Maaga pa lang ay tila may kakaibang katahimikan na sa buong mansion ng mga Villanueva. Ang dating masiglang kaluskos ng mga tauhan sa kusina at hardin ay napalitan ng maingat at halos tahimik na paggalaw. Parang lahat ay nag-aabang ng isang bagay, o baka naman ay may kutob lang sila na may hindi pangkaraniwan sa araw na ito.
Nasa dining room si Serena, nakaupo sa dulo ng mahaba at marmol na mesa, may hawak na tasa ng kape na halos hindi nababawasan. Wala sa loob niyang hinahalo ang asukal, paulit-ulit, habang nakatitig sa kawalan. Sa kanyang harapan, si Olivia ay abala sa pag-check ng emails sa tablet. Wala ni isang salita ang bumabasag sa pagitan nila maliban sa mahinang kaluskos ng kutsarita ni Serena.
"Serena," ani Olivia, hindi man lang tumitingin, "Bakit ka ba parang tulala diyan?"
Naputol ang trance ni Serena. "Ha? Wala, Ma. Napuyat lang siguro."
Napatingin si Olivia, itinaas ang kilay. "May sakit ka ba? O baka naman... may iniisip kang hindi dapat iniisip?"
Napayuko si Serena, pilit nilulunok ang kabang muling sumiklab sa kanyang dibdib. Hindi niya alam kung paano haharapin ang araw na ito—hindi matapos-tapos ang replay sa utak niya ng nangyari kagabi. Ang haplos sa pisngi ni Elio. Ang titig nitong tila tumatagos sa kaluluwa niya. At higit sa lahat, ang hindi natuloy na halik.
"Wala po, Ma," mabilis niyang tugon.
Sa may likuran ng dining room, bumukas ang pintuan. Pumasok si Elio, nakasuot ng simpleng polo at itim na slacks, may hawak na tray ng kape para kay Olivia. Likas pa rin ang tikas nito, kahit simpleng house boy lang. Kay ganda ng tindig, at ang mga mata—naku, ang mga matang iyon! Parang alam ang lahat ng sikreto mo.
Napalingon si Serena sa kanya, at sa isang iglap, nagtagpo ang kanilang mga mata.
Isang segundo. Dalawa. Tatlo.
Sapat para maalala nila pareho ang init ng gabi. Pero si Elio, kagaya ng dati, agad na umiwas ng tingin. Yumuko ito at magalang na inilapag ang tray sa harap ni Olivia.
"Ma'am, eto na po ang kape niyo."
Hindi tumugon si Olivia, abala pa rin sa pagbabasa, pero nagkibit-balikat. "Ayusin mong mabuti ang mga kurtina sa east wing. Parang may alikabok na naman kahapon."
"Opo, Ma'am," sagot ni Elio, at mabilis nang lumisan.
Pagkaalis nito ay napabuntong-hininga si Serena, saka muling hinigop ang malamig na niyang kape.
---
Sa kabilang bahagi ng bahay, nakatayo si Lucio sa gilid ng hallway, hawak ang cellphone habang may kausap. Ang tono ng boses nito ay mababa, seryoso.
"Oo. Nakita ko na siya kahapon. Iba ang galaw ng taong iyon."
Tumigil siya sa harap ng isang bukas na bintana at pinagmasdan ang likod bahay kung saan kasalukuyang naglilinis si Elio.
"Gusto kong ipa-background check. Pero huwag kang mag-ingay. At siguraduhin mong wala ring makakaamoy sa Monteverde side."
Pagkababa ng tawag ay isang mapait na ngiti ang gumuhit sa kanyang labi. "Let’s see who you really are, Mr. Elio."
---
Sa garden naman, tahimik na nagdidilig si Elio ng mga bulaklak. Bigla siyang napatigil nang mapansing may mga matang nakamasid sa kanya. Lumingon siya at nakita si Sabrina, nakaupo sa lumang duyan na may hawak na baso ng juice. Suot nito ang isang manipis na floral dress at may mapanuksong ngiti sa labi.
"House boy," tawag ni Sabrina. "Ang galing mo palang mag-alaga ng mga rosas. Sana ganyan ka rin sa babae."
Hindi sumagot si Elio, pero pinilit ang ngiting magalang. "Ginagawa ko lang po ang trabaho ko, Ma'am."
Tumayo si Sabrina at lumapit, halos ilang pulgada na lang ang pagitan nila. "Trabaho rin bang titigan si Ate Serena buong umaga?"
Napakagat-labi si Elio, pero hindi gumanti ng titig. Tumalikod siya at muling binalingan ang mga halaman. "Pasensya na po. Baka po may ibang house boy na mas gusto niyong kausap."
Ngunit bago pa siya makalayo, naramdaman niya ang mahigpit na hawak ni Sabrina sa kanyang braso.
"Magingat ka, Elio. Hindi lahat ng nararapat, puwedeng angkinin," bulong nito, at sa isang kisapmata ay iniwan siyang tulala.
---
Gabi na. Sa veranda, tahimik na nagkakape si Serena habang nakatingin sa mga bituin. May marahang yabag sa likuran niya.
"Hindi ka pa natutulog?" tanong ni Elio.
Napatingala siya at ngumiti ng tipid. "Hindi rin ikaw."
Tumabi ito sa kanya, ilang pulgada lang ang pagitan. Katahimikan. Hangin. Titigan. At unti-unting lumalakas na kabog ng dibdib.
"Yung sinabi mo kahapon," umpisa ni Serena, "Totoo ba lahat ‘yon?"
Tumango si Elio. "Wala akong dahilan para magsinungaling sa’yo."
"Hindi mo talaga alam kung sino ka?"
Tumitig siya sa mga mata ni Serena. "Ang tanging alam ko lang... ikaw lang ang nagpaparamdam sa akin na may halaga ako."
Isang saglit. Isang paglapit. Halos magdikit ang kanilang labi—
"Serena!" tawag ni Olivia mula sa loob ng bahay.
Agad silang naghiwalay, tila nahuling magnanakaw sa liwanag ng buwan.
"Kailangan ko nang pumasok," bulong ni Serena.
"Sige," sagot ni Elio, pero may lungkot sa boses.
Pag-alis ni Serena, napahawak si Elio sa kanyang dibdib. Hindi niya alam kung hanggang kailan pa niya kayang pigilan ang sarili. Dahil bawat sulyap, bawat ngiti ni Serena—unti-unti na siyang natutunaw.
At baka, kapag hindi siya naging maingat… baka hindi lang puso niya ang mawala.
---
Ang hapong iyon ay tahimik na bumalot sa mansyon ng Villanueva habang ang kalangitan ay tila may kinikimkim na bagyo. Sa loob ng bakuran, nakita ni Serena si Elio sa tabi ng fountain, basang-basa ng pawis, tila galing sa buong araw na paggawa. May hawak siyang hose at patuloy sa pagdidilig ng mga halamang mukhang mas maligaya pa kaysa sa kanya.
Hindi napigilan ni Serena ang sarili. Lumapit siya, bitbit ang isang malamig na lemonade.
"Mukhang tinutuyuan ka na ng kaluluwa d'yan," biro ni Serena habang iniaabot ang baso.
Tiningnan siya ni Elio. Ang kanyang mga mata'y may halong pagtataka at pasasalamat. "Salamat, Ma'am Serena."
"Tumigil ka na nga sa kaka-'Ma'am' sa'kin," sabay lingon ni Serena. "Ang init kaya. Upo ka muna."
"Hindi po kasi..."
"'Po' na naman?"
Napangiti si Elio. "Ayaw n'yo talagang parespeto."
"Ayaw ko ng peke. At ayaw ko rin ng distansya," bulong ni Serena habang naupo sa tabi niya.
Tahimik sandali. Hanggang sa marinig nila ang tunog ng mga yabag.
Si Sabrina. Nakasuot ng maikling shorts at halos wala nang saplot pang-itaas kundi manipis na cover-up.
"Well, well," sabay salampak sa kabilang upuan. "Nagmi-merienda pala tayo rito? Paki-share naman."
"May isa pa sa kusina," malamig na tugon ni Serena.
Tiningnan ni Sabrina si Elio. "Mukhang mainit ang araw ah. Gusto mong ako na lang ang magpahid ng tuwalya sa likod mo?"
Agad tumayo si Elio. "May tatapusin pa po akong gawain. Excuse me."
Pag-alis ni Elio, sumimangot si Sabrina. "Bakit ba ang ilap n'ya sakin? Baka naman may tinatago kayong dalawa?"
"Huwag kang assuming, Sabrina."
Ngunit sa likod ng inis, ramdam ni Serena ang kabang hindi niya maipaliwanag. Lalo na't sa gabing iyon, naganap ang isang bagay na hindi niya inaasahan.
---
Dumating si Lucio. Hindi ito agad in-announce ni Olivia, pero pag-uwi ni Serena mula sa spa ay naroon na ito sa guest lounge, nakaupo't mukhang kanina pa naghihintay.
"Serena," bati nito, malamig gaya ng dati. "We need to talk."
"About the wedding?"
"About us."
Napilitan siyang maupo. "Wala namang 'us', Lucio. It's all a setup."
"Maybe. But our families need this union. If not for love, do it for legacy."
Napalunok si Serena. "Legacy? Hindi ako trophy na ipamamana."
"You're not," ani Lucio habang yumuko. "But you’re the most valuable piece in this whole game."
Wala na siyang nasabi. Ngunit nang tumayo si Lucio at lumapit sa kanya, bahagya siyang napaatras.
"I won’t force you," anito. "But if you fall in love with someone else... be ready for the consequences."
Nang gabing iyon, hindi makatulog si Serena. Hindi dahil kay Lucio. Kundi dahil sa iniwang sulyap ni Elio bago ito pumasok sa quarters nito. Parang may gustong sabihin ang kanyang mga mata.
---
Kinabukasan, maagang nagising si Serena. Nagpasyang pumunta sa tabing-dagat na parte ng kanilang resort.
Doon niya naabutan si Elio, nakaupo sa buhanginan, nakatingin sa alon.
"Ang aga mo ah," tawag niya.
"Dito ako madalas tumambay tuwing madaling araw. Tahimik."
"Kahit ikaw tahimik," biro niya.
Napangiti si Elio. "Ikaw lang kasi ang maingay."
Naglakad sila sa dalampasigan, tahimik ngunit puno ng tensyon. Hanggang sa makarating sila sa batong bahagi ng pampang.
"Elio... bakit parang ang dami mong tinatago?"
Hindi agad ito sumagot. Ngunit sa mga mata nito, may lungkot at takot na halatang hindi lang basta problema sa trabaho.
"Hindi ako p'wedeng maging malapit sa iyo, Serena."
"Pero bakit parang pilit mong nilalabanan ang nararamdaman mo?"
Huminga siya ng malalim. "Kasi hindi ko alam kung anong mangyayari kapag bumigay ako."
Sabay silang natahimik. Hanggang sa maramdaman ni Serena ang init ng kanyang palad—dumikit sa kamay ni Elio.
Hindi ito umalis.
Nagtagpo ang kanilang mga mata. Wala ni isa sa kanila ang nagsalita. Ngunit sapat na ang katahimikan para ipagsigawan ang damdaming pilit nilang ikinukubli.
Hanggang sa...
"A-hem."
Napatalon silang pareho. Si Gello. Naka-shades, may hawak na coconut smoothie.
"Well, well, good morning lovers of the morning tide," kantiyaw nito.
"Gello!" tili ni Serena. "Hindi kami—"
"Chill. Hindi ko naman sinabi na may ginagawa kayo. Pero mukhang malapit na kayong magkaroon ng 'sea-duction'."
Napahagalpak si Serena. Si Elio, namula.
Ngunit sa likod ng mga biro ni Gello at ang ihip ng hangin sa baybayin, nag-iiwan ng marka ang bawat segundong magkasama sila.
Lalo nang matuklasan ni Serena, kinagabihan, na may iniwang lumang larawan si Elio sa lumang silid sa likod ng resort house.
Larawan ng batang lalaking nakasakay sa yacht.
At sa likod nito—nakasulat ang pangalang Elias Monteverde.
---
Ang dagat ay tila kasabwat sa binubuong tensyon. Dumadagundong ang mga alon sa breakwater habang nakatayo si Serena sa may balkonahe ng resort villa. Ang manipis niyang robe ay sumasayaw sa hangin, habang nakatitig siya sa papalubog na araw. Mainit pa rin sa loob ng kanyang dibdib ang mga salitang narinig mula kay Sabrina kanina—na may gusto rin ito kay Elio at balak siyang siraan sa pamilya.
Hindi niya alam kung mas dapat ba siyang magalit sa kapatid o sa sariling pusong matigas ang ulo.
“Ate Serena.”
Napalingon siya. Si Gello. May hawak itong dalawang wine glass at isang bote ng red wine na galing pa raw sa koleksyon ni Ramon Villanueva.
“Nagdadrama ka na naman diyan sa may sunset. May dialogue ka ba? ‘Ako’y isang Maria Clara na umiibig sa bawal?’”
Napangiti si Serena kahit papaano. “Uminom ka na nga.”
“Hoy, hindi ako lang. Tayong dalawa. At habang nag-iinom tayo, maglalabas ka ng hinanakit, ako ang cheerleader mo.” Umupo si Gello sa tabi niya. “Ano na, spill. Si Elio ba?”
Tahimik.
“Pwes, tahimik means yes. Nakita ko kasi kung paano ka tumingin sa kanya kagabi. Yung tingin na parang gusto mong yakapin siya kahit may 20 cameras. Yung tingin na parang kung pwede lang, ikaw na ang magtanggal ng polo niya habang nanonood ang buong angkan ng Villanueva.”
“Gello!” Napatawa si Serena.
“Anong ‘Gello’? Aminin mo. Crush mo si house boy.”
“Hindi lang crush.” Mura ni Serena. “Gello, hindi na to biro. Parang ang hirap na pigilan. Kahit alam kong bawal.”
“Bawal lang ‘yan kung aatras ka. Pero kung lalaban ka, may thrill.”
“May fiancé ako.”
“Na hindi mo mahal. At alam ng buong kaharian yan. Kahit ang mga tanim na cactus sa bahay niyo, alam na hindi ka masaya kay Lucio.”
Tahimik ulit si Serena. Inabot ang wine. Uminom.
Pagkatapos ng ilang sandali, nagpaalam si Gello. May spa appointment daw. Iniwan siyang mag-isa ulit sa balkonahe.
---
Hindi niya namalayang may lumapit sa likuran niya.
“Elio?”
“Sorry po. Ayoko sana kayong guluhin.”
Napalingon si Serena. Nakatayo si Elio—nakasuot ng simpleng polo, pero kitang-kita pa rin ang tikas ng katawan. Seryoso ang mukha, pero may bakas ng pag-aalala.
“Hindi mo ako ginugulo,” mahina niyang sagot.
“May gusto sana akong sabihin.”
“Tungkol ba kay Sabrina?”
“Hindi po.”
Umiling si Elio. Lumapit siya ng kaunti, hanggang halos magkadikit na ang kanilang mga balikat.
“Naiintindihan ko pong may mga bagay kayong kailangang sundin. Pero gusto ko lang pong malaman ninyo—hindi ko kayo tinitingnan bilang amo. Hindi ko kayo ginagalang dahil sa apelyido ninyo. Ginagalang ko kayo dahil... kayo si Serena. At kung pwede lang... kung ibang mundo lang ‘to... baka sinuyo ko na kayo matagal na.”
Napalunok si Serena.
“Hindi mo kailangang ibang mundo, Elio.”
Nagkatitigan sila. Mabagal ang bawat segundo. At parang sinadyang mahulog ang robe ni Serena mula sa kanyang balikat, nalantad ang makinis niyang balat. Hindi agad nakatingin si Elio, pero alam ni Serena—ramdam niyang tinatapik nito ang sariling konsensya.
“Serena,” bulong ni Elio. “Kung mananatili ako dito, baka hindi ko na mapigilan ang sarili ko.”
“Eh di huwag mo nang pigilan.”
Nagulat si Elio. Pero nakita niya sa mga mata ni Serena ang isang desisyong hindi nabuo lang ngayong gabi. Desisyong matagal nang kinikimkim.
Dahan-dahan siyang lumapit. At sa unang pagkakataon, hinawakan niya ang pisngi ni Serena. Mainit. Lumapat ang kanyang palad sa balat nito, at parang biglang naging tahimik ang mundo. Isang iglap lang, at magkalapat na ang kanilang labi. Hindi maalab. Hindi magaspang. Kundi marahang parang pagsambit ng salitang “Oo.”
Nagtagal ang halik. Hanggang sa unti-unti nitong nabuksan ang damdaming matagal nang nakapirmi sa puso ni Serena.
Nang maghiwalay ang kanilang mga labi, pareho silang hingal.
“Hindi kita pag-aari, Serena,” bulong ni Elio. “Pero kung ako lang... ikaw ang gusto kong mahalin.”
“Wag kang aalis,” sagot ni Serena. “Kahit ano pa ang mangyari bukas... dito ka lang.”
Nagyakap sila. At sa ilalim ng papalubog na araw, para bang hindi sila house girl at house boy, hindi boss at empleyado. Kundi dalawang pusong nagtagpo sa gitna ng lahat ng bawal.