5

1136 Words
Tatlong araw na ang lumipas, hindi pa rin umuuwi ang kaniyang asawa kaya labis ng nag-aalala si Flora. Panay ang message niya at call sa kaniyang asawang si Jack ngunit ni isa, wala itong reply at mukhang naka-blocked na nga ang number niya. Hindi niya ma-contact ang kaniyang asawa. At wala rin siyang makuhang sagot sa mga kaibigan nitong napagtanungan niya. Kaya labis na siyang nag-aalala. Tamad na tamad siyang bumangon sa kaniyang kama nang makaramdam siya ng gutom. Katatapos niya lang umiyak kaya namumugto ang kaniyang mga mata. Namumula rin ang kaniyang ilong at pisngi. At habang nagluluto siya ng kaniyang pagkain, muling tumulo ang butil na luha sa kaniyang mata. 'Pisteng mata ito! Napakabobo! Panay ang agos ng luha! Sinabi ko ng ayoko ng umiyak pero hindi yata mapigilan ang mga mata kong ito! Ang sarap tanggalin eh!' Pinahid na lamang ni Flora ang kaniyang mga luha habang patuloy sa kaniyang ginagawa. At nang matapos siyang magluto, tumingala siya upang pigilang maluha. At nang masigurado niyang hindi na siya iiyak, doon niya lang tinuon ang tingin niya sa pagkain. Mabagal siyang sumusubo ng pagkain dahil kahit gutom na siya, tila wala siyang ganang kumain. Sumulyap siya mula sa bintana at nakitang hapon na. Ilang oras na lang, lulubog na naman ang araw at magdidilim na ang kapaligiran. Lilipas na naman ang araw na hindi niya kasama ang kaniyang asawa. Iyon ang unang pagkakataon na hindi niya nakasama ng matagal si Jack. Madalas kasi na isang araw lang ang tinatagal na hindi niya ito nakakasama. Pero ngayon, ilang araw nang wala ang asawa niya. Pinilit na lamang ubusin ni Flora ang pagkain sa kaniyang harapan bago bumalik sa kaniyang kuwarto. Pinagmasdan niya ang kaniyang sarili sa salamin. Napagtanto niyang stress na stress na ang itsura niya. Na kahit maganda siya, halata sa mukha niya ang pagiging stress. Kaya naman nagtungo siya sa banyo at saka naghilamos. Bahagya niyang inayusan ang sarili. Naglagay siya ng kaunting kolorete sa mukha upang maging maaliwalas ito kahit paano. Kahit na halata pa ring umiyak siya nang matagal. Lumabas siya ng bahay at nakita niyang may inaayos na sasakyan si Clinton. Naupo siya sa tapat ng kanilang bahay at saka pinagmasdan ang mga batang naghahabulan. Napansin siya ni Clinton kaya tumigil ito sa kaniyang ginagawa. Kumunot ang noo niya nang makita ang itsura ni Flora at napagtantong namumugto ang mata nito. "Pumapangit ka na." Napatingin si Flora kay Clinton. "Ha? At paano mo naman iyon nasabi, manong?" "Dahil panay ang iyak mo. Nakakapangit iyon." Bumuntong hininga si Flora. "Manong, hayaan mo na nga kung ano ang maging itsura ko. Bahala ng maging pangit. Wala eh. Ilang araw ng hindi umuuwi ang asawa ako. Sinong hindi maiiyak doon? Panay ang tawag ko at message sa kaniya pero walang response. Mukhang nag-e-enjoy siya masyado habang wala ako sa tabi niya. Hindi na yata talaga ako mahal ng asawa ko," mapait niyang sambit. Tumikhim si Clinton habang pinupunasan ang grasa sa kaniyang kamay. "Kung ganoon naman pala, bakit hindi mo na lang subukang libangin ang sarili mo sa ibang bagay kaysa umiyak ka nang umiyak? Kung hindi ka na mahal ng asawa mo, kailangan mo na iyong tanggapin. Kaysa magmakaawa ka sa kaniya na mahalin ka ulit. Magmumukha ka lang kaawa-awa at tanga sa parteng iyon." Mahinang tumawa si Flora. "Madaling sabihin pero hindi madaling gawin. Kung ikaw ang nasa kalagayan ko, at kung alam mo lang ang nararamdaman ko, baka hindi mo magawa ang sinasabi mo sa akin ngayon. Mahirap mag-let go ng taong mahal na mahal mo. At iyon ang nararamdaman ko ngayon. Na kahit hindi na asawa ang turing niya sa akin, mahal ko pa rin siya. Mahal na mahal. Hindi nagbago ang pagmamahal ko sa kaniya mula noon hanggang ngayon." Bumuntong hininga si Clinton bago tumingin sa mga batang naglalaro sa kalsada. Naisip niyang bigla ang mag-ina niya. Aminado siyang nahirapan siya ng sobrang tanggapin na nag-iisa na lang siya. Sobrang hirap para sa kaniya na isiping nawala na lamang bigla ang pinakamamahal niya sa buhay. "Alam ko naman iyon. Pero kailangan mong magpatuloy sa buhay. Kung sa kaniya lang iikot ang mundo mo at palagi kang iiyak, walang mangyayari sa iyo. Aminado ako na sobrang hirap mag-let go. Sobrang hirap sa akin na isiping wala na ang mag-ina ko. Hanggang sa isang araw nagising na lang ako, napaisip na kailangan kong magpatuloy sa buhay. Kailangan kong tanggapin ang mga bagay na hindi na maibabalik pa sa dati. At iyon ay ang makasama ko pa ulit ang mag-ina ko. Ang pagkakaiba lang natin, buhay pa ang sa iyo pero para sa kaniya, wala ka ng halaga. Kaya mag-isip ka ng husto, Flora. Bata ka pa. Marami ka pang makikitang lalaki diyan. Iyong pahahalagahan ka at mamahalin." Napatitig si Flora kay Clinton. Tinuon din ng binata ang tingin nito sa kaniya kaya nagtama ang kanilang paningin. Kitang-kita ni Clinton ang matinding sakit at pait sa mga mata ni Flora. Naunang nag-iwas ng tingin si Flora dahil tumingala siya upang mapigilang maluha. "Bakit kaya ganoon, 'no? Kung sino pa ang tunay na nagmamahal, sila pa ang iniiwan... sila pa ang niloloko. Kung may gamot lang sana na puwedeng inumin para makalimutan ko ang asawa ko, ginawa ko na. Kung ganito lang din pala ang mararanasan ko sa kaniya, matagal ko na sana siyang binaon sa limot..." Hindi na nga napigilan pa ni Flora na maluha kaya napayuko na lamang siya habang umiiyak nang walang ingay. Bumuntong hininga si Clinton at saka lumapit kay Flora. Nag-aalangan man ngunit tinapik-tapik niya si Flora sa balikat. Nanlaki ang mga mata ni Flora. Simpleng tapik lamang iyon ngunit tila ba... gumaan ang pakiramdam niya. At nagustuhan niya ang pagtapik na iyon ni Clinton. "Huwag kang mag-alala, tatawanan mo na lang ang ganitong sitwasyon mo ngayon kapag naka-move on ka na. Maiisip mo na sinayang mo lang ang luha mo sa taong hindi naman dapat iniiyakan." Pinahid ni Flora ang kaniyang mga luha bago tumingin kay Clinton at saka matamis niya itong nginitian. "Salamat, manong ha? Salamat sa mga sinabi mo. Medyo gumaan ang pakiramdam ko." Napalunok ng laway si Clinton at agad na nag-iwas ng tingin. Inalis na rin niya ang kamay niya sa balikat ng dalaga. "W-Walang anuman." Kumunot ang noo ni Flora bago kinuha ang kamay ni Clinton at inilagay sa kaniyang balikat. Ikinagulat naman iyon ng binata. "Pasuyo muna sandali, manong. Patapik-tapik muna ako sa balikat para gumaan ang pakiramdam ko. Nakakatulong pala ang simpleng pagtapik sa balikat," malamyos ang tinig niyang wika. Makailang ulit namang lumunok ng laway si Clinton bago tinapik-tapik ang balikat ni Flora. "S-Sige..." Nginitian lamang siya ni Flora bago mariing pumikit at dinama ang pagtapik niya sa balikat nito. Habang siya ay bigla na lang mabilis na tumibok ang puso habang nakatingin sa magandang mukha ni Flora.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD