Chapter 11
Kapapasok ko pa lang sa office ni Mamang ay nakita ko na kaagad siya na parang may hinihintay. Narinig niya ang tunog ng pagbukas ng pinto kaya napabaling siya sa gawi ko.
Nakasuot na naman siya ng makulay na damit. Sumayaw ang bilog niyang hikaw nang bumaling siya sa ‘kin. Ang kilay rin niya ay ganoon pa rin ang ayos. Parang magkakabanggaan na ang mga ‘yon.
“Mabuti naman at nandito ka na, Jan,” tila nabunutan ng tinik na aniya.
Naglakad ako papasok at isinara ang pinto. Tumayo ako sa harap ni Mamang. “Bakit po? May problema po ba, Mamang? May nagreklamo po ba tungkol sa pagtatrabaho ko?”
Umiling siya at naglakad papunta sa upuan niya na nasa likuran ng lamesa. “There’s no any problem about you,” aniya habang umuupo sa kaniyang upuan. “Gusto ko lang malaman kung ano na ang nangyayari sa ‘yo rito sa club. Nakita ko si Dysea kanina at nabanggit niya sa akin na nakita ka niyang kausap si Angela. Kilala ko si Angela dahil marami na talaga siyang nakaaway rito sa club. Hindi ko nga lang magawang paalisin dahil wala namang nagreklamo.”
Napalunok ako. “Nagkabanggaan lang naman po kami sa daanan, Mamang. Wala naman pong away na nangyari.”
Pinanliitan niya ako ng mata. “Sigurado ka ba, Jan? Baka naman tinatakot ka lang ng babaeng ‘yon kaya nagsisinungaling ka?”
Umiling ako. “H-Hindi naman po, Mamang. Totoo po na wala namang away na nangyari,” pagtanggi ko pa rin.
Ayaw kong lumiit ang mundo ko kaya hangga’t maaari ay ayaw kong magkaroon ng kaaway. Ayaw kong masali sa mga issue at sa mga bagay na wala namang idudulot na maganda sa buhay ko. May mga bagay na mas dapat kong pagtuunan ng pansin, at hindi kasama roon ang mga taong may ayaw sa ‘kin.
“Okay,” pagsuko niya. Sumandal siya sa kaniyang upuan. “Magbihis ka na para makapagsimula ka na. Kanina ka pa hinihintay ni Dysea. Mabuti naman at naging malapit kayo kaagad sa isa’t isa.”
Napangiti ako nang dahil doon. “Hindi naman po mahirap pakisamahan si Dysea, Mamang. Palakaibigan din po siya at palagi niya akong tinutulungan sa mga bagay-bagay rito aa club,” saad ko.
Napatawa siya nang malakas. “Ganiyan talaga si Dysea kapag gusto niya ang isang tao. Kapag ayaw niya sa isang tao ay hindi niya ‘yon kakaibiganin o papansinin man lang. Magaling mag-handle ng ugali si Dysea. May mga pagkakataon nga lang talaga na nagkakamali siya ng desisyon.”
Napakunot naman ang noo ko sa sinabi ni Mamang. Kung magsalita kasi siya ay parang kilala niya nang personal si Dysea. ‘Yong hindi lang basta empleyado. Hindi ko mawari pero parang ganoon talaga. O baka sa tagal na rin ni Dysea rito ay naging malapit na talaga ang loob nila ni Mamang sa isa’t isa.
Bago pa man ako makapagtanong ay nagsalita ulit si Mamang. “Sige na, Jan. Magbihis ka na,” utos niya. Tumango naman ako at itinikom na lang ang bibig ko.
Pumasok na ako sa dressing room at nagpalit ng uniporme. Isinabit ko sa rack ang damit ko bago ako nagsuot ng 3 inches na heels. Tinanggal ko na rin kaagad ng panali ng buhok ko para mawala nang masabi si Mamang.
Lumabas na ako sa dressing room pagkatapos kong makita sa salamin na ayos na ang lahat. Narinig ko ang pagpalakpak ni Mamang kaya napabaling ako sa kaniya. Itinaas niya ang hinalalaki niya sa ‘kin.
“Bagay na bagay talaga sa ‘yo ang uniporme ng club, Jan,” pagpuri niya. “Parang ginawa ang uniporme nang naaayon sa size mo.” Sabay tawa niya.
Napatawa na rin ako. “Baka dahil para rito talaga ako sa club na ‘to, Mamang?” pakikisakay ko.
“Ganoon na nga. Oh, siya. Lumabas ka na para may makatulong na ang ibang kasama mo roon,” pagtutulak niya sa akin.
“Sige po,” sagot ko at lumabas na sa office ni Mamang.
Naglagay lang ako ng pulbos sa mukha ko. Nakita ko ang pulbos kanina sa ibabaw ng lamesa na nakaharap sa salamin na may mga ilaw sa gilid-gilid. Kahit na gusto kong lagyan ng kakaunting kolorete ang mukha ko ay hindi ko magawa dahil bukod sa wala akong makeup ay hindi rin ako marunong. Si Dysea naman ay nasa labas kaya walang tutulong sa akin.
Nang makalabas sa hallway mula sa office ni Mamang ay nakita ko ang dagsa ng mga customer. Marami sa mga kasamahan ko ang abala sa pagkuha ng mga order ng mga customer. Sa dagsa ng mga customer ay nakita ko ang paglapit ni Dysea sa akin.
“Hi, Jan! Magsisimula ka na ba sa pagtatrabaho?” tanong niya nang makalapit.
Tumango ako. “Oo. Dapat pala ay mas inagahan ko ang pagpasok para nakatulong ako rito kanina,” ani ko.
Umiling siya at hinampas ako sa braso. Hindi kagaya noon ay hindi na ako napaiktad nang dahil sa pagdampi ng balat niya sa ‘kin. “Ano ka ba? Ayos lang ‘yon! Hindi pa naman oras ng trabaho mo kanina, eh.”
Gusto ko sanang banggitin sa kaniya ‘yong tungkol kay Angela ngunit baka mas lalo lang isipin ni Dysea na may sinabi nga na kung ano si Angela sa akin. Gusto ko sanang itanong kung bakit sinabi niya pa ‘yon kay Mamang. Naisip ko rin kaagad na concern lang naman si Dysea sa akin. Baka iniisip niya na mas madaling maaaksyunan kung ipapaalam niya kay Mamang.
Magsasalita pa sana siya ngunit may isang lalaki na lumapit sa kaniya at bigla na lang siyang hinalikan sa leeg. Literal na nanlaki talaga ang mga mata ko nang dahil sa gulat. Sino ba naman ang hindi magugulat kung makakakita ng ganoong senaryo nang harap-harapan?
Inaasahan ko na ilalayo ni Dysea ang leeg mula sa lalaki o sasampalin niya ito ngunit alin man sa mga ‘yon ay hindi niya ginawa. Sa halip ay niyakap niya ang leeg ng lalaki at mas ibinaon ang mukha nito sa leeg niya. Ito ba ‘yong sinasabi ni Dysea na totoo niyang ugali?
Tumawa si Dysea nang mapadpad sa akin ang paningin niya. Tinanggal niya ang pagkakapulupot ng braso niya sa leeg ng lalaki at saka ito sinabunutan. “Wala ka talagang pinipiling lugar, ‘no? Kahit saan na lang talaga, Rick!” Naiinis man ay natatawa pa rin ang itsura ni Dysea.
Magaan ang halik na iginawad ng lalaki sa leeg ni Dysea. “Sorry, Dagat ko. Hindi ko lang talaga mapigilan na amuyin ka. Ang tagal mo kayang mag-out palagi sa club. Pinandigan mo na talaga ang pagtatrabaho rito,” natatawang saad ng lalaki.
Hindi ‘yon pinansin ni Dysea. “May ipapakilala ako sa ‘yo.” Mula sa lalaki na nasa harapan niya ay napunta sa akin ang paningin ni Dysea. “Jan, meet my boyfriend—Kendrick.” Bumaling ulit siya sa lalaki na boyfriend niya pala. “Rick, meet my new friend—Jan.”
“Ah… ikinagagalak ko na makilala ka!” mahina ngunit masayang saad ko.
Umayos muna sa pagkakatayo si Kendrick bago siya humarap sa akin. Napansin ko kaagad ang dalawang itim na bilog na hikaw sa magkabilang tainga nito. Napatitig ako sa mga mata niya nang mapansin ko na kulay gray ang kulay ng mga ‘yon. Maputi ang kulay ng balat niya. Kulay brown ang kulay ng kaniyang buhok at parang kinahig ng manok ang uri ng gupit niya. Hindi ko alam ang tawag sa gupit niya. Ang buhok niya ay ginupit sa magkabilang gilid hanggang sa itaas ng tainga at medyo mahaba ang natirang buhok sa bandang likuran.
Panandalian siyang natuod sa kintatayuan niya habang nakatitig lang sa ‘kin. Napansin ko rin ang tattoo niya na nasa kaliwang banda ng kaniyang leeg. Hindi ko masyadong maaninag kung ano ang klase ng tattoo niya dahil madilim.
Hindi man lang siya kumukurap. Maya-maya ay biglang kumunot ang noo niya. “Kaibigan mo ‘to, Dagat? When did she start working here?”
Nakita ko ang pagkabigla ni Dysea sa tinuran ng kaniyang boyfriend. Kahit ako naman ay nagulat dahil hindi ganoon ang inaasahan ko na magiging reaksyon niya. Ang akala ko ay matutuwa siya dahil may panibago na namang kaibigan si Dysea.
Nakita ko ang pasimpleng pagkurot ni Dysea sa tagiliran ni Kendrick. “What the hell are you saying, Rick? She’s my friend, and she’s a good person for you to act like that,” madiin na bulong ni Dysea. “Kung hindi mo siya kayang respetuhin bilang kaibigan ko, respetuhin mo naman siya bilang tao!”
Napahawak si Kendrick sa tagiliran niya. “How can I respect her when she did something wrong way back then?”
Napakunot na naman ang noo ko nang dahil sa sinabi ni Kendrick. Wala akong natatandaan na nagkaroon ako ng kasalanan dati—sa kaniya o sa kahit sino. Ang sabi ko nga ay ayaw ko ng gulo o ng kaaway kaya bakit ako gagawa ng bagay na makakapagpahamak sa ‘kin?
“What are you talking about? Don’t make a story, Kendrick! Hindi na ako natutuwa sa ‘yo,” napipika na talagang saad ni Dysea. Halata na ang inis ni Dysea dahil nakasimangot na siya.
Mukhang mag-aaway pa yata sila kaya sumabat na ako. “Ah… Dysea, mauuna na muna ako. Dumarami na naman kasi ‘yong mga customer,” paalam ko kay Dysea. Humarap ako kay Kendrick at bahagyang ngumiti sa kaniya. “Ikinagagalak ko na makilala ka, Kendrick!” Pagkatapos ay iniwan ko na silang dalawa roon.
Sobrang lakas ng pintig ng puso ko sa hindi ko malaman na dahilan. Kinakabahan siguro ako nang dahil sa naging reaksyon ni Kendrick nang makita ako. Natatandaan ko na ganoon din ang naging reaksyon ni Aldous nang unang beses niya akong makita. Posible kayang nabigla lang din Kendrick dahil ito ang unang beses na nakita niya ako?
Pilit kong iwinaglit sa isipan ko ang mga nangyari kanina. Gusto kong pag-igihan ang trabaho ko rito para wala akong magawa na kapalpakan. Gusto ko na maging malinis at pulido ang galaw ko.