Maaga ulit ako nagising ngayong umaga dahil namalantsa pa ako ng aking uniform. Naabutan ko pa si Nanay Marlyn na naghahanda ng almusal. Masaya na naman ang tiyan ko nito. Marami na namang nakahain sa hapag. May itlog, hotdog at sinangag.
"Halika na 'Nay, kain na po tayo." Aya ko kay Nanay Marlyn. Umupo siya at sumabay sa aking kumain.
Nagpalinga-linga ako ngunit hindi ko pa rin nakikita si Nigel. Mukhang tulog pa.
"'Nay, nasaan po si Sir Nigel? Bakit hindi pa po siya kumakain?"
"Naku tulog pa, masama ang tiyan, may LBM," paliwanag ni nanay.
Hindi na ako magtataka kung bakit sumama ang kanyang tiyan. Nakarami kasi ito ng kimchi kahapon. Tapos ang baboy pa niya kumain.
Iyong ano ba 'yon? yuke.. yukebang? Iyon ang pangalan ng kinain niya. Noodles iyon na may pulang sabaw tapos inihahalo doon ang kanin. Nahawa tuloy ako sa kababuyan niya kumain. Buti na lamang at hindi sumama ang tiyan ko.
Bigla naman ako nag-alala kung paano ako papasok. Hindi ko pa naman alam kung saan ang sakayan dito.
"E, 'Nay Marlyn, saan ho ba ako sasakay dito papuntang Makati? Hindi ko po kasi alam papunta doon. Kay Sir Nigel lang naman po ako sumabay kahapon," nangangambang tanong ko.
"Wag ka mag-alala, iha. May maghahatid sa'yo. Nandiyan si Rudy, iyong anak ko. Ibinilin ni Nigel na ihatid ka papasok." Napawi ang pagaalala ko. Ang bait talaga ni Sir Nigel. Baka kasi magkanda ligaw ligaw ako kung mamamasahe lang ako.
Unang araw ngayon ng trabaho ko sa AB's supermarket kaya kailangan ay galingan ko. Kailangan mabait ako sa mga kasamahan ko.
Bago ako pumasok ng building ay ni-dial ko muna ang number ni Mikkie. Gusto ko kasing makausap si nanay bago ako magsimula ng trabaho. Dalawang ring lang at sinagot naman agad niya 'yon.
"Hello, Mikkie, kamusta si nanay? Nakapagalmusal na ba kayo?"
"Oo Ate, tapos na. Nasaan ka na ngayon? Nasa trabaho ka na ba? Galingan mo ha."
Naiimagine ko ang galak ng aking kapatid kahit sa telepono lamang kami nag-uusap. Noong nalaman kasi nila ang nangyari sa akin ay alam kong nalungkot sila. Gusto na nga akong pauwiin ni Nanay. Pero ang sabi ko ay may mabuting tao na tumulong sa akin. Napalitan rin naman ng saya ang pag-aalala nila no'ng nalaman nilang sa AB's Supermarket ako magtatrabaho. Sikat pala talaga itong supermarket dahil puro mayayaman lang raw ang namimili rito.
"Oo, Mikkie, gagalingan ko para sa inyo. Bigay mo kay nanay ang cellphone at kakausapin ko."
"Sure ka, Ate?"
"Oo dali na, kausapin ko saglit. Male-late na ako."
Narinig kong umubo muna si Nanay bago magsalita.
"Hele enek kemeste kene?"
"Nay, ano ba 'yan hindi po kita maintindihan, ayusin niyo ang salita niyo. Uminom na ba kayo ng gamot?"
May narinig akong parang humigop sa kabilang linya. Siguro ay sopas ang almusal nila.
"Mebete nemen enek."
"Nay, balik niyo nga po muna kay Mikkie may itatanong po ako."
Hindi ko kasi talaga maintindihan si Nanay. Ano kayang nangyari roon?
"Hello, Ate, kumusta ang chismax niyo ni Nanay? Nagkainitindihan naman kayo?"
"Hindi nga eh. Bakit ba gano'n 'yon si Nanay magsalita? Okay lang ba siya?" nagaalala talaga ako.
"Ano ka ba Ate, 'diba na-stroke si nanay kaya gano'n siya magsalita."
Doon ko lamang naalala na na-stroke nga pala si Nanay. Kawawa naman ang Nanay ko, pinilit ko pa magsalita. Nagpaalam ako at ibinaba na rin ang tawag sa kanila dahil oras na para mag-in ako.
Matapos ko magreport for attendance kay Sir Boyet ay dumiretso na kami ni Kenneth sa area namin. Siya ang naatasang maging trainor ko. Napansin ko na tahimik lang siya at minsanan lang ngumiti. Hindi mo nga aakalain na merchandiser lang siya rito.
Sa porma at tikas ng katawan niya ay mas mukha pa siyang boss kesa kay Sir Boyet. 'Yung kutis niya ay mamula-mula na parang kamatis, sobrang kinis. Siya lang rin ang diser dito na inglisero.
"Kenneth, matagal ka na ba rito?" tanong ko habang naglalagay ng mga presyo sa sardinas.
"Hindi pa naman. Isang taon pa lang," tipid na sagot niya. "Ikaw? Looks like your new here in Manila. Saang province ka galing?"
"Oo, bago lang ako rito, apat na araw pa lang. Tiga Bicol talaga ako. Tinulungan lang ako ni Sir Nigel na makapasok dito."
"Really? You're close to the famous lawyer in the country? Nigel Revamonte."
Hindi naman na nakakagulat na kilala nya si Nigel. Sa kanya na rin nanggaling na famous si bebeloves ko.
Marami pa kaming napagkwentuhan ni Kenneth. Masarap naman siya kausap at medyo kalog rin. Hindi lang siguro siya 'yung tao na nauunang mag open ng mapag-uusapan. Kaso, puro tungkol sa akin lang ang topic. Ang nabanggit lang niya na tungkol sa kanya ay naglayas raw siya sa kanila. Hindi ko na inusisa kung bakit dahil baka mainis siya sa akin.
Mabilis na tumakbo ang oras at hindi ko namalayan na alas singko na pala. Hindi ako masyadong napagod dahil sanay naman ako sa mabibigat na gawain. At wala rin akong karapatang mapagod dahil dito nakasalalay sa trabahong ito ang kinabukasan ng pamilya ko.
May iba pa akong nakilalang mga kasamahan ko. Si April na cashier at si Dory na isang bagger.
"Paano, April, Dory una na ako ha? Nandito na ang sundo ko eh," paalam ko sa kanila. Ngunit parang hindi naman nila napansin ang sinabi ko. Nakanganga lang sila at tulala sa likuran ko na parang nakakita ng artista.
"Si-si Attorney Revamonte ang sundo mo?" utal na tanong ni Dory.
Napakunot noo ako at lumingon. Hindi siya aparisyon, si Nigel talaga ang nasa harap ko. Nakangiti siya at tila hinihintay ang pagsakay ko. Tama ba itong nakikita ko? Si Nigel sinusundo ako?
"Ah.. E, oo una na ako ha."
Binulungan muna ako ni April bago ako sumakay. "Marami kang ikukwento sa amin bukas ha." Binigyan ko lamang siya ng nakakailang na ngiti at umalis na.
"Bakit ikaw ang nagsundo? Okay ka na ba?" sana naman ay okay na siya. Baka kasi dito pa siya magpasabog sa loob ng kotse, aircon pa naman ito.
"Oo, okay na. How's your first day?"
"Okay naman, mababait naman sila. May mga kaibigan na ako kahit na papaano," masayang tugon ko.
"That's good. Gusto mo bang umuwi na o kumain muna tayo sa labas?" Napangiwi ako sa tanong niyang 'yon. Ayan na naman siya sa kain sa labas, tapos pururot with feelings na naman siya kinabukasan. Baka mamaya ay ako naman ang sumunod na sumama ang tiyan.
"Uwi na lang tayo, medyo napagod rin kasi ako."
Tahimik ang naging byahe namin. Medyo tumagal lang dahil traffic. Oras rin kasi ng uwian ng mga empleyado. Habang binabaybay namin ang kahabaan ng Edsa ay may taong labis na nakaagaw ng aking pansin. Hindi ako pwedeng magkamali, pagmulat pa lamang ng mata ko sa mundong ito ay siya na ang kasama ko. Nakita ko siyang sumakay sa pulang kotse.
Nagulat sa akin si Nigel ng tinapik-tapik ko siya.
"Sir, sundan mo 'yong kotse dali."
"Huh?" litong tanong niya.
Sinundan naman niya ang pulang sasakyan kahit hindi ko siya sinagot. Lumiko ito sa isang exclusive subdivision. Bakit siya napadpad sa ganitong klaseng lugar?
Tumigil kami nang tumigil din ang pulang sasakyan. Iniluwa noon ang may hindi katandaang lalaki na nakasuot ng pormal na damit. Halo-halong emosyon ang naramdaman ko.
Galit, sakit at pangungulila.
Bababa sana ako ngunit lahat ng luha na inipon ko sa loob ng ilang taon ay bumuhos na. Ang naipong emosyon ay nakapagpalambot ng aking mga tuhod. Parang pinipiga ang puso ko sa aking nakikita. Hinalikan siya ng babaeng hindi nalalayo sa kanyang edad.
Bakit ito nagawa ng Tatay sa amin? Anong kasalanan ni Nanay sa kanya?
Namalayan ko na lamang na humahagulgol na pala ako habang yakap yakap ni Nigel. Hindi na naman niya ako pinabayaan. Nandito ulit siya ngayong kailangan ko ng karamay.