CHAPTER 14

1770 Words
Chapter 14 Nang sumunod na gabi ay bumuti na talaga ang pakiramdam ko. Hindi naman ako nakaramdam ng kakaiba sa ulo ko. Nawala na rin ang sakit na naramdaman ko sa dibdib ko dulot ng impact ng pagbagsak ko sa sahig kagabi. “Pumasok ka pa rin ngayon?” bungad ni Dysea sa ‘kin nang magkasalubong kami sa daan. Katatapos ko lang magbihis at kararating ko lang. Pinaglaruan ko sa daliri ko ang ballpen na hawak. “Kailangan kong magtrabaho, Dysea. Kumpara sa mga nararanasan ko palagi, walang-wala pa ‘to. Hindi ang pagbagsak sa sahig ang makakapagpahinto sa ‘kin sa pagtatrabaho.” Napairap siya kaya natawa ako. Medyo nasasanay na rin ako sa ugali ni Dysea. “Ang yabang, ah? Bakit ba ang sipag-sipag mo, huh? May binubuhay ka na bang pamilya?” natatawang aniya. Natawa na naman tuloy ako. “Meron, syempre. Hindi naman ako magpapatuloy sa ganitong pagtatrabaho kung wala,” sagot ko. Nanlaki ang mga mata niya at napaawang ang bibig niya. “Oh, my gosh! Legit ba ‘yan?” hindi makapaniwalang tugon niya. “Pamilya? As in… pamilya?” Nalito naman ako sa tanong niya. Bubuka na sana ang bibig ko ngunit may narinig kaming customer na nagtatawag ng waitress kaya nagpaalam na ako kay Dysea. “Mamaya na lang ulit tayo mag-usap, Dysea,” paalam ko at nilagpasan na siya. “Hello po!” magiliw na bati ko sa mga lalaki na nasa table 36. Iniangat ko ang ballpen at papel na hawak ko para maisulat ko ang mga o-order-in nila. “Ano po ang order niyo?” Tumikhim ang lalaking nakasuot ng kulay puting polo. “Kasama ka ba sa mga puwedeng order-in, Miss?” preskong saad nito. Nagtawanan ang ibang mga kasama niya. Dahan-dahang nawala ang masayang ngiti ko. “Ah…” Hindi ko alam kung ano ang sasabihin ko. Pilit akong tumawa. “Ano po ang drinks na gusto niyo? Gusto niyo rin po bang um-order ng pagkain?” Bumaling sa akin ang lalaking naka-blue na polo. Tiningnan niya ako simula sa ulo hanggang sa paa ko. “Hindi ka lang pala maganda, Miss, makinis ka pa,” nakangising saad nito. Tumawa silang lahat na parang isang kontrabida sa pelikula. “Hindi lang ‘yon, maganda rin ang kulay ng mata niya—kulay berde! Parang kulay ng mga dahon at damo sa Garden of Eden,” pagsasalita ng lalaking nakasuot ng polo na kulay pula. Sabay-sabay silang napatingin sa mga mata ko. “Aba, oo nga! Natural ba ‘yang kulay ng mata mo, Miss? Gusto ko rin ng ganiyan,” ani ng lalaking nakasuot ng kulay blue na polo. Tumawa ang lalaki na nakasuot ng pula na polo. “Madali lang ‘yan, Pre. Puwede naman siguro nating kuhanin ang mga mata niya, hindi ba?” At sabay-sabay na naman silang tumawa. Sobra na ang kaba na nararamdaman ko. Hindi na ako kumportable ngunit kailangan kong tatagan ang loob ko. Kung magpapadala ako sa kaba ko ay baka matanggal ako sa trabaho. May humawak sa balikat ko kaya napalundag ako. Bumaling ako sa likod at nakita ko si Dysea na masama ang tingin sa mga lalaki. Kanina pa ba siya riyan? “Let me take care of these sh*t heads, Jan,” aniya. Nagdadalawang-isip ako kung iiwan ko ba siyang mag-isa rito. Baka may gawin sa kaniya na kung ano ang mga lalaki na ‘to. Tiningnan niya ako. “Ako na ang bahala. Maghanap ka na ng ibang customer.” Bahagya niya akong itinulak kaya nawala na ako sa harapan ng mga customer. “Wow! Puwede na ‘to, maganda rin naman, eh.” Hindi ko na narinig ang iba pa nilang sinabi dahil may tumawag sa akin galing sa ibang table. Nilapitan ko sila at kinuha ang order nila. Gumaan ang loob ko dahil mukang matino naman ang mga customer na ‘to. Mukha rin silang respetado nang dahil sa mga suit na suot nila. Pagkatapos kong makuha ang order ay pumunta na ako sa counter upang ibigay ang order nila. “Table 28,” bungad ko kay Aldous. Drinks lang ang in-order ng mga tao sa table 28. Tingin ko ay gusto lang nilang palipasin ang oras kaya hindi sila um-order ng pagkain. Dinampot ni Aldous ang papel na nasa ibabaw ng counter. Nag-angat siya sa ‘kin ng tingin. “Maayos na ba ang pakiramdam mo? O baka pinilit mo lang ang sarili mo na pumasok ngayon?” Imbis na basahin ang order ay ang kalagayan ko pa talaga ang inuna ni Aldous. Tumango ako. “Maayos na ang pakiramdam ko, Al,” diretsong sagot ko. Napataas ang isang kilay niya bago nagbaba ng tingin sa papel na hawak. “Okay. Naninigurado lang ako.” Pagkatapos ay kinuha niya na ang stainless tumbler. Kumuha rin siya ng iba’t ibang uri ng alak. Pagkatapos kuhanin ang mga kakailanganin ay ipinasa niya na ang papel sa iba pa niyang kasama sa counter. Pinanonood ko lang si Aldous sa mga ginagawa niya. Nakuryoso naman ako tungkol sa trabaho niya. “Matagal ka na bang nagtatrabaho bilang isang bartender, Al?” Sumulyap siya sa akin ngunit ibinalik din kaagad ang paningin sa ginagawa. “When I was in Senior High School, I took Technical-Vocational-Livelihood Track under Home Economics that was why I had a knowledge about food and beverages. Simula bata pa lang kasi ako ay nakakakita na ako ng mga alak na hinahalo. Mahilig kasi akong sumama sa mga kaibigan ko at pumupunta kami sa mga bar kahit na underage pa lang kami. Hindi naman halata na minor pa ako dahil sa nationality ko.” Nanlaki ang mga mata ko at napaayos ako sa pagkakatayo. “Nationality? Ibig sabihin ba ay may halo ka rin kagaya ko?” namamanghang tanong ko. Hinalo niya ang stainless tumbler. “Yup!” masigla na sagot niya at ngumiti sa akin. “Half Filipino at half German ako.” “Wow!” nasabi ko. “Kaya pala parang nakakalula ‘yong tangkad mo.” Napatango siya. “You are right. ‘Yan din ang unang napapansin sa ‘kin ng ibang tao. Aside, syempre, sa kaguwapuhan ko.” Sabay tawa niya. Natawa rin ako. Totoo naman na guwapo talaga si Aldous. ‘Yon din naman ang unang napansin ko nang unang pasok ko rito sa Trascamado Haven. Bagsak ang kulay itim niyang buhok na nahahati sa gitna. Ang mga mata niya ay parang nakangiti kahit na seryoso ang mukha niya. Matangos ang ilong niya. Halos magkaparehas lang kami ng kulay ng balat. May makapal siyang kilay at manipis na labi. “Alam kong guwapo ako pero ‘wag mo akong titigan nang ganiyan, Jan,” natatawang pagpuna niya sa ‘kin. Kaagad akong napatuwid sa pagkakatayo. Iginala ko ang mga mata ko para hindi ko makita ang mukha niya na nakatawa sa ‘kin. “The drinks are already prepared. Puwede mo na silang ihatid.” Nagbaba ako ng tingin sa tray na nasa harapan ko at saka ako napatango. Pakiramdam ko ay sobrang init ng pisngi ko. Bakit ba kasi ngayon ko pa naisip na pagmasdan si Aldous? “S-Sige... Salamat, Al. Ihatid ko na ‘to,” paalam ko at saka mabilis na kinuha ang tray na nasa ibabaw ng counter. Hindi ko na tinapunan ng tingin si Aldous dahil baka mas lalo lang akong pag-initan ng pisngi. Bitbit ang tray ay umalis na ako sa tapat ng counter. Nang magbaling ako sa ‘di kalayuan ay napansin ko ang isang pares ng mata na masama ang tingin sa akin. Pakiramdam ko ay kaya niya akong patayin gamit ang mga titig niya. Nangatal ako nang makita ko ang paglalakad niya papalapit sa ‘kin. Salubong ang mga kilay niya at nanlilisik ang mga mata. Nakita ko rin ang madiin na pagdikit ng mga ngipin niya. Hindi ko naman maunawaan kung saan nanggagaling ang emosyon niya ngayon. “A-Angela,” usal ko nang makalapit siya. “M-May kailangan ka ba?” Napangisi siya at napaikot ang kaniyang mga mata. “Hindi ko alam na alam mo pala ang pangalan ko,” sarkastiko na saad niya. “Bakit? Nagsumbong ka na ba sa kaibigan mo kaya nalaman mo ang pangalan ko? Kahit magsumbong ka pa ay walang mangyayari! Isa ako sa pinakaepektibo at pinakamagaling na waitress dito kaya hindi mo ako mauungasan!” Napalunok ako. “W-Wala naman akong planong makipagkumpetensya sa ‘yo, A-Angela. Ang tanging gusto ko lang ay ang makapagtrabaho. H-Hindi ko iniisip ang makipagpagalingan sa ‘yo.” Nag-isang linya ang labi niya. “Talaga ba?” walang ganang tanong niya. “Bakit iba ang nakikita ko? Base sa mga ikinikilos mo ay nakikita ko na balak mong agawin kung ano ang akin.” Mas lumapit pa siya sa ‘kin kaya nasa harapan ko na siya ngayon. Hindi ako nakaatras dahil iniisip ko na baka matalisod na naman ako. “Para sabihin ko sa ‘yo… akin lang si Aldous kaya ‘wag na ‘wag kang magkakamali na agawin siya sa ‘kin, naiintindihan mo ba?” “H-Hindi ko maintindihan kung b-bakit mo sinasabi ang mga ito sa ‘kin,” naguguluhan na tugon ko. Pagak siyang natawa. “Ah, hindi mo alam? Alalahanin mo ang mga kalandian na ginawa mo para malaman mo kung bakit ko sinasabi ang mga ito sa ‘yo!” sigaw niya sa mukha ko bago niya itulak ang noo ko gamit ang hintuturo niya. “Layuan mo si Aldous kung ayaw mong samain ka sa ‘kin!” Hindi ko alam kung ano ang dapat kong itugon sa kaniya kaya mas pinili ko na lang na lagpasan siya. Nakakadalawang hakbang pa lang ako ay tumama na ang dibdib ko sa sahig. Sa sobrang lakas ng pagtama ko sa sahig ay hindi ako kaagad nakatayo. Bahagya rin akong nawalan ng pandinig nang dahil sa malakas na pagtama ng stainless na tray sa tiled na sahig. Naglakad si Angela hanggang sa huminto siya sa bandang ulo ko. Umupo siya at hinawakan ang buhok ko para mapatingala ako sa kaniya. “Hindi lang ‘yan ang mararanasan mo kapag hindi mo sinunod ang mga paalala ko sa ‘yo. Ikaw rin, baka maubusan ka ng suweldo nang dahil sa mga nababasag mong gamit.” Pagkatapos niyang sabihin ‘yon ay padarag niyang binitawan ang buhok ko. Naglakad na siya paalis at maya-maya lang ay wala na siya sa paningin ko. Napaiyak na lang ako habang nananatiling nakadapa sa sahig. Wala akong kakayahang tumayo dahil sa sakit na nasa dibdib ko ngayon. Hindi lang sa pisikal, kundi pati sa emosyonal.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD