga clown na nasa entablado kanina.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD