BIGLANG UMIHIP ang malakas na hangin, maging ang mga dahon na nagmumula sa mga puno ay mabilis na naglagasan na animo'y magpapalit na, at kasabay ng malakas na hangin na iyon ay ang katotohanang nawala na si Kyru sa aking harapan. Sa isang iglap ay naglaho ito na tila isang bula.
Nangatog ang aking katawan at maging ang aking buong sistema, hindi ko lubos akalain na harap-harapan nang pinaiintindi sa akin ng mundo ang buong katotohanan, na isang kaluluwa lamang ni Kyru ang nahawakan, nakita at nagmahal sa akin.
Mula sa kinatatayuan ko ay naroon ang silid kung saan itinatago si Kyru. At parang may kung anong nag-udyok na naman sa akin na pasukin ang silid na iyon. Tumingin ako sa paligid kung may ibang tao bukod sa akin at napabuntong hininga ako sapagka't tila pinagbibigyan ako ng tadhana. Dahan-dahan akong humakbang, mabagal at maingat ang aking bawat paghakbang. At sa tuwina ay tila pinapakiramdaman ko na huwag makakagawa ng kahit na anong ingay.
Sa aking paghakbang ay palihim akong umaasa na sana'y panaginip lamang ang lahat-- na hindi totoo ang mga nalaman ko, gayunpama'y may parte sa aking panghihinayang.
At ang aking bawat paghakbang ang nagdala sa akin sa katotohanan, kung saan ay oras na upang makita kong muli ang minamahal kahit pa ito'y walang malay. Doo'y maingat kong binuksan ang pinto kung kaya't nagdulot lamang ito ng kaunting ingay. Hindi ko maiwasan ang mapapikit nang sandaling iyon at sa aking muling pagdilat ay sabik ako sa makikita ng aking mga mata subalit-- natigilan ako sa nakita.
Dahil wala si Kyru sa higaan.
At muntik na sana ako muling mapaluha pero nang ibaling ko ang tingin sa may bintana kung saan ay tumatagos ang sikat ng araw ay isang bulto ng tao ang aking nakita.
Hindi ko mawari ang nararamdaman dahil kahit nakatalikod ito ay kilalang-kilala ko kung sino iyon. Ang suot niya ay hindi karaniwang nakita ko no'ng nasa kabundukan pa kami ng Floresca.
Nakaramdam ako nang pagtaas ng balahibo dulot ng matinding pangamba. Gusto ko man siyang lapitan subalit nananaig sa akin ang pangamba-- pangamba na baka isa na naman itong pantasya. Subalit hindi pa man akonnakakahakbang ay agad naman siyang humarap kung saan ay nakita ko ang perpektong mukha nito.
Hindi ganoon kalayo ang distansya naming dalawa pero nararamdaman ng puso ko na magkarugtong ang aming bawat hininga.
At mula sa bintana ay humakhang papalapit sa akin si Kyru na ikinabigla ko. Bumilis ang t***k ng puso ko dulot ng matinding kaba at pagmamahal. At mas nakaramdam pa ako ng pangamba nang umpisang pagmasdan niya ako sa malapitan.
"Kyru.." Sa pangalawang pagkakataon ay nasambit kong muli ang pangalan niya nang walang pag-aalinlangan.
"F-fyane." At tila nahimasmasan ako nang marinig ang boses niya. "Nami-miss na kita, Fyane, kailan ka babalik sa Floresca?" Napaawangblang ang labi ko at hindi magawang makapagsalita. Sa pananalita niya ay hindi ko siya mahahalata na tila walang alam sa mga nangyari. Kamukat-mukat ay paulit-ulit kong pinipikit-dilat ang aking mga mata. Dahil hindi ako lubos makapaniwala na nakikita ko siya ngayon sa aking harapan ang taong mahal ko.
Saglit akong tumingin sa higaan kung saan ay una kong nakita ang walang buhay na katawan ni Kyru. At aaminin kong kahit malinaw na sa akin ang lahat ay puno pa rin ng katanungan ang puso ko kung bakit nagawa niyang magsinungaling sa akin. Pero hindi ko lang maintindihan kung paano niya nagawang makabangon mula sa kaniyang higaan.
"Kyru.. 'yung nakita ko noong nakaraang araw--" natigilan kong sabi.
"Totoo 'yun, Fyane." Nagkaroon ng sandaling katahimikan at ilang segundo pa ang lumipas ay muli siyang nagsalita, "Kaya nandito ako upang magpaliwanag sa'yo.."
"Sa tingin mo ay maniniwala ako sa'yo? Niloko mo ko, Kyru-- ah! Pinaniwala mo ako na totoo ka kahit--" Natigilan ako nang hawakan niya ang magkabilang balikat ko.
"Totoo lahat 'yun, Fyane! Totoo ako sa'yo. Totoo si Kyru na minahal mo. Ang mali ko lang ay hindi ko sinabi agad sa'yo na nakikipaglaban ang katawan ko kay kamatayan. 'Ni hindi ko nga matandaan ang buhay ko noong nabubuhay pa ang katawan ko. Pero sa totoo lang ay gustung-gusto ko pang mabuhay, Fyane." Napailing ako at hindi ko magawang lumingon sa kaniya pero nang marinig ko ang sumunod na sinabi niya ay napalingon ulit ako. "Kaya humiling ako sa Diyos na makasama kang muli. 'Yung totoong ako. 'Yung dala-dala ko mismo ang katawan ko." Napapikit pa siya at sumilid doon ang luha. "Lahat nang nangyari sa atin, Fyane totoo 'yon. Dahil kahit kaluluwa lang ako nang mga araw na iyon, alam ng puso ko na ikaw lang ang minahal ko.. Kaya pilit akong nakikipaglaban kay kamatayan. Kahit alam k-kong w-wala ng pag-asa.."
"Pero may fiancé ka na bago ka pa ma-comatose."
Napailing siya at tiningnan ako sa mga mata. "Siguro nga ay minahal ko siya noong nabubuhay pa ako. Pero iba ang dati sa ngayon. At kung papipiliin ako ay mas gusto ko na lang ang ganito kaysa ang mabuhay ulit ako at tuluyan kitang makalimutan."
"A-anong ibig mong sabihin?"
"Hiram ko lang sa Diyos ang buhay ko ngayong araw dahil nakasulat na ang pangalan ko kay kamatayan. At sa maniwala ka man o hindi ay hiniling ko ang pagkakataon na ito upang maayos na makapagpaalam sa'yo." Doon ako napapikit at sumabay ang walang tigil na pagtulo ng luha.
"Magpaalam? Anong klaseng pamamaalam ba 'yan? Hindi ba't ako naman ang lumuwas ng Maynila. Hindi ba't babalikan pa kita sa Floresca? Tinanong mo nga ako kanina, 'di ba?" Wala akong narinig na sagot mula sa kaniya kaya lalo akong napaiyak. "Hindi, sabihin mo sa akin, Kyru, na hindi 'to totoo.. N-na m-mabubuhay ka.."
Pero napailing siyang muli habang naluluha pa rin. "P-patawarin mo ako, Fyane." Lalo akong naluha pero nagkaroon ako ng munting saya sa sumunod na sinabi niya, "Pero maghihintay ako. Hihintayin kita sa Floresca. Dahil doon ko hiniling na manatili ang kaluluwa ko-- kapag wala na ako." Hindi ko na maintindihan ang nararamdaman. Hindi na mabilang ang dami ng luhang lumabas sa aking mga mata at ang katotohanan na kailanma'y hindi na magbabago pa. Unti-unti kong naiintindihan ang lahat kung bakit ako lang ang nakakakita kay Kyru noon pa man. At umaasa ako na sa mga darating na araw, sa aking paghakbang sa katotohanan ay ilapit ako nito sa oras kung saan ay lubos ako magiging masaya. "Mahal na mahal kita, Fyane, walang katumbas ang pagmamahal ko para sa'yo. Tandaan mo 'yan. At isa lang sana ang pakiusap ko sayo.."
"Ano 'yon?"
"Ingatan mo sana ang magiging anak natin." Napatingin pa siya sa tiyan ko at hinimas-himas iyon. Nagtaka ako sa ginagawa niya pero napangiti lang si Kyru sa akin at nagawang hawakan ang aking baba saka sinabi, "Ipinangako niya sa akin na pagkakalooban niya tayo ng anak kahit wala na ako. Dahil magbubunga ang pagiging isa natin, Fyane." Natameme ako sa mga narinig. Hindi ko lubos akalain na p'wede pa lang mangyari 'yon. "At may pakiusap pa sana ako sa'yo." Napatingin akong muli sa kaniya nang walang anong sinasabi pero nagsalita pa rin siya, "Pakisabi kina mommy at kuya na mahal na mahal ko sila. Fyane, Mahal na mahal ko kayo maging ang magiging anak natin." Lalo akong naluha sa sinabi niya.
"M-mhal na mahal din kita, Kyru. P-pangako.. sasabihin ko 'yon sa kanila at iingatan ko ang magiging anak natin," maluha-luha kong tugon.
At doo'y siniil niya ako ng halik sa labi na tinugon ko rin. Halik na hiling ko sana'y wala ng katapusan. Dalisay at punung-puno ng pagmamahal ang bawat halik na pinagsasaluhan namin. Na tila idinadala ako nito sa ibang lugar sa tuwing hinahalikan niya ako. At nang maghiwalay ang aming labi ay nagising akong muli sa katotohanan na ito na ang huling pagkakataon na masisilayan, mahahalikan at mayayakap ang aking mahal.
"Kailangan ko nang bumalik. Mahal na mahal kita, Fyane." Niyakap niya pa ako ng mahigpit bago pa man siya bumalik sa pagkakahiga sa may kama.
At lalong bumuhos ang aking luha bago pa man ipikit ni Kyru ang kaniyang mga mata.
Mabilis ang pangyayari dahil segundo lang ang lumipas nang tuluyan siyang nawalan ng malay at naagaw ang atensyon ko nang tumunog ang makina at makita ang pantay na linya. Hindi ko man maintindihan ang nakikita sa monitor na 'yon pero ramdam kong tuluyan nang namaalam si Kyru. At mula sa labas ay narinig ko ang malakas na hakbang. At nagtataka saking bumungad sa si Madam Kylein.