Naalimpungatan ako sa pagkakaidlip sa shotgun seat. Nang magmulat ako ng mata ay wala nang tao sa kotse maliban kay Archie na nasa driver seat. Agad na nagsalubong ang mga mata namin at kahit lasing ako ay agad kong naramdaman ang malakas na t***k ng puso ko.
Natawa ako sa loob-loob ko. Lasing na nga at lahat pero kaharutan pa rin ang inaatupag ko.
Napaayos ako ng upo at tiningnan ang paligid. Nahihilo ako at parang umiikot ang paligid. Masiyado yatang naparami ang nainom ko kanina.
“Anong ginagawa mo?” tanong ko nang biglang lumapit sa akin si Archie. Napaatras ako sa kinauupuan. Kumunot naman ang noo niya at tiningnan ako, bago ko naramdaman ang pagkalas ng seatbelt sa ‘kin.
Pagkatapos ay agad na rin siyang lumayo. Napaawang ang labi ko at tiningnan ang kinauupuan ko. Napahinto lang ako nang magsalita siya.
“Sa susunod kasi, mag-stay ka lang sa iisang table para hindi napaparami ang iniinom mo,” parang inis na sabi niya at diretsong bumaba sa kotse. Naiwan naman akong nakatanga lang.
Bakit siya ang nag-drive? Nasaan na sila Nathalia?
“Aray,” usal ko habang nakahawak sa ulo kong nananakit. Akala ko ay iniwan niya na ako pero nagulat ako nang bumukas ang pinto sa gilid ko. Muntik na akong mahulog kaya inis niya akong inalalayan. “Bakit ba ang sungit mo? Galit ka ba sa ‘kin?” tanong ko sa kaniya.
Hindi siya sumagot hanggang sa makababa ako sa shotgun seat. Hilong-hilo ako at sinusubukang maglakad kahit pagewang-gewang. “Nasaan sila Nathalia? Bakit ikaw ang nag-drive?” maingay na tanong ko.
“Nasa taas na. Now, can you walk straight?” Nauubusan na ng pasensya ang boses niya.
“Sungit nito. Hindi naman kita inaano diyan!” sabi ko sa kaniya at hinarap siya.
Ngumisi siya sa ‘kin at huminto rin sa paglalakad. “Ano? Masaya ba ang date n’yo? Masaya ba kausap?”
Tumaas ang kilay ko. “Ano bang sinasabi mo riyan? Hindi ako nakipag-date! Pinakilala lang ‘yon sa ‘kin ni Toshi!”
“Ah, talaga? Bakit? Sino ba ‘yon?” tanong niya ulit na nakataas ang dalawang kilay.
“Hindi ko alam. Basta si Jared! Blockmate nila Toshi.” Napahilot ako sa sentido. Bakit ba ako nag-e-explain sa kaniya? Hindi dapat ako nag-e-explain at hindi dapat siya nagtatanong! “At saka ano naman sa ‘yo kung date man ‘yon?! Tigilan mo ako, Archie, at may tama ako ngayon!”
Napailing na lang siya at lumapit sa akin. The next thing I knew, buhat niya na ako sa likod. Napairap ako at natawa rin kalaunan.
“Oo nga pala, alam mo ba si Jared—”
“Jared na naman?”
Hindi ko na natuloy ang sasabihin ko nang inis siyang sumingit. Hinampas ko naman ang braso niya habang buhat niya ako sa likod. “Ang sama ng ugali mo! Mabait naman siya. Sabi nga ni Toshi, crush daw ako n’on since second year. Parang nanti-trip yata ‘tong si Toshi. Eh, huling beses na may nagka-crush sa ‘kin, high school pa tayo!”
“Mukhang bait na bait ka nga sa kaniya.” Hindi ko nakikita ang mukha niya pero sigurado akong nakasimangot ito at nakakunot ang noo.
“Ano bang problema mo? Nagseselos ka ba kay Jared?”
Hindi ko alam kung tulak ba ‘yon ng alak o dahil ‘yon talaga ang nararamdaman ko kaya ko nasabi ‘yon.
“Hindi. Bakit naman ako magseselos?”
Napakibit-balikat ako. “Oo nga naman. Bakit ka naman magseselos kahit may manligaw sa ‘kin tapos sagutin ko? Tapos magkaka-boyfriend na ako, siyempre ‘di na kita guguluhin no’n! May iba na akong guguluhin. Hay, ano kayang feeling na may magandang nanggugulo sa ‘yo araw-araw?” sabi ko at tumawa.
“Baba,” bigla sabi niya at huminto sa paglalakad.
Natawa ako. Imbes na sundin siya ay mas hinigpitan ko pa ang pagkakakapit ko sa kaniya. “Bakit? Ihatid mo na ako hanggang doon!” sabi ko at tinuro ang pinto ng apartment namin. “Ang pikon mo masiyado! Nagbibiruan lang naman tayo rito! Huwag mong sabihing seryoso ka diyan?!”
“Mukha ba akong nakikipagbiruan?” seryosong sabi niya na ikinatigil ko. Pakiramdam ko ay biglang nawala ang tama ng alak sa sistema ko.
“E-Ewan ko sa ‘yo! Tabi nga diyan, maglalakad na lang ako! Hindi ako lumpo!” sabi ko at bumitaw sa kaniya pero hindi niya ako binitawan. “Bitawan mo na ako! Kapag nahulog ako rito, akala mo naman ay may sasalo sa akin!”
“Kumapit ka lang para hindi ka mahulog.”
Those are literal words, pero iba ang naging tama sa akin. Pakiramdam ko, double meaning. Tuluyan nang nawala ang alak sa sistema ko. Napailing na lang ako at nanahimik hanggang sa makarating kami sa tapat ng pinto. Binaba niya ako. Dumiretso na ako sa pinto at pinihit ang door knob nito, sakto namang hindi iyon naka-lock, pero bago pa ako tuluyang makapasok ay nagsalita si Archie.
Hinarap ko siya at sinalubong ang mga mata niyang seryosong nakatingin sa akin. Nakatayo siya sa harap ko, sa likod niya ay ang kwarto nila. Nasa gitna kami ng mataas na hagdan. Tahimik na rin ang buong villa at madilim na ang paligid. Tanging poste na lang ang nagbibigay ng liwanag.
“Kapag ba may nanligaw sa ‘yo… sasagutin mo?” mahinang tanong niya habang ang mga kamay ay nasa loob ng bulsa niya.
Hindi agad ako nakasagot at nanatili lang ang tingin sa kaniya. “Depende.”
“Depende?” Kumunot ang noo niya habang matamang nakatitig sa akin.
“Depende kung sinong nanliligaw. Bakit? Natatakot ka ba na may manligaw sa ‘kin?” tanong ko at mahinang tumawa. It was supposed to be a joke, pero ni hindi man lang siya tumawa. Seryoso lang siyang nakatingin sa akin. Ilang saglit pa ay muli siyang nagsalita.
“Paano kung oo?”
KINABUKASAN ay tanghali na akong nagising. Nagising ako sa ingay nina Thalia, Jade at Mauve. Dito sila natulog kagabi dahil hindi na kinayang umuwi at siguradong pagagalitan si Nathalia kapag umuwi siyang wasted sa mala-mansion nilang bahay.
“Gising na ang prinsesa,” pang-aasar ni Jade nang gumising ako at kumakain sila sa kusina. Sitting pretty na ang gaga habang nagkakape.
“Bakit hindi n’yo ako ginising?” reklamo ko. Sa kwarto silang tatlo natulog at ako naman sa sala. Pagkapasok ko matapos akong ihatid ni Archie ay humihilik na ang tatlo sa pagtulog. Inokupa pa ni Jade ang kama ko kaya naman sa sala na lang ako natulog.
“Nakakahiya naman sa ‘yo, ang ganda pa ng pagkakanganga mo diyan,” dagdag ni Mauve na kumakain ng breakfast; sinangag, sunny-side up egg, at tocino. Bigla tuloy kumalam ang sikmura ko.
“Sino nga pa lang nag-drive sa atin kagabi? Was it Archie? Or Toshi?” tanong ni Thalia.
“Asa ka pa kay Toshi na maihahatid tayo nang ligtas. Kung siya ang nag-drive sa atin kagabi, malamang patay na tayo ngayon,” sagot ni Jade na sinang-ayunan din namin.
“So, si Archie?”
Tumango na lang si Mauve bilang sagot sa tanong ni Thalia. “Ang tagal nga ihatid dito ni Archie si Ace kagabi, eh, ayon tinulugan ko na lang. Buti hindi ko ni-lock ‘yong pinto,” reklamo ni Mauve at tiningnan ako.
“Landi n’yo!” Hinatak ni Jade ang buhok ko kaya napadaing ako.
“Is Archie courting you?” tanong ni Thalia habang kumakain kami. Nakiupo na rin ako at nagsimulang sumandok ng pagkain.
Natawa ako. “Magwawakas muna ang mundo bago mangyari ‘yon.”
“Ano ba ‘yan. Napakabagal naman ng kaibigan mo! Doon ka na lang kay Jared. Mabait ‘yon saka dean’s lister din gaya ni Archie. Crush ka raw no’n!” sabi ni Jade kaya tiningnan ko siya.
“Crush? Saan n’yo ba nakuha ‘yan ni Toshi? Baka naman gusto lang makipagkaibigan!” sabi ko. Parang imposible namang magka-crush sa ‘kin ‘yong ganoon.
Ano? Nakita niya akong nagka-cutting oras ng klase tapos crush niya na ako?
“Pareha lang ‘yon, gaga!” sabi ni Jade. “Crush ka niya kaya nga siya makikipagkaibigan.”
“Truth! Ang haba ng hair!” pang-aasar ni Mauve.
“Tigilan n’yo na nga ako,” saway ko. “Oo nga pala, mamayang hapon ang uwi ni Sienna. Sunduin natin siya,” dagdag ko.
Tumango naman sila at sumang-ayon. Linggo ngayon at wala naman akong pasok sa convenience store at gano’n din si Mauve. Sina Jade at Nathalia ay wala namang mga trabaho. Iba rin talaga kapag pinagpala sa buhay.
Hindi ako mayaman, at wala naman akong magulang na talagang nagpapaaral sa ‘kin. Sinusuportahan ko ang sarili ko. Mabuti na lang tinutulungan ako ng kaibigan ni Mama, ‘yong best friend niya na ninang ko raw. Mabait ‘yon at isa lang ang anak, lalaki na sobrang pasaway at spoiled brat. Hindi siya pinalad na magkaroon ng anak na babae kaya naman natutuwa raw siya sa akin. Tinutulungan niya ako sa pag-aaral magmula noong tumungtong ako sa kolehiyo.
Hindi naman kasi ako dapat tutuloy sa college pero sabi niya ay sayang naman daw at bakit hindi ko subukan.
Buti pa siya ay mabait sa akin, samantalang ‘yong nanay ko, parang hindi ako kilala. Pinapadalhan niya lang ako ng pera kapag kinokontak ko siya na kadalasan ay hindi ko naman ginagawa dahil mas nag-uumapaw ang pride ko. Pero minsan, napipilitan talaga akong manghingi ng tulong sa kaniya kapag walang-wala ako.
Pero hangga’t kaya ko, hinding-hindi ako humihingi ng tulong sa kaniya.
Alas-dos na nang makarating kami sa airport para sunduin si Sienna. Halos buong bakasyon din siyang nawala. Ang alam ko ay nag-stay siya roon sa probinsiya ng mama niya.
Malayo pa lang si Sienna ay agad na siyang sinalubong nila Thalia. Diyos ko, tumitili pa itong si Nathalia! Nakakahiya tuloy sa mga tao sa airport.
“Wow, itsurang galing sa bakasyon! Kumusta naman ‘yong nakatambak na lectures sa ‘yo?” bungad ni Jade. Magkakasama sina Jade, Sienna, at Toshi sa Architecture.
“Isang araw lang ‘yan kay Sienna,” sabi ni Mauve na ikinatawa na lang ni Sienna. Kinuha namin ‘yong ibang gamit niya para tulungan siyang magbuhat.
“Grabe, sinundo n’yo talaga akong apat?” sabi ni Sienna pero bakas ang tuwa sa mga mata.
Inakbayan ko siya. “Aba, siyempre! All for one, one for all nga, ‘di ba!”
“Tanga, may kapalit ‘to! Kailangan mo kaming ilibre,” saad ni Jade at nagsimula na kaming maglakad. Dala ni Nathalia ang kotse niya at siya rin ang maghahatid sa amin pauwi. Siya talaga ang service namin.
“Sige na nga, payday ko naman.”
“Joke lang! Libre ‘to ni Nathalia,” bawi ni Jade at pinanlakihan ng mata si Thalia. Nangbanta pa ang gaga.
“Oo naman, Sienna, babes. Sagot ko ‘to! Treat namin for your comeback!” Hindi naman umangal si Nathalia. Barya na lang sa kaniya ‘yang panlilibre sa amin.
“Fast food tayo. Meron diyan sa malapit. Nagsasawa na ako sa mamahaling restaurant, Nathalia,” sabi ni Mauve. Natawa na lang kami at sabay-sabay na nagpunta sa pinakamalapit na fast food.
Napuno ang hapon namin ng kulitan at kwentuhan tungkol sa kung ano-ano. Malapit kaming lahat sa isa’t-isa dahil high school pa lang ay magkakasama na kami. Si Mauve ang high school best friend ko dahil siya ang pinakauna kong nakilala sa kanila, tapos naging kaibigan namin sina Jade at Sienna na magkakilala at ‘di kalaunan ay naging kaibigan na rin namin si Nathalia noong sabay-sabay kaming sumali sa isang club noong highschool.
Nang matapos kaming kumain ay umuwi na rin kami. Gaya nga ng pambubudol ni Jade kanina ay si Nathalia nga ang nanlibre. Bago kami umalis ay dumaan muna kami sa isang coffee shop para bumili ng kape. Uuwi na rin kasi si Nathalia pagtapos niya kaming maihatid sa apartment. Kami na ni Mauve ang nagpresintang bumaba ng kotse para bumili.
Habang nasa counter kami ay bigla akong kinalabit ni Mauve. Nang tingnan ko siya ay may tinuturo siya gamit ang nguso niya. “Ano ba ‘yon?” tanong ko.
Nang sundan ko ng tingin ang sinesenyas niya ay nakita ko ang isang table malapit sa glass wall ng coffee shop.
“Si Dabin ba ‘yon?” bulong ni Mauve habang parehas kaming nakatingin sa isang babae na nagmamadaling iligpit ang mga gamit nito. Bakas dito ang labis na pagmamadali at pagiging aligaga. Para bang takot na takot siya.
Hindi ako sumagot kay Mauve. Nanatili lang na nakasunod ang tingin namin kay Dabin hanggang sa tuluyan itong makalabas ng coffee shop. Napakunot-noo na lang ako dahil sa pagtataka. Naagaw lang muli ang atensyon ko nang iabot sa amin ang kapeng in-order namin.