Franchesca
Nang makarating kami sa bahay, agad sumalubong sa amin ang isang pagbati ng 'Congratulations' mula sa aking pamilya, ang tatay, kapatid na si Ate Charice at mga pinsan ko at ilang tiyahin ko. Nandun din si Ate Cathy at ang kapatid ni Kevin na si Ate Apple.
Masaya kaming pumasok sa loob ng bahay, maliit lang ang bahay namin kaya naman halos mapuno ito sa dami ng bisita. Nanatili lang sa tabi ko si Kevin, hindi ito lumalayo sa akin.
Masaya kaming nagkakainan nang biglang tumayo si Kevin sa unahan, napahinto ang lahat at tumingin lang sa kanya.
"Magandang gabi po sa lahat. Gusto ko lang po magpasalamat sa inyo. sa pagbati at sa masayang salo salo na ito" nilibot ko ang mata sa mga taong nasa bahay namin, ang lahat ay nakangiti sa kanya.
"Tito, tita, maraming salamat po sa pagturing niyo sa akin, sa amin ng ate ko bilang anak nyo. Hinding hindi po namin iyon makakalimutan" wika pa ulit nito. Nakita ko naman na nangiti din ang mga magulang ko kaya napangiti din ako.
"Sa isang linggo po, ay aalis na kami ni Ate Apple patungong amerika. Dun na po kami titira pero bibisi-bisita pa rin po kami dito." pagpapatuloy niya. Nalungkot din ang karamihan dahil may isang kapamilya namin ang lilisan.
Tumayo ako at kumuha ng juice sa may kusina dahil sa naramdamang pagkauhaw. Naglalakad na ako pabalik habang iniinom ang juice na nakuha nang magsalitang muli si Kevin. "Tito, tita, hihingin ko po sana ang inyong basbas. Magpapaalam po sana ako sa inyo, liligawan ko po si Franchesca. Alam ko po magiging mahirap sa amin ito dahil sa magka layo kami pero sana po ay pahintulutan niyo akong ligawan siya" halos mailuwa ko na ang juice na iniinom ko nang marinig ko ang paghingi nya ng pahintulot sa mga magulang ko.
"Halika iho, mag-usap muna tayo sa labas" Sabi naman ng itay.
Agad silang lumabas at nag-usap. Hindi ako pinahintulutan ng inay na sumunod, usapang lalaki daw iyon. Kaya naman nagpatuloy kami sa pag kain habang maya maya ang sulyap ko sa pintuan, inaabangan ang pag pasok nila.
Nang makapasok sila sa loob ng bahay, dumiretso ang itay sa inay na nasa kusina at nagliligpit ng mga napagkainan, si Kevin naman ay dumiretso sa akin nang nakangiti.
"Tara?" sabi nito sa akin.
"Saan?" tanong ko naman dito
"Sa burol lang" sabi naman nito
"Sandali magpapaalam lang ako sa Inay" saka ko siya tinalikuran at dumiretso ng kusina. Nagpaalam naman akong lalabas lang kami ni Kevin sandali. Kinuha ko na din ang flashlight at pamaypay.
Binalikan ko si Kevin at masaya niya naman akong sinalubong. Naglakad kami palabas ng bahay, humawak siyang muli sa mga kamay ko. saka namin tinungo ang burol.
Madalas kaming maglaro dito nung mga bata pa kami. Sa katunayan, ito na ang naging palaruan ng mga bata noon at magpa hanggang ngayon. Malawak itong lupa kaya naman malayang malaya ang mga bata dito na magtakbuhan.
Narating namin ang burol saka humanap ng mauupuan. Naupo kami sa may bandang sanga na ginawa na ring pahingahan ng mga kalalakihan dito sa amin katabi ng isang malaking puno. Agad akong inakbayan ni Kevin saka ko siya tinanong
"Anong napagusapan niyo ni itay?" tanong ko dito.
"Usapang lalaki lang, hon, bawal sabihin" sabi naman nito.
Sinimangutan ko naman siya saka inirapan. "Panay hon ka, boyfriend naba kita?" Ngumiti lang ito saka tumingin sa malayo.
Sandaling katahimikan ang namayani sa amin, nanatili lang siyang naka akbay hanggang sa iniyakap na rin niya ang isang kamay niya sa akin saka iniyukyok ang ulo sa balikat ko.
"Mami-miss kita" sabi nito.
Tinugon ko na rin ang yakap niya. Saka ko naramdaman ang pag uga ng mga balikat nito, umiiyak ba siya? Nang lingunin ko ay lihim niyang pinunasan ang mga luha sa mata. Hinarap ko naman siya sa akin saka pinahid ang basa niyang pisngi.
"Ako rin naman" sabi ko dito habang nakangiti.
"May videocall naman eh, palagi tayong magtatawagan. Pwede rin naman tayo mag chat. Magbabakasyon ka naman dito kapag school break diba?" muling pagpapalakas ng loob ko dito. Pero alam ko, miski ako sa sarili ko na mahirap ito. Hindi ito magiging madali.
"Meron pa akong isang linggo na natitira. Pwede ba natin sulitin yun? Gusto ko sana kasama ka. Mag travel tayo o kahit saan mo gusto pumunta, puntahan natin" buong determinasyong sabi niya.
Tumango naman ako bilang pagtugon. "Bahala ka na kung saan mo gusto basta sasama ako sayo". sagot ko naman.
Nanatili lang kaming tahimik. Nagpapakiramdaman nang biglang magsalita siya.
"Gusto mo ba malaman kung ano ang napagusapan namin ng tatay mo?" tanong siya sa akin.
Agad akong umayos ng pagkakaupo saka sinabing "Oo, ano ba napagusapan niyo?" tanong ko
"Syempre una sabi niya masyado kapa daw bata para sa ligaw ligaw. Sinabi niya rin na kung siya ang tatanungin ay gusto niyang maligawan ka kapag tapos ka na ng college". paglilitanya naman niya habang nilalaro laro ang mga daliri ko
"Oh tapos?" inip ko pang abang sa mga sasabihin nito.
"Tapos sabi niya, parang anak na rin naman daw ang turing niya sa akin" sabi pa nito
"Tapos?" muli ko na namang tanong
"Tapos na, puro ka tapos eh." sabi nito saka pilyong ngumisi sa akin. Sa inis ko, hinampas ko na siya sa braso niya. Nilakasan ko talaga para siguradong masasaktan siya
"Aray, masakit yun ah" hihimas himas pa siya sa brasong nahampas ko habang aarte arteng nasaktan talaga.
"Ang arte mo. Sa muscle mong yan nasaktan ka? Ako pa nga yung nasaktan eh" sabi ko naman habang pinipisil pisil ang kamay kong medyo napuruhan nga sa pagkakahampas ko sa kanya.
Bigla naman itong naalarma saka kinuha ang kamay kong nasaktan. Minasa masahe dahilan upang mabawasan ang pananakit "Ikaw naman kasi eh. Napaka mainipin mo naman, eto pa lang mainipin ka na pano pa kapag umalis na ako baka magwala wala ka na diyan sa tagal kong bumalik" ngingisi ngisi pa ito habang hinahalik halikan ang kamay kong nasaktan.
"Ibang usapan naman yun. Eh ano pa nga? ayun lang ba yung napagusapan niyo?" muling tanong ko naman dito.
"Sabi niya, kung siya naman daw ang tatanungin walang problema kung ligawan kita. Mas gusto pa nga daw niyang ako atleast kakilala niya" sagot nito
"Sus si tatay parang sinabi niya namang malaki ang tsansa mo sa akin" wala sa loob na napairap pa ako. Mabuti na lang at medyo madilim kaya paniguradong hindi niya iyon nakita
"Wala ba?" tanong naman niya.
Bumalik ang paningin ko sa kanya, matamang nakatitig ito sa akin. Naghihintay ng sagot
"May pag-asa ba ako Chesca?"