Nagising na lang ako nang tumama sa mukha ko ang sinag ng sikat ng nakakasilaw na araw. Pipikit-pikit pa akong bumangon dahil antok na antok pa talaga ako—pero kailangan. Ako ang panganay, at ako na rin ang nagsisilbing magulang sa mga kapatid ko. Mahirap, pero kailangang maging matapang. Ni hindi na nga ako nakapagtapos ng kolehiyo. Mabuti na lang, hindi napagod si Tita Lex, nakababatang kapatid ni Mama na umalalay sa aming magkakapatid. Kung itatanong niyo kung maganda ako? Well, hindi naman masyado. Pero maraming nagsasabi na malakas daw ang appeal ko. Char! Si Mama lang ang nagsabi niyon sa akin noon. Ewan ko ba, tiwala talaga si Mama sa ganda kong 'to. Hindi ko nga makita kung saan banda.
"Ate Laji, gutom na ako. May pagkain na po ba?" Kukusot-kusot pa ng mata si Leo nang bumungad sa pintuan ko. He is really an ate's boy. Baby pa kasi siya nang mawala ang Mama. Hindi ko na babanggitin pa ang tungkol kay Papa dahil hindi ko naman siya nakilala. We grew up without a father.
Napangiti ako na sumenyas kay Leo na lumapit sa akin. "Hali ka nga dito, Leo, bunso."
Patakbo pa siyang sumampa sa kama ko. Masigla si Leo, hindi mo mahahalatang may iniinda siyang sakit. Oo, may sakit ang kapatid ko. Bata pa lang siya nang malaman namin na may heart disease siya. Sobra ang iyak ko no'n. Parang gusto ko na lang din na mamatay. Mahal na mahal ko kasi si Leo, ako na ang tumayong ina nito mula nang mawala si Mama. Para na rin akong naputulan ng isang paa nang malaman kong may sakit siya sa puso.
"Ano ba ang gusto mo agahan, bunso?" tanong ko sa kanya habang pina-pat ang kanyang ulo.
Masigla itong nagtaas ng kamay. "Saging! Gusto ko ng saging, Ate!"
Natawa ako sa sinabi niya. Saging? Saging lang ang gusto niya? Nakakahanga ang babaw ng kaligayahan ng kapatid ko.
"Ayaw mo ng pritong tuyo? Mabango 'yon," sabi ko sa kanya.
Umiling-iling kaagad si Leo. Marahil, sawa na ito sa tuyo. Ito ba naman ang halos ulamin namin lagi, sino ang hindi magsasawa?
"Sawa na ako sa tuyo, Ate. Bakit ba laging tuyo ang ulam natin?" Pinagtatawanan na 'ko sa school kasi tuwing lunch time, nangangamoy tuyo ang classroom dahil sa ulam ko."
Naawa ako kay Leo. Gustohin ko mang bilhan sila ni Layza ng lahat ng pangangailangan nila, magarang damit, masarap na pagkain, at kumportableng buhay, sobrang hirap. Sapat lang sa pagkain namin ang kinikita ko sa pagbabantay ng apartment. Mabuti nga at sinu-swelduhan ako ni Tita Lex kahit na papaano. Si Layza naman, nag-pa-part time lang minsan bilang waitress sa malapit. Nakakatulong na rin kahit kaunti. Maluho rin kasi ito kaya hindi gano'n kalaki ang na-a-ambag sa bahay.
"Sorry na, Bunso. Kasi naman, gipit si Ate. Hayaan mo, babawi talaga ako kapag yumaman na tayo."
Napa-cross arms si Leo sa akin saka nag-pout pa. Guwapo itong kapatid ko kapag nagbinata, panigurado na 'yon.
"Ate, kailan pa 'yon? Yayaman pa ba tayo?"
"Oo naman! Just watch me, Bunso. Aahon tayo sa hirap. Pangako 'yan!"
Naiiyak na ako kaya niyakap ko na lang ang kapatid ko para hindi niya makita ang pagpatak ng luha mula sa mata ko. Mabilis talaga akong paiyakin. Nu'ng buhay si Mama, ang sabi niya, iyakin daw ako no'ng baby pa lang ako, e.
Naaawa ako kay Leo. Bukod kasi sa may sakit na siya, wala pa kaming pera. Minsan, ni hindi ko na kayang pagkasyahin ang pera pambili ng gamot niya. Swerte na kapag may tuyo kami sa mesa. Kapag minalas, tanging kanin na lang talaga ang nakahain.
Narinig ko ang pagkalam ng sikmura ni Leo nang magkayakap kaming dalawa kaya agad akong napahiwalay sa kanya. "Haha! May dragon na yata sa tiyan mo, Bunso. Tara na nga at ipagluluto kita ng specialty kong tuyo."
Napa-poker face agad si Leo. Natatawa ako sa reaksyon niya. Biglang bawi ang pagpatak ng luha ko kanina. "Tuyo na naman? Ate, gusto ko ng saging."
"Mamaya, ibibili kita ng saging. Basta, ba magpakabait ka sa school at mag-aral ng mabuti." Bilin ko sa kanya.
"Oo naman! Para sa 'yo, Ate."
Lumabas na kami para pumuntang kusina. Napabuntong-hininga na lang ako nang makita ang natitirang piraso ng tuyo sa lamesa. Isang piraso na lang 'to. Sumakit ang ulo ko paano ito mapagkakasya sa aming tatlo. Kinapa ko ang bulsa ko, pero walang laman. Naalala ko, naibili ko na pala lahat ng bigas ang pera ko nu'ng isang araw. Naku naman!
Wala na akong choice kundi lutuin ang natitirang isang piraso ng tuyo at pagkatapos nito ay inihain ko na rin kasama ng kanin.
Excited at gutom na gutom si Leo at Layza na sumampa sa lamesa.
Kagat-kagat ko naman ang labi ko hawak ang platito na may tuyo. Isang piraso ng tuyo.
"Ang bango naman, Ate!" excited na wika ni Leo.
Napakamot tuloy ako ng ulo nang ipatong ko ito sa ibabaw ng mesa.
Halos mapanganga ang dalawa at mahulog ang mga mata nila nang makita ang isang piraso ng tuyo.
"Ngih? Isa lang? Sasapat ba sa 'tin 'to, Ate?" taas-kilay na tanong ni Layza.
"Hehe, pasensya na kayong dalawa, ha? Kaysa iyan. Kay Leo ang bandang gitna, akin ang bandang ulo, at sa 'yo ang bandang buntot. O, 'di ba? Kasya naman, e!" sagot ko habang hinahati sa tatlong bahagi ang tuyo.
"E, Ate, ano ang ibabaon ko sa school?" nag-aalalang tanong ni Leo.
Halos maihilamos ko ang dalawang kamay ko sa mukha. Hindi ko alam kung ano ang isasagot ko kay Leo. Walang-wala ako. Kahit sentimo, wala sa bulsa ko.
"H-Hahanapan ni Ate ng paraan, Bunso. Sige na, kumain na kayo. Pakabusog kayo, ha?"
Nakangiwi ang dalawa habang kumakain. Ramdam ko ang bigat ng iniisip nilang dalawa. Bawat subo ko ay naging mabigat na rin. Paano na kaya ang bawat bukas namin kung lagi na lang ganito?
"Ate, may raket ako ngayon, ha? Sasama ako kay Aling Using sa palengke. Kailangan niya daw ng kasama sa stall niya ngayong araw. Mauna na 'ko dahil nakaligo na rin naman ako. Bye!" Paalam ni Layza.
Mabilis niyang kinuha ang tote bag niya saka nagmamadaling umalis. Ni hindi pa nga ito nakainom ng tubig.
"Leo, maligo ka na pagkatapos, baka mahuli ka sa klase mo." Paalala ko kay Leo.
"Okay, Ate. Kaunti na lang 'to. Sinisimot ko na lang ang tuyo. Sana huling tuyo na 'to, ha?" Bilin niya sa akin.
Hindi ako sigurado, Leo. Pero sana, bukas rin ay may biyayang dumating. Kahit himala na lang mula sa langit.