CHAPTER 15

1278 Words
Chapter 15 “Ano na naman ang nangyari sa ‘yo, Jan?” bungad ni Dysea na galing sa pinto ng counter. Mag-isa lang siya at mukhang wala si Kendrick ngayon. Nakaupo ako ulit dito sa loob ng counter. Maingat na nakasandal ang likod at ang batok ko sa sandalan ng upuan. Ipinayo ni Aldous na ganito ang gawin ko habang nagpapahinga ako. Habang pumipilit ako na tumayo kanina ay tinulungan ako ng ibang customer para tumayo. Ang ilan sa kanila ay nagtatanong kung ayos lang ba ako at kung gusto ko raw ba na dalhin nila ako sa hospital. Hindi ako pumayag dahil ayaw kong umalis sa club nang hindi pa natatapos ang oras ng trabaho ko. Sa kabutihang palad ay napadaan si John at napansin ang kalagayan ko. Kinuha niya ako sa dalawang customer at sinabihan ang mga ito na siya na ang bahala sa ‘kin. Habang naglalakad kami ay pinaaalalahanan niya ako na huwag na huwag daw akong matutulog o pipikit man lang. Itinanong din niya kung ano ang nangyari ngunit wala akong lakas para magsalita. Wala rin naman akong balak sabihin sa kahit sino kung ano ang totoong nangyari kanina. “Jan!” pagtataas ni Dysea ng boses nang hindi ako tumugon. Umupo siya sa upuan na nasa gilid ko bago ako pinagmasdan. “What happened to you this time? Magsalita ka naman! Can you still hear me?” Napabaling siya kay John na maingat kaming pinagmamasdan. “Anong nangyari sa kaniya, John? Hindi ba’t ikaw ang naghatid sa kaniya papunta rito?” Sumulyap sa akin si John bago siya umiling kay Dysea.“Hindi ko rin alam, Dysea. Nakita ko lang na hawak-hawak siya ng dalawang customer dahil nanghihina siya. Bukod doon, wala na akong alam. Hinatid ko siya rito dahil alam kong matutulungan siya ni Aldous,” sagot ni John. Napabaling ako kay Dysea at nakita kong sapo-sapo niya ang kaniyang noo. Nagbuga siya ng hangin habang nakatingin sa ‘kin. “Jan, what happened?” tanong niya ulit, nagsusumamo na sagutin ko siya. Umiling ako sa kaniya at saka ngumiti. “W-Wala ‘to, Dysea. Aksidente lang, kagaya ng nangyari kagabi. Hindi naman s-seryoso ang naging dulot sa ‘kin kaya ‘wag ka na masyadong mag-alala. Maya-maya nga lang ay m-makakapagtrabaho na ulit ako,” saad ko. Itinukod niya ang siko niya sa arm rest ng upuan ko. Naging seryoso ang ekspresyon niya. “I can tell that you are lying to me, Jan,” tila dismayado na aniya. Naibaba ko ang paningin ko dahil nasapul niya ako sa sinabi niya. “The question here is: why? Bakit ka nagsisinungaling? Puwede kang magsabi sa ‘kin, o kay Aldous, o kay John. We are your colleagues, and colleagues shouldn’t lie to each other, especially if the matter is about work. Isa pa, sagot ka ng management dahil during working hours ka nadisgrasya at within the premise of the club.” “Don’t pressure her, Dysea,” sabat ni Aldous na hindi ko napansin na nandito pala. Kanina pa siya nananahimik kaya akala ko ay abala siya sa kung ano. “If she can’t tell it, don’t force her to spill it. Magsasabi naman siguro si Jan kung kailangan niya na talagang sabihin.” Nagpapasalamat ako na nandito si Aldous para sabihin ‘yong mga bagay na hindi ko kayang sabihin gamit ang sarili kong bibig. Pakiramdam ko kasi ay hindi ko puwedeng hindian ang kahit na sino sa mga katrabaho ko kaya napipilitan akong sabihin o gawin ang isang bagay kahit ayaw ko. Mabigat ang naging pagbuga ni Dysea ng hangin. Napasandal siya sa kaniyang upuan. Nakikita ko sa gilid ng mata ko na nasa akin pa rin ang paningin niya. “Sorry, Jan,” paghingi niya ng paumanhin. Mas lalo naman akong na-guilty nang dahil doon. Hindi ko na nga masabi-sabi sa kaniya ang totoo ay napasama ko pa ang loob niya. “I was just… traumatized about things like this. There was a time that I let Kendrick go to an event despite of knowing that it would be very dangerous for him. Hinayaan ko siya kasi alam ko namang kaya niya at may tiwala ako sa kaniya. But… accidents do really happen in an unexpected times. He got injured. Sobra akong nagsisi kasi severe ang natamo niyang injuries. Sinisi ko ang sarili ko dahil hindi ko siya nagawang pigilan kahit alam ko naman na puwede siyang mapahamak sa gagawin niya.” Habang nakayuko ako ay napapakagat ako sa labi ko. Ngayon ko lang nalaman ang pinanghuhugutan ni Dysea kung bakit palagi siyang nag-aalala sa tuwing napapahamak ako. Ayaw rin niyang ipagpatuloy ko ang pagtatrabaho ko kapag nadidisgrasya ako. ‘Yon pala ay nadala na siya sa nangyari dati kay Kendrick. Pero hindi naman ako si Kendrick. Isa pa, madali lang naman sana ang trabaho ko kung hindi ko lang sana binaliwala ang mga pagbabanta ni Angela sa ‘kin. Bigla akong napaisip. Pinatid ako ni Angela kanina kaya ako nawalan ng balanse at bumagsak sa sahig. Ganoon din ang nangyari sa ‘kin kahapon. Posible kayang… siya rin ang may gawa no’n? Napailing-iling ako. Hindi ko puwedeng basta-basta na lang pagbintangan ang ibang tao nang wala akong matibay na ebidensya. Hindi ibig sabihin na siya ang nagpatid sa ‘kin ngayon ay siya na rin ang nagpatid sa ‘kin kagabi. Hindi naman natin palagi nasasakayan ang jeep o tricycle na nasakyan natin kahapon. “Jan,” pagtawag ni Dysea sa ‘kin. Nag-angat ako ng paningin sa kaniya. Dahan-dahan kong iniangat ang kanang kamay ko para hawakan ang kamay niya na nasa arm rest ng upuan na inuupuan ko. Nag-angat ako ng paningin at malawak na ngumiti sa kaniya. Alam ko na sa ganitong paraan ay hindi niya na mapapansin na nagsisinungaling ako. “Aksidente lang talaga na nawalan ako ng balanse kaya natumba ako sa sahig, Dysea. Kung anuman ang bagay na tumatakbo sa isip mo ay tigilan mo na. Maniwala ka sa ‘kin,” pangungumbinse ko. Sana lang talaga ay maniwala siya sa mga sinasabi ko. Madiin siyang napapikit at saka siya tumango. “Okay, naniniwala ako.” Nagdilat siya ng mga mata. “Pero kapag nalaman ko na hindi aksidente ‘yan, pasensyahan na lang kami ng taong gumagawa niyan sa ‘yo. Bukod sa kaibigan kita ay pare-parehas lang tayong empleyado rito kaya ang ganiyang pag-uugali ay hindi dapat pinagbibigyan.” Nagtagal ang titig ko kay Dysea. Kung magsalita kasi siya ay parang may kung anong awtoridad akong nahihimigan sa boses niya. Napagtanto ko na may kakayahan si Dysea na tumayo at maging leader sa isang samahan nang dahil sa ganiyang pag-uugali niya. “Narinig mo ang sinabi ni Dysea, Jan. That toxic characteristic won’t be tolerated here,” segunda ni Aldous na nakasandal sa counter. Nang dahil sa sinabi ni Dysea at Aldous ay mas lalo akong kinabahan, hindi para sa sarili ko, kundi para kay Angela. Ano na lang ang mangyayari sa kaniya kapag napatalsik siya rito at nawalan siya ng pagkakakitaan? Saan na siya magtatrabaho ngayon? Ano na ang pagkakakitaan niya? Kung tumutulong siya sa pamilya niya ay kawawa naman ang mga ito kung mawawalan siya ng trabaho. Mas mabuti siguro na iwasan ko na si Aldous para wala nang dahilan si Angela na magalit sa ‘kin. Kapag nangyari ‘yon ay magiging tahimik na ulit ang buhay ko rito sa Trascamado Haven. Hindi ako sanay na magulo ang pagtatrabaho ko nang dahil sa katrabaho. Kailanman ay hindi pa ito nangyari sa ‘kin, ngayon pa lang. Kadalasan kasi ay mga customer ang palaging nagagalit sa ‘kin dahil madalas kong tanggihan ang mga gusto nila.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD